Samantalahin ang Pambihirang Pagkakataong Ito!
MALAPIT nang matapos si Peter sa kaniyang kurso sa medisina nang magkainteres siya sa mensahe ng Bibliya tungkol sa kaligtasan. Nang siya’y makatapos at magsimulang magtrabaho bilang doktor sa isang ospital, patuloy siyang pinasigla ng mga nakatataas sa kaniya na magpakadalubhasa bilang isang neurosurgeon. Ito ay isang pagkakataong sasamantalahin kaagad ng maraming bagong doktor.
Gayunman, pinalampas ni Petera ang pagkakataong ito. Bakit? Talaga lamang bang wala siyang ambisyon at pagkukusang kailangan? Hindi, sapagkat ang alok ay pinag-isipang mabuti ni Peter. Pagkatapos na maging isang nakaalay, bautisadong Saksi ni Jehova, nais niyang gumugol ng pinakamalaking panahon hangga’t maaari sa iba’t ibang pitak ng Kristiyanong ministeryo. Kapag naging isa siyang neurosurgeon, ang katuwiran niya, higit at higit na panahon at lakas niya ang uubusin ng kaniyang trabaho. Siya ba’y isang mangmang para palampasin ang natatanging pagkakataong ito, o siya ba’y matalino?
Sa ilan, waring isang kamangmangan ang pasiya ni Peter. Gayunman, isinaalang-alang niya ang mga teksto sa Bibliya gaya ng Efeso 5:15, 16. Doon ay hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.”
Pakisuyong bigyang-pansin ang pananalitang “naaangkop na panahon.” Ito ay isinalin buhat sa Griegong salita na karaniwang ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa isang panahon o yugto na makikilala sa pamamagitan ng ilang katangian o angkop para sa isang espesipikong gawain. Idiniin dito ni Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat na maglaan ng panahon para sa mahahalagang bagay. Sa katunayan, kailangan nilang ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Iyon ay may kinalaman sa pagtatakda ng mga bagay na dapat unahin.
Kaya ano, kung gayon, ang layunin ng Diyos para sa ating panahon? Ano ang kalooban ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya? Maliwanag na ipinakikilala ng mga hula sa Bibliya ang ating kaarawan bilang “ang panahon ng kawakasan,” o ang “mga huling araw.” (Daniel 12:4; 2 Timoteo 3:1) Tiniyak ni Kristo Jesus kung ano ang magiging pinakamahalaga sa ating kaarawan. Espesipikong sinabi niya na bago ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” Kung magkagayo’y saka lamang darating ang wakas.—Mateo 24:3, 14.
Samakatuwid, kailangan nating samantalahin ang lahat ng pagkakataon upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Yamang ang gawaing ito ay hindi na mauulit pang muli, ito na ang huling pagkakataon upang ibigay ang ating buong makakaya sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. “Ngayon ang lalo nang kaayaayang panahon.” Sa katunayan, “ngayon ang araw ng kaligtasan.”—2 Corinto 6:2.
Matalinong Pagpapasiya
Masusing pinag-isipan ni Peter—ang kabataang nabanggit sa simula—ang kaniyang pasiya at pinagtimbang-timbang ang kaniyang mga mapagpipilian. Natalos niya na hindi naman mali para sa kaniya ang mag-aral sa layuning maging isang neurosurgeon. Subalit ano ba ang pinakamahalaga para sa kaniya? Iyon ay ang kaniyang Kristiyanong ministeryo, kung isasaalang-alang ang pagkaapurahan ng gawaing ito. Kasabay nito, may mga obligasyon siyang dapat gampanan. Siya’y may asawa at kailangang suportahan ang kaniyang kabiyak, na buong-panahong nakikibahagi sa gawaing pangangaral. (1 Timoteo 5:8) Kailangan ding bayaran ni Peter ang mga inutang para sa kaniyang pag-aaral. Ano, kung gayon, ang ipinasiya niyang gawin?
Nagpasiya si Peter na magpakadalubhasa sa radiology at sa pagsusuri sa pamamagitan ng ultrasound. Pangkaraniwang araw ng trabaho lamang ang nasasangkot sa gawaing ito. Makapagsasanay rin siya sa regular na mga oras ng trabaho. Oo, baka ituring ng ilan na ito ay isang hindi gaanong mataas na posisyon, ngunit bibigyan siya nito ng higit na panahon para sa espirituwal na mga tunguhin.
Isa pang bagay na isinaalang-alang ang umakay sa pasiya ni Peter. Samantalang hindi hinahatulan ang iba na maaaring hindi gayon ang magiging pasiya, alam niya na mapanganib para sa isang Kristiyano ang labis na pagkasangkot sa sekular na mga bagay. Maaaring maging sanhi iyon ng pagpapabaya niya sa espirituwal na mga pananagutan. Ito ay inilalarawan sa isa pang halimbawa na may kinalaman sa trabaho.
Isang buong-panahong mangangaral ng Kaharian ang isang mahusay na pintor. Natutustusan niya ang sarili sa pamamagitan ng pagbebenta ng kaniyang mga pinta. Habang ginugugol ang malaking bahagi ng kaniyang panahon sa pinakamahalagang Kristiyanong ministeryo, sa gayo’y maalwan niyang natutustusan ang kaniyang sarili. Subalit, tinubuan siya ng hangaring pasulungin pa ang kaniyang karera sa pagpipinta. Nagbuhos siya ng higit na panahon sa pagpipinta at sa daigdig ng sining, anupat huminto sa buong-panahong ministeryo, at sa dakong huli ay naging ganap na di-aktibo kung tungkol sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Nang maglaon, nasangkot siya sa di-maka-Kasulatang paggawi, na humantong sa kaniyang pagkatiwalag mula sa Kristiyanong kongregasyon.—1 Corinto 5:11-13.
Natatangi ang Ating Panahon
Bilang mga lingkod ni Jehova sa ngayon, tiyak na ibig nating manatiling tapat sa kaniya. Batid natin na tayo’y nabubuhay sa namumukod-tanging panahon sa kasaysayan ng tao. Upang makapanatiling naglilingkod sa Diyos at maharap nang mahusay ang kasalukuyang mga kalagayan, baka kailangan nating gumawa ng iba’t ibang pagbabago. Maihahalintulad natin ito sa panahon ng pag-aani para sa isang magsasaka. Iyan ang panahon ng pantanging gawain, na ang mga manggagawa sa bukid ay inaasahang magpapagal nang di-karaniwan at magtatrabaho nang mas mahabang panahon sa maghapon. Bakit? Sapagkat ang ani ay kailangang tipunin sa isang maikling yugto ng panahon.
May napakaikling panahon na lamang na nalalabi para sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Ngayon higit kailanman, kailangang magsumikap nang husto ang isang tunay na Kristiyano upang tularan ang halimbawa ni Jesus at sundan ang kaniyang yapak. Ang kaniyang landasin ng buhay sa lupa ay maliwanag na nagpakita kung ano ang pinakamahalaga sa kaniya. Sinabi niya: “Dapat nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang araw pa; ang gabi ay dumarating kung kailan wala nang taong makagagawa.” (Juan 9:4) Sa pagsasabing ang gabi ay dumarating, tinutukoy ni Jesus ang panahon ng kaniyang pagsubok, pagkakabayubay, at kamatayan, na tatapos sa kaniyang ministeryo sa lupa at hindi na niya magagawa ang mga gawa ng kaniyang makalangit na Ama.
Totoo, sa kaniyang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo, ginugol ni Jesus ang ilan sa kaniyang panahon sa paggawa ng mga himala at pagpapagaling ng mga maysakit. Gayunpaman, ginamit niya ang karamihan sa kaniyang panahon upang mangaral ng mensahe ng Kaharian at “mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag” ng huwad na relihiyon. (Lucas 4:18; Mateo 4:17) Marubdob na nagsikap si Jesus sa kaniyang ministeryo at gumugol din ng panahon upang sanayin ang kaniyang mga alagad upang sila’y makapagtayo sa pundasyon na inilatag niya at mabisang makapagpatuloy sa gawaing pangangaral. Sinamantala ni Jesus ang lahat ng pagkakataon upang itaguyod ang interes ng Kaharian at ibig niyang gayundin ang gawin ng kaniyang mga alagad.—Mateo 5:14-16; Juan 8:12.
Tulad ni Jesus, ang pangmalas natin bilang kaniyang modernong-panahong mga tagasunod sa kalagayan ng sangkatauhan ay kailangang katulad niyaong pangmalas ng Diyos na Jehova. Nauubos na ang panahon ng sistemang ito ng mga bagay, at may-kaawaang nagnanais ang Diyos na ang lahat ay magkaroon ng pagkakataong makaligtas. (2 Pedro 3:9) Samakatuwid, hindi ba isang katalinuhan na ang lahat ng iba pang tunguhin ay gawing pangalawa lamang sa paggawa ng kalooban ni Jehova? (Mateo 6:25-33) Lalo na sa natatanging panahong tulad nito, ang isang bagay na pangkaraniwan nang ituturing na mahalaga ay maaaring maging hindi gaanong mahalaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano.
Pagsisihan kaya ng sinuman sa atin ang pag-una sa kalooban ng Diyos sa ating buhay? Talagang hindi, sapagkat ang mapagsakripisyo-sa-sariling landasin ng Kristiyano ay lipos ng gantimpala. Halimbawa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
Hindi matutumbasan ng salapi ang gantimpalang tinatamasa niyaong gumagamit ng kanilang panahon upang purihin si Jehova at ihayag ang mensahe ng Kaharian. Napakaraming pagpapala ang tinatamasa nila! Kasali rito ang tunay na mga kaibigan, ang kasiyahan sa paggawa ng kalooban ng Diyos, ang ngiti ng pagsang-ayon ng Diyos, at ang pag-asang buhay na walang-hanggan. (Apocalipsis 21:3, 4) At ano ngang laking pagpapala na tulungan ang mga tao sa espirituwal na paraan at magdulot ng karangalan sa banal na pangalan ni Jehova bilang kaniyang mga Saksi! Walang alinlangan, ang ‘pagbili ng naaangkop na panahon’ ay totoong isang matalino at kasiya-siyang landasin. Ngayon higit kailanman ang panahon upang makibahagi sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Inyo bang sasamantalahin at hahawakang mahigpit ang pambihirang pagkakataong ito?
[Talababa]
a Ipinalit na pangalan.