Pangglobong Solusyon—Posible Kaya?
SANG-AYON ang mga dalubhasa na ang tuberkulosis (TB) ay isang pangglobong problema na humihiling ng pangglobong solusyon. Hindi masusugpo ng isang bansa ang TB nang nag-iisa, yamang milyun-milyong tao ang tumatawid ng internasyonal na mga hangganan sa bawat linggo.
Ang internasyonal na pagtutulungan, ayon sa paniniwala ng marami, ay humihiling na tulungan ng mayayamang bansa ang mahihirap na bansa, na siyang pinakamalubhang naaapektuhan ng TB. Gaya ng sabi ni Dr. Arata Kochi, “para na rin sa kapakanan ng mayayamang bansa na tulungan ang hindi gaanong mauunlad na bansa na makipagbaka sa tuberkulosis, bago kumalat ito sa kanila mismong mga bansa.”
Subalit ang mayayamang bansa, palibhasa’y napaliligiran ng itinuturing nilang mga bagay na dapat unahin at mga problema, ay hindi agad kumilos upang tumulong. Kalimitan nang kinaliligtaan ng mahihirap na bansa mismo ang pangangalaga sa kalusugan, at sa halip ay ibinubuhos ang salapi sa kanilang mga armamento. Sa kalagitnaan ng 1996, mga 10 porsiyento lamang ng mga pasyenteng may TB sa daigdig ang ginamot sa pamamaraang DOTS, na napakakaunti upang hadlangan ang paglala ng epidemya.
Ganito ang sabi ng WHO: “Ang kaalaman at ang murang mga gamot upang lunasan ang TB ay umiral na sa loob ng mga dekada. Ang kailangan ng daigdig ngayon ay isang pagsisikap ng makapangyarihan, maimpluwensiya at mahabaging tao na siyang titiyak na ang mga gamot na ito ay mabisang ginagamit sa buong daigdig.”
Ang Darating na Pananaig
Makapagtitiwala ba tayo na lulutasin ng makapangyarihan at maimpluwensiyang mga tao ang problema? Ang kinasihang salmista ng Bibliya ay sumulat: “Huwag ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na walang kaligtasan.” Kung gayon, kanino tayo makapagtitiwala? Ganito pa ang sinasabi ng kasulatan: “Maligaya ang isa na may pinakasaklolo sa Diyos ni Jacob, na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maygawa ng langit at ng lupa, ng dagat, at ng lahat na nandoon.”—Awit 146:3, 5, 6.
Bilang Disenyador at Maylalang ng lupa, taglay ng Diyos na Jehova kapuwa ang kapangyarihan at karunungan upang wakasan ang sakit. Siya ba’y madamayin? Sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang propeta, si Jehova ay nangangako: “Ako’y nagpapakita ng pagdamay sa [aking bayan], gaya ng isang tao na nagpapakita ng pagdamay sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:17.
Inilalarawan ng huling kabanata ng Bibliya ang isang pangitain na ibinigay kay apostol Juan. Nakita niya ang “mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, na nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan.” Ang makasagisag na mga punungkahoy na ito at ang bunga na ibinibigay nito ay lumalarawan sa mga paglalaan ng Diyos na magpapangyari sa masunuring mga tao na mabuhay magpakailanman sa lupa.—Apocalipsis 22:2.
Sa pagpapatuloy, si Juan ay sumulat: “Ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” Ang makasagisag na mga dahon ay lumalarawan sa mga pagpapala mula sa Diyos na magbubunga ng pagpapagaling sa sangkatauhan, kapuwa sa espirituwal at sa pisikal na paraan. Kaya, makatitiyak tayo na sa matuwid na bagong sanlibutan sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ang TB ay lubusan at walang-hanggang malulupig.—Apocalipsis 21:3, 4.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ang Diyos ay nangangako ng permanenteng pagpapagaling para sa sangkatauhan