Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • kr kab. 17 p. 182-191
  • Sinasanay ang mga Ministro ng Kaharian

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sinasanay ang mga Ministro ng Kaharian
  • Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Kung Ano ang Itinuro sa Akin ng Ama, . . . Sinasalita Ko”
  • Sinasanay ang mga Ministro Para Maging Ebanghelisador
  • Sinasanay ang mga Brother Para sa Mabibigat na Pananagutan
  • Mga Paaralang Teokratiko—Katibayan ng Pag-ibig ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Paano Sinasanay ang mga Saksi ni Jehova Para sa Ministeryo?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Sinasamantala Mo ba ang Pagtuturo at Pagsasanay na Inilalaan ni Jehova?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
  • Anong mga Paaralan ang Nagsasanay sa mga Payunir?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
Iba Pa
Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
kr kab. 17 p. 182-191

KABANATA 17

Sinasanay ang mga Ministro ng Kaharian

POKUS NG KABANATA

Inihahanda ng mga teokratikong paaralan ang mga ministro ng Kaharian para magampanan ang kanilang atas

1-3. Paano pinalawak ni Jesus ang gawaing pangangaral? Anong mga tanong ang bumabangon?

DALAWANG taóng nangaral si Jesus sa buong Galilea. (Basahin ang Mateo 9:35-38.) Dumalaw siya sa maraming lunsod at nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Saanman siya mangaral, dinudumog siya ng mga tao. “Ang aanihin ay marami,” ang sinabi ni Jesus, at kailangan ng mas maraming manggagawa.

2 Gumawa ng kaayusan si Jesus para mapalawak ang gawaing pangangaral. Paano? Isinugo niya ang kaniyang 12 apostol “upang ipangaral ang kaharian ng Diyos.” (Luc. 9:1, 2) Malamang na may mga tanong ang mga apostol kung paano nila ito gagawin. Kaya bago sila isugo, binigyan sila ni Jesus ng isang bagay na ibinigay din sa kaniya ng Ama​—pagsasanay.

3 Bumabangon ngayon ang maraming tanong: Paano sinanay ng Ama si Jesus? Paano sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol? Sa ngayon, sinasanay din ba ng Mesiyanikong Hari ang kaniyang mga tagasunod sa paggawa ng kanilang ministeryo? Kung oo, paano?

“Kung Ano ang Itinuro sa Akin ng Ama, . . . Sinasalita Ko”

4. Kailan at saan tinuruan ng Ama si Jesus?

4 Kinilala ni Jesus na tinuruan siya ng kaniyang Ama. Noong kaniyang ministeryo, sinabi niya: “Kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Juan 8:28) Kailan at saan tinuruan si Jesus? Maliwanag na tumanggap ng pagsasanay si Jesus mula pa nang lalangin siya bilang panganay na Anak ng Diyos. (Col. 1:15) Sa loob ng napakahabang panahon, sa piling ng kaniyang Ama sa langit, ang Anak ay nakikinig at nagmamasid sa “Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:20) Bilang resulta, tumanggap ang Anak ng walang-kapantay na edukasyon tungkol sa mga katangian, gawain, at mga layunin ng kaniyang Ama.

5. Ano ang itinuro ng Ama sa kaniyang Anak hinggil sa ministeryong isasagawa niya sa lupa?

5 Nang dumating ang tamang panahon, tinuruan ni Jehova ang kaniyang Anak hinggil sa ministeryong isasagawa niya sa lupa. Pansinin ang hula tungkol sa kaugnayan ng Dakilang Tagapagturo at ng panganay niyang Anak. (Basahin ang Isaias 50:4, 5.) Sa hula, ginigising ni Jehova ang kaniyang Anak “uma-umaga.” Mailalarawan natin sa isip ang isang guro na maagang nanggigising sa kaniyang estudyante para turuan ito. Sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya: “Parang dinadala siya [ni Jehova] sa paaralan na gaya ng isang estudyante at tinuturuan kung ano ang ipangangaral at kung paano niya ito gagawin.” Sa “paaralan” na iyon sa langit, itinuro ni Jehova sa kaniyang Anak “kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain.” (Juan 12:49) Tinuruan din siya ng Ama kung paano magturo.a Habang nasa lupa, hindi sinayang ni Jesus ang pagsasanay sa kaniya​—ginamit niya ito sa kaniyang ministeryo at sinanay rin ang mga tagasunod niya para maisagawa ang kanilang ministeryo.

6, 7. (a) Paano sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol, at sa anong gawain sila naihanda nito? (b) Anong pagsasanay ang tinitiyak ni Jesus na natatanggap ng mga tagasunod niya sa ngayon?

6 Paano sinanay ni Jesus ang kaniyang mga apostol, gaya ng binanggit sa pasimula? Ayon sa Mateo kabanata 10, nagbigay siya ng espesipikong mga tagubilin sa ministeryo, gaya ng: saan mangangaral (talata 5, 6), ano ang mensahe (talata 7), pangangailangang magtiwala kay Jehova (talata 9, 10), paano lalapit sa may-bahay (talata 11-13), ang gagawin kapag tinanggihan (talata 14, 15), at paano tutugon sa pag-uusig (talata 16-23).b Dahil sa pagsasanay ni Jesus sa kaniyang mga apostol, naihanda sila para pangunahan ang pangangaral ng mabuting balita noong unang siglo C.E.

7 Kumusta sa ngayon? Ibinigay ng Hari ng Kaharian ng Diyos na si Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang pinakamahalagang atas​—ipangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:14) Sinasanay ba tayo ng Hari para sa napakahalagang gawaing ito? Oo naman! Mula sa langit, tinitiyak ng Hari na ang mga tagasunod niya ay nakatatanggap ng tuloy-tuloy na pagsasanay kung paano mangangaral at kung paano gagampanan ang mabibigat na pananagutan sa kongregasyon.

Sinasanay ang mga Ministro Para Maging Ebanghelisador

8, 9. (a) Ano ang pangunahing layunin ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? (b) Paano nakatulong ang pulong sa gitnang sanlinggo para maging mas epektibo ka sa ministeryo?

8 Noon pa man, ginagamit na ng organisasyon ni Jehova ang mga asamblea, kombensiyon, at mga pulong sa kongregasyon​—gaya ng Pulong sa Paglilingkod—​para sanayin ang bayan ng Diyos sa ministeryo. Pero mula dekada ng 1940, ang mga nangungunang brother sa punong-tanggapan ay nagsaayos ng iba’t ibang paaralan para sa higit pang pagsasanay.

9 Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sa Kabanata 16, natutuhan natin na nagsimula ang paaralang ito noong 1943. Inorganisa ba ang paaralang ito para lang sanayin ang mga estudyante na maging mahusay sa pagganap ng mga bahagi sa pulong? Hindi. Ang pangunahing layunin ng paaralang ito ay sanayin ang bayan ng Diyos na gamitin ang kanilang kakayahang magsalita para purihin si Jehova sa ministeryo. (Awit 150:6) Tinutulungan ng paaralan ang lahat ng kapatid na nakatala rito na maging mas epektibong mga ministro ng Kaharian. Sa ngayon, ang pagsasanay na ito ay ginagawa sa pulong sa gitnang sanlinggo.

10, 11. Sino sa ngayon ang maaaring imbitahan sa Paaralang Gilead? Ano ang tunguhin ng kurikulum nito?

10 Watchtower Bible School of Gilead. Ang tinatawag ngayong Watchtower Bible School of Gilead ay nagsimula noong Pebrero 1, 1943, araw ng Lunes. Sa umpisa, dinisenyo ito para sanayin ang mga payunir at iba pang buong-panahong lingkod na maging misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo. Pero mula Oktubre 2011, ang mga iniimbitahan na lang sa paaralan ay mga dati nang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod​—mga misyonerong hindi pa nakapag-aral dito, mga special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa at kanilang asawa, at Bethelite.

11 Ano ang tunguhin ng kurikulum ng Paaralang Gilead? Sinabi ng isang matagal nang instruktor ng paaralan: “Para patibayin ang pananampalataya ng mga estudyante sa pamamagitan ng puspusang pag-aaral ng Salita ng Diyos at tulungan silang maglinang ng espirituwal na mga katangiang kailangan para maharap ang mga hamon sa kanilang atas. Pangunahing tunguhin din ng kurikulum na itanim sa puso ng mga estudyante ang mas matinding pagnanais na makibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo.”​—Efe. 4:11.

12, 13. Ano ang epekto ng Paaralang Gilead sa gawaing pangangaral sa buong daigdig? Magbigay ng halimbawa.

12 Ano ang epekto ng Paaralang Gilead sa gawaing pangangaral sa buong daigdig? Mula 1943, mahigit 8,500 na ang sinanay sa paaralan,c at mahigit 170 lupain na ang napadalhan ng mga nagtapos dito. Hindi sinasayang ng mga misyonero ang tinanggap nilang pagsasanay. Nagpapakita sila ng halimbawa sa kasigasigan sa ministeryo at sinasanay nila ang iba na gayon din ang gawin. Kadalasan nang sila ang nangunguna sa gawain sa mga lugar na kakaunti o wala pa ngang mamamahayag ng Kaharian.

13 Kuning halimbawa ang Japan. Noong Digmaang Pandaigdig II, halos wala nang nakikibahagi sa pangangaral doon. Wala pang 10 ang mamamahayag sa Japan noong Agosto 1949. Pero sa pagtatapos ng taóng iyon, masigasig na nangaral doon ang 13 misyonerong sinanay sa Gilead. Mas marami pang misyonero ang ipinadala. Sa simula, nagpokus sila sa malalaking lunsod; pero lumipat din sila sa iba pang mga lunsod. Pinasigla ng mga misyonero ang kanilang mga estudyante sa Bibliya at iba pa na magpayunir. Napakaganda ng resulta ng sigasig ng mga misyonerong ito. Sa ngayon, mahigit nang 216,000 ang tagapaghayag ng Kaharian sa Japan, at halos 40 porsiyento rito ay mga payunir!d

14. Ano ang pinatutunayan ng mga teokratikong paaralan? (Tingnan din ang kahong “Mga Paaralang Nagsasanay sa mga Ministro ng Kaharian.”)

14 Iba pang teokratikong paaralan. Ang Pioneer Service School, Bible School for Christian Couples, at Bible School for Single Brothers ay nakatulong sa mga nag-aral dito na sumulong sa espirituwal at maging halimbawa ng kasigasigan sa gawaing pag-eebanghelyo.e Ang lahat ng teokratikong paaralang ito ay patunay na talagang inihahanda ng ating Hari ang kaniyang mga tagasunod sa pagganap ng kanilang ministeryo.​—2 Tim. 4:5.

Sinasanay ang mga Brother Para sa Mabibigat na Pananagutan

15. Ano ang gustong tularan kay Jesus ng mga brother na may pananagutan sa kongregasyon?

15 Alalahanin ang hula ni Isaias tungkol sa pagtuturo ng Diyos kay Jesus. Sa “paaralan” na iyon sa langit, natutuhan ng Anak “kung paano sasagutin ng salita ang pagód.” (Isa. 50:4) Ginamit ni Jesus ang natutuhan niya; habang nasa lupa, pinaginhawa niya ang mga “nagpapagal at nabibigatan.” (Mat. 11:28-30) Bilang pagtulad kay Jesus, gusto rin ng mga brother na may pananagutan sa kongregasyon na mapaginhawa ang kanilang mga kapatid. Dahil diyan, inorganisa ang iba’t ibang paaralan para tulungan ang kuwalipikadong mga brother na maging mas epektibo sa paglilingkod sa kanilang mga kapananampalataya.

16, 17. Ano ang tunguhin ng Kingdom Ministry School? (Tingnan din ang talababa.)

16 Kingdom Ministry School. Ang unang klase ng paaralang ito ay idinaos noong Marso 9, 1959, sa South Lansing, New York. Mga naglalakbay na tagapangasiwa at mga congregation servant ang iniimbitahang dumalo sa isang-buwang kursong ito. Ang kurso sa Ingles ay isinalin nang maglaon sa iba pang wika, kaya unti-unti, tumanggap na rin ng pagsasanay ang mga brother sa ibang panig ng daigdig.f

Si Lloyd Barry habang nagtuturo sa isang klase ng Kingdom Ministry School sa Japan noong 1970

Si Brother Lloyd Barry habang nagtuturo sa Kingdom Ministry School sa Japan, 1970

17 Ganito ang sinabi ng 1962 Yearbook of Jehovah’s Witnesses tungkol sa tunguhin ng Kingdom Ministry School: “Sa napakaabalang daigdig na ito, ang tagapangasiwa sa kongregasyon ng mga saksi ni Jehova ay dapat na isang lalaking organisado sa buhay, sa gayo’y mabibigyan niya ng sapat na atensiyon ang lahat sa kongregasyon at maging pagpapala sa kanila. Pero hindi rin niya dapat pabayaan ang kaniyang pamilya dahil sa kongregasyon; dapat na may katinuan siya ng pag-iisip. Isa ngang napakagandang pagkakataon para sa mga congregation servant sa buong mundo na makapag-aral sa Kingdom Ministry School para tumanggap ng pagsasanay na tutulong sa kanila na magampanan ang sinasabi ng Bibliya na mga pananagutan ng isang tagapangasiwa!”​—1 Tim. 3:1-7; Tito 1:5-9.

18. Paano nakikinabang sa Kingdom Ministry School ang lahat sa bayan ng Diyos?

18 Ang lahat sa bayan ng Diyos ay nakikinabang sa Kingdom Ministry School. Paano? Kapag ikinakapit ng mga elder at ministeryal na lingkod ang natutuhan nila sa paaralan, napagiginhawa nila, gaya ni Jesus, ang kanilang mga kapananampalataya. Hindi ba’t napahahalagahan natin ang mabait na pananalita, madamaying pakikinig, o nakapagpapatibay na pagdalaw ng mapagmalasakit na elder o ministeryal na lingkod? (1 Tes. 5:11) Talagang pagpapala sa mga kongregasyon ang mga kuwalipikadong brother na ito!

19. Ano ang iba pang paaralan na pinangangasiwaan ng Teaching Committee, at para saan ang mga paaralang ito?

19 Iba pang teokratikong paaralan. Pinangangasiwaan ng Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala ang iba pang paaralan na nagsasanay sa mga brother na may pananagutan sa loob ng organisasyon. Ang mga paaralang iyon ay dinisenyo para tulungan ang mga elder sa kongregasyon, naglalakbay na tagapangasiwa, at mga miyembro ng Komite ng Sangay na maging mas epektibo sa pagganap ng kanilang mga atas. Pinasisigla ng mga salig-Bibliyang kurso ang mga brother na panatilihing matatag ang kanilang espirituwalidad at ikapit ang mga simulain sa Kasulatan sa kanilang pakikitungo sa mahahalagang tupa na ipinagkatiwala sa kanila ni Jehova.​—1 Ped. 5:1-3.

Unang klase ng Ministerial Training School sa Malawi

Ang unang klase ng Ministerial Training School sa Malawi, 2007

20. Bakit masasabi ni Jesus na lahat tayo ay “naturuan ni Jehova”? Ano ang determinado mong gawin?

20 Maliwanag, tinitiyak ng Mesiyanikong Hari na ang kaniyang mga tagasunod ay sinasanay na mabuti. Ang lahat ng pagsasanay na ito ay mula kay Jehova. Sinanay niya ang kaniyang Anak at sinanay naman ng Anak ang kaniyang mga tagasunod. Kaya masasabi ni Jesus na lahat tayo ay “naturuan ni Jehova.” (Juan 6:45; Isa. 54:13) Maging determinado nawa tayong samantalahin ang lahat ng pagsasanay na inilalaan ng ating Hari. At tandaan natin na ang pangunahing layunin ng lahat ng pagsasanay na ito ay tulungan tayong manatiling malakas sa espirituwal para lubusan nating maganap ang ating ministeryo.

a Paano natin nalaman na tinuruan ng Ama ang Anak kung paano magturo? Isipin ito: Daan-daang taon bago pa isilang si Jesus, inihula nang gagamit siya ng maraming ilustrasyon sa kaniyang pagtuturo. (Awit 78:2; Mat. 13:34, 35) Maliwanag na sa simula pa lang, nilayon na ni Jehova, ang Awtor ng hulang ito, na magturo ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, o talinghaga.​—2 Tim. 3:16, 17.

b Makalipas ang ilang buwan, si Jesus ay “nag-atas ng pitumpung iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa” para mangaral. Sinanay rin sila ni Jesus.​—Luc. 10:1-16.

c May ilan na nakapag-aral sa Gilead nang higit sa isang beses.

d Para sa higit pang detalye hinggil sa naitulong ng mga misyonerong nagtapos sa Gilead sa gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig, tingnan ang kabanata 23 ng aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.

e Ang huling dalawang nabanggit ay pinalitan na ng School for Kingdom Evangelizers.

f Sa ngayon, ang lahat ng elder ay nakikinabang sa Kingdom Ministry School. Idinaraos ito kada ilang taon at iba-iba ang haba ng mga sesyon nito. Mula 1984, sinasanay na rin sa paaralang ito ang mga ministeryal na lingkod.

Gaano Katotoo sa Iyo ang Kaharian?

  • Paano sinanay ng Ama si Jesus?

  • Paano sinasanay ng Hari ang mga tagasunod niya para maging ebanghelisador?

  • Paano sinasanay ang mga kuwalipikadong brother para magampanan ang kanilang mga atas?

  • Paano mo maipapakitang pinahahalagahan mo ang pagsasanay na inilalaan ng Hari?

MGA PAARALANG NAGSASANAY SA MGA MINISTRO NG KAHARIAN

ATING BUHAY AT MINISTERYONG KRISTIYANO

Layunin: Sanayin ang mga mamamahayag na maging epektibo sa pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita.

Gaano Katagal: Patuluyan.

Lokasyon: Kingdom Hall.

Pagpapatala: Lahat ng aktibong nakikisama sa kongregasyon na sumasang-ayon sa mga turo ng Bibliya at namumuhay ayon sa mga simulaing Kristiyano. Para magpatala, lumapit sa tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo.

Kapakinabangan: Tinuturuan tayo ng pulong sa gitnang sanlinggo na magsaliksik at magharap ng impormasyon sa lohikal na paraan. Natututo rin tayong makinig sa iba at magpokus sa kanilang espirituwal na pangangailangan, hindi lang ang sa atin.

Sinabi naman ni Arnie, isang matagal nang naglalakbay na tagapangasiwa: “Lumaki akong utal, at hiráp akong tumingin sa mga kausap ko. Dahil sa [pulong na ito], nagkaroon ako ng kumpiyansa. Sa tulong ng pagsasanay ni Jehova, natuto ako ng mga teknik kung paano kokontrolin ang aking paghinga at kung paano makapagtutuon ng pansin. Laking pasasalamat ko sa kakayahang purihin ang Diyos sa kongregasyon at sa aking ministeryo.”

Isang batang lalaking mamamahayag na nagbabasa ng Bibliya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo

SCHOOL FOR CONGREGATION ELDERSg

Layunin: Tulungan ang mga elder na mapatibay ang kanilang espirituwalidad at maasikaso ang kanilang mga pananagutan sa kongregasyon.

Gaano Katagal: Limang araw.

Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay; karaniwan nang sa malapit na Kingdom Hall o Assembly Hall.

Pagpapatala: Inaanyayahan ng tanggapang pansangay ang mga elder.

Kapakinabangan: Narito ang ilang komento mula sa ika-92 klase sa Patterson, New York, E.U.A.:

“Malaki ang naitulong sa akin ng paaralang ito. Nasuri ko ang sarili ko at nakita ko kung paano pangangalagaan ang mga tupa ni Jehova.”

“Tatandaan ko ang mga natutuhan ko sa pagsasanay na ito habambuhay.”

PIONEER SERVICE SCHOOL

Layunin: Tulungan ang mga payunir na ‘lubusang ganapin’ ang kanilang ministeryo.​—2 Tim. 4:5.

Gaano Katagal: Anim na araw.

Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay; karaniwan nang sa malapit na Kingdom Hall.

Pagpapatala: Ang mga naglilingkod bilang regular pioneer nang di-bababa sa isang taon ay awtomatikong nakatala; ang tagapangasiwa ng sirkito ang magbibigay-alam nito sa kanila. Ang matatagal nang payunir na hindi pa muling nakapag-aral sa nakalipas na limang taon ay maaaring anyayahan.

Kapakinabangan: “Nakatulong ang paaralang ito para maharap ko ang mga hamon sa aking buhay at sa ministeryo,” ang sabi ni Lily. “Malaki ang isinulong ng paraan ko ng pag-aaral, pagtuturo, at paggamit ng Bibliya. Mas handa akong tumulong sa iba, sumuporta sa mga elder, at makaambag sa ikasusulong ng kongregasyon.”

Sinabi naman ni Brenda, na dalawang beses nang nakadalo sa paaralang ito: “Tinulungan ako ng paaralan na maging mas tutok sa espirituwal na mga bagay, masanay sa tama ang aking budhi, at magpokus sa pagtulong sa iba. Talagang bukas-palad si Jehova!”

BETHEL ENTRANTS’ SCHOOL

Layunin: Tulungan ang mga bagong datíng sa Bethel na maging matagumpay sa kanilang paglilingkod dito.

Gaano Katagal: Apat na araw na tig-aapat na oras bawat araw.

Pagpapatala: Ang mga permanenteng miyembro ng pamilyang Bethel o temporary volunteer na naglilingkod sa Bethel nang isang taon o higit pa ay awtomatikong nakatala.

Kapakinabangan: Sinabi ni Demetrius, na nakadalo sa paaralang ito noong dekada ng 1980: “Natulungan ako ng kursong ito na pasulungin ang aking kaugalian sa pag-aaral at inihanda ako para makapaglingkod nang matagal sa Bethel. Dahil sa mga instruktor, kurikulum, at praktikal na payo, nakumbinsi ako na mahal ako ni Jehova at gusto niya akong magtagumpay sa paglilingkod sa Bethel.”

SCHOOL FOR KINGDOM EVANGELIZERSh

Layunin: Bigyan ng pantanging pagsasanay ang mga nasa buong-panahong paglilingkod (mag-asawa, brother at sister na walang asawa) para lubusan silang magamit ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Marami sa mga magtatapos ay aatasang maglingkod sa mga lugar sa kanilang bansa kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang mga wala pang 50 anyos ay maaaring maglingkod bilang mga temporary special pioneer para magbukas at magpalawak ng gawain sa liblib na mga lugar.

Gaano Katagal: Dalawang buwan.

Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay; karaniwan nang sa Kingdom Hall o Assembly Hall.

Isang sister na nasa ministeryo

Nakikinabang ang lahat ng kapatid sa teokratikong pagsasanay

Pagpapatala: Puwedeng mag-aplay ang mga nasa buong-panahong paglilingkod na edad 23 hanggang 65, may mabuting kalusugan, nasa kalagayang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, at may saloobing “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Ang lahat ng mag-aaral ay dapat na tuloy-tuloy na naglilingkod nang buong panahon nang di-bababa sa dalawang taon. Ang mag-asawa ay dapat na dalawang taon nang kasal. Ang brother ay dapat na naglilingkod bilang elder o ministeryal na lingkod sa loob ng dalawang magkasunod na taon. Kung may ganitong paaralan sa teritoryong sakop ng inyong sangay, isang miting ang idaraos sa panrehiyong kombensiyon para magbigay ng impormasyon sa mga interesadong mag-aral.

Kapakinabangan: Maraming magagandang komento ang natatanggap mula sa mga nagtapos sa Bible School for Single Brothers at Bible School for Christian Couples. Noong 2013, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na pagsamahin ang dalawang paaralang ito. Tatawagin itong School for Kingdom Evangelizers. Ngayon, makikinabang na ang mas maraming tapat na mga payunir, pati na ang mga sister na walang asawa.

WATCHTOWER BIBLE SCHOOL OF GILEAD

Layunin: Ang mga nagtapos ay puwedeng atasan bilang naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, o Bethelite. Dahil sa tinanggap nilang pagsasanay, ang mga nagtapos ay makatutulong sa pagpapatibay at pagpapatatag sa bayan ng Diyos, sa larangan man o sa sangay.

Gaano Katagal: Limang buwan.

Lokasyon: Watchtower Educational Center, Patterson, New York.

Isang classroom ng mga estudyante sa Gilead na nakikinig sa isang instruktor ng Gilead

Isang klase sa Gilead​—Patterson, New York

Pagpapatala: Mga mag-asawa at brother at sister na walang asawa na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod. Ang mga misyonero na hindi pa nakapag-aral sa Gilead, pati na ang mga special pioneer, Bethelite, o mga naglalakbay na tagapangasiwa at kanilang asawa ay maaaring anyayahan ng Komite ng Sangay na mag-aplay. Kailangang nakapagsasalita at nakapagsusulat sa wikang Ingles.

Kapakinabangan: Ganito ang komento nina Lade at Monique, mag-asawang mula sa Estados Unidos na ilang taon nang naglilingkod sa atas nilang teritoryo:

“Inihanda kami ng Gilead na pumunta saanmang panig ng daigdig, maging masipag, at gumawang kasama ng ating minamahal na mga kapatid,” ang sabi ni Lade.

Idinagdag ni Monique: “Habang ikinakapit ko ang natutuhan ko mula sa Salita ng Diyos, lalo akong nagkakaroon ng kagalakan sa aking atas. Para sa akin, ang kagalakang iyon ay katibayan ng pag-ibig ni Jehova.”

KINGDOM MINISTRY SCHOOL

Layunin: Sanayin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, elder, at mga ministeryal na lingkod na asikasuhin ang kanilang mga pananagutan sa kongregasyon at sa organisasyon. (Gawa 20:28) Tinatalakay ang kasalukuyang mga kalagayan, kalakaran, at apurahang pangangailangan ng mga kongregasyon. Idinaraos ito kada ilang taon ayon sa pasiya ng Lupong Tagapamahala.

Gaano Katagal: Sa nakalipas na mga taon, iba-iba ang haba ng sesyon.

Lokasyon: Karaniwan nang sa malapit na Kingdom Hall o Assembly Hall.

Pagpapatala: Ang tagapangasiwa ng sirkito ang nagbibigay-alam sa mga elder at ministeryal na lingkod. Ang tanggapang pansangay ang nag-aanyaya sa naglalakbay na tagapangasiwa.

Kapakinabangan: “Bagaman maikli lang ang paaralan, nakatutulong ito sa mga elder na mapanatili ang kanilang kagalakan at magpakatatag habang naglilingkod kay Jehova. Natututuhan ng baguhan at matagal nang mga elder na maging mabisa sa pagpapastol at magkaroon ng iisang takbo ng kaisipan.”​—Quinn.

“Balanse ang pagsasanay​—napatibay nito ang pagpapahalaga namin sa espirituwal na mga bagay, nababalaan kami tungkol sa mga panganib, at nagbigay ito ng praktikal na mga mungkahi para mapangalagaan ang kawan.”​—Michael.

SCHOOL FOR CIRCUIT OVERSEERS AND THEIR WIVESi

Layunin: Tulungan ang mga tagapangasiwa ng sirkito na maging higit na epektibo sa paglilingkod sa kongregasyon, ‘magpagal sa pagsasalita at pagtuturo,’ at magpastol sa mga nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.​—1 Tim. 5:17; 1 Ped. 5:2, 3.

Gaano Katagal: Isang buwan.

Lokasyon: Pinagpapasiyahan ng tanggapang pansangay.

Pagpapatala: Inaanyayahan ng tanggapang pansangay ang mga tagapangasiwa ng sirkito at kanilang asawa.

Kapakinabangan: “Sumidhi ang pagpapahalaga namin sa pagkaulo ni Jesus sa organisasyon. Nakita namin na kailangang pasiglahin ang mga kapatid at patibayin ang pagkakaisa ng bawat kongregasyon. Idiniin sa amin ng paaralan na bagaman ang naglalakbay na tagapangasiwa ay nagbibigay ng payo at pagtutuwid pa nga kung minsan, ang pangunahing tunguhin niya ay tulungan ang mga kapatid na makitang mahal sila ni Jehova.”​—Joel at Connie, unang klase sa E.U.A., 1999.

SCHOOL FOR BRANCH COMMITTEE MEMBERS AND THEIR WIVES

Layunin: Tulungan ang mga miyembro ng Komite ng Sangay na pangasiwaan nang mas mabuti ang mga tahanang Bethel, asikasuhin ang mga gawaing paglilingkod na may kinalaman sa mga kongregasyon, at pangasiwaan ang mga sirkito sa teritoryo ng sangay.​—Luc. 12:48b.

Gaano Katagal: Dalawang buwan.

Lokasyon: Watchtower Educational Center, Patterson, New York.

Pagpapatala: Ang Service Committee ng Lupong Tagapamahala ang nag-aanyaya sa mga miyembro ng Komite ng Sangay o Komite ng Bansa at kanilang asawa.

Kapakinabangan: Sina Lowell at Cara ay nagtapos sa ika-25 klase. Naglilingkod sila ngayon sa Nigeria.

“Napaalalahanan ako na gaanuman ako kaabala o anuman ang gawaing ibinigay sa akin, espirituwalidad ang susi para mapalugdan si Jehova,” ang sabi ni Lowell.

Naalala ni Cara ang isang aral na natutuhan niya: “Kung hindi ko kayang ipaliwanag ang isang bagay sa simpleng paraan, kailangan ko muna itong pag-aralang mabuti bago ko ito ituro sa iba.”

g Wala pang ganitong paaralan sa ibang mga bansa.

h Wala pang ganitong paaralan sa ibang mga bansa.

i Wala pang ganitong paaralan sa ibang mga bansa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share