‘Ang Inyong Pagpapagal ay Hindi sa Walang Kabuluhan’
1 Tunay ngang nakapagpapatibay na kaisipan! Ang inyong pagpapagal sa paglilingkod kay Jehova ay hindi sa walang kabuluhan. (1 Cor. 15:58) Sa kabaligtaran, isipin kung paano nagpapagal at nagpupunyagi ang mga tao sa pagsisikap na pabutihin ang kanilang kalagayan sa buhay, o ang kanilang pinansiyal na kalagayan. Maaaring nagtataguyod sila ng mataas na edukasyon sa loob ng ilang taon o napaaalipin sa trabaho upang makaulos sa materyal na paraan. Subalit, dahilan sa “panahon at ang di-inaasahang pangyayari,” maaaring hindi nila kailanman matamo ang karangalang kanilang hinahanap, o kaya’y mapilitan silang maging kontento sa mas kakaunti kaysa kanilang minimithi sa materyal. Gaya ng “paghahabol sa hangin,” ang kanilang mga pagsisikap ay walang kabuluhan. (Ecles. 1:14; 9:11) Gaano nga kahalaga kung gayon, na tayo ay maraming ginagawa sa tanging gawain na hindi sa walang kabuluhan sapagkat ito ay may namamalaging kahalagahan!
2 Ang Gawain na Tunay na Mahalaga: Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang siyang pinakamahalagang gawain sa lupa. Ito ang gawaing kailangang maisagawa makinig man ang mga tao o hindi. Nais nating makapagsabi, gaya ni Pablo: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao, sapagkat hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng lahat ng payo ng Diyos.”—Gawa 20:26, 27.
3 Kapag ang mga tao ay nakinig at tumugon sa mensahe ng Kaharian, ano ngang kagalakan ito! Isang kabataang babae ang namatayan ng kaniyang tiyahin. Siya’y nag-iisip kung saan nagtungo ang kaniyang tiyahin—sa langit o sa impiyerno? Siya’y nanalangin sa Diyos ukol sa tulong, na ginagamit ang pangalang Jehova, gaya ng itinuro sa kaniya ng kaniyang kapatid na babae na gawin. Di-natagalan siya’y nag-aaral na ng Bibliya at dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Siya’y nagkaroon ng isang bagong pangmalas sa buhay at pinutol ang kaniyang kaugnayan sa mga barkada sa lansangan. Ang kabataang babaing ito ay tumigil sa paninigarilyo, paggamit ng droga, at pagnanakaw. Inamin niya: “Tanging ang pag-ibig kay Jehova ang nagpangyaring iwanan ko ang gayong masamang paraan ng pamumuhay. Si Jehova lamang dahil sa kaniyang dakilang awa ang makapagbibigay sa akin ng pag-asang buhay na walang hanggan.” Hindi na niya ginagamit ang kaniyang buhay sa mga tunguhing walang kabuluhan.
4 Kahit na tumatangging makinig ang mga tao, nakapagsasagawa pa rin kayo ng mga bagay na kapaki-pakinabang. Kanilang nalalaman na sila’y dinalaw ng mga Saksi ni Jehova. Ang inyong sariling integridad, katapatan, at pag-ibig ay napagtitibay. Kaya, ang inyo bang pagpapagal sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan? Hindi kailanman!