Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
SETYEMBRE 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 1-2
“Ang Unang Himala ni Jesus”
(Juan 2:1-3) At nang ikatlong araw ay may piging ng kasalang naganap sa Cana ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa piging ng kasalan. 3 Nang kapusin ang alak ay sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: “Wala silang alak.”
Si Kristo—Ang Kapangyarihan ng Diyos
3 Sa isang piging ng kasalan sa Cana ng Galilea, ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala. Posibleng mas maraming bisita ang dumating kaysa sa inaasahan. Pero anuman ang dahilan, naubos ang alak. Isa sa mga bisita ang ina ni Jesus na si Maria. Sa loob ng maraming taon, tiyak na pinag-isipan niya ang lahat ng hula tungkol sa kaniyang anak, at alam niyang tatawagin itong “Anak ng Kataas-taasan.” (Luc. 1:30-32; 2:52) Naniniwala kaya si Maria na may kapangyarihan si Jesus kaya hiningan niya ito ng tulong? Isang bagay ang maliwanag, nagmamalasakit si Jesus at si Maria sa bagong kasal at gusto nilang iligtas ang mga ito sa kahihiyan. Alam kasi ni Jesus na responsibilidad ng mga ito na paglaanan ang mga bisita. Kaya makahimala niyang ginawang “mainam na alak” ang mga 380 litro ng tubig. (Basahin ang Juan 2:3, 6-11.) Naobliga lang ba si Jesus na gawin iyon? Hindi. Talagang nagmamalasakit siya sa mga tao at tinutularan niya ang pagkabukas-palad ng kaniyang makalangit na Ama.
(Juan 2:4-11) Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.” 5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga naglilingkod: “Anuman ang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo.” 6 At nangyari, may anim na batong bangang pantubig na nakalapag doon gaya ng kahilingan ng mga alituntunin sa pagpapadalisay ng mga Judio, na bawat isa ay makapaglalaman ng dalawa o tatlong takal ng likido. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin ninyo ng tubig ang mga bangang pantubig.” At pinunô nila ang mga iyon hanggang sa labi. 8 At sinabi niya sa kanila: “Sumalok kayo ngayon ng kaunti at dalhin ninyo ito sa tagapangasiwa ng piging.” Kaya dinala nila iyon. 9 At nang tikman ng tagapangasiwa ng piging ang tubig na ginawang alak ngunit hindi alam ang pinagmulan nito, bagaman alam ng mga naglilingkod na sumalok ng tubig, tinawag ng tagapangasiwa ng piging ang kasintahang lalaki 10 at sinabi sa kaniya: “Bawat tao ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang uri naman. Itinabi mo ang mainam na alak hanggang sa ngayon.” 11 Ginawa ito ni Jesus sa Cana ng Galilea bilang pasimula ng kaniyang mga tanda, at inihayag niya ang kaniyang kaluwalhatian; at nanampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
Ang Kaniyang Unang Himala
Ito ang unang himala ni Jesus. Nang masaksihan ito ng kaniyang bagong mga alagad, tumibay ang kanilang pananampalataya sa kaniya. Pagkatapos, si Jesus, ang kaniyang ina, at ang mga kapatid niyang lalaki ay naglakbay patungo sa lunsod ng Capernaum, sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Juan 1:1) Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.
nwtsty study note sa Ju 1:1
Salita: Sa Griego, ho loʹgos. Ginamit bilang titulo sa tekstong ito, pati na sa Ju 1:14 at Apo 19:13. Ipinakilala ni Juan kung sino ang tinutukoy ng titulong ito, si Jesus. Matatawag si Jesus na Salita noong siya ay espiritung nilalang bago naging tao, noong ministeryo niya sa lupa bilang perpektong tao, at matapos siyang luwalhatiin at umakyat sa langit. Tinawag si Jesus na Salita ng Diyos dahil nagsilbi siyang Tagapagsalita ng Diyos para maghatid ng impormasyon at mga tagubilin sa iba pang espiritung mga anak ng Maylalang at sa mga tao. Kaya makatuwirang isipin na bago pa bumaba si Jesus sa lupa, nakikipag-ugnayan na si Jehova sa mga tao sa pamamagitan ng Salita, ang Kaniyang anghel na tagapagsalita.—Gen 16:7-11; 22:11; 31:11; Exo 3:2-5; Huk 2:1-4; 6:11, 12; 13:3.
kasama: Sa kontekstong ito, ang Griegong pang-ukol na pros ay nagpapahiwatig ng malapit na distansiya at malapít na ugnayan. Ipinapakita rin nito na may dalawang indibiduwal na tinutukoy, sa tekstong ito, ang Salita at ang nag-iisang tunay na Diyos.
ang Salita ay isang diyos: O “ang Salita ay tulad-diyos.” Inilalarawan ng sinabing ito ni Juan ang isang katangian ng “Salita” (sa Griego, ho loʹgos; tingnan ang study note sa Salita sa talatang ito), si Jesu-Kristo. Ang Salita ay puwedeng ilarawan na “isang diyos; tulad-diyos; may pagkadiyos” dahil sa kaniyang mataas na posisyon bilang panganay na Anak ng Diyos at dahil nilalang ng Diyos ang lahat ng iba pang bagay sa pamamagitan niya. Pinili ng maraming tagapagsalin na isalin itong “ang Salita ay Diyos” para ipakitang siya rin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero hindi talaga sinasabi ni Juan na iisa ang “Salita” at ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Narito ang ilang matitibay na dahilan. Una, sinabi sa nauna at kasunod na sugnay na ang “Salita” ay “kasama ng Diyos.” Bukod diyan, tatlong beses ginamit ang salitang Griego na the·osʹ sa talata 1 at 2. Sa una at ikatlong paggamit nito, ang the·osʹ ay may kasamang tiyak na pantukoy (definite article) sa Griego; wala namang pantukoy sa ikalawa. Sang-ayon ang maraming iskolar na may ibang ibig sabihin ang ikalawang the·osʹ dahil wala itong pantukoy. Sa kontekstong ito, kapag may tiyak na pantukoy ang the·osʹ, tumutukoy ito sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero kapag walang pantukoy, inilalarawan lang ng the·osʹ ang isang katangian ng “Salita.” Kaya sa maraming salin ng Bibliya sa English, French, at German, isinalin ito na gaya ng pagkakasalin ng Bagong Sanlibutang Salin, na ang “Salita” ay “isang diyos; tulad-diyos; may pagkadiyos.” Ganito rin ang pagkakasalin ng sinaunang mga salin ng diyalektong Sahidic at Bohairic ng wikang Coptic sa Ebanghelyo ni Juan, na malamang na ginawa noong ikatlo at ikaapat na siglo C.E. Magkaiba ang salin nila sa una at ikalawang paglitaw ng the·osʹ sa Ju 1:1. Naitampok sa mga saling ito ang katangian ng “Salita,” ibig sabihin, ang mga katangian niya ay gaya ng sa Diyos, pero hindi niya kapantay ang kaniyang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Kaayon ng talatang ito, sinabi sa Col 2:9 na nasa Kristo “ang buong kalubusan ng tulad-Diyos na katangian.” At ayon sa 2Pe 1:4, pati ang mga kasamang tagapagmana ng Kristo ay “mga kabahagi . . . sa tulad-Diyos na kalikasan.” Gayundin, sa saling Septuagint, ang salitang Griego na the·osʹ ay ang karaniwang katumbas ng mga salitang Hebreo na isinasaling “Diyos,” ang ʼel at ʼelo·himʹ, na pinaniniwalaang ang literal na kahulugan ay “Isa na Makapangyarihan; Isa na Malakas.” Ginagamit ang mga salitang Hebreong ito para tumukoy sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, sa ibang diyos, at sa tao. (Tingnan ang study note sa Ju 10:34.) Ang pagtukoy sa Salita bilang “isang diyos,” o “isa na makapangyarihan,” ay kaayon ng hula sa Isa 9:6. Sinasabi rito na ang Mesiyas ay tatawaging “Makapangyarihang Diyos” (hindi “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat”) at na siya ay magiging “Walang-hanggang Ama” ng lahat ng magkakapribilehiyo na maging mga sakop niya. Ang sigasig ng kaniyang Ama, si “Jehova ng mga hukbo,” ang magsasakatuparan nito.—Isa 9:7.
(Juan 1:29) Nang sumunod na araw ay nakita niya si Jesus na papalapit sa kaniya, at sinabi niya: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
nwtsty study note sa Ju 1:29
Kordero ng Diyos: Pagkatapos ng bautismo ni Jesus at ng pagtukso sa kaniya ng Diyablo, tinawag siya ni Juan Bautista na “Kordero ng Diyos.” Dito lang makikita ang pananalitang ito at sa Ju 1:36. (Tingnan ang Ap. A7.) Angkop ang pagkukumpara kay Jesus sa isang kordero. Sa Bibliya, inihahandog ang tupa bilang pagkilala sa kasalanan at para makalapit sa Diyos. Inilalarawan nito ang paghahandog ni Jesus ng kaniyang perpektong buhay bilang tao alang-alang sa sangkatauhan. Ang pananalitang “Kordero ng Diyos” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang talata sa Kasulatan. Pamilyar si Juan Bautista sa Hebreong Kasulatan, kaya ang pananalita niya ay malamang na tumutukoy sa isa o higit pa sa sumusunod: barakong tupa na inihandog ni Abraham sa halip na ang sarili niyang anak na si Isaac (Gen 22:13), korderong pampaskuwa na pinatay sa Ehipto para mailigtas ang inaliping mga Israelita (Exo 12:1-13), o batang barakong tupa na inihahandog sa altar ng Diyos sa Jerusalem tuwing umaga at gabi (Exo 29:38-42). Malamang na nasa isip din ni Juan ang hula ni Isaias, kung saan sinasabing “dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan” ang tinatawag ni Jehova na “aking lingkod.” (Isa 52:13; 53:5, 7, 11) Nang isulat ni apostol Pablo ang unang liham niya sa mga taga-Corinto, tinukoy niya si Jesus bilang “ating paskuwa,” ibig sabihin, ang korderong pampaskuwa. (1Co 5:7) Sinabi ni apostol Pedro na ang “mahalagang dugo” ng Kristo ay “tulad niyaong sa walang-dungis at walang-batik na kordero.” (1Pe 1:19) At sa aklat ng Apocalipsis, ang niluwalhating si Jesus ay mahigit 25 beses na tinukoy bilang “Kordero.”—Ang ilang halimbawa ay: Apo 5:8; 6:1; 7:9; 12:11; 13:8; 14:1; 15:3; 17:14; 19:7; 21:9; 22:1.
Pagbabasa ng Bibliya
(Juan 1:1-18) Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos. 2 Ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos. 3 Ang lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hiwalay sa kaniya ay walang isa mang bagay ang umiral. Ang umiral 4 sa pamamagitan niya ay buhay, at ang buhay ay ang liwanag ng mga tao. 5 At ang liwanag ay sumisikat sa kadiliman, ngunit hindi ito napanaigan ng kadiliman. 6 May bumangong isang tao na isinugo bilang kinatawan ng Diyos: ang pangalan niya ay Juan. 7 Ang taong ito ay dumating bilang isang patotoo, upang magpatotoo tungkol sa liwanag, upang ang lahat ng uri ng tao ay maniwala sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang liwanag na iyon, ngunit siya ang nilayong magpatotoo tungkol sa liwanag na iyon. 9 Ang tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag sa bawat uri ng tao ay paparating na noon sa sanlibutan. 10 Nasa sanlibutan siya noon, at ang sanlibutan ay umiral sa pamamagitan niya, ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. 11 Dumating siya sa sarili niyang tahanan, ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang bayan. 12 Gayunman, sa lahat ng tumanggap sa kaniya, sa kanila niya ibinigay ang awtoridad na maging mga anak ng Diyos, sapagkat nananampalataya sila sa kaniyang pangalan; 13 at ipinanganak sila, hindi mula sa dugo o mula sa kalooban ng laman o mula sa kalooban ng tao, kundi mula sa Diyos. 14 Kaya ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama; at puspos siya ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan. 15 (Si Juan ay nagpatotoo tungkol sa kaniya, oo, sumigaw pa nga siya—ito ang siyang nagsabi nito—na sinasabi: “Ang isa na dumarating sa likuran ko ay nauna na sa harap ko, sapagkat umiral siya bago pa ako.”) 16 Sapagkat tayong lahat ay tumanggap mula sa kalubusan niya, maging ng di-sana-nararapat na kabaitan sa di-sana-nararapat na kabaitan. 17 Sapagkat ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang di-sana-nararapat na kabaitan at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. 18 Walang taong nakakita sa Diyos kailanman; ang bugtong na diyos na nasa dakong dibdib ng Ama ang siyang nakapagpaliwanag tungkol sa kaniya.
SETYEMBRE 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 3-4
“Nagpatotoo si Jesus sa Isang Samaritana”
(Juan 4:6, 7) Sa katunayan, naroon ang bukal ni Jacob. At si Jesus, na pagod dahil sa paglalakbay, ay nakaupo nang gayon sa may bukal. Ang oras ay mga ikaanim na. 7 Isang babaing taga-Samaria ang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bigyan mo ako ng maiinom.”
nwtsty study note sa Ju 4:6
pagod: Ito lang ang talata sa Kasulatan na nagsasabing “pagod” si Jesus. Alas-dose ng tanghali noon, at malamang na naglakbay si Jesus nang umagang iyon mula Lambak ng Jordan sa Judea hanggang Sicar sa Samaria, na ang daan ay matarik at nakapahilis nang 900 m o higit pa.—Ju 4:3-5; tingnan ang Ap. A7.
(Juan 4:21-24) Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Maniwala ka sa akin, babae, Ang oras ay dumarating na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; sinasamba namin ang aming nakikilala, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. 23 Gayunpaman, ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. 24 Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”
(Juan 4:39-41) At marami sa mga Samaritano mula sa lunsod na iyon ang nanampalataya sa kaniya dahil sa salita ng babaing nagpatotoo: “Sinabi niya sa akin ang lahat ng bagay na ginawa ko.” 40 Sa gayon nang pumaroon sa kaniya ang mga Samaritano, humiling sila sa kaniya na manatiling kasama nila; at nanatili siya roon nang dalawang araw. 41 Dahil dito ay marami pa ang naniwala dahil sa kaniyang sinabi,
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Juan 3:29) Siya na may kasintahang babae ay ang kasintahang lalaki. Gayunman, ang kaibigan ng kasintahang lalaki, kapag tumindig ito at narinig siya, ay may malaking kagalakan dahil sa tinig ng kasintahang lalaki. Samakatuwid ang kagalakan kong ito ay nalubos na.
nwtsty study note sa Ju 3:29
kaibigan ng kasintahang lalaki: Noong panahon ng Bibliya, isang taong malapít sa kasintahang lalaki ang tumatayong legal na kinatawan nito at ang may pangunahing pananagutan sa paggawa ng mga kaayusan sa kasal. Para sa mga tao noon, napakahalaga ng papel niya para maikasal ang magkasintahan. Sa araw ng kasal, ang prusisyon ng kasal ay pupunta sa bahay ng kasintahang lalaki o ng tatay nito, kung saan gaganapin ang pagdiriwang. Sa panahong ito, matutuwa ang kaibigan ng kasintahang lalaki kapag narinig na niya ang tinig ng kasintahang lalaki habang kausap ang asawa nito, dahil matagumpay na niyang natapos ang tungkulin niya. Itinulad ni Juan Bautista ang sarili niya sa “kaibigan ng kasintahang lalaki.” Si Jesus ang kasintahang lalaki at ang mga alagad niya ang bumubuo sa makasagisag na kasintahang babae. Para maihanda ang daan ng Mesiyas, ipinakilala ni Juan Bautista kay Jesu-Kristo ang unang mga miyembro na bubuo sa “kasintahang babae.” (Ju 1:29, 35; 2Co 11:2; Efe 5:22-27; Apo 21:2, 9) Matatapos ang tungkulin ng “kaibigan ng kasintahang lalaki” kapag matagumpay na niyang naipakilala sa isa’t isa ang kasintahang babae at kasintahang lalaki; wala na sa kaniya ang pokus. Sa katulad na paraan, sinabi ni Juan tungkol sa sarili niya at kay Jesus: “Ang isang iyon ay kailangang patuloy na dumami, ngunit ako ay kailangang patuloy na kumaunti.”—Ju 3:30.
(Juan 4:10) Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung nalaman mo ang walang-bayad na kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Bigyan mo ako ng maiinom,’ ay hiningan mo sana siya, at bibigyan ka niya ng tubig na buháy.”
nwtsty study note sa Ju 4:10
tubig na buháy: Sa literal, ang Griegong pananalitang ito ay tumutukoy sa umaagos na tubig, tubig sa bukal, o sariwang tubig sa balon na may bukal. Ibang-iba ito sa tubig na nakaimbak lang sa isang lalagyan. Sa Lev 14:5, ang pananalitang Hebreo para sa “sariwang tubig” ay “tubig na buháy.” Sa Jer 2:13 at 17:13, inilalarawan si Jehova na “bukal ng tubig na buháy,” ang makasagisag na tubig na nagbibigay-buhay. Noong kausap ni Jesus ang Samaritana, ginamit niya sa makasagisag na paraan ang terminong “tubig na buháy,” pero lumilitaw na totoong tubig ang intindi rito ng babae noong una.—Ju 4:11; tingnan ang study note sa Ju 4:14.
Pagbabasa ng Bibliya
(Juan 4:1-15) Nang mabatid nga ng Panginoon na narinig ng mga Pariseo na si Jesus ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan— 2 bagaman, ang totoo, si Jesus mismo ay hindi gumawa ng pagbabautismo kundi ang kaniyang mga alagad— 3 nilisan niya ang Judea at muling umalis patungong Galilea. 4 Ngunit kailangang dumaan siya sa Samaria. 5 Alinsunod dito ay dumating siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar na malapit sa parang na ibinigay ni Jacob kay Jose na kaniyang anak. 6 Sa katunayan, naroon ang bukal ni Jacob. At si Jesus, na pagod dahil sa paglalakbay, ay nakaupo nang gayon sa may bukal. Ang oras ay mga ikaanim na. 7 Isang babaing taga-Samaria ang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bigyan mo ako ng maiinom.” 8 (Sapagkat umalis ang kaniyang mga alagad patungo sa lunsod upang bumili ng mga pagkain.) 9 Sa gayon ay sinabi ng babaing Samaritana sa kaniya: “Paano ngang ikaw, bagaman isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong isa akong babaing Samaritana?” (Sapagkat ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano.) 10 Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung nalaman mo ang walang-bayad na kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Bigyan mo ako ng maiinom,’ ay hiningan mo sana siya, at bibigyan ka niya ng tubig na buháy.” 11 Sinabi niya sa kaniya: “Ginoo, wala ka man lamang timbang panalok ng tubig, at malalim ang balon. Kung gayon, saan nagmumula itong taglay mong tubig na buháy? 12 Hindi ka mas dakila kaysa sa aming ninunong si Jacob, na siyang nagbigay sa amin ng balon at uminom din mismo mula rito kasama ng kaniyang mga anak at ng kaniyang mga baka, hindi ba?” 13 Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bawat isa na umiinom mula sa tubig na ito ay muling mauuhaw. 14 Ang sinumang uminom mula sa tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na kailanman mauuhaw pa, kundi ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging isang bukal ng tubig sa kaniya na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kaniya: “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito, upang hindi na ako mauhaw pa ni patuloy na pumarito sa dakong ito upang sumalok ng tubig.”
SETYEMBRE 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 5-6
“Sundan si Jesus Taglay ang Tamang Motibo”
(Juan 6:9-11) “Narito ang isang batang lalaki na may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Ngunit gaano na ang mga ito sa ganito karami?” 10 Sinabi ni Jesus: “Pahiligin ninyo ang mga tao gaya ng sa pagkain.” Marami ngang damo sa dakong iyon. Sa gayon ay humilig ang mga lalaki, na mga limang libo ang bilang. 11 Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at, nang makapagpasalamat, ipinamahagi niya ang mga iyon sa mga nakahilig, gayundin naman ang maliliit na isda gaanuman karami ang naisin nila.
nwtsty study note sa Ju 6:10
humilig ang mga lalaki, na mga limang libo ang bilang: Sa mga ulat ng himalang ito, si Mateo lang ang bumanggit ng detalyeng “bukod pa sa mga babae at mga bata.” (Mat 14:21) Posibleng mahigit 15,000 ang makahimalang napakain.
(Juan 6:14) Kaya nang makita ng mga tao ang mga tanda na kaniyang ginawa ay nagsimula silang magsabi: “Ito ngang talaga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
(Juan 6:24) Sa gayon nang makita ng pulutong na wala roon si Jesus ni ang kaniyang mga alagad, lumulan sila sa kanilang maliliit na bangka at dumating sa Capernaum upang hanapin si Jesus.
nwtsty study note sa Ju 6:14
propeta: Inaasahan ng maraming Judio noong unang siglo C.E. na ang propetang binanggit sa Deu 18:15, 18, isa na gaya ni Moises, ang magiging Mesiyas. Sa tekstong ito, lumilitaw na ang pananalitang darating sa sanlibutan ay tumutukoy sa inaasahang paglitaw ng Mesiyas. Si Juan lang ang nag-ulat ng pangyayaring binanggit sa talatang ito.
(Juan 6:25-27) Kaya nang masumpungan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat ay sinabi nila sa kaniya: “Rabbi, kailan ka dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus sa kanila at nagsabi: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kumain kayo mula sa mga tinapay at nabusog. 27 Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao; sapagkat sa isang ito inilagay ng Ama, ng Diyos mismo, ang kaniyang tatak ng pagsang-ayon.”
(Juan 6:54) Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw;
(Juan 6:60) Sa gayon ay marami sa kaniyang mga alagad, nang marinig nila ito, ang nagsabi: “Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?”
(Juan 6:66-69) Dahil dito ay marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya. 67 Sa gayon ay sinabi ni Jesus sa labindalawa: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” 68 Sumagot si Simon Pedro sa kaniya: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; 69 at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
nwtsty study note sa Ju 6:27, 54
pagkaing nasisira . . . pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan: Alam ni Jesus na may mga taong sumasama lang sa kaniya at sa mga alagad niya dahil sa materyal na pakinabang. Totoo, kailangan ng mga tao ang pagkain araw-araw. Pero ang “pagkain” mula sa Salita ng Diyos ang magbibigay sa mga tao ng buhay na walang hanggan. Sinabi ni Jesus sa mga tao na gumawa . . . para sa “pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan,” ibig sabihin, magsikap nang husto para masapatan ang espirituwal na pangangailangan nila at manampalataya sa mga natututuhan nila.—Mat 4:4; 5:3; Ju 6:28-39.
kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo: Ipinahihiwatig ng konteksto na makasagisag ang pagkain at pag-inom na ito, at magagawa ito sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Ju 6:35, 40) Sinabi ito ni Jesus noong 32 C.E. kaya hindi Hapunan ng Panginoon ang tinutukoy niya, dahil pinasimulan niya ito pagkalipas pa ng isang taon. Sinabi niya ito bago ang ‘paskuwa, ang kapistahan ng mga Judio’ (Ju 6:4), kaya malamang na naipaalaala nito sa mga tagapakinig ang nalalapit na kapistahan at ang kahalagahan ng dugo ng kordero sa pagliligtas ng buhay noong gabi na umalis ang mga Israelita sa Ehipto (Exo 12:24-27). Idiniriin dito ni Jesus na napakahalaga rin ng kaniyang dugo para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga alagad niya.
Lalakad Tayo sa Pangalan ni Jehova na Ating Diyos
13 Gayunpaman, nagpasiya ang mga pulutong na sundan si Jesus at nasumpungan siya, gaya ng sinabi ni Juan, “sa kabilang ibayo ng dagat.” Bakit pa kaya nila siya sinundan matapos niyang iwasan ang kanilang pagsisikap na gawin siyang hari? Nahalata sa marami ang makalamang pangmalas, anupat tuwirang tinukoy ang materyal na mga paglalaang ibinigay ni Jehova sa iláng noong panahon ni Moises. Ipinahihiwatig nila na dapat ituloy ni Jesus ang pagbibigay sa kanila ng materyal na mga paglalaan. Palibhasa’y nahalata ni Jesus ang kanilang maling motibo, sinimulan niyang turuan sila ng espirituwal na mga katotohanan na makatutulong upang mabago ang kanilang pag-iisip. (Juan 6:17, 24, 25, 30, 31, 35-40) Bilang tugon, nagbulung-bulungan ang ilan laban sa kaniya, lalo na nang sabihin niya ang ilustrasyong ito: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.”—Juan 6:53, 54.
14 Madalas na napakikilos ng mga ilustrasyon ni Jesus ang mga tao na ipakita kung talagang nais nilang lumakad na kasama ng Diyos. Gayundin ang nagawa ng ilustrasyong ito. Pumukaw ito ng matitinding reaksiyon. Mababasa natin: “Marami sa kaniyang mga alagad, nang marinig nila ito, ang nagsabi: ‘Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?’” Nagpatuloy si Jesus sa pagpapaliwanag na dapat nilang alamin ang espirituwal na kahulugan ng kaniyang mga salita. Ang sabi niya: “Ang espiritu ang siyang nagbibigay-buhay; ang laman ay walang anumang kabuluhan. Ang mga pananalitang sinalita ko sa inyo ay espiritu at buhay.” Subalit marami pa rin ang ayaw makinig at ganito ang ulat ng salaysay: “Dahil dito ay marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.”—Juan 6:60, 63, 66.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Juan 6:44) Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin; at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.
nwtsty study note sa Ju 6:44
ilapit siya: Ginagamit ang pandiwang Griego para sa “ilapit” kapag humahatak ng lambat na may mga isda (Ju 21:6, 11), pero hindi nito ipinahihiwatig na hinahatak, o pinipilit, ng Diyos ang mga tao. Ang pandiwang ito ay puwede ring mangahulugang “hikayatin,” at posibleng ang sinabi ni Jesus ay tumutukoy sa Jer 31:3, kung saan sinabi ni Jehova sa bayan niya noon: “Inilapit kita taglay ang maibiging-kabaitan.” (Iyan din ang pandiwang Griego na ginamit dito ng Septuagint.) Ipinapakita ng Ju 12:32 na sa katulad na paraan, inilalapit din ni Jesus sa sarili niya ang lahat ng uri ng tao. Makikita sa Kasulatan na binigyan ni Jehova ang mga tao ng kalayaang magpasiya. Ang bawat isa ang magpapasiya kung maglilingkod siya sa Diyos o hindi. (Deu 30:19, 20) Inilalapit ng Diyos sa sarili niya ang mga tapat-puso. (Aw 11:5; Kaw 21:2; Gaw 13:48) Ginagawa ito ni Jehova sa pamamagitan ng mensahe ng Bibliya at ng banal na espiritu niya. Ang hula sa Isa 54:13, na sinipi sa Ju 6:45, ay tumutukoy sa mga inilalapit ng Ama.—Ihambing ang Ju 6:65.
(Juan 6:64) Ngunit may ilan sa inyo na hindi naniniwala.” Sapagkat mula sa pasimula ay alam ni Jesus kung sino ang mga hindi naniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kaniya.
nwtsty study note sa Ju 6:64
alam ni Jesus . . . kung sino ang magkakanulo sa kaniya: Si Hudas Iscariote ang tinutukoy ni Jesus. Magdamag na nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama bago piliin ang 12 apostol. (Luc 6:12-16) Kaya noong una, si Hudas ay tapat sa Diyos. Pero dahil sa mga hula sa Hebreong Kasulatan, alam ni Jesus na pagtataksilan siya ng isang malapít na kaibigan. (Aw 41:9; 109:8; Ju 13:18, 19) Nang magsimulang maging masama si Hudas, nalaman iyon ni Jesus, dahil nakakabasa siya ng puso at isip. (Mat 9:4) Dahil sa kakayahan ng Diyos na malaman ang hinaharap, alam niyang magtatraidor ang isang pinagkakatiwalaang kasamahan ni Jesus. Pero batay sa mga katangian ng Diyos at pakikitungo niya noon, hindi makatuwirang isipin na itinadhanang magkasala si Hudas.
mula sa pasimula: Ang pananalitang ito ay hindi tumutukoy sa pagsilang kay Hudas o sa pagpili sa kaniya bilang apostol, na nangyari matapos manalangin si Jesus nang magdamag. (Luc 6:12-16) Sa halip, tumutukoy ito sa panahon kung kailan nagsimulang magtaksil si Hudas, na agad namang napansin ni Jesus. (Ju 2:24, 25; Apo 1:1; 2:23; tingnan ang study note sa Ju 6:70; 13:11.) Ipinapakita rin nito na pinag-isipan at pinagplanuhan ni Hudas ang mga ginawa niya; hindi biglaan ang pagbabago ng puso niya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang kahulugan ng terminong “pasimula” (sa Griego, ar·kheʹ) ay depende sa konteksto. Halimbawa, ang “pasimula” sa 2Pe 3:4 ay tumutukoy sa pasimula ng paglalang. Pero sa maraming pagkakataon, mas espesipiko ang pagkakagamit dito. Halimbawa, sinabi ni Pedro na ang banal na espiritu ay bumaba sa mga Gentil “gaya rin sa atin noong pasimula.” (Gaw 11:15) Hindi tinutukoy ni Pedro ang panahon noong isilang siya o noong maging apostol siya. Ang tinutukoy niya ay ang araw ng Pentecostes 33 C.E., ang “pasimula” ng pagbubuhos ng banal na espiritu para sa isang espesipikong layunin. (Gaw 2:1-4) Makikita sa Luc 1:2; Ju 15:27; at 1Ju 2:7 ang iba pang halimbawa kung paano nakakaapekto ang konteksto sa kahulugan ng terminong “pasimula.”
Pagbabasa ng Bibliya
(Juan 6:41-59) Sa gayon ay nagsimulang magbulung-bulungan tungkol sa kaniya ang mga Judio dahil sinabi niya: “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit”; 42 at sila ay nagsabi: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, na ang ama at ina ay kilala natin? Paano ngang ngayon ay sinasabi niya, ‘Ako ay bumaba mula sa langit’?” 43 Bilang sagot ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag na kayong magbulung-bulungan sa isa’t isa. 44 Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin; at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 45 Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay magiging mga naturuan ni Jehova.’ Bawat isa na nakarinig mula sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. 46 Hindi sa ang sinumang tao ay nakakita sa Ama, maliban sa kaniya na nanggaling sa Diyos; ang isang ito ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Siya na naniniwala ay may buhay na walang hanggan. 48 “Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang at gayunma’y namatay. 50 Ito ang tinapay na bumababa mula sa langit, upang ang sinuman ay makakain mula rito at hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman; at, ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” 52 Nang magkagayon ay nagsimulang makipagtalo ang mga Judio sa isa’t isa, na sinasabi: “Paano maibibigay ng taong ito sa atin ang kaniyang laman upang maipakain?” 53 Alinsunod dito ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw; 55 sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Siya na kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako ay kaisa niya. 57 Kung paanong isinugo ako ng buháy na Ama at ako ay nabubuhay dahil sa Ama, siya rin na kumakain sa akin, maging ang isang iyon ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi ito gaya nang kumain ang inyong mga ninuno at gayunma’y namatay. Siya na kumakain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Ang mga bagay na ito ang sinabi niya habang siya ay nagtuturo sa pangmadlang kapulungan sa Capernaum.
SETYEMBRE 24-30
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JUAN 7-8
“Niluwalhati ni Jesus ang Kaniyang Ama”
(Juan 7:15-18) Sa gayon ay namangha ang mga Judio, na sinasabi: “Paanong ang taong ito ay may kaalaman sa mga titik, samantalang hindi siya nakapag-aral sa mga paaralan?” 16 Sumagot naman si Jesus sa kanila at nagsabi: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. 17 Kung ang sinuman ay nagnanais na gawin ang Kaniyang kalooban, makikilala niya tungkol sa turo kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita nang mula sa aking sarili. 18 Siya na nagsasalita mula sa kaniyang sarili ay nagnanasa ng kaniyang sariling kaluwalhatian; ngunit siya na nagnanasa ng kaluwalhatian niya na nagsugo sa kaniya, ang isang ito ay totoo, at walang kalikuan sa kaniya.
“Nasusulat”
5 Gusto ni Jesus na malaman ng mga tao kung saan nagmula ang kaniyang mensahe. Sinabi niya: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Sa isa pang pagkakataon, sinabi niya: “Wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Juan 8:28) Sinabi pa niya: “Ang mga bagay na sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasalita nang mula sa aking sarili; kundi ang Ama na nananatiling kaisa ko ang gumagawa ng kaniyang mga gawa.” (Juan 14:10) Ang isang paraan na pinatunayan ni Jesus na totoo ang mga salitang iyan ay sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsipi niya mula sa nasusulat na Salita ng Diyos.
6 Isinisiwalat ng masusing pag-aaral sa nakaulat na mga salita ni Jesus na sumipi siya o kaya’y binanggit lamang niya ang diwa ng mga teksto mula sa mahigit kalahati ng mga aklat na kabilang sa kanon ng Hebreong Kasulatan. Baka isipin mo, ‘Ano naman ang kahanga-hanga roon?’ Marahil nagtataka ka kung bakit sa loob ng tatlo at kalahating taon ng pagtuturo at pangangaral ni Jesus sa madla ay hindi siya sumipi mula sa lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan. Ngunit ang totoo, posibleng sumipi nga siya mula sa lahat ng ito. Tandaan, katiting lamang ng mga sinabi at ginawa ni Jesus ang naiulat. (Juan 21:25) Sa katunayan, baka sa loob lamang ng ilang oras ay mabasa mo na nang malakas ang lahat ng naiulat na mga salita ni Jesus. Ngayon, gunigunihin na ipinakikipag-usap mo sa iba ang tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian sa loob lamang ng ilang oras habang sinisikap mong sipiin ang mahigit sa kalahati ng lahat ng aklat ng Hebreong Kasulatan. Napakadalas ngang pagsipi niyan! Karagdagan pa, madalas na wala namang dalang balumbon ng Kasulatan si Jesus. Nang ipahayag niya ang tanyag na Sermon sa Bundok, napakarami niyang ginawang tuwiran at di-tuwirang pagtukoy sa Hebreong Kasulatan—at lahat ay mula sa kaniyang memorya!
(Juan 7:28, 29) Sa gayon ay sumigaw si Jesus habang nagtuturo siya sa templo at nagsabi: “Kapuwa kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nagmula. Gayundin, hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa, kundi siya na nagsugo sa akin ay tunay, at hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya, dahil ako ay isang kinatawan mula sa kaniya, at ang Isang iyon ang nagsugo sa akin.”
(Juan 8:29) At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwang nag-iisa, sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.”
Tanggapin ang Espiritu ng Diyos, Hindi ang Espiritu ng Sanlibutan
19 Lubusang sundin si Jehova. Laging ginagawa ni Jesus ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang Ama. Pero sa isang pagkakataon, iba sa kagustuhan ng kaniyang Ama ang nais niyang gawin. Gayunman, may-pagtitiwala niyang sinabi sa Ama: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Luc. 22:42) Tanungin ang sarili, ‘Sinusunod ko ba ang Diyos kahit mahirap itong gawin?’ Ang pagsunod sa Diyos ay mahalaga sa ating buhay. Dapat natin siyang lubusang sundin bilang ating Maylikha, ang Pinagmulan at Tagapagsustine ng ating buhay. (Awit 95:6, 7) Walang maihahalili sa pagsunod. Hindi natin matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos kung wala ito.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Juan 7:8-10) Umahon kayo sa kapistahan; hindi pa ako aahon sa kapistahang ito, sapagkat ang takdang panahon ko ay hindi pa lubusang dumarating.” 9 Kaya pagkatapos niyang sabihin sa kanila ang mga bagay na ito, siya ay nanatili sa Galilea. 10 Ngunit nang makaahon na sa kapistahan ang kaniyang mga kapatid, nang magkagayon ay umahon din naman siya, hindi lantaran kundi palihim.
Bakit Dapat Magsabi ng Totoo?
Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesu-Kristo hinggil dito? Minsan, kausap ni Jesus ang ilang tao na hindi naman niya mga alagad subalit interesadong makaalam sa mga pupuntahan niyang lugar. “Lumipat ka mula rito at pumaroon ka sa Judea,” ang mungkahi nila. Ano ang isinagot ni Jesus? “Umahon kayo sa kapistahan [sa Jerusalem]; hindi pa ako aahon sa kapistahang ito, sapagkat ang takdang panahon ko ay hindi pa lubusang dumarating.” Di-nagtagal pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa Jerusalem para sa kapistahan. Bakit kaya ganoon ang isinagot niya? Wala kasi silang karapatang malaman ang lahat ng detalye ng kaniyang mga pupuntahan. Kaya bagaman walang sinabi si Jesus na hindi totoo, hindi niya sinabi ang lahat ng detalye upang maiwasan ang posibleng kapahamakan na maaari nilang gawin sa kaniya o sa kaniyang mga tagasunod. Hindi iyon pagsisinungaling, dahil ganito ang isinulat ni apostol Pedro tungkol kay Kristo: “Hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.”—Juan 7:1-13; 1 Pedro 2:22.
(Juan 8:58) Sinabi ni Jesus sa kanila: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago pa umiral si Abraham, ako ay umiiral na.”
nwtsty study note sa Ju 8:58
ako ay umiiral na: Si Jesus ay gustong batuhin ng mga Judiong kumakalaban sa kaniya dahil sinabi niyang ‘nakita na niya si Abraham,’ kahit ‘wala pa siyang limampung taóng gulang.’ (Ju 8:57) Sinabi iyon ni Jesus dahil gusto niyang malaman nila na nabuhay na siya sa langit bilang isang espiritung nilalang bago pa ipanganak si Abraham. Naniniwala ang ilan na pinatutunayan ng tekstong ito na si Jesus ang Diyos. Sinasabi nila na ang terminong Griego na ginamit dito, ang e·goʹ ei·miʹ, ay may kaugnayan sa salin ng Septuagint sa Exo 3:14, kung saan ipinapakilala ng Diyos ang sarili niya. (Tingnan ang study note sa Ju 4:26.) Pero gaya ng makikita sa pangangatuwiran ni Jesus sa Ju 8:54, 55, hindi niya sinasabi na siya at ang Ama ay iisa.
Pagbabasa ng Bibliya
(Juan 8:31-47) At sa gayon ay sinabi pa ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” 33 Tumugon sila sa kaniya: “Kami ay mga supling ni Abraham at kailanman ay hindi kami naging alipin ninuman. Paano ngang sinasabi mo, ‘Kayo ay magiging malaya’?” 34 Sumagot si Jesus sa kanila: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. 35 Bukod diyan, ang alipin ay hindi nananatili sa sambahayan magpakailanman; ang anak ay nananatili magpakailanman. 36 Samakatuwid kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay talagang magiging malaya. 37 Alam ko na kayo ay mga supling ni Abraham; ngunit sinisikap ninyong patayin ako, sapagkat ang aking salita ay hindi lumalago sa inyo. 38 Ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama ay sinasalita ko; at kayo, kung gayon, ay gumagawa ng mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.” 39 Bilang sagot ay sinabi nila sa kaniya: “Ang aming ama ay si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. 40 Ngunit ngayon ay sinisikap ninyong patayin ako, isang tao na nagsabi sa inyo ng katotohanan na narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kaniya: “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid; may isa kaming Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kung ang Diyos ang inyong Ama, iibigin ninyo ako, sapagkat nanggaling ako sa Diyos at narito ako. Hindi rin naman ako naparito sa sarili kong pagkukusa, kundi isinugo ako ng Isang iyon. 43 Bakit nga ba hindi ninyo alam kung ano ang sinasabi ko? Sapagkat hindi kayo makapakinig sa aking salita. 44 Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Sapagkat ako, sa kabilang dako, ay nagsasabi ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang humahatol sa akin ng kasalanan? Kung nagsasalita ako ng katotohanan, bakit nga hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Siya na mula sa Diyos ay nakikinig sa mga pananalita ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi kayo nakikinig, sapagkat kayo ay hindi mula sa Diyos.”