Magpatuloy sa Pangangaral
1 Nabubuhay na tayo sa mapanganib na mga panahon. Pangkaraniwan na lamang ang sibil na mga alitan, digmaan dahil sa lahi, likas na mga kasakunaan, at iba pang nakapanghihilakbot na mga pangyayari. Ngayon higit kailanman, kailangan ng pamilya ng tao ang mabuting balita. Gayunman, laganap ang kawalang-interes sa espirituwal na mga bagay. Sa ilang lugar, maaaring mahirap masumpungan ang mga tao sa kanilang tahanan at lalo pa ngang mahirap humanap ng mga taong makikinig sa atin o nagnanais na mag-aral ng Bibliya. Magkagayunman, mahalagang magpatuloy tayo sa pangangaral ng mabuting balita hinggil sa naitatag nang Kaharian ng Diyos.—Mat. 24:14.
2 Pag-ibig sa mga Tao: Itinatawag-pansin ng ating pangangaral ang pag-ibig ni Jehova sa mga tao. “Hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Ped. 3:9; Ezek. 33:11) Kaya nga, iniutos niyang “sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita,” gaya ng sinabi ni Jesus. (Mar. 13:10) Namamanhik ang Diyos sa mga tao na bumaling sila sa kaniya at tumakas sa dumarating na paghatol sa sanlibutan ni Satanas. (Joel 2:28, 29, 32; Zef. 2:2, 3) Hindi ba tayo nagagalak na binigyan tayo ni Jehova ng gayong oportunidad?—1 Tim. 1:12, 13.
3 Ipinakikita ng pambuong-daigdig na ulat na noong 2004 taon ng paglilingkod, may aberids na 6,085,387 pag-aaral sa Bibliya ang idinaos bawat buwan, at may aberids na mga 5,000 bagong alagad ang nabautismuhan bawat linggo! Ang ilan sa kaaalay na mga indibiduwal na ito ay nasumpungan dahil sa pagpapala ni Jehova sa patuluyang pagpapagal ng mga mamamahayag na nagsikap makipag-usap sa lahat ng tao sa mga teritoryong nakaatas sa kanila. Kaylaking kagalakan ang idinulot nito sa mga kongregasyon, at kaylaking pribilehiyo na maging kamanggagawa ng Diyos sa nagliligtas-buhay na gawaing ito!—1 Cor. 3:5, 6, 9.
4 Pagpuri sa Pangalan ng Diyos: Nagpapatuloy tayo sa pangangaral upang purihin si Jehova sa madla at pabanalin ang kaniyang pangalan sa buong sangkatauhan. (Heb. 13:15) Inililigaw ni Satanas ang “buong tinatahanang lupa,” anupat pinaniniwala ang mga tao na hindi kayang lunasan ng Diyos ang mga problema ng sangkatauhan, na ipinagwawalang-bahala niya ang pagdurusa ng mga tao, o na hindi talaga siya umiiral. (Apoc. 12:9) Sa pamamagitan ng ating pangangaral, ipinagtatanggol natin ang katotohanan hinggil sa ating kamangha-mangha at makalangit na Ama. Patuloy nawa nating purihin ang kaniyang pangalan—ngayon at magpakailanman.—Awit 145:1, 2.