Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 7/22 p. 5-11
  • Mabuhay Nang Mas Mahaba at Mas Mabuti ang Pakiramdam

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mabuhay Nang Mas Mahaba at Mas Mabuti ang Pakiramdam
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkilala sa mga Harang
  • Mga Kinaugalian na Nakaaapekto sa mga Magagawa Mo sa Buhay
  • Malaki ang Nagagawa ng Kapaligiran
  • Makukuha​—Mababang Halaga Ngunit Mabisang Medikal na Pangangalaga
  • Isang Bagong Depensa sa Pakikipagbaka sa Tuberkulosis
    Gumising!—1999
  • Tagumpay at Trahedya
    Gumising!—1997
  • Kagila-gilalas ang Pagkakagawa Upang Mabuhay, Hindi Upang Mamatay
    Gumising!—1988
  • Pangglobong Solusyon—Posible Kaya?
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 7/22 p. 5-11

Mabuhay Nang Mas Mahaba at Mas Mabuti ang Pakiramdam

GUNIGUNIHIN na ang buhay ng isang tao ay gaya ng isang mahabang hurdle race​—isang karera na doo’y lulundag ang mga mananakbo sa ibabaw ng mga harang. Sabay-sabay na nagsimula ang lahat ng mananakbo; ngunit habang nilulundag nila at paminsan-minsang tinatamaan ang mga harang, ang mga mananakbo ay bumabagal, at parami nang parami ang humihinto.

Sa katulad na paraan, ang buhay ng tao ay may isang pasimula at matataas na harang na daraanan. Habang nabubuhay ang isang tao, sunud-sunod na mga harang ang nakakaharap niya. Sa bawat paglundag ay humihina siya, at pagsapit ng panahon, susuko na siya. Habang tumataas ang mga harang, mas madali siyang huminto, o mamatay. Kung ang isa ay namumuhay sa isang maunlad na lipunan, ang punto ng paghinto ay dumarating pagsapit ng edad na mga 75. Ang yugtong ito ng panahon ay tinatawag na katamtamang haba ng buhay ng tao​—maihahambing sa distansiya na karaniwang nararating ng karamihan sa mga mananakbo.a (Ihambing ang Awit 90:10.) Subalit may ilang tao na mas mahaba ang tinatakbo, at ang ilan ay umaabot pa nga sa inaakalang sukdulang haba ng buhay ng tao, 115 hanggang 120 taon​—isang tagumpay na sadyang pambihira anupat napapabalita sa buong daigdig.

Pagkilala sa mga Harang

Ang mga tao ngayon ay makatatagal na sa karera nang halos doble sa haba ng panahon na nagagawa nila noong nagsisimula ang siglong ito. Bakit? Pangunahin na, dahil sa nagawa ng tao na maibaba ang mga pinakaharang. Subalit ano ba ang mga harang na ito? Lalo pa kayang mapapababa ang mga ito?

Ipinaliwanag ng isang eksperto sa kalusugang pambayan ng World Health Organization (WHO) na ang ilan sa mga pangunahing pinakaharang, o salik, na nakaaapekto sa inaasahang haba ng buhay ng tao ay ang mga kinaugalian, kapaligiran, at medikal na pangangalaga.b Kaya naman, kapag mas mahusay ang iyong mga kinaugalian, mas maunlad ang iyong kapaligiran, at mas mahusay ang medikal na pangangalaga sa iyo, magiging mas mababa ang mga pinakaharang at maaaring mas mahaba ang itatagal ng iyong buhay. Bagaman lubhang nagkakaiba-iba ang mga kalagayan ng mga tao, halos lahat​—mula sa isang direktor ng bangko sa Sydney hanggang sa isang tindero sa kalye sa São Paulo​—ay may magagawa upang mapababa ang mga pinakaharang sa kaniyang buhay. Paano?

Mga Kinaugalian na Nakaaapekto sa mga Magagawa Mo sa Buhay

“Hindi lamang mas mahaba ang buhay ng mga taong may mabuting kaugaliang pangkalusugan, kundi sa gayong mga tao, naaantala rin at nauuwi na lamang sa mga huling taon ng kaniyang buhay ang panahon na siya’y nawawalan ng kakayahan,” ulat ng The New England Journal of Medicine. Sa katunayan, ang unang pinakaharang ay maaaring ibaba kung babaguhin ang mga kinaugalian na gaya ng pagkain, pag-inom, pagtulog, paninigarilyo, at pag-eehersisyo. Halimbawa, isaalang-alang ang kaugalian sa pag-eehersisyo.

Mga kinaugaliang pisikal na ehersisyo. Kapaki-pakinabang ang katamtamang pisikal na ehersisyo. (Tingnan ang kahon na “Gaano Karami at Anong Uri ng Ehersisyo?”) Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang simpleng mga ehersisyo sa loob at sa palibot ng tahanan ay tumutulong sa matatanda, pati na sa ‘pinakamatandang matanda,’ upang muling lumakas at sumigla. Halimbawa, natuklasan ng isang grupo ng matatanda na ang edad ay 72 hanggang 98 na mas mabilis silang makalakad at mas madaling makaakyat ng hagdan matapos mag-ehersisyo na gumagamit ng barbel sa loob lamang ng sampung linggo. At hindi nakapagtataka! Ipinakita ng mga pagsusuri na ginawa matapos ang programa sa ehersisyo na ang lakas ng kalamnan ng mga lumahok ay higit pa sa dumoble. Nag-ehersisyo nang dalawang beses isang linggo ang isa pang grupo na binubuo halos ng mga palaupong kababaihan na ang edad ay hanggang 70. Pagkaraan ng isang taon, lumaki ang kanilang kalamnan, naragdagan ang kanilang lakas, panimbang, at naging siksik ang kanilang mga buto. “Nang magsimula kami, nangangamba kami na baka may mapatid na mga litid, pumutok na mga gatil, mabaltak na mga kalamnan,” sabi ng pisyologong si Miriam Nelson, na nagsagawa ng pag-aaral. “Ngunit sa halip ay naging mas malalakas at mas malulusog sila.”

Bilang pagbubuod sa mga resulta ng ilang siyentipikong pag-aaral hinggil sa pagtanda at ehersisyo, ganito ang sabi ng isang aklat-aralin: “Pinababagal ng ehersisyo ang proseso ng pagtanda, pinahahaba ang buhay, at binabawasan ang yugto ng pagdepende sa iba na kadalasang nangyayari bago ang kamatayan.”

Mga kinaugaliang ehersisyo para sa isip. Ang kasabihang “Gamitin mo ito kundi’y mawawala ito” ay waring kumakapit hindi lamang sa mga kalamnan kundi pati sa isip. Bagaman ang pagtanda ay may kasamang pagkamalilimutin, ipinakikita ng isang pag-aaral na isinagawa ng U.S. National Institute on Aging na ang utak ng matatanda ay nanatiling madaling hutukin upang makayanan ang mga epekto ng pagtanda. Kaya naman, sabi ng propesor sa neurology na si Dr. Antonio R. Damasio: “Ang mas matatandang tao ay makapagpapatuloy na magkaroon ng totoong makabuluhan at malusog na kaisipan.” Ano ang dahilan kung bakit patuloy na madaling hutukin ang utak ng matatanda?

Ang utak ay binubuo ng 100 bilyong selula ng utak, o mga neuron, at trilyun-trilyong koneksiyon sa pagitan ng mga ito. Ang mga koneksiyong ito ay umaandar na gaya ng mga linya ng telepono na nagpapangyari sa mga neuron na “makipag-usap” sa isa’t isa upang lumikha ng memorya, bukod sa iba pang bagay. Habang nagkakaedad ang utak, namamatay ang mga neuron. (Tingnan ang kahon na “Isang Bagong Pangmalas sa mga Selula ng Utak.”) Gayunman, nagagawang tumbasan ng matatandang utak ang nawalang mga neuron. Kailanma’t nanahimik na ang isang neuron, ang mga kapitbahay nito ay agad na tumutugon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagong koneksiyon sa iba pang neuron at pagbalikat sa gawain ng nawalang neuron. Sa ganiyang paraan, aktuwal na inililipat ng utak ang pananagutan para sa isang takdang gawain mula sa isang bahagi tungo sa ibang bahagi ng utak. Kaya naman, maraming matatandang tao ang nakapag-iisip na gaya ng mga kabataan, ngunit baka gumagamit sila ng naiibang bahagi ng utak upang magawa iyon. Sa ilang paraan, ang mas matandang utak ay gumagana na parang isang mas matandang manlalaro ng tennis na tinutumbasan ang kaniyang kabagalan sa pamamagitan ng mga kakayahang maaaring wala sa mga nakababatang manlalaro. Gayunman, sa kabila ng paggamit ng mga paraan na naiiba sa mga nakababata sa kaniya, nakapupuntos pa rin ang nakatatandang manlalaro.

Ano ang maaaring gawin ng matatanda upang patuloy na makapuntos? Pagkatapos pag-aralan ang mahigit sa 1,000 tao na ang edad ay nasa pagitan ng 70 at 80, natuklasan ng mananaliksik sa gerontology na si Dr. Marilyn Albert na ang ehersisyo sa isip ay isa sa mga salik na tumitiyak kung sinong matatanda ang makapananatiling may kakayahan sa matalinong pag-iisip. (Tingnan ang kahon na “Panatilihing Madaling Hutukin ang Isip.”) Pinananatiling buháy ng ehersisyo para sa isip ang ‘mga linya ng telepono’ sa utak. Sa kabilang banda naman, sabi ng mga eksperto, nagsisimula ang pagpurol ng isip “kapag ang mga tao ay nagretiro, nagpasiyang magrelaks na lamang at huwag nang magtrabaho, at nagsabing hindi na nila kailangan pang sumubaybay sa mga pangyayari sa daigdig.”​—Inside the Brain.

Kaya ang mabuting balita, paliwanag ng gerontologist na si Dr. Jack Rowe, ay na “ang mga salik na kaya nating kontrolin o maaari nating baguhin ay dapat na makaragdag sa ating kakayahan na tumanda nang matagumpay.” Isa pa, hindi pa huli ang lahat para magsimulang magkaroon ng mabubuting kinaugalian. “Kahit na nagkaroon ka ng mga kaugaliang nakasasama sa kalusugan sa kalakhang bahagi ng iyong buhay at nagbago ka sa bandang huli,” sabi ng isang mananaliksik, “aanihin mo pa rin sa paanuman ang mga gantimpala ng isang mabuting istilo ng pamumuhay.”

Malaki ang Nagagawa ng Kapaligiran

Kung ang isang batang babae na isinilang ngayon sa London ay ibabalik sa London noong panahon ng Edad Medya, ang inaasahang haba ng kaniyang buhay ay magiging wala pa sa kalahati ng sa ngayon. Ang pagkakaibang iyon ay sanhi, hindi ng isang biglaang pagbabago sa pisikal na kalagayan ng batang babae, kundi sa halip, ng mabilis na pagbabago sa taas ng dalawa pang pinakaharang​—ang kapaligiran at ang medikal na pangangalaga. Una, tingnan natin ang kapaligiran.

Pisikal na kapaligiran. Noon, ang pisikal na kapaligiran ng tao​—halimbawa, ang kaniyang tahanan​—ay isang napakalaking panganib sa kalusugan. Subalit nitong nakaraang mga dekada, nabawasan ang mga panganib na sanhi ng pisikal na kapaligiran. Ang mas mahusay na sanitasyon, mas ligtas na tubig, at pagkabawas ng mga insekto sa tahanan ay nagpabuti sa kapaligiran ng tao, nakatulong sa kaniyang kalusugan, at nagpahaba sa kaniyang buhay. Bunga nito, sa maraming lugar sa daigdig, mas malayo na ang nararating ng tao.c Gayunman, hindi lamang ang pagkakabit ng mga tubo at gripo ng tubig sa loob ng bahay ang kailangan para maibaba ang pinakaharang na ito. Kailangan din ang pagpapanatili ng mahusay na kapaligiran sa lipunan at sa relihiyon.

Kapaligirang panlipunan. Ang kapaligiran sa iyong lipunan ay binubuo ng mga tao​—ang mga kasama mong namumuhay, nagtatrabaho, kumakain, sumasamba, at naglalaro. Bumubuti ang iyong pisikal na kapaligiran kapag mayroon kang ligtas na tubig; sa katulad na paraan, maaaring bumuti ang kapaligirang panlipunan kapag mayroon kang pinahahalagahang mga kasama, bilang isang pangunahing salik. Kapag naibabahagi mo sa iba ang iyong mga kagalakan at kalungkutan, mga pangarap at kabiguan, bumababa ang mga pinakaharang sa kapaligiran at natutulungan ka na magkaroon ng mas mahabang buhay.

Gayunman, totoo rin ang kabaligtaran nito. Ang pag-iisa ay maaaring maging sanhi ng kalungkutan at pagkabukod sa lipunan. Malamang na manghina ka kung hindi ka makatatanggap ng mga kapahayagan ng pagmamalasakit mula sa mga tao sa iyong paligid. Ganito ang isinulat ng isang babae na nakatira sa isang tahanan para sa matatanda sa isa niyang kakilala: “Ako’y 82 anyos at narito na ako sa tahanang ito sa loob ng 16 na mahahabang taon. Mabuti naman ang pakikitungo nila sa amin, pero ang kalungkutan kung minsan ay mahirap tiisin.” Nakalulungkot, ang kalagayan ng babaing ito ay karaniwan na sa maraming matatanda, lalo na sa mga bansang Kanluranin. Kadalasang namumuhay sila sa isang lipunan na nagpaparaya sa kanila ngunit bihira naman silang pahalagahan. Bunga nito, “ang kalungkutan ay isa sa pangunahing mga kalagayan na palaging nagsasapanganib sa kalusugan ng matatanda sa mauunlad na bansa,” sabi ni James Calleja, ng International Institute on Ageing.

Totoo, baka hindi mo mababago ang mga kalagayan na nagpapalungkot sa iyo​—gaya ng sapilitang pagreretiro, unti-unting paghina ng kakayahang kumilos, pagkawala ng matatagal nang mga kaibigan, o pagkamatay ng isang kabiyak​—ngunit makagagawa ka pa rin ng ilang hakbang upang maibaba ang pinakaharang na ito tungo sa antas na makakayanan mo. Una sa lahat, tandaan na ang kalungkutan ay hindi dulot ng katandaan; may ilang kabataan na malungkot din. Ang katandaan ay hindi siyang sanhi ng suliranin​—kundi ang pagiging nakabukod sa mga tao. Ano ang magagawa mo upang maiwasan mong mapalayo sa ibang tao?

“Maging isa kang kanais-nais na kasama para sa ibang tao,” payo ng isang matandang biyuda. “Iilang tao lamang ang matutuwang makisama sa isang masungit na tao. Kailangan mong sikaping maging masayahin. Totoo, mangangailangan iyan ng pagsisikap, pero sulit ang lakas na gugugulin mo. Ang kabaitan ay nagbubunga ng kabaitan.” Idinagdag pa niya: “Para matiyak na mayroon akong paksang maipapakipag-usap sa mga taong nakakasalamuha ko, bata o matanda, sinisikap kong makialinsabay sa kasalukuyan sa pamamagitan ng pagbabasa ng nakapagtuturong mga magasin at pagsubaybay sa balita.”

Narito ang iba pang mungkahi: Maging interesado ka sa hilig ng ibang tao. Magtanong. Hangga’t maaari, maging mapagbigay. Kung wala kang materyal na mga bagay, maibibigay mo ang iyong sarili; may kaligayahan sa pagbibigay. Sumulat ka ng mga liham. Magkaroon ka ng libangan. Paunlakan ang mga paanyaya na dalawin ang ibang tao o lumabas na kasama nila. Panatilihin mong masaya at kanais-nais ang iyong tahanan para sa mga bisita. Abutin ang mga taong nangangailangan at mag-alok ka ng tulong.

Kapaligirang panrelihiyon. Dumaraming ebidensiya ang nagpapahiwatig na ang mga relihiyosong gawain ay tumutulong sa matatandang tao na makasumpong ng “layunin at kabuluhan sa buhay” at maranasan ang “kaligayahan,” “pagkadama ng pagiging kapaki-pakinabang,” “higit na kasiyahan sa buhay,” at “ang pagiging bahagi ng isang pamayanan at pagiging malusog at maligaya.” Bakit? Nagpapaliwanag ang aklat na Later Life​—The Realities of Aging: “Ang relihiyosong pananampalataya ay naglalaan sa mga tao ng isang pilosopiya sa buhay at ng mga saloobin, pamantayan, at mga paniniwala na tumutulong sa kanila na mabigyang-kahulugan at maunawaan ang daigdig na nakapalibot sa kanila.” Karagdagan pa, dahil sa relihiyosong mga gawain ay nakakasalamuha ng matatanda ang ibang mga tao at sa gayo’y “nababawasan ang posibilidad na mabukod sa lipunan at malungkot.”

Para kina Louise at Evelyn, kapuwa mga biyuda na 80 anyos at miyembro ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, pinatutunayan lamang ng mga pag-aaral na ito ang matagal na nilang alam sa loob ng maraming dekada. “Sa aming Kingdom Hall,d nasisiyahan akong makipag-usap sa iba, matanda at bata,” sabi ni Louise. “Ang mga pulong ay nakapagtuturo. Kapag nagkakaumpukan kami pagkatapos ng mga pulong, nagtatawanan din kami. Iyon ay masayang panahon.” Nakikinabang din si Evelyn mula sa kaniyang relihiyosong mga gawain. “Ang paglabas upang makipag-usap sa mga tao sa aming lugar tungkol sa Bibliya,” aniya, “ang dahilan kung bakit hindi ako nabubukod. Higit pa riyan, nagiging maligaya ako. Ang pagtulong sa iba na malaman ang tunay na kahulugan ng buhay ay isang kasiya-siyang gawain.”

Maliwanag, sina Louise at Evelyn ay may layunin sa buhay. Ang ibinungang pagkadama ng pagiging malusog at maligaya ay nagpapababa sa ikalawang pinakaharang​—ang kapaligiran​—at tumutulong sa kanila na manatili sa landasin ng buhay.​—Ihambing ang Awit 92:13, 14.

Makukuha​—Mababang Halaga Ngunit Mabisang Medikal na Pangangalaga

Ang mga pagsulong sa siyensiya ng medisina sa siglong ito ay nagpababa nang husto​—ngunit hindi sa buong daigdig​—sa ikatlong pinakaharang, ang medikal na pangangalaga. Sa ilang mahihirap na bansa, sabi ng The World Health Report 1998, “ang inaasahang haba ng buhay ay aktuwal na nabawasan sa pagitan ng 1975-1995.” Ang panlahat na direktor ng WHO ay nagkomento na “3 sa 4 katao sa di-gaanong maunlad na mga bansa sa ngayon ang namamatay bago sumapit sa edad na 50​—ang inaasahang haba ng buhay sa buong daigdig kalahating siglo na ang nakaraan.”

Magkagayunman, ibinababa ng dumaraming matatanda at mga kabataan sa mahihirap na bansa ang pinakaharang na ito sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalusugan na inilalaan at abot-kaya ang halaga. Kuning halimbawa ang isang bagong pamamaraan sa paggamot ng tuberkulosis (TB).

Sa buong daigdig, mas marami ang namamatay sa TB kaysa sa AIDS, malarya, at tropikal na mga sakit, pagsama-samahin man ang mga ito​—8,000 bawat araw. Sa bawat 100 pasyenteng may TB, 95 ang nakatira sa mga papaunlad na bansa sa daigdig. Mga 20 milyon katao ang pinahihirapan ngayon ng malubhang TB, at mga 30 milyon ang maaaring mamatay rito sa susunod na sampung taon, isang bilang na katumbas ng pinagsama-samang populasyon ng Bolivia, Cambodia, at Malawi.

Hindi nakapagtataka na ikinalugod ng WHO na ipatalastas noong 1997 na nakabuo ito ng pamamaraan upang gamutin ang TB sa loob ng anim na buwan nang hindi na kailangang maospital o sumailalim sa makabagong medikal na pangangalaga. “Sa unang pagkakataon,” sabi ng The TB Treatment Observer, isang publikasyon ng WHO, “ang daigdig ay may subok na mga kasangkapan at pamamaraan upang sugpuin ang epidemya ng TB hindi lamang sa mayayamang bansa, kundi pati na rin sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig.” Ang pamamaraang ito​—na inilarawan ng ilan bilang “ang pinakamalaking tagumpay sa kalusugan sa dekadang ito”​—ay tinatawag na DOTS.e

Bagaman lubhang mababa ang halaga ng pamamaraang ito kaysa sa karaniwang mga paggamot sa TB, maganda naman ang mga resulta, lalo na para sa mga nakatira sa papaunlad na mga bansa. “Wala nang iba pang pamamaraan ng pagsugpo sa TB ang patuloy na napatunayang mabisa,” sabi ni Dr. Arata Kochi, direktor ng Global TB Programme ng WHO. “Ang bisa ng DOTS ay umaabot sa 95 porsiyento, kahit sa pinakamahihirap na bansa.” Sa pagtatapos ng 1997, ang pamamaraang DOTS ay ginagamit na sa 89 na bansa. Ngayon ay umabot na sa 96 ang bilang na ito. Umaasa ang WHO na makaaabot ang pamamaraang ito sa milyun-milyon pang mahihirap na tao sa di-gaanong maunlad na mga bansa, upang maibaba nila ang ikatlong pinakaharang sa karera ng buhay.

Sa pagbabago ng kaniyang mga kinaugalian, pagpapabuti sa kaniyang kapaligiran, at pagpapahusay sa medikal na pangangalaga, talagang napalawig ng tao ang katamtamang haba ng kaniyang buhay at ang inaasahang haba ng kaniyang buhay. Ang tanong ay, Posible kaya na balang araw ay maabot din ng tao ang sukdulang haba ng buhay ng tao​—marahil ay mabuhay pa nga nang walang katapusan?

[Mga talababa]

a Bagaman ang mga terminong “inaasahang haba ng buhay” at “katamtamang haba ng buhay” ay madalas na ginagamit nang salitan, may pagkakaiba ang dalawang ito. Ang “inaasahang haba ng buhay” ay tumutukoy sa bilang ng mga taon na inaasahang itatagal ng isang tao, samantalang ang “katamtamang haba ng buhay” ay tumutukoy sa katamtamang bilang ng mga taon na aktuwal na ikinabubuhay ng mga kabilang sa isang populasyon. Sa gayon, ang mga pagtaya tungkol sa inaasahang haba ng buhay ay batay sa katamtamang haba ng buhay.

b Bukod sa nagbabagong mga salik na ito, ang di-mababago at minanang henetikong kayarian ng tao ay maliwanag na nakaaapekto sa kaniyang kalusugan at sa haba ng kaniyang buhay. Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.

c Para sa higit pang impormasyon kung paano mapasusulong ang kapaligiran sa tahanan sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang, tingnan ang mga artikulong “Pagharap sa Hamon ng Kalinisan” at “Kung Ano ang Tumitiyak sa Iyong Kalusugan​—Kung Ano ang Magagawa Mo,” sa mga isyu ng Gumising! ng Setyembre 22, 1988, at Abril 8, 1995.

d Ang lugar kung saan idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang lingguhang mga pulong ay tinatawag na Kingdom Hall. Ang mga pulong na ito ay bukás sa publiko, at walang kinukuhang koleksiyon.

e Ang DOTS ay akronima para sa directly observed treatment, short-course. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pamamaraang DOTS, tingnan ang artikulong “Isang Bagong Depensa sa Pakikipagbaka sa Tuberkulosis,” sa Mayo 22, 1999 ng Gumising!

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

GAANO KARAMI AT ANONG URI NG EHERSISYO?

“Ang tatlumpung minuto ng katamtamang pagkikilos bawat araw ay isang mabuting tunguhin,” sabi ng National Institute on Aging (NIA). Ngunit hindi mo naman kailangang mag-ehersisyo nang tuluy-tuloy sa loob ng 30 minuto. Ang kapakinabangang dulot ng pag-eehersisyo sa tatlong maiikling sesyon na tig-10 minuto ay sinasabing kapareho rin ng gayunding uri ng pag-eehersisyo sa isang sesyon na 30 minuto. Anong uri ng ehersisyo ang maaari mong gawin? Ang buklet ng NIA na Don’t Take It Easy: Exercise! ay nagrekomenda: “Ang maiikling mapuwersang gawain, gaya ng pag-akyat sa hagdan sa halip na pagsakay sa elebeytor, o paglalakad sa halip na pagmamaneho, ay maaaring umabot sa 30 minuto ng ehersisyo bawat araw. Ang pagkalaykay ng mga dahon, pakikipaglaro sa mga bata, paghahalaman, at maging ang pag-aasikaso sa mga gawaing bahay ay pawang magagawa sa paraan na makadaragdag sa inyong pang-araw-araw na kabuuan.” Sabihin pa, isang katalinuhan na kumunsulta sa iyong doktor bago simulan ang isang programa sa ehersisyo.

[Larawan]

Ang katamtamang pisikal na gawain ay makatutulong sa matatanda upang muling lumakas at sumigla

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

PANATILIHING MADALING HUTUKIN ANG ISIP

Natuklasan sa mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa sa libu-libong matatanda na may ilang salik na tumutulong upang mapanatiling madaling hutukin ang isip ng matatanda. Kasali sa mga ito ang “aktibong pakikibahagi sa pagbabasa, paglalakbay, kultural na mga pangyayari, edukasyon, mga samahan, at propesyonal na mga asosasyon.” “Gumawa ng maraming iba’t ibang bagay hangga’t maaari.” “Manatili sa iyong trabaho. Huwag magretiro.” “Patayin ang TV.” “Kumuha ng anumang kurso.” Pinaniniwalaan na ang gayong mga gawain ay hindi lamang magpapasigla kundi lilikha ng mga bagong koneksiyon sa utak.

[Larawan]

Ang ehersisyo para sa isip ay nagpapanatiling madaling hutukin ang isip

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

MUNGKAHING PANGKALUSUGAN PARA SA MGA TUMATANDA

Sinasabi ng National Institute on Aging, isang dibisyon ng U.S. Department of Health and Human Services, na “ang tsansa na manatiling malusog at mabuhay nang mas mahaba ay mapasusulong” sa pamamagitan ng pagsunod sa makatuwirang payo, gaya ng sumusunod:

● Kumain ng balanseng pagkain, kasali na ang mga prutas at gulay.

● Kung umiinom ka ng alak, gawin iyon nang katamtaman.

● Huwag manigarilyo. Hindi pa huli ang lahat para huminto.

● Regular na mag-ehersisyo. Kumunsulta sa doktor bago simulan ang isang programa sa ehersisyo.

● Manatiling nakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan.

● Manatiling aktibo sa pamamagitan ng trabaho, libangan, at komunidad.

● Panatilihin ang positibong saloobin sa buhay.

● Gawin ang mga bagay na nakapagpapaligaya sa iyo.

● Regular na magpasuri ng kalusugan.

[Kahon sa pahina 9]

ISANG BAGONG PANGMALAS SA MGA SELULA NG UTAK

“Inakala namin noon na araw-araw sa iyong buhay ay namamatayan ka ng mga selula ng utak sa lahat ng bahagi ng utak,” sabi ni Dr. Marilyn Albert, propesor sa psychiatry at neurology. “Hindi pala gayon​—namamatayan ka ng ilan kasabay ng mahusay na pagtanda, ngunit hindi naman marami, at sa ilang piling bahagi lamang ng utak.” Bukod dito, ipinakikita ng mga natuklasan kamakailan na maging ang matagal nang paniniwala na ang mga tao ay hindi makabubuo ng mga bagong selula sa utak, sa paanuman, ay “masyadong pangkalahatan,” ulat ng Scientific American ng Nobyembre 1998. Sinasabi ng mga siyentipiko sa utak na nakatipon na sila ngayon ng ebidensiya na maging ang matatanda ay “nakalilikha ng daan-daang karagdagang mga neuron.”

[Kahon sa pahina 11]

MAS MATANDA AT MAS MARUNONG?

“Hindi ba may karunungan sa matatanda na at unawa sa kahabaan ng mga araw?” ang tanong ng Bibliya. (Job 12:12) Ano ba ang sagot? Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang matatandang tao upang masukat ang mga katangiang gaya ng “kaunawaan, mahusay na pagpapasiya, pananaw at kakayahang timbangin ang nagkakasalungatang mga simulain at makabuo ng magagaling na pamamaraan sa paglutas ng problema.” Ayon sa U.S.News & World Report, ipinakikita ng pag-aaral na “palaging nahihigitan ng matatanda ang mga kabataan sa lahat ng antas ng karunungan, anupat nakapagbibigay ng mas pinag-isipan at mas makaranasang payo.” Ipinakikita rin ng mga pag-aaral na “bagaman ang matatanda ay kadalasang mas matagal bago makagawa ng pasiya kaysa sa mga kabataan, karaniwan nang iyon ang mas mainam na pasiya.” Kaya naman, gaya ng ipinahihiwatig sa aklat ng Bibliya na Job, ang katandaan ay tunay na isang karunungan.

[Larawan sa pahina 5]

Ang buhay ng tao ay gaya ng isang karerang napakaraming harang

[Larawan sa pahina 9]

“Maging isa kang kanais-nais na kasama para sa ibang tao,” payo ng isang biyuda

[Mga larawan sa pahina 10]

“Ang pagtulong sa iba na malaman ang tunay na kahulugan ng buhay ay isang kasiya-siyang gawain.”​—Evelyn

[Mga larawan sa pahina 10]

“Sa aming Kingdom Hall, nasisiyahan akong makipag-usap sa iba, matanda at bata.”​—Louise

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share