Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • sh kab. 12 p. 284-305
  • Islām—Ang Daan ng Pagpapasakop Tungo sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Islām—Ang Daan ng Pagpapasakop Tungo sa Diyos
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagkatawag kay Muḥammad
  • Paghahayag sa Qur’ān
  • Paglaganap ng Islām
  • Umakay sa Hidwaan ang Kamatayan ni Muḥammad
  • Diyos ang Kataastaasan, Hindi si Jesus
  • Kaluluwa, Pagkabuhay-na-Muli, Paraiso, at Apoy ng Impiyerno
  • Monogamya o Poligamya?
  • Islām at ang Araw-Araw na Buhay
  • Pakikipag-alit Sa Sangkakristiyanuhan
  • Bahagi 14—622 C.E. patuloy—Pagpapasakop sa Kalooban ng Diyos
    Gumising!—1989
  • Ano ang Sasabihin Ninyo sa Isang Muslim?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
  • Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Isang Kahariang Itinayo sa Buhangin, Langis, at Relihiyon
    Gumising!—1991
Iba Pa
Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
sh kab. 12 p. 284-305

Kabanata 12

Islām​—Ang Daan ng Pagpapasakop Tungo sa Diyos

[Artwork—Arabic characters]

1, 2. (a) Ano ang pambungad na mga salita ng Qur’ān? (b) Bakit makahulugan ito sa mga Muslim? (c) Sa anong wika unang napasulat ang Qur’ān, at ano ang kahulugan ng “Qur’ān”?

“SA PANGALAN ni Allah, ang Mabait, ang Maawain.” Ito ang salin ng tekstong Arabiko, nasa itaas, na sinipi mula sa Qur’ān. Nagsasabi pa ito: “Purihin si Allah, Panginoon ng mga Daigdig: Ang Mabait, ang Maawain: May-ari ng Araw ng Paghuhukom. Ikaw (lamang) ang aming sinasamba; Ikaw (lamang) ang hinihingan namin ng tulong. Ipakita mo sa amin ang matuwid na landas: Ang landas niyaong mga sinasang-ayunan Mo; Hindi (ang landas) niyaong pumupukaw ng Iyong galit ni niyaong nangasisinsay.”​—Ang Qur’ān, sura 1:1-7, MMPa.

2 Ang mga salitang ito ay bumubuo sa Al-Fātiḥah (“Ang Pagbubukas”), unang kabanata, o sura, ng banal na aklat ng mga Muslim, ang Banal na Qur’ān, o Koran. Yamang mahigit na 1 sa bawat 6 na tao sa daigdig ay Muslim at yamang ang mga talatang ito ay binibigkas nila nang hindi bababa sa limang beses sa araw-araw na panalangin, tiyak na kabilang ito sa pinakamalimit bigkasing mga salita sa buong lupa.

3. Gaano kalaganap ang Islām sa ngayon?

3 Ayon sa isang autoridad, may mahigit na 900 milyong Muslim sa daigdig, kaya sa bilang ay pangalawa lamang ang Islām sa Iglesiya Katolika Romana. Sa mga pangunahing relihiyon sa daigdig, ito marahil ang pinakamabilis lumago, at patuloy pang lumalaki ang kilusang Muslim sa Aprika at sa Kanluran.

4. (a) Ano ang kahulugan ng “Islām”? (b) Ano ang kahulugan ng “Muslim”?

4 Ang salitang Islām ay mahalaga sa isang Muslim, sapagkat ito’y nangangahulugan ng “pagpapasakop,” “pagsuko,” o “pakikipagtipan” kay Allah, at ayon sa isang mananalaysay, “ipinapahayag nito ang pinakamalalim na saloobin niyaong mga tumanggap sa pangangaral ni Mohammed.” Ang “Muslim” ay nangangahulugan ng ‘isa na gumagawa o tumutupad sa Islām.’

5. (a) Ano ang paniwala ng mga Muslim hinggil sa Islām? (b) Sa ano magkatulad ang Bibliya at ang Qur’ān?

5 Naniniwala ang mga Muslim na ang pananampalataya nila ay ang hantungan ng mga kapahayagan na ipinagkaloob sa tapat na mga sinaunang Hebreo at Kristiyano. Gayunman, kung minsan ang turo nila ay lumilihis sa Bibliya bagaman sinisipi ng Qur’ān kapuwa ang mga Hebreo at Griyegong Kasulatan.b (Tingnan ang kahon, pahina 285.) Upang higit na maunawaan ang pananampalatayang Muslim, dapat nating malaman kung papaano, saan, at kailan nagsimula ang relihiyong ito.

Ang Pagkatawag kay Muḥammad

6. (a) Sa ano nakatuon ang pagsambang Arabo noong panahon ni Muḥammad? (b) Ano ang tradisyon hinggil sa Ka‛bah?

6 Si Muḥammadc ay isinilang sa Mecca (Arabiko, Makkah), Saudi Arabya, noong 570 C.E. Ang kaniyang ama, si ‛Abd Allāh, ay namatay bago siya isilang. Ang kaniyang ina, si Āminah, ay namatay noong anim na taong gulang siya. Noon ang mga Arabo ay may isang anyo ng pagsamba kay Allah na nakasentro sa libis ng Mecca, sa banal na dako ng Ka‛bah, isang payak tulad-kahong gusali na doo’y sinasamba ang isang itim na batong-bulalakaw. Ayon sa tradisyong Islāmiko, “ang Ka‛bah ay unang itinayo ni Adan batay sa isang makalangit na huwaran at pagkatapos ng Baha ay muling itinayo nina Abraham at Ismael.” (History of the Arabs, ni Philip K. Hitti) Naging santuwaryo ito para sa 360 idolo, isa para sa bawat araw ng lunar na taon.

7. Anong mga relihiyosong kaugalian ang nakabahala kay Muḥammad?

7 Nang lumalaki na si Muḥammad, kinuwestiyon niya ang mga relihiyosong kaugalian noon. Sinasabi ni John Noss, sa kaniyang aklat na Man’s Religions: “Nabahala [si Muḥammad] sa laging pag-aaway sa kapakanan di-umano ng relihiyon at sa karangalan ng mga pinunong Quraysh [kabilang si Muḥammad sa tribong ito]. Mas masidhi ang naging pagtutol niya sa mga primitibong bakas ng relihiyong Arabo, sa idolatrosong politeyismo at animismo, sa kahalayan ng mga relihiyosong pagtitipon at pagtatanghal, sa pag-iinuman, sugal, mga napausong sayaw, at paglilibing-nang-buhay sa kinayayamutang mga sanggol na babae na isinagawa hindi lamang sa Mecca kundi sa buong Arabya.”​—Sura 6:137.

8. Sa ilalim ng anong mga kalagayan naganap ang pagtawag kay Muḥammad bilang propeta?

8 Ang pagtawag kay Muḥammad bilang propeta ay dumating nang siya’y mga 40 taon na. Nakaugalian niyang pumunta nang mag-isa sa isang kuweba sa bundok, ang Ghār Ḥirā’, upang magbulay, at sinabi niya na sa isang pagkakataon ay tinanggap niya ang panawagan na maging propeta. Ayon sa tradisyong Muslim, isang anghel, na nang maglao’y nakilalang si Gabriel, ay nag-utos sa kaniya roon na magsalita sa pangalan ni Allāh. Hindi tumugon si Muḥammad, kaya ‘sinunggaban siya ng anghel at inipit siya nang husto hanggang hindi na siya makahinga.’ Pagkatapos ay inulit ng anghel ang utos. Hindi pa rin tumugon si Muḥammad, kaya ‘sinakal’ siya uli ng anghel. Makaitlong naganap ito bago nabigkas ni Muḥammad ang di-umano’y una sa serye ng mga kapahayagan na bumubuo sa Qur’ān. Sinasabi ng isa pang tradisyon na ang pagkasi ng diyos ay inihayag kay Muḥammad na gaya ng isang kampanang bumabatingting.​—The Book of Revelation mula kay Ṣaḥīḥ Al-Bukhārī.

Paghahayag sa Qur’ān

9. Alin di-umano ang unang kapahayagan ni Muḥammad? (Ihambing ang Apocalipsis 22:18, 19.)

9 Alin daw ang unang kapahayagan na tinanggap ni Muḥammad? Ang mga autoridad ng Islām ay karaniwang sumasang-ayon na ito ang unang limang talata ng sura 96, na pinamagatang Al-‘Alaq, “Ang Nakulta[ng Dugo],” na kababasahan nang ganito:

“Sa pangalan ni Allah, ang Mabait, ang Maawain.

Basahin: Sa pangalan ng iyong Panginoon na lumalang.

Mula sa isang kulta ay lumalang sa tao.

Basahin: At ang iyong Panginoon ay Mapagbigay-sa-Lahat,

Na nagturo sa pamamagitan ng pluma,

Nagturo sa tao ng hindi nalalaman nito.”

​—MMP.

10-12. Papaano naingatan ang Qur’ān?

10 Ayon sa Arabikong The Book of Revelation, sumagot si Muḥammad, “Hindi ako marunong bumasa.” Kaya, kinailangan niyang kabisahin ang mga kapahayagan upang ito ay kaniyang maulit at mabigkas. Bihasa ang mga Arabo sa pagsasaulo, at kabilang na rito si Muḥammad. Gaano katagal bago niya nakamit ang kumpletong mensahe ng Qur’ān? Ayon sa karaniwang paniwala tumagal ito ng 20 hanggang 23 taon, mula 610 C.E. hanggang sa mamatay siya noong 632 C.E.

11 Ayon sa mga autoridad na Muslim, tuwing makatatanggap ng kapahayagan agad itong binibigkas ni Muḥammad sa sinomang katabi. Agad naman itong isinasaulo ng nakarinig at sa pamamagitan ng pagbigkas ay napanatili itong buháy. Palibhasa hindi marunong gumawa ng papel ang mga Arabo, ang mga kapahayagan ay ipinasulat ni Muḥammad sa mga eskriba sa alinmang primitibong materyales na makukuha, gaya ng buto ng kamelyo, dahon ng palma, kahoy, at balat ng tupa. Subalit ang kasalukuyang anyo ng Qur’ān ay nabuo lamang pagkamatay ng propeta, sa patnubay ng mga kahalili at kasamahan ni Muḥammad. Yao’y nang namamahala ang unang tatlong caliph, o pinunong Muslim.

12 Sinasabi ng tagapagsaling si Muhammad Pickthall: “Lahat ng mga sura ng Qur’ān ay napasulat bago mamatay ang Propeta, at maraming Muslim ang nakapagsaulo ng buong Qur’ān. Subalit ang nasusulat na mga sura ay ipinamahagi sa mga tao; at nang sa isang digmaan . . . ay napatay ang maraming nakapagsaulo ng buong Qur’ān, isang koleksiyon ng buong Qur’ān ang ginawa at ipinasulat.”

13. (a) Ano ang tatlong bukal ng Islamikong turo at patnubay? (b) Ano ang turing ng mga iskolar na Islāmiko sa pagsasalin ng Qur’ān?

13 Ang buhay Islāmiko ay inuugitan ng tatlong autoridad​—ang Qur’ān, ang Ḥadīth, at ang Shār‛iah. (Tingnan ang kahon, pahina 291.) Naniniwala ang mga Muslim na ang pinakadalisay na anyo ng kapahayagan ay ang Qur’ān sa wikang Arabiko yamang, anila, ito ang ginamit ng Diyos nang nakikipag-usap sa pamamagitan ni Gabriel. Sinasabi ng Sura 43:3: “Ginawa namin ang Qur’ān sa Arabiko, upang inyong maunawaan (at matutuhan ang karunungan).” (AYA) Kaya, ang alinmang salin ay itinuturing na isang pagbabanto at bumabawas sa kadalisayan nito. Sa katunayan, may mga Islāmikong iskolar na ayaw magsalin ng Qur’ān. Sa paniwala nila “ang pagsasalin ay isang pagtataksil,” at kaya “ang mga Muslim ay laging nagtatakwil at malimit nagbabawal sa mga pagsisikap na isalin ito sa ibang wika,” sabi ni Dr. J. A. Williams, tagapagpahayag ng kasaysayang Islāmiko.

Paglaganap ng Islām

14. Anong pangyayari ang naging makahulugan sa pasimula ng kasaysayang Islāmiko?

14 Itinatag ni Muḥammad ang bago niyang pananampalataya sa harap ng maraming pagsalansang. Itinakwil siya ng mga taga-Mecca, maging niyaong mga ka-tribo niya. Pagkaraan ng 13 taon ng pag-uusig at pagkapoot, inilipat niya ang kaniyang kabisera sa hilaga sa Yathrib, na nang maglao’y tinawag na al-Madīnah (Medina), ang lungsod ng propeta. Ang pandarayuhang ito, o hijrah, noong 622 C.E. ay naging makahulugang yugto sa kasaysayang Islāmiko, at nang maglaon ang petsa ay ginawang pasimula ng kalendaryong Islāmiko.d

15. Papaano naging sentro ang Mecca para sa mga peregrino?

15 Di nagtagal, si Muḥammad ay naging makapangyarihan nang sumuko ang Mecca noong Enero 630 C.E. (8 A.H.) at siya ay maging pinuno rito. Nang mapasakamay niya ang pamahalaan at relihiyon, ay inalis niya sa Ka‛bah ang idolatrosong mga imahen at itinatag ito bilang sentro ng mga peregrino sa Mecca hanggang sa ngayon.​—Tingnan ang mga pahina 289, 303.

16. Hanggang saan lumaganap ang Islām?

16 Ilang dekada lamang pagkamatay ni Muḥammad noong 632 C.E., ang Islām ay nakarating na sa Afghanistan at sa Tunisya sa Hilagang Aprika. Sa pasimula ng ikawalong siglo, ang relihiyon ng Qur’ān ay nakapasok sa Espanya at umabot na sa hangganan ng Pransya. Gaya ng sinabi ni Propesor Ninian Smart sa kaniyang aklat na Background to the Long Search: “Kung ibabatay sa kakayahan ng tao, mahirap isipin na magagawa ito ng isang propetang Arabo na nabuhay noong ikaanim at ikapitong siglo pagkaraan ni Kristo. Sa pangmalas ng tao, sa kaniya bumukal ang isang bagong sibilisasyon. Subalit para sa isang Muslim ang gawain ay makalangit at galing kay Allah.”

Umakay sa Hidwaan ang Kamatayan ni Muḥammad

17. Anong krisis ang napaharap sa Islām nang mamatay si Muḥammad?

17 Ang kamatayan ng propeta ay lumikha ng krisis. Namatay siya na walang anak na lalaki at inatasang kahalili. Sinasabi ni Philip Hitti: “Kaya ang pinakamatandang problema na dapat harapin ng Islām ay ang caliphate [katungkulan ng caliph]. Buhay pa rin ang isyung ito. . . . Ayon kay al-Shahrastāni, mananalaysay na Muslim [1086-1153]: ‘Wala pang suliraning Islāmiko ang nagbubo ng napakaraming dugo na gaya niyaong sa caliphate (imāmah).’” Papaano nilutas noong 632 C.E. ang suliraning ito? “Si Abu-Bakr . . . ay inatasang humalili kay Muḥammad (Hunyo 8, 632) sa isang eleksiyon na nilahukan ng mga pinunong nasa kabisera, al-Madīnah.”​—History of the Arabs.

18, 19. Anong mga pag-aangkin ang bumabahagi sa mga Muslim na Sunnī at Shī‛ite?

18 Ang hahalili sa propeta ay magiging isang pinuno, isang khalīfah, o caliph. Gayumpaman, ang kuwestiyon ng tunay na mga kahalili ni Muḥammad ay lumikha ng hidwaan sa ranggo ng Islām. Kinikilala ng mga Muslim na Sunnī ang simulain ng halal na tungkulin sa halip na ang pagiging kamag-anak ng propeta. Kaya naniniwala sila na ang unang tatlong caliph, sina Abū-Bakr (biyenan ni Muḥammad), ‛Umar (tagapayo ng propeta), at ‛Uthmān (manugang ng propeta), ang mga lehitimong kahalili ni Muḥammad.

19 Ang pag-aangking ito ay hinahamon ng mga Muslim na Shī‛ite, na nagsasabing ang tunay na pagpupuno ay dapat manggaling sa mga kadugo ng propeta at sa pamamagitan ng kaniyang pinsan at manugang, si ‛Alī ibn Abī Ṭālib, unang imām (pinuno at kahalili), asawa ng paboritong anak na babae ni Muḥammad, si Fāṭimah. Ang pag-iisang dibdib nila ay nagluwal ng mga apo ni Muḥammad na sina Ḥasan at Ḥusayn. Inaangkin din ng mga Shī‛ite “na noong una pa maliwanag na si ‛Ali ang inatasan ni Allāh at ng Kaniyang Propeta bilang lehitimong kahalili subalit dinaya siya ng unang tatlong caliph sa karapatan niya sa tungkulin.” (History of the Arabs) Sabihin pa, hindi ganito ang pangmalas ng mga Muslim na Sunnī.

20. Ano ang nangyari sa manugang ni Muḥammad na si ‛Alī?

20 Ano ang nangyari kay ‛Alī? Sa kaniyang pagiging ikaapat na caliph (656-661 C.E.), isang alitan sa pagpupuno ang bumangon sa pagitan niya at ng gobernador ng Sirya, si Mu‛āwiyah. Nagdigmaan sila, at upang iwasan ang higit na pagdanak ng dugong Muslim, nagpasiya sila na humanap ng mamamagitan. Ang pagpayag ni ‛Alī na magkaroon ng tagapamagitan ay nagpahina sa kaniyang kaso at naglayo sa marami niyang tagasunod, pati na ang Khawārij (Mga Tumiwalag), na naging mortal na kaaway niya. Noong 661 C.E., si ‛Alī ay pinatay ng isang panatikong Khārij ī sa pamamagitan ng tabak na may lason. Naging magkabangga ang dalawang grupo (Sunnī at Shī‛ah). Kaya ang sangay na Sunnī ay pumili ng pinuno mula sa mga Umayyad, maririwasang pinuno sa Mecca, na hindi kamag-anak ng propeta.

21. Papaano minamalas ng mga Shī‛ite ang mga kahalili ni Muḥammad?

21 Para sa mga Shī‛ah, ang tunay na kahalili ay ang panganay ni ‛Alī, si Ḥasan. Subalit, nagbitiw siya at pinatay. Ang kapatid niyang si Ḥusayn ang naging bagong imām, subalit siya rin ay pinatay ng mga kawal Umayyad noong Oktubre 10, 680 C.E. Ang kaniyang kamatayan o pagkamartir, ayon sa pangmalas ng mga Shī‛ah, ay may makahulugang epekto sa Shī‛at ‛Alī, ang partido ni ‛Alī, hanggang sa ngayon. Naniniwala sila na si ‛Alī ang tunay na kahalili ni Muḥammad at unang “imām [pinuno] na may banal na proteksiyon laban sa pagkakamali at pagkakasala.” Si ‛Alī at ang mga kahalili niya ay itinuring ng mga Shī‛ah bilang mga guro na hindi nagkakamali at may “banal na kaloob ng kawalang-kasalanan.” Naniniwala ang pinakamalaking pangkat ng Shī‛ah na 12 lamang ang tunay na imām, at ang pinakahuli, si Muḥammad al-Muntaẓar, ay naglaho “sa yungib ng dakilang mosque sa Sāmarra na walang naiwang supling.” Kaya “siya ay naging imām na ‘natatago (mustatir)’ o ‘inaasahan (muntaẓar).’ . . . Sa takdang panahon lilitaw siya bilang Mahdi (may banal na patnubay) upang isauli ang tunay na Islām, lupigin ang buong daigdig at simulan ang isang maikling milenyo bago magwakas ang lahat.”​—History of the Arabs.

22. Papaano inaalaala ng mga Shī‛ah ang pagkamartir ni Ḥusayn?

22 Bawat taon, inaalaala ng mga Shī‛ah ang pagkamartir ni Imām Ḥusayn. May mga prusisyon na doon ay may mga naghihiwà ng sarili sa pamamagitan ng tabak o kutsilyo o gumagawa ng iba pang pahirap. Sa mas makabagong panahon, ang mga Shī‛ite ay napatanyag dahil sa sigasig nila sa mga kapakanang Islāmiko. Gayunman, kumakatawan lamang sila sa 20 porsiyento ng mga Muslim sa daigdig, na ang karamihan ay mga Muslim na Sunnī. Ngunit, bumaling tayo sa ilang turo ng Islām at pansinin kung papaano nakakaapekto sa araw-araw na paggawi ng mga Muslim ang pananampalatayang Islāmiko.

Diyos ang Kataastaasan, Hindi si Jesus

23, 24. Papaano minalas ni Muḥammad at ng mga Muslim ang Judaismo at Kristiyanismo?

23 Ang tatlong pangunahing monoteyistikong relihiyon sa daigdig ay ang Judaismo, Kristiyanismo, at Islām. Subalit nang lumitaw si Muḥammad sa pasimula ng ikapitong siglo C.E., para sa kaniya, ang unang dalawa ay lumihis na sa landas ng katotohanan. Sa katunayan, ayon sa ilang komentaristang Islāmiko, ang Qur’ān ay nagpapahiwatig ng pagtatakwil sa mga Judio at Kristiyano sa pagsasabing: “Hindi (ang landas) niyaong pumupukaw ng Iyong galit ni niyaong nangasisinsay.” (Sura 1:7, MMP) Bakit ganoon?

24 Sinabi ng isang komentaryo sa Qur’ān: “Nagkamali ang Bayan [na May-ari] ng Aklat: Ang mga Judio dahil sa paglabag sa kanilang Tipan, at sa paninirang-puri kay Maria at Jesus . . . at ang mga Kristiyano sapagkat, ang Apostol na si Jesus ay ipinapantay nila sa Diyos” sa kanilang doktrina ng Trinidad.​—Sura 4:153-176, AYA.

25. Anong mga pangungusap sa Qur’ān at sa Bibliya ang magkahawig ?

25 Sa pinakapayak, ang pangunahing turo ng Islām ay ang shahādah, o pagtatapat ng pananampalataya, na sauladong-​saulado ng bawat Muslim: “La ilāh illa Allāh; Muḥammad rasūl Allāh” (Walang diyos liban kay Allah; si Muḥammad ang sugo ni Allah). Kaayon ito ng pahayag sa Qur‛ān na, “Ang iyong Diyos ay Isang Diyos; walang Diyos liban sa Kaniya, ang Mabait, ang Maawain.” (Sura 2:163, MMP) Mga 2,000 taon patiuna ang paniwalang ito ay ipinahayag na sa sinaunang panawagan sa Israel: “Dinggin, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.” (Deuteronomio 6:4) Inulit ni Jesus ang mahalagang utos na ito, sa Marcos 12:29, mga 600 taon bago pa kay Muḥammad, at saanma’y hindi inangkin ni Jesus na siya ang Diyos o na sila’y magkapantay.​—Marcos 13:32; Juan 14:28; 1 Corinto 15:28.

26. (a) Papaano minamalas ng mga Muslim ang Trinidad? (b) Ang Trinidad ba ay ayon sa Bibliya?

26 Sinasabi ng Qur’ān hinggil sa pagiging natatangi ng Diyos: “Sumampalataya sa Diyos at sa Kaniyang mga apostol. Huwag sasambitin ang ‘Trinidad’: umiwas: ikabubuti mo ito: sapagkat ang Diyos ay Isang Diyos.” (Sura 4:171, AYA) Gayunman, dapat pansinin na ang tunay na Kristiyanismo ay hindi nagtuturo ng Trinidad. Ito’y doktrinang pagano at ipinasok ng apostatang Sangkakristiyanuhan pagkamatay ni Kristo at ng mga apostol.​—Tingnan ang Kabanata 11.e

Kaluluwa, Pagkabuhay-na-Muli, Paraiso, at Apoy ng Impiyerno

27. Ano ang sinasabi ng Qur’ān hinggil sa pagkabuhay-na-muli at sa kaluluwa? (Ihambing ang Levitico 24:17, 18; Eclesiastes 9:5, 10; Juan 5:28, 29.)

27 Itinuturo ng Islām na ang tao ay may kaluluwang sumasa kabilang-buhay. Sinasabi ng Qur’ān: “Tinatanggap ni Allah ang mga kaluluwa (ng tao) pagkamatay nila, at yaong (kaluluwang) hindi (pa) namamatay sa pagkatulog. Iniingatan Niya yaong (kaluluwang) itinakda Niya sa kamatayan.” (Sura 39:42, MMP) Kasabay nito, ang buong sura 75 ay tumatalakay sa “Qiyāmat, o Pagkabuhay-na-Muli” (AYA), o “Pagbangon ng Patay” (MMP). Sa isang bahagi ay sinasabi nito: “Sumasaksi ako sa Araw ng Pagkabuhay-na-Muli . . . Sa palagay ba ng tao ay hindi Namin muling maisasaayos ang mga buto niya? . . . ‘Kailan ang Araw ng Pagkabuhay-na-Muli?’, tanong niya . . . Hindi ba’t Siya [si Allāh] ay may kapangyarihan na bumuhay sa patay?”​—Sura 75:1, 3, 6, 40, AYA.

28. Ano ang sinasabi ng Qur’ān hinggil sa impiyerno? (Ihambing ang Job 14:13; Jeremias 19:5; 32:35; Gawa 2:25-27; Roma 6:7, 23.)

28 Ayon sa Qur’ān, ang kaluluwa ay may iba’t-ibang hantungan, maaaring sa makalangit na hardin ng paraiso o sa nag-aapoy na impiyerno. Sinasabi ng Qur’ān: “Tinatanong nila: Kailan ang Araw ng Paghuhukom? (Yaon ay) ang araw ng pagpapahirap sa Apoy, (at sasabihin sa kanila): Lasapin ang inyong paghihirap (na inyong ipinataw).” (Sura 51:12-14, MMP) “Para sa kanila [mga makasalanan] ay ang pahirap ng buhay sa daigdig, at totoong mas makirot ang hatol ng Kabilang-Buhay, at wala silang tagapagtanggol kay Allah.” (Sura 13:34, MMP) Ang tanong ay ibinabangon: “At ano ang magpapaliwanag tungkol sa kung ano ito? (Ito ay) isang Apoy na naglalagablab!” (Sura 101:10, 11, AYA) Ang malagim na tadhanang ito ay detalyadong inilalarawan: “Narito! Ang mga tumatanggi sa Aming mga kapahayagan, ay aming ilalantad sa Apoy. Habang nauubos ang kanilang balat ay Aming papalitan ito ng bagong mga balat upang matikman nila ang pahirap. Narito! Si Allāh ay laging Makapangyarihan, Marunong.” (Sura 4:56, MMP) Sinasabi pa ng isang paglalarawan: “Narito! ang impiyerno ay nag-aabang upang manambang . . . Mananatili sila nang mahabang panahon. Wala silang matitikmang lamig ni (anomang) inumin liban sa kumukulong tubig at nakalulumpong lamig.”​—Sura 78:21, 23-25, MMP.

29. Paghambingin ang mga turo ng Islām at ng Bibliya tungkol sa kaluluwa at sa hantungan nito.

29 Naniniwala ang mga Muslim na ang kaluluwa ng namatay ay nagtutungo sa Barzakh, o “Partisyon,” “ang dako o kalagayan na kinaroroonan ng tao matapos mamatay at bago ang Paghuhukom.” (Sura 23:99, 100, AYA, talababa) Doo’y may malay ang kaluluwa at dumaranas ng tinatawag na “Parusa ng Libingan” kung ang tao ay naging masama, o kaya’y nagtatamasa ng kaligayahan kung siya’y naging tapat. Ngunit ang mga tapat ay dapat ding dumanas ng kaunting pahirap dahil sa ilang pagkakasala noong sila’y nabubuhay pa. Sa paghuhukom, bawat isa ay haharap sa walang-hanggang tadhana, na humahantong sa panggitnang kalagayan.f

30. Ayon sa Qur’ān, ano ang pangako sa mga matuwid? (Ihambing ang Isaias 65:17, 21-25; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:1-5.)

30 Sa kabaligtaran, ang mga matuwid ay pinangangakuan ng makalangit na mga hardin ng paraiso: “At sa mga sumasampalataya at gumagawa ng mabuti, papapasukin Namin sila upang manahan magpakailanman sa Mga Hardin na inaagusan ng mga ilog sa ilalim.” (Sura 4:57, MMP) “Sa araw na yaon ang mga naninirahan sa Paraiso ay wala nang iisipin kundi ang kaligayahan. Kapiling ng kanilang mga asawa, ay mahihimlay sila sa malalambot na higaan sa malilim na mga kahuyan.” (Sura 36:55, 56, NJD) “Bago nito ay sumulat Kami sa Mga Awit, pagkatapos ng Mensahe (na ibinigay kay Moises): ‘Ang aking mga lingkod, ang mga matuwid, ay magmamana ng lupa.’ ” Ang talababa ng sura ay umaakay sa mambabasa sa Awit 25:13 at 37:11, 29, at pati na sa mga salita ni Jesus sa Mateo 5:5. (Sura 21:105, AYA) Ang pagbanggit ng mga asawa ay umaakay sa atin sa isa pang tanong.

Monogamya o Poligamya?

31. Ano ang sinasabi ng Qur‛ān hinggil sa poligamya? (Ihambing ang 1 Corinto 7:2; 1 Timoteo 3:2, 12.)

31 Poligamya ba ang tuntuning sinusunod ng mga Muslim? Bagaman pinapayagan ng Qur’ān ang poligamya, maraming Muslim ang may iisa lamang asawa. Palibhasa napakaraming nabalo sa mga digmaan, ang poligamya ay binigyang-daan ng Qur’ān: “Kung nababahala ka sa kapakanan ng mga naulila, pakasalan mo ang mga babae, yaong napipisil mo, dalawa o tatlo o apat; at kung nag-aalala ka na hindi mo kaya (ang napakarami) kung gayon ay isa (lamang) o (ang mga bihag) na aariin ng iyong kanang kamay.” (Sura 4:3, MMP) Sa talambuhay ni Muḥammad na isinulat ni Ibn-Hishām si Muḥammad ay nag-asawa ng mayamang balo, si Khadījah, na 15 taon ang tanda sa kaniya. Nang mamatay ito ay nag-asawa siya ng maraming babae. Nang mamatay siya ay siyam ang naiwan niyang balo.

32. Ano ang mut‛ah?

32 Ang isa pang paraan ng pag-aasawa sa Islām ay tinatawag na mut‛ah. Ito ay “pantanging kasunduan ng isang lalaki at babae na nag-aalok at tumatanggap ng pag-aasawa sa isang limitadong panahon at may tiyak na dote na gaya rin niyaong sa permanenteng pag-aasawa.” (Islamuna, ni Muṣṭafā al-Rāfi‛ī) Sa mga Sunnī ito’y pag-aasawa ukol sa kasiyahan, at sa mga Shī‛ah, ay pag-aasawa na magwawakas sa takdang panahon. Sinasabi pa ng autoridad na ito: “Lehitimo ang mga anak [ng gayong pag-aasawa] at may mga karapatan din na gaya ng mga anak ng permanenteng pag-aasawa.” Maliwanag na ang pansamantalang pag-aasawa ay kaugalian na noong kaarawan ni Muḥammad, at pinayagan niya itong magpatuloy. Iginigiit ng mga Sunnī na nang maglaon ito’y ipinagbawal, samantalang ang mga Imāmī, pinakamalaking grupo ng mga Shī‛ite, ay naniniwala na may bisa pa rin ito. Sa katunayan, marami ang nagtagaguyod nito, lalo na kapag ang isang lalaki ay napalayô sa asawa sa loob ng mahabang panahon.

Islām at ang Araw-Araw na Buhay

33. Ano ang Limang Haligi ng Pagsunod at Pananampalataya?

33 Ang Islām ay nagsasangkot ng limang pangunahing obligasyon at limang saligang paniwala. (Tingnan ang mga kahon, pahina 296, 303.) Isa sa mga obligasyon ay ang pagharap sa Mecca limang beses maghapon habang nananalangin (ṣalāt) ang isang taimtim na Muslim. Kapag sabbath ng mga Muslim (Biyernes), ang mga lalaki ay nagtutungo sa mosque upang manalangin bilang tugon sa paulit-ulit na panawagan ng muezzin mula sa tore ng mosque. Sa ngayon maraming mosque ang nagpapatugtog na ng plaka sa halip na gumamit ng buháy na tinig.

34. Ano ang isang mosque, at papaano ito ginagamit?

34 Ang mosque (Arabiko, masjid) ay dako ng pagsambang Muslim, na ayon kay Haring Fahd Bin Abdul Aziz ng Saudi Arabya ay “batong panulok sa pagtawag sa Diyos.” Ipinaliwanag niya ang mosque bilang “isang dako ng panalangin, pag-aaral, paglilitis at paghuhukom, pagsangguni, pangangaral, pagpatnubay, pagtuturo at paghahanda. . . . Ang mosque ay pinakapusod ng lipunang Muslim.” Ang mga dakong ito ng pagsamba ay matatagpuan ngayon sa buong daigdig. Ang isa sa pinakatanyag sa kasaysayan ay ang Mezquita (Mosque) ng Córdoba, Espanya, na sa maraming dantaon ay pinakamalaki sa buong daigdig. Ang gitna nito ay inookupahan ngayon ng isang Katolikong katedral.

Pakikipag-alit Sa Sangkakristiyanuhan

35. Noong nakaraan, anong situwasyon ang umiral sa pagitan ng Islām at ng Katolisismo?

35 Mula noong ikapitong siglo, ang Islām ay lumaganap na pakanluran hanggang sa Hilagang Aprika, pasilangan hanggang Pakistan, Indiya, at Bangladesh, at pababa sa Indonesya. (Tingnan ang mapa, sa likod ng harap na pabalat.) Samantala, nakipag-alitan ito sa militanteng Iglesiya Katolika, na nagtatag ng mga krusada upang bawiin ang Banal na Lupain mula sa mga Muslim. Noong 1492 nabawi nina Reyna Isabella at Haring Ferdinand ang Espanya para sa mga Katoliko. Ang mga Muslim at Judio ay dapat magpakumberte kung hindi nila gustong mapalayas sa Espanya. Ang pagpaparaya sa isa’t-isa na umiral sa ilalim ng pamamahalang Muslim sa Espanya ay naglaho sa impluwensiya ng Katolikong Inkisisyon. Gayunman, nakaraos ang Islām at sa ika-20 siglo ay muli itong sumigla at lalong lumaki.

36. Anong mga pagsulong ang naganap sa Iglesiya Katolika noong lumalaganap ang Islām?

36 Samantalang lumalaganap ang Islām, ang Iglesiya Katolika ay dumaranas naman ng sariling kaguluhan, at nagsikap mapanatili ang pagkakaisa ng mga sakop nito. Subalit dalawang makapangyarihang impluwensiya ang nakatakdang lumitaw, upang buwagin ang tulad batong-bundok na larawan ng simbahan. Ito ay ang palimbagan at ang Bibliya sa karaniwang wika ng mga tao. Ang susunod na kabanata ay tatalakay sa higit pang pagkabahabahagi ng Sangkakristiyanuhan dahil sa impluwensiyang ito at sa marami pang iba.

[Mga talababa]

a Ang “Qur’ān” (nangangahulugang “Pagbigkas”) ay siyang pagbaybay na pinapaboran ng mga manunulat na Muslim at siyang gagamitin natin. Dapat pansinin na Arabiko ang orihinal na wika ng Qur’ān, at sa Ingles ay walang salin na tinatanggap sa lahat ng dako. Sa pagsipi sa mga teksto ang unang bilang ay kumakatawan sa kabanata, o sura, at ang ikalawa ay sa bilang ng talata.

b Naniniwala ang mga Muslim na ang Bibliya ay may mga kapahayagan ng Diyos ngunit nang maglaon ang ilan ay pinalsipika.

c Sa Ingles sarisari ang pagbaybay sa pangalan ng propeta (Mohammed, Muḥammad, Mahomet). Karamihan ng Muslim ay pumipili ng Muḥammad, na siya nating gagamitin. Mas gusto ng mga Turkong Muslim ang Muhammed.

d Kaya, ang taon ng mga Muslim ay tinutukoy na A.H. (Latin, Anno Hegirae, taon ng paglikas) sa halip na A.D. (Anno Domini, taon ng Panginoon) o C.E. (Common Era).

e Para sa higit pang paliwanag sa Trinidad at sa Bibliya, tingnan ang brochure na Dapat Ba Kayong Maniwala sa Trinidad? na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1989.

f Para sa kaluluwa at apoy-ng-impiyerno, ihambing ang mga teksto ng Bibliya: Genesis 2:7; Ezekiel 18:4; Gawa 3:23. Tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 183-90; 100-5, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1986.

[Kahon sa pahina 285]

Ang Qur’ān at ang Bibliya

“Inihayag Niya sa iyo ang Aklat na may katotohanan, na tumitiyak sa mga kasulatan na nauna rito; Naihayag na niya ang Tora at ang Ebanghelyo upang maging patnubay sa tao, at ang pagkakaiba ng mabuti at masama.”​—Sura 3:2, NJD.

“Halos lahat ng makasaysayang salaysay sa Koran ay may katapat sa Bibliya . . . Sa mga tauhan ng Matandang Tipan ay tampok sina Adan, Noe, Abraham (na pitumpung beses binabanggit sa dalawampu’t-limang iba’t-ibang sura at na ang pangalan ay pamagat ng sura 14), Ismael, Lot, Jose (na sa kaniya iniaalay ang sura 12), Moises (na ang pangala’y lumilitaw sa tatlumpu’t-apat na iba’t-ibang sura), Saul, David, Solomon, Elias, Job at Jonas (na ang pangalan ay nasa sura 10) ay pangunahing itinampok. Ang kuwento ng paglalang at pagkakasala ni Adan ay limang beses binabanggit, ang baha ay walo at ang Sodoma walo. Ang totoo, mas maraming pagkakahawig ang Koran sa Pentateuko kaysa alinmang bahagi ng Bibliya. . . .

“Sa mga tauhan ng Bagong Tipan sina Zacarias, Juan Bautista, Jesus (‛Īsa) at Maria lamang ang idinidiin. . . .

“Sa paghahambing ng . . . mga koraniko at maka-biblikong salaysay . . . ay walang makikitang panggagaya sa salita [walang tuwirang pagsipi].”​—History of the Arabs.

[Kahon sa pahina 291]

Ang Tatlong Bukal ng Turo at Patnubay

Ang Banal na Qur’ān, na ipinahayag di-umano ni anghel Gabriel kay Muḥammad. Ang kahulugan at mga salita ng Qur‛ān sa wikang Arabo ay itinuturing na kinasihan.

Ang Ḥadīth, o Sunnah, “mga gawa, salita at tahimik na pagsang-ayon (taqrīr) ng Propeta . . . na isinaayos noong ikalawang siglo [A.H.] sa anyo ng nasusulat na mga ḥadīth. Kaya ang ḥadīth ay isang ulat ng kilos o mga kasabihan ng Propeta.” Maikakapit din ito sa mga kilos o salita ng “Mga Kasamahan o ng mga Kahalili” ni Muḥammad. Sa ḥadīth, ang kahulugan lamang ang itinuturing na kinasihan.​—History of the Arabs.

Ang Sharī‛ah, o batas ng kanon, salig sa mga simulain ng Qur’ān, na umuugit sa buong buhay ng isang Muslim sa relihiyon, politika, at lipunan. “Lahat ng kilos ng tao ay inuuri sa limang legal na kategorya: (1) ang itinuturing na sukdulang katungkulan (farḍ) [na nagsasangkot ng gantimpala dahil sa pagkilos o ng parusa kung mabibigong kumilos]; (2) kapuripuri o karapatdapat na mga kilos (mustaḥabb) [nagsasangkot ng gantimpala subalit walang parusa sa hindi paggawa]; (3) pinapayagang mga kilos (jāʼiz, mubāḥ), na hindi labag sa batas; (4) mga kilos na maaaring sumbatan (makrūh), tinututulan subalit hindi pinarurusahan; (5) bawal na mga kilos (ḥarām), na humihiling ng parusa.”​—History of the Arabs.

[Kahon sa pahina 296]

Ang Limang Haligi ng Paniniwala

1. Paniniwala sa isang Diyos, si Allāh (Sura 23:116, 117)

2. Paniniwala sa mga anghel (Sura 2:177)

3. Pananampalataya sa maraming propeta subalit sa iisang mensahe. Si Adan ang unang propeta. Ang iba ay sina Abraham, Moises, Jesus, at “ang Tatak ng mga Propeta,” si Muḥammad (Sura 4:136; 33:40)

4. Paniniwala sa araw ng paghuhukom (Sura 15:35, 36)

5. Pananampalataya sa walang-hanggang karunungan, patiunang kaalaman ng Diyos at kabatiran niya sa lahat ng bagay. Ngunit, ang tao ay may kalayaang pumili ng kaniyang igagawi. [Ang mga sektang Islāmiko ay nahahati sa isyu ng malayang pagpili] (Sura 9:51)

[Kahon sa pahina 303]

Ang Limang Haligi ng Pagsunod

1. Ulitin ang kredo (shahādah): “Walang diyos liban kay Allah; si Muḥammad ang sugo ni Allah” (Sura 33:40)

2. Pananalangin (ṣalāt) nang nakaharap sa Mecca limang beses sa maghapon (Sura 2:144)

3. Kawanggawa (zakāh), ang obligasyon ng pagkakaloob ng bahagi ng kinikita at halaga ng ilang ari-arian (Sura 24:56)

4. Pag-aayuno (ṣawm), lalo na sa buong buwan na pagdiriwang ng Ramaḍān (Sura 2:183-185)

5. Peregrinasyon (ḥajj). Kahit minsan, bawat lalaking Muslim ay dapat maglakbay sa Mecca. Pagkakasakit at karalitaan lamang ang lehitimong paumanhin (Sura 3:97)

[Kahon/Larawan sa pahina 304, 305]

Pananampalatayang Bahāʼī​—Upang Magkaisa ang Daigdig

1 Ang pananampalatayang Bahāʼī ay hindi isang sekta ng Islām, kundi isang supling ng relihiyong Bābī, isang grupo sa Persya (sa ngayo’y Iran) na kumalas sa sangay na Shī‛ite ng Islām noong 1844. Ang pinuno ng mga Bābī ay si Mīrzā ‛Alī Moḥammad ng Shīrāz, na nagtanghal sa sarili bilang Bāb (“ang Tarangkahan”) at bilang imām-mahdī (“pinuno na may tamang patnubay”) mula sa hanay ni Muḥammad. Pinatay siya ng mga Persyanong autoridad noong 1850. Noong 1863 si Mīrzā Ḥoseyn Alī Nūrī, prominenteng miyembro ng grupong Bābī, “ay nagtanghal sa sarili bilang ‘Siya na ihahayag ng Diyos,’ ayon sa hula ni Bāb.” Inangkin din niya ang pangalang Bahāʼ Ullāh (“Kaluwalhatian ng Diyos”) at nagtatag ng isang bagong relihiyon, ang pananampalatayang Bahāʼī.

2 Si Bahāʼ Ullāh ay pinalayas sa Persya at nang maglaon ay ibinilanggo sa Acco (ngayo’y Acre, Israel). Doo’y sinulat niya ang kaniyang pangunahing katha, ang al-Kitāb al-Aqdas (Ang Kabanalbanalang Aklat), at binuo ang doktrina ng pananampalatayang Bahāʼī bilang isang kumpletong turo. Nang mamatay si Bahāʼ Ullāh, ang pamumuno ng bagong-silang na relihiyon ay ibinigay sa kaniyang anak na si ʽAbd ol-Bahāʼ, at pagkatapos ay sa kaniyang apo-sa-tuhod, si Shoghi Effendi Rabbānī, at noong 1963 ay sa isang halal na lupong pangasiwaan na tinawag na Pansansinukob na Bahay ng Katarungan.

3 Naniniwala ang mga Bahāʼī na inihayag ng Diyos ang sarili sa pamamagitan ng “Banal na mga Kapahayagan,” na naglalakip kina Abraham, Moises, Krishna, Zoroaster, ang Budha, Jesus, Muḥammad, ang Bāb, at ang Bahāʼ Ullāh. Naniniwala sila na ang mga sugong ito ay inilaan upang akayin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ebolusyon na kung saan ang paglitaw ng Bāb ay magbubukas ng isang bagong panahon para sa sangkatauhan. Ayon sa mga Bahāʼī, hanggang sa ngayon ang mensahe niya ay ang pinakakumpletong kapahayagan ng kalooban ng Diyos at na ito ang pangunahing bigay-Diyos na kasangkapan na aakay sa pagkakaisa ng daigdig.​—1 Timoteo 2:5, 6.

4 Isa sa saligang tuntunin ng Bahāʼī ay “na lahat ng dakilang relihiyon sa daigdig ay may banal na pinagmulan, at na ang kanilang saligang simulain ay lubos na nagkakasuwato.” Sila ay “nagkakaiba lamang sa maliliit na aspeto ng doktrina.”​—2 Corinto 6:14-18; 1 Juan 5:19, 20.

5 Kalakip sa mga paniwalang Bahāʼī ay ang pagiging-iisa ng Diyos, kawalang-kamatayan ng kaluluwa, at ebolusyon (bayolohikal, espirituwal, at sosyal) ng sangkatauhan. Sa kabilang dako, hindi sila naniniwala sa mga anghel. Tinatanggihan din nila ang Trinidad, ang Hindung turo na reinkarnasyon, at ang pagkahulog ng tao mula sa kasakdalan at ang pantubos na dugo ni Jesu-Kristo.​—Roma 5:12; Mateo 20:28.

6 Ang pagkakapatiran ng tao at ang pagiging-kapantay ng mga babae ay mga pangunahing pitak ng paniwalang Bahāʼī. Ang mga Bahāʼī ay nagtataguyod ng monogamya. Minsan man lamang sa isang araw, ay dinarasal nila ang isa sa tatlong panalangin na inihayag ni Bahāʼ Ullāh. Nag-aayuno sila mula pagsikat hanggang paglubog ng araw sa loob ng 19 na araw sa buwan ng ʽAlā, na pumapatak sa Marso. (Ang kalendaryong Bahāʼī ay binubuo ng 19 na buwan, bawat isa ay may 19 na araw, at sa pagitan ng partikular na mga taon ay nagsisingit sila ng ilang araw.)

7 Ang pananampalatayang Bahāʼī ay walang maraming takdang rituwal, at wala rin itong klero. Ang sinomang sumasampalataya kay Bahāʼ Ullāh at tumatanggap sa kaniyang turo ay maaaring itala bilang miyembro. Nagtitipon sila upang sumamba tuwing unang araw ng bawat buwan ng Bahāʼī.

8 Itinuturing ng mga Bahāʼī na ang misyon nila ay ang espirituwal na pagsakop sa planeta. Sinisikap nilang palaganapin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pakikipag-usap, halimbawa, mga proyektong pangkomunidad, at mga kampanya ng impormasyon. Naniniwala sila sa pagsunod sa lahat ng batas ng bansa na kanilang kinaroroonan, at bagaman bumuboto, umiiwas sila sa pakikibahagi sa politika. Ang pinipili nilang trabaho sa hukbong sandatahan ay yaong walang kaugnayan sa pakikibaka subalit hindi sila tumututol dahil sa budhi.

9 Bilang isang relihiyon na may mga misyonero, ang Bahāʼī ay nakaranas ng mabilis na paglago sa nakaraang mga taon. Sa tantiya ng mga Bahāʼī ay may mahigit na 5,000,000 mananampalataya sa buong daigdig, bagaman ang aktuwal na talaan ng mga nasa edad ay mahigithigit lamang sa 2,300,000 sa ngayon.

[Mga Tanong sa Aralin]

1, 2. Papaano nagsimula ang pananampalatayang Bahāʼī?

3-7. (a) Ano ang ilan sa mga paniwalang Bahāʼī? (b) Papaano naiiba ang paniwalang Bahāʼī sa turo ng Bibliya?

8, 9. Ano ang misyon ng Bahāʼī?

[Larawan]

Dambanang Bahāʼī sa pandaigdig na tanggapan sa Haifa, Israel

[Mga larawan sa pahina 286]

Ayon sa tradisyong Muslim si Muḥammad ay umakyat sa langit mula sa batong ito sa Dome of the Rock, Jerusalem

[Mga larawan sa pahina 289]

Sa Mecca ang mga peregrinong Muslim ay pitong beses lumalakad sa palibot ng Ka‛bah at hinihipo o hinahalikan ang Batong Itim, kaliwa sa ibaba

[Larawan sa pahina 290]

Arabiko ang wikang dapat gamitin sa pagbasa ng Qur’ān

[Mga larawan sa pahina 298]

Pakanan mula sa kaliwa sa itaas: Ang Dome of the Rock, sa Jerusalem; mga mosque sa Iran, Timog Aprika, at Turkiya

[Mga larawan sa pahina 303]

Noong una ang Mezquita sa Córdoba ang pinakamalaking mosque sa daigdig (isang Katolikong katedral ang nasa gitna ngayon)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share