Paano Natin Matutulungan ang Di-Saksing mga Kabiyak?
1 Maraming mga lingkod ni Jehova ang may asawang palakaibigan sa mga kapatid at nagpapakita ng interes sa kongregasyon ngunit bantulot na maging mga lingkod ng Diyos. Inamin ng isang asawang lalaki: “Ang ideya ng pagbabahay-bahay ay isang napakalaking hadlang sa akin.” Ang iba naman ay maaaring may di-makakasulatang mga gawain na kailangan nilang mapagtagumpayan, o baka iniisip nilang hindi nila makakayang tuparin kailanman ang abalang teokratikong iskedyul ng kani-kanilang asawa. Paano natin sila matutulungan?
2 Magpakita ng Personal na Interes: Ang pagpapakita ng personal na interes sa iba at ang pagbibigay-pansin sa kanilang mga alalahanin ay maaaring magbukas ng daan upang tumugon sila sa katotohanan sa Bibliya. (Fil. 2:4) Madalas banggitin ng mga asawa na dating hindi kapananampalataya ang maibiging interes na ipinakita sa kanila ng iba. “Nagpakita ng pantanging interes sa akin si José, isang elder sa kongregasyon,” ang paliwanag ng asawang lalaki na sinipi sa itaas. “Sa palagay ko, ang pampatibay-loob niya ang nagtulak sa akin sa wakas upang magsimulang mag-aral nang puspusan.” Nagunita ng isa pang asawang lalaki ang pagsisikap ng mga kapatid na dumadalaw na kausapin siya tungkol sa kaniyang mga interes. “Nagbago nang lubusan ang aking pananaw sa pananampalataya [ng asawa ko],” ang sabi niya. “Matatalino ang mga kaibigan niya at mahusay makipag-usap hinggil sa iba’t ibang paksa.”—1 Cor. 9:20-23.
3 Magbigay ng Praktikal na Tulong: Maaari ring maantig ang di-Saksing mga kabiyak sa mabait na pagtulong sa kanila. (Kaw. 3:27; Gal. 6:10) Nang masira ang sasakyan ng isang asawang di-sumasampalataya, tinulungan siya ng isang kabataang Saksi. “Napahanga ako roon,” ang gunita niya. Isa pang kapatid na lalaki ang gumugol ng isang buong araw para tulungan ang di-sumasampalatayang asawa ng isang sister na magtayo ng bakod sa lupa niya. Habang magkasamang gumagawa at nag-uusap, naging magkaibigan sila. Pagkalipas ng dalawang linggo, lumapit ang asawang lalaki sa kapatid na lalaki at nagsabi: “Panahon na para gumawa ako ng ilang pagbabago sa buhay ko. Puwede bang ikaw ang magdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa akin?” Mabilis siyang sumulong at isa na ngayong bautisadong Saksi.
4 Habang patuloy nating hinahanap ang mga karapat-dapat sa ating teritoryo, patuloy nating tulungan ang mga asawa ng ating mga kapananampalataya.—1 Tim. 2:1-4.