May Maibibigay Tayo kay Jehova
1 Alam ba ninyo na may naibibigay ang mga tao sa Diyos? Si Abel ay naghain kay Jehova ng ilan sa kaniyang mahahalagang alagang hayop, at sina Noe at Job ay gumawa ng gayunding paghahandog. (Gen. 4:4; 8:20; Job 1:5) Sabihin pa, hindi naman pinayayaman ng gayong mga handog ang Maylalang yamang siya ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay. Pero ipinakikita ng mga haing ito ang matinding pag-ibig sa Diyos ng tapat na mga lalaking iyon. Sa ngayon, magagamit natin ang ating panahon, lakas, at pag-aari upang magbigay ng “hain ng papuri” kay Jehova.—Heb. 13:15.
2 Panahon: Kapuri-puri ngang ‘bilhin’ ang panahon mula sa di-gaanong mahahalagang bagay upang makabahagi nang lubusan sa ministeryo! (Efe. 5:15, 16) Marahil maaari nating baguhin ang ating iskedyul upang makapag-auxiliary pioneer tayo ng isang buwan o higit pa bawat taon. Baka puwede rin nating dagdagan ang panahong ginugugol natin sa ministeryo. Kung maglilingkod lamang tayo ng karagdagang 30 minuto linggu-linggo, madaragdagan ng dalawang oras ang ating ministeryo bawat buwan!
3 Lakas: Upang may lakas tayong magagamit sa ministeryo, kailangan nating iwasan ang mga libangan at trabaho na nakakapagod nang husto anupat hindi na natin maibigay kay Jehova ang ating buong makakaya. Kailangan din nating isaisantabi ang mga kabalisahan na maaaring ‘magpayukod’ ng ating puso, anupat wala na tayong lakas na magagamit sa paglilingkod sa Diyos. (Kaw. 12:25) Kahit pa makatuwiran naman ang ating ikinababahala, mas mabuting ‘ihagis ang ating pasanin kay Jehova’!—Awit 55:22; Fil. 4:6, 7.
4 Pag-aari: Maaari din tayong magbigay ng ating materyal na mga pag-aari para suportahan ang gawaing pangangaral. Hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na regular na ‘magbukod ng anuman’ upang may maibigay sila sa mga nangangailangan. (1 Cor. 16:1, 2) Sa katulad na paraan, maaari tayong magtabi ng pondo na maiaabuloy natin para sa mga pangangailangan ng ating kongregasyon gayundin sa pambuong-daigdig na gawain. Pinahahalagahan ni Jehova ang anumang ibinibigay natin nang buong puso, kahit pa nga maliit lamang ito.—Luc. 21:1-4.
5 Napakarami nang naibigay sa atin ni Jehova. (San. 1:17) Maipakikita natin ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng saganang pagbibigay ng ating panahon, lakas, at iba pang pag-aari para paglingkuran siya. Nalulugod si Jehova sa paggawa natin nito, sapagkat “iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Cor. 9:7.