“Hindi Ako Interesado”
1 Iyan ang karaniwang tugon sa ating mensahe sa ilang lugar. Ano ang tutulong sa atin upang hindi masiraan ng loob kapag walang interes ang mga tao sa ating teritoryo? Paano natin mapupukaw ang interes nila sa mabuting balita?
2 Panatilihin ang Kagalakan: Kung tatandaan natin ang dahilan ng kawalang-interes ng mga tao, hindi mawawala ang ating kagalakan. Maaaring hindi pa natatalos ng mga taong naturuan tungkol sa teoriya ng ebolusyon o pinalaki sa isang lipunang hindi naniniwala sa Diyos ang kahalagahan ng Bibliya. Baka naman nasiphayo na ang iba dahil sa pagpapaimbabaw na nasaksihan nila sa relihiyon. Para naman sa ilan, masasalamin sa kanilang kawalan ng interes ang nadarama nilang kabiguan at kawalang-pag-asa. (Efe. 2:12) Ang ilan ay ‘hindi nagbibigay-pansin’ dahil napabibigatan sila ng mga kabalisahan sa buhay.—Mat. 24:37-39.
3 Negatibo man ang pagtugon ng ilan, magagalak tayo sa ating ministeryo sa pagkaalam na ang ating mga pagsisikap ay lumuluwalhati kay Jehova. (1 Ped. 4:11) Karagdagan pa, napatitibay ang ating pananampalataya kapag ipinakikipag-usap natin sa iba ang tungkol sa katotohanan, kahit na sa mga taong hindi pa nagpapahalaga rito. Sikapin nating tularan ang pangmalas ni Jehova sa mga tao sa ating teritoryo. Naawa siya sa mga tao sa Nineve na hindi “nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa.” (Jon. 4:11) Kailangan ng mga tao sa ating teritoryo ang mabuting balita! Kaya huwag tayong susuko, sa halip ay humanap ng mga paraan upang pukawin ang kanilang interes sa mensahe ng Bibliya.
4 Ipakipag-usap ang mga Ikinababahala sa Inyong Lugar: Marahil ay puwede mong banggitin sa iyong pambungad ang tungkol sa isang bagay na ikinababahala sa inyong lugar at tanungin mo ang may-bahay kung ano ang masasabi niya tungkol dito. Makinig habang nagsasalita siya, saka ipakita sa kaniya ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya bilang tugon sa kaniyang ikinababahala. Pagkatapos ng isang trahedya sa kanilang lugar, binabanggit ng isang Saksi sa mga taong nakakausap niya sa bahay-bahay ang pagkalungkot niya sa pangyayaring iyon. “Agad nagkokomento ang mga tao,” ang sabi niya. “Marami akong nakausap nang araw na iyon dahil nagpakita ako ng personal na interes sa kanila.”
5 Lulutasin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng problemang napapaharap sa sangkatauhan. Sikaping malaman ang problema na lubhang ikinababahala ng may-bahay. Baka pahintulutan ka niyang ipaliwanag ang mensahe ng pag-asa mula sa Bibliya. Kung hindi naman, baka maganyak siyang makinig “sa iba pang pagkakataon.”—Gawa 17:32.