“Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
“Ilingap nawa sa iyo ni Jehova ang kaniyang mukha at bigyan ka ng kapayapaan.”—BILANG 6:26.
1. Mga ilang saglit bago siya mamatay, ano ang isinulat ni Pablo kay Timoteo, na nagsisiwalat ng ano?
NOONG taóng 65 C.E., si apostol Pablo ay isang preso sa Roma. Bagaman siya’y malapit na noong mamatay nang may karahasan sa kamay ng isang berdugong Romano, si Pablo ay may kapayapaan. Ito’y makikita buhat sa mga salitang isinulat niya sa kaniyang nakababatang kaibigang si Timoteo, nang kaniyang sabihin: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking pagtakbo, iningatan ko ang pananampalataya. Buhat ngayon ay nakalaan sa akin ang korona ng katuwiran, na ang Panginoon, ang matuwid na hukom ang magbibigay sa akin bilang isang gantimpala sa araw na yaon.”—2 Timoteo 4:7, 8.
2. Ano ang nag-ingat sa puso ni Pablo sa buong kahabaan ng kaniyang makasaysayang buhay, tuluy-tuloy hanggang sa kaniyang kamatayan?
2 Papaano nga magiging napakahinahon ni Pablo samantalang nakaharap sa kamatayan? Iyon ay sapagkat “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip” ang nag-iingat sa kaniyang puso. (Filipos 4:7) Ang kapayapaan ding ito ang nagsilbing proteksiyon sa kaniya sa lahat ng mga taóng puspos ng gawain sapol ng maagang pagkakumberte niya sa pagka-Kristiyano. Ito ang umalalay sa kaniya sa mga pang-uumog, mga pagkabilanggo, mga panggugulpi, at pambabato. Ito ang nagpalakas sa kaniya sa kaniyang pakikipagbaka laban sa impluwensiya ng mga apostata at mga nasa Judaismo. At ito ang tumulong sa kaniya upang makipagbaka sa di-nakikitang mga hukbo ng mga demonyo. Maliwanag, ito ang nagpalakas sa kaniya tuluy-tuloy hanggang sa wakas.—2 Corinto 10:4, 5; 11:21-27; Efeso 6:11, 12.
3. Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa kapayapaan ng Diyos?
3 Anong lakas na puwersa ang kapayapaang ito na nasumpungan ni Pablo! Tayo ba sa ngayon ay makaaalam kung ano ito? Ito ba’y tutulong upang maingatan ang ating mga puso at palakasin tayo samantalang tayo’y “nakikipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya” sa ganitong mahihirap, “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan”?—1 Timoteo 6:12; 2 Timoteo 3:1.
Pakikipagpayapaan sa Diyos—Kung Papaano Ito Nawala
4. Ano ang ilang kahulugan ng salitang “kapayapaan” sa Bibliya?
4 Sa Bibliya ang salitang “kapayapaan” ay maraming kahulugan. Narito ang ilan, ayon sa pagkatala sa The New International Dictionary of New Testament Theology: “Sa buong M[atandang] T[ipan], ang [sha·lohmʹ] (kapayapaan) ay sumasaklaw ng ikabubuti ayon sa pinakamalawak na diwa ng salita (Huk. 19:20); kaginhawahan (Awit 73:3), maging sa pagtukoy sa mga masasama; kalusugan ng katawan (Isa. 57:18[, 19]; Awit 38:3); pagkakuntento . . . (Gen. 15:15 atp.); mabubuting relasyon sa pagitan ng mga bansa at mga tao ( . . . Huk. 4:17; 1 Cro. 12:17, 18); kaligtasan ( . . . Jer. 29:11; iham. ang Jer. 14:13).” Ang pinakamahalaga ay mapayapang kaugnayan kay Jehova, na kung wala ito ang anumang iba pang kapayapaan ay, sa pinakamagaling man, pansamantala lamang at limitado.—2 Corinto 13:11.
5. Papaanong ang kapayapaan ng paglalang ng Diyos ay nasira nang pasimula pa lamang?
5 Nang pasimula, ang buong sangnilalang ay may lubos na pakikipagpayapaan kay Jehova. May mabuting dahilan, ipinahayag ng Diyos na lahat ng kaniyang mga gawang paglalang ay napakabuti. Oo nga, ang makalangit na mga anghel ay nagsigawan sa paghanga nang makita ang mga yaon. (Genesis 1:31; Job 38:4-7) Subalit, nakalulungkot at ang pansansinukob na kapayapaang iyon ay hindi nagtagal. Iyon ay nasira nang ang espiritung nilalang na ngayo’y kilala bilang si Satanas ay humikayat sa pinakabago sa matalinong mga nilalang ng Diyos, si Eva, upang sumuway sa Diyos. Ang asawa ni Eva, si Adan, ay sumunod sa kaniya, at ngayong may tatlo nang rebelde na gumagala, nagkaroon ng kaguluhan sa sansinukob.—Genesis 3:1-6.
6. Ano ang resulta para sa sangkatauhan ng pagkawala ng pakikipagpayapaan sa Diyos?
6 Ang pagkawala ng pakikipagpayapaan sa Diyos ay naging kapaha-pahamak para kay Adan at kay Eva, na ngayon ay nagsimula ang mabagal na pagkahulog ng kanilang pangangatawan na nagwakas sa kanilang kamatayan. Sa halip na magtamasa ng kapayapaan sa Paraiso, si Adan ay kinailangang makipagpunyagi sa di pa nahahandang lupa sa labas ng Eden upang mapakain ang kaniyang lumalagong pamilya. Imbis na kuntentong maging ina ng isang sakdal na lahi ng sangkatauhan, si Eva ay nag-anak ng di-sakdal na mga supling nang may kahirapan at pagdurusa. Ang pagkawala ng pakikipagpayapaan sa Diyos ay humantong sa pananaghili at karahasan sa gitna ng mga tao. Pinaslang ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel, at nang sumapit ang panahon ng Baha, ang buong lupa ay punô ng karahasan. (Genesis 3:7–4:16; 5:5; 6:11, 12) Nang ang ating unang mga magulang ay mamatay, tiyak na hindi sila nagtungo sa kanilang mga libingan na nasisiyahan, “may kapayapaan,” di-gaya ni Abraham makalipas ang maraming daan-daang taon.—Genesis 15:15.
7. (a) Ano ang sinalita ng Diyos na hula na tumukoy sa pagsasauli ng lubos na kapayapaan? (b) Naging gaanong kaimpluwensiya ang kaaway ng Diyos na si Satanas?
7 Pagkatapos na si Adan at si Eva ay mawalan ng kapayapaan makikita natin ang unang pagkabanggit ng alitan sa Bibliya. Ang Diyos ay nagsalita kay Satanas at sinabi: “Pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” (Genesis 3:15) Samantalang lumalakad ang panahon, ang impluwensiya ni Satanas ay umuunlad hanggang sa punto na nasabi ni apostol Juan: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot na isa.” (1 Juan 5:19) Ang isang sanlibutan na nasa ilalim ni Satanas ay tunay na walang pakikipagpayapaan sa Diyos. Kaya naman, sa mga Kristiyano ay nagbabala ang alagad na si Santiago: “Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos?”—Santiago 4:4.
Mapayapa sa Isang Napopoot na Sanlibutan
8, 9. Pagkatapos magkasala si Adan, papaano noon makapagkakaroon ng pakikipagpayapaan sa Diyos ang mga tao?
8 Doon sa Eden, nang unang banggitin ng Diyos ang salitang ‘alitan,’ kaniya ring inihula kung papaano ibabalik sa mga nilalang ang buong kapayapaan. Ang ipinangakong binhi ng babae ng Diyos ang susugat sa ulo ng sa simula pa’y maninira ng kapayapaan. Mula noon sa Eden, yaong mga may pananampalataya sa pangakong iyan ang nagtamasa ng mapayapang kaugnayan sa Diyos. Para kay Abraham, ito’y humantong hanggang sa pakikipagkaibigan.—2 Cronica 20:7; Santiago 2:23.
9 Noong panahon ni Moises, ang mga anak ni Israel, na apo ni Abraham, ay itinatag ni Jehova upang maging isang bansa. Kaniyang inialok sa bansang ito ang kaniyang kapayapaan, gaya ng makikita sa pagbasbas sa kanila ni Aaron, ang mataas na saserdote: “Pagpalain ka ni Jehova at ingatan ka. Paliwanagin nawa sa iyo ni Jehova ang kaniyang mukha, at nawa ay tulungan ka. Ilingap nawa sa iyo ni Jehova ang kaniyang mukha at bigyan ka ng kapayapaan.” (Bilang 6:24-26) Ang pakikipagpayapaan kay Jehova ay magdudulot ng saganang kagantihan, subalit iyon ay inialok salig sa isang kondisyon.
10, 11. Para sa Israel, salig sa anong kondisyon ang pakikipagpayapaan sa Diyos, at ano ang magiging resulta nito?
10 Sinabi ni Jehova sa bansa: “Kung patuloy na lalakad kayo ayon sa aking mga palatuntunan at iingatan ninyo ang aking mga utos at inyong tutuparin, maglalagpak nga ako ng ulan sa kapanahunan, at ang lupain ay pakikinabangan, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga. At magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at kayo’y walang katatakutan; at aking papawiin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi dadaanan ng tabak ang inyong lupain. At lalakad ako sa gitna ninyo at ako’y magiging inyong Diyos, at kayo, sa ganang inyo, ay magiging aking bayan.” (Levitico 26:3, 4, 6, 12) Ang Israel ay magtatamasa ng kapayapaan dahil sa sila’y ligtas sa kanilang mga kaaway, sagana sa materyal na mga bagay, at may malapit na kaugnayan kay Jehova. Subalit ito’y depende sa kanilang pagsunod sa Kautusan ni Jehova.—Awit 119:165.
11 Sa buong kasaysayan ng bansa, ang mga Israelita na tapat na nagsikap na sumunod sa mga kautusan ni Jehova ay nagtamasa ng pakikipagpayapaan sa kaniya, at malimit na iyon ay nagdulot ng marami pang ibang mga pagpapala. Noong mga unang taon ng paghahari ni Haring Solomon, ang pakikipagpayapaan sa Diyos ay nagdulot ng kasaganaan sa materyal na mga bagay at walang pakikidigma sa kalapit ng Israel na mga bansa. Upang ilarawan ang panahong iyon, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nagsitahang tiwasay, bawat tao’y sa ilalim ng kaniyang punò ng ubas at sa ilalim ng kaniyang punò ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, lahat ng mga araw ni Solomon.” (1 Hari 4:25) Kahit na may mga pakikipag-alitan sa karatig na mga bansa, ang tapat na mga Israelita ay mayroon pa ring kapayapaan na talagang mahalaga, ang pakikipagpayapaan sa Diyos. Sa gayon, si Haring David, isang kilalang mandirigma, ay sumulat: “Payapa akong hihiga at gayundin matutulog, sapagkat ikaw lamang, Oh Jehova, pinatatahanan mo ako sa katiwasayan.”—Awit 4:8.
Isang Lalong Mainam na Saligan Para sa Kapayapaan
12. Papaano sa wakas tinanggihan ng Israel ang pakikipagpayapaan sa Diyos?
12 Sa wakas, ang Binhi na magsasauli ng buong kapayapaan ay dumating sa katauhan ni Jesus, at sa kaniyang pagsilang ang mga anghel ay umawit: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Lucas 2:14) Si Jesus ay lumitaw sa Israel, subalit bagaman nasa ilalim ng tipan ng Diyos, ang bansang iyan sa kabuuan ay tumanggi sa kaniya at ibinigay siya sa mga Romano upang patayin. Mga ilang saglit lamang bago siya mamatay, tinangisan ni Jesus ang Jerusalem, na nagsasabi: “Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan—ngunit ngayon ay pawang natatago sa iyong mga mata.” (Lucas 19:42; Juan 1:11) Dahilan sa pagtanggi kay Jesus, lubusang naiwala ng Israel ang pakikipagpayapaan sa Diyos.
13. Anong bagong paraan ang itinatag ni Jehova para sa tao upang makasumpong ng pakikipagpayapaan sa Kaniya?
13 Gayumpaman, ang mga layunin ng Diyos ay hindi mahahadlangan. Si Jesus ay binuhay-muli sa mga patay, at kaniyang inihandog kay Jehova ang halaga ng kaniyang sakdal na buhay bilang isang pantubos para sa mga taong may matuwid na mga puso. (Hebreo 9:11-14) Ang hain ni Jesus ay naging isang bago at lalong mainam na paraan para sa mga tao—kapuwa sa likas na mga Israelita at mga Gentil—upang magkaroon ng pakikipagpayapaan sa Diyos. Sinabi ni Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma: “Nang tayo’y mga kaaway, tayo’y nakipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang anak.” (Roma 5:10) Noong unang siglo, yaong mga nakipagpayapaan sa ganitong paraan ay pinahiran ng banal na espiritu upang maging inampong mga anak ng Diyos at mga miyembro ng isang bagong espirituwal na bansa na tinatawag na “ang Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Juan 1:12, 13; 2 Corinto 1:21, 22; 1 Pedro 2:9.
14, 15. Ilarawan kung ano ang kapayapaan ng Diyos, at ipaliwanag kung papaano ito isang proteksiyon sa mga Kristiyano kahit na kung sila ang tampulan ng pagkapoot ni Satanas.
14 Ang bagong espirituwal na mga Israelitang ito ang magiging tampulan ng pagkapoot ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan. (Juan 17:14) Gayunman, sila’y magkakaroon ng “kapayapaan mula sa Diyos na Ama at kay Kristo Jesus na Panginoon natin.” (2 Timoteo 1:2) Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pamamagitan ko ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.
15 Ito ang kapayapaan na tumulong kay Pablo at sa kaniyang kapuwa Kristiyano upang magtiis sa kabila ng lahat ng mga kahirapan na napaharap sa kanila. Mababanaag dito ang isang matahimik, may pagkakasuwatong kaugnayan sa Diyos na naging posible dahilan sa hain ni Jesus. Ito’y nagbibigay sa may taglay nito ng isang mahinahong kapayapaan ng isip samantalang nadarama niya ang pagtingin sa kaniya ni Jehova. Ang isang bata na kalung-kalong ng mga bisig ng isang mapagmahal na ama ay may gayunding pagkadama ng kapayapaan, isang walang pag-aalinlangang katiyakan na siya’y binabantayan ng isa na nagmamalasakit sa kaniya. Ang mga taga-Filipos ay pinatibay-loob ni Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
16. Papaanong ang pakikipagpayapaan sa Diyos ay may epekto sa ugnayan ng mga Kristiyano sa isa’t isa noong unang siglo?
16 Ang isang resulta ng pagkawala ng pakikipagpayapaan ng tao sa Diyos ay pagkapoot at pagkakasalungatan. Para sa mga Kristiyano noong unang siglo, ang pagkasumpong ng pakikipagpayapaan sa Diyos ay nagbunga ng mismong kabaligtaran, kapayapaan at pakikipagkaisa sa gitna nila, na ang tawag ni Pablo ay “ang tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” (Efeso 4:3) Sila’y ‘nagkaisa ng kaisipan at namuhay nang mapayapa, at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sumasakanila.’ Bukod diyan, kanilang ipinangaral “ang mabuting balita ng kapayapaan,” na, talaga naman, ang mabuting balita ng kaligtasan para sa ‘mga kaibigan ng kapayapaan,’ yaong mga tumutugon sa mabuting balita.—2 Corinto 13:11; Gawa 10:36; Lucas 10:5, 6.
Isang Tipan ng Kapayapaan
17. Anong tipan ang ginawa ng Diyos sa kaniyang bayan sa ating kaarawan?
17 Ang gayon bang kapayapaan ay matatagpuan sa ngayon? Oo, matatagpuan. Magbuhat nang itatag ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ng niluwalhating si Jesu-Kristo noong 1914, tinipon ni Jehova ang mga natitira pa sa Israel ng Diyos buhat sa sanlibutang ito at sa kanila’y gumawa ng isang tipan ng kapayapaan. Sa ganoo’y tinupad niya ang kaniyang pangako na ginawa sa pamamagitan ni propeta Ezekiel: “Makikipagtipan ako sa kanila ng tipan ng kapayapaan; magiging tipan na walang-hanggan sa kanila. At aking ilalagay sila at pararamihin sila at itatatag ko ang aking santuwaryo sa gitna nila magpakailanman.” (Ezekiel 37:26) Ang tipan na ito ay ginawa ni Jehova sa pinahirang mga Kristiyano na, katulad ng kanilang mga kapatid noong unang siglo, sumasampalataya sa hain ni Jesus. Pagkatapos na malinis sa espirituwal na karumihan, kanilang inialay ang kanilang sarili sa kanilang makalangit na Ama at nagsikap na sundin ang kaniyang mga utos, lalung-lalo na sa pamamagitan ng pangunguna sa pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng natatag na Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
18. Papaanong ang iba na nasa mga bansa ay tumugon nang kanilang makilala na ang pangalan ng Diyos ay nasa Israel ng Diyos?
18 Ang hula ay nagpapatuloy: “Ang aking tabernakulo naman ay mapapasagitna nila, at ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan. At malalaman ng mga bansa na ako, si Jehova, ang nagpapabanal sa Israel.” (Ezekiel 37:27, 28) Kasuwato nito, daan-daang libo, oo, milyun-milyon, mula sa “mga bansa” ang nakakilala na ang pangalan ni Jehova ay nasa Israel ng Diyos. (Zacarias 8:23) Buhat sa lahat ng bansa, sila’y nagsasama-sama upang maglingkod kay Jehova kasama ng espirituwal na bansang iyan, na bumubuo ng “malaking pulutong” na inihula sa Apocalipsis. Yamang “naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero,” sila’y makaliligtas sa malaking kapighatian tungo sa mapayapang bagong sanlibutan.—Apocalipsis 7:9, 14.
19. Anong kapayapaan ang tinatamasa ng bayan ng Diyos sa ngayon?
19 Magkasama, ang Israel ng Diyos at ang malaking pulutong ay nagtatamasa ng espirituwal na kapayapaan na kahalintulad ng kapayapaang tinamasa ng Israel sa ilalim ni Haring Solomon. Tungkol sa kanila, si Mikas ay humula: “Kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Sila’y hindi magtataas ng tabak, ang bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma. At sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punò ng ubas at sa ilalim ng kaniyang punò ng igos, at walang tatakot sa kanila.” (Mikas 4:3, 4; Isaias 2:2-4) Kasuwato nito, kanilang tinalikdan na ang digmaan at pag-aalitan, sa simbolikong paraan ay pinapanday ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Sa gayon, sila’y nagtatamasa ng isang mapayapang pagkakapatiran sa lahat ng panig ng kanilang pandaigdig na komunidad, anuman ang kanilang bansang pinagmulan, ang kanilang wika, lahi, o lipunang kinalakhan. At sila’y nalulugod sa kasiguruhan na ibinibigay ng kumukupkop na pangangalaga sa kanila ni Jehova. ‘Walang tumatakot sa kanila.’ Tunay, ‘si Jehova ay nagbigay ng lakas sa kaniyang bayan. Ang kaniyang bayan ay pinagpala ni Jehova ng kapayapaan.’—Awit 29:11.
20, 21. (a) Bakit kailangang gumawang masikap upang mapanatili ang ating pakikipagpayapaan sa Diyos? (b) Ano ba ang ating masasabi tungkol sa pagsisikap ni Satanas na durugin ang kapayapaan ng bayan ng Diyos?
20 Gayunman, tulad noong unang siglo C.E., ang kapayapaan ng mga lingkod ng Diyos ay pumukaw sa pagkapoot ni Satanas. Pagkatapos na palayasin sa langit pagkatatag ng Kaharian ng Diyos noong 1914, magmula na noon si Satanas ay nagbangon ng pakikipagdigma “sa mga nalalabi ng binhi” ng babae. (Apocalipsis 12:17) Kahit na noong kaniyang kaarawan, si Pablo ay nagbabala: “Ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa . . . mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.” (Efeso 6:12) Ngayong si Satanas ay narito na sa kapaligiran ng lupa, ang babalang iyan ay totoong kailangang-kailangan.
21 Ginamit ni Satanas ang lahat ng taktika na maaari niyang gamitin sa kaniyang pagsisikap na wasakin ang kapayapaan ng bayan ng Diyos, subalit siya’y nabigo. Noong 1919, wala pa kahit 10,000 na nagsikap maglingkod sa Diyos nang may katapatan. Sa ngayon, may mahigit na apat na milyon na dumadaig sa sanlibutan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. (1 Juan 5:4) Para sa mga ito, ang pakikipagpayapaan sa Diyos at ang pakikipagpayapaan sa isa’t isa ay isang katunayan samantalang kanilang tinitiis ang poot ni Satanas at ng kaniyang binhi. Subalit dahilan sa pagkapoot na ito, at sa pagsasaalang-alang ng ating sariling di-kasakdalan at sa “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan” na ating kinabubuhayan, tayo’y kailangang gumawang masikap upang mapanatili ang ating kapayapaan. (2 Timoteo 3:1) Sa susunod na artikulo, ating aalamin kung ano ang kasangkot dito.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit sa simula pa lamang ay naiwala na ng tao ang kaniyang pakikipagpayapaan sa Diyos?
◻ Para sa Israel, salig sa anong kondisyon ang pakikipagpayapaan sa Diyos?
◻ Sa anong tipan nakasalig ang pakikipagpayapaan sa Diyos ngayon?
◻ Ano “ang kapayapaan ng Diyos” na nag-iingat sa ating mga puso?
◻ Ano pang mga pagpapala ang ating tinatamasa kung tayo’y may pakikipagpayapaan sa Diyos?