Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Imbakan ng mga Binhi
  • Walang-Kirot na Atake sa Puso
  • Madikit na mga Daliri sa Paa
  • Ikinagalit ng Simbahang Griego Ortodokso ang Desisyon
  • Ang Pakikipaglaban ng Tsina sa mga Bagyo ng Alikabok
  • Pagnanakaw ng Pagkakakilanlan
  • Di-Nararapat ang Pakikipaglaban sa mga Baktirya
  • Mga Britano ang Nangunguna sa Panonood ng TV
  • Maagang Edukasyon sa Sekso
  • Maaari Nilang Nakawin ang Pagkakakilanlan sa Iyo!
    Gumising!—2001
  • Mga Kredit Kard—Maglilingkod o Aalipin ba sa Iyo?
    Gumising!—1996
  • Mga Imbakan ng Binhi—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon
    Gumising!—2002
  • Pangkapit ng Tuko
    Gumising!—2008
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Imbakan ng mga Binhi

“Tinataya ng mga siyentipiko na hanggang 25% ng mga halaman sa daigdig ang maaaring maglaho sa loob ng susunod na 50 taon,” ulat ng National Post ng Canada. Upang mapangalagaan ang papaubos nang mga halaman, itinatag ng Royal Botanical Gardens sa Kew, Inglatera, ang Millennium Seed Bank (MSB). “Ang proyektong MSB ay magtitipon at mag-iimbak ng mahigit sa 25,000 uri ng halaman​—mahigit sa 10% ng nagkakabinhing mga halaman sa daigdig,” paliwanag ng pahayagan. Inaasahan ng mga nag-organisa ng MSB na magagamit ang mga binhi kapag kinakailangan ang mga ito sa pagpapanauli sa lupang napakalimit na sinasaka, sa pagpapababa sa posibilidad na magkaroon ng taggutom, at sa paglalaan ng mga halamang ginagamit sa tradisyunal at parmasyutikong mga gamot. Sinabi ni Roger Smith, pinuno ng proyekto sa pag-iimbak ng binhi: “Madalas na ang mga halaman na pinakakapaki-pakinabang sa mga tao at mga hayop ang siyang unang naglalaho.”

Walang-Kirot na Atake sa Puso

Maraming tao ang alisto sa pinakakaraniwang pisikal na palatandaan ng atake sa puso​—ang matinding paninikip ng dibdib. Gayunman, mas kaunti lamang ang nakaaalam na “ang sangkatlo ng lahat ng pasyente ay hindi makadarama ng anumang pananakit ng dibdib kapag inaatake sa puso,” ulat ng magasing Time. Iyan ang dahilan kung bakit “karaniwan nang ipinagpapaliban ng mga biktima ng atake sa puso na hindi nakadarama ng pananakit ng dibdib ang pagpunta sa ospital​—sa katamtaman ay sa loob ng dalawang oras,” sabi ng isang pag-aaral na inilathala ng The Journal of the American Medical Association. Gayunman, ang anumang pagpapaliban sa pagpapagamot na maaaring makapagligtas ng buhay ay mapanganib. Ano ang dapat mong bantayan? “Malamang na ang sumunod na pinakamatinding babala ay ang malubhang kakapusan ng hininga,” sabi ng Time. Kabilang sa ilan pang posibleng palatandaan ang pagduwal, sobrang pamamawis, at “anumang ‘heartburn’ na lumalala kapag ikaw ay naglalakad-lakad o napagod,” sabi ng artikulo.

Madikit na mga Daliri sa Paa

Madaling makatakbo ang mga butiki sa kisame na singkinis ng salamin. Paano nila ito nagagawa? Ipinapalagay ngayon ng mga siyentipiko, na matagal nang nagsisikap na masagot ang katanungang iyan, na mayroon na silang paliwanag dito. Nalaman ng isang pangkat ng mga siyentipiko at mga inhinyero na “nagkakaroon ng isang napakalakas na puwersang pangkapit kapag ang maliliit na balahibo, o mga seta, sa mga paa ng butiki ay lumapat sa ibabaw ng mga bagay,” ulat ng magasing Science News. “Mula sa bawat seta ay lumalabas ang mas maliliit pang sanga, na tinatawag na spatulae. Kapag ang paa ng butiki ay tumapak sa ibabaw ng isang bagay, humigit-kumulang sa isang bilyong spatulae na tumatakip sa talampakan nito ang kumakapit na mabuti sa ibabaw anupat ang mga puwersa sa pagitan ng mga molekula . . . ay maaaring nasasangkot.” Napansin din ng mga mananaliksik na ang paraan ng paglapat ng mga daliri ng paa ng mga butiki ay “maliwanag na kapuwa idiniriin ang mga seta sa ibabaw ng bagay at hinihigit ang mga seta sa direksiyon ng tinatapakan nito.” Ang pagkilos na ito ang nagpapalakas sa “pagkapit ng bawat seta ng 10 beses kung ihahambing sa basta pagdiin lamang ng paa,” sabi ng magasin.

Ikinagalit ng Simbahang Griego Ortodokso ang Desisyon

Ang pag-aalis ng relihiyong kinaaniban ng mga Griegong mamamayan mula sa “mga state identity card ay ikinagalit ng Simbahang Griego Ortodokso.” Iyan ang sinabi ng isang ulat mula sa Newsroom.org. Sinusunod ng desisyon ang 1998 na ulat ng Helsinki International Federation for Human Rights na “nagpahayag na ang Gresya ay nagtatangi laban sa mga di-Ortodoksong simbahan at na ang sapilitang paglalagay ng relihiyong kinaaaniban ng isa sa mga identity card ay umaakay sa pagtatangi sa trabaho at sa pakikitungo ng pulisya.” Sinasabi ng pamahalaan ng Gresya na ang pagbabago ay “magpapangyari sa mga card na makasunod sa mga pamantayan ng European Union at sa batas ng bansa noong 1997 na nagsasanggalang sa pribadong buhay ng isa,” sabi ng artikulo. Gayunman, inilarawan ng lider ng Simbahang Griego Ortodokso yaong mga nagnanais na alisin ang relihiyon sa mga card na kaanib sa “mga puwersa ng kasamaan.”

Ang Pakikipaglaban ng Tsina sa mga Bagyo ng Alikabok

Ang mga bagyo ng alikabok na nagmumula sa mga disyerto sa Inner Mongolia ay humampas sa hilagang Tsina nitong kalilipas na mga taon, anupat sinira ang mga tanim at hayupan na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar, ulat ng China Today. Sa taóng 2000, umabot ang ilang bagyo ng alikabok hanggang sa kabiserang lunsod, ang Beijing. Isang bagyo ng buhangin noong 1998 ang sumira sa mahigit na 33,000 ektarya ng mga binutil at pumatay sa 110,000 alagang hayop. Tinukoy ang maling pangangasiwa ng tao sa lupa bilang ang pangunahing sanhi. Pagkalalawak na lugar ang nawalan ng tanim at naging disyerto. Halimbawa, noong 1984, ang mga tao sa Ningsia Hui Autonomous Region, na nasa gawing hilaga ng Tsina, ay nagsimulang maghukay ng licorice upang magamit bilang isang halamang-gamot ng mga Tsino. “Sa loob ng wala pang sampung taon,” sabi ng China Today, “600,000 ektarya [1,500,000 akre] ng damuhan ang napinsala at 13,333 ektarya [32,940 akre] ng lupaing sakahan ang naging disyerto.” Naging disyerto naman ang ibang mga lugar dahil sa sobrang panginginain ng mga hayop at pag-abuso sa mga lokal na katubigan. Upang malabanan ang problema at mapigilan ang paglawak ng mga disyerto, malaking pagsisikap ang ginagawa upang makapagtanim muli ng mga puno at mga damo.

Pagnanakaw ng Pagkakakilanlan

Mag-ingat sa mga kriminal na gumagamit ng iyong pagkakakilanlan upang madaya nila ang mga pinagkakautangan, babala ng isang ulat sa pahayagang El Economista ng Mexico City. Pagkakuha ng personal na impormasyon sa pamamagitan ng pagnanakaw ng iyong mga sulat o pitaka, nag-aaplay ang mga kriminal ng credit card sa pangalan mo at ipinadadala iyon sa kanilang mga tirahan. Pagkatapos ay gagamitin nila ang iyong pagkakakilanlan upang bumili ng mga bagay o umupa ng mga ari-arian sa pamamagitan ng telepono o ng Internet. Yaong mga nagiging biktima ng krimeng ito ay maaaring gumugol ng mga taon, o mga dekada pa nga, upang maisaayos ang kanilang buhay, sabi ng pahayagan. Paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili mula sa pagnanakaw ng pagkakakilanlan? Nagpapayo ang El Economista: Huwag magdadala ng mahahalagang dokumento maliban kung gagamitin mo ang mga ito, itala ang lahat ng mga transaksiyon sa credit card at gamitin ang mga ito upang masuri ang iyong mga kuwenta ng utang (billing statement), punitin ang lahat ng resibo ng credit card bago itapon ang mga ito, huwag magpadala ng personal na impormasyon sa pamamagitan ng electronic mail, at mag-ingat ng isang listahan ng lahat ng numero ng iyong mga credit card, mga petsa ng pagtatapos ng mga ito, at mga numero ng telepono ng mga kompanyang nagbigay ng credit card upang maipagbigay-alam ang nawawala o ninakaw na mga card.

Di-Nararapat ang Pakikipaglaban sa mga Baktirya

“Nagkakamali ang mga Amerikanong mamimili sa kanilang pakikipaglaban sa mga mikroorganismo sa tahanan,” ulat ng USA Today. Ayon sa pahayagan, ang doktor at mikrobiyologo ng Tufts University na si Stuart Levy ay nagsabi na “ang pagdami ng mga produktong panlaban sa baktirya . . . ay nagbabantang magbunsod ng paglitaw ng mga baktirya na hindi tinatablan ng mga sabon na panlaban sa baktirya, at pati na rin ng mga antibiyotiko.” Ang paggamit ng mga produktong panlaban sa baktirya upang isterilisahin ang kapaligiran ng tahanan ay katulad ng pagpatay ng “isang langaw sa pamamagitan ng malyete,” sabi ni Levy. Sa kabilang dako naman, ang mga panlinis ng bahay tulad ng bleach, agua oxigenada, at mainit na tubig at sabon ay nakapag-aalis ng dumi ngunit hindi nito pinangyayari na magbago ang mga baktirya na maging mga anyong di-tinatablan ng mga produkto. “Kakampi natin ang mga baktirya,” sabi ni Levy. “Dapat tayong makipagpayapaan.”

Mga Britano ang Nangunguna sa Panonood ng TV

“Halos sangkapat ng bilang ng mga Britano ang gumugugol ng panahon sa panonood ng telebisyon na kasindami ng oras ng kanilang pagtatrabaho sa isang karaniwang linggo,” ulat ng pahayagang The Independent sa London. Ayon sa mga mananaliksik, ang karaniwang Britano ay gumugugol nang 25 oras bawat linggo sa panonood ng telebisyon, samantalang ang 21 porsiyento naman ay nanonood sa kanilang TV nang mahigit sa 36 na oras. “Hindi lamang ang mga kabataan ang sobra-sobrang manood, yamang napatunayan ng pagsusuri na totoo rin ito sa mga adultong lalaki at babae at sa mga may edad na,” sabi ng pahayagan. Isang pamilya, na nanonood ng telebisyon nang humigit-kumulang sa 30 oras bawat linggo, ang nagsabi na inilalaan ng telebisyon ang “kinakailangang dibersiyon.” Gayunman, may kapalit ang gayong labis na panonood. Sa isang pagsusuri sa 20 bansa, ang United Kingdom ang siyang “maliwanag na nangunguna sa listahan ng mga madalas manood ng TV,” ulat ng The Guardian Weekly sa London. Gayunman, “ang Britanya ay naroon sa bandang ibaba ng listahan salig sa tatlong pinakamahahalagang sukatan sa pagbasa at pagsulat.”

Maagang Edukasyon sa Sekso

Ang mga bata sa Bangkok, Thailand, ay malapit nang mabigyan ng edukasyon sa sekso sa kindergarten, ulat ng Bangkok Post. Ayon kay Dr. Suwanna Vorakamin ng Family Planning and Population Control Division, “ang mga guro at manggagawa sa kalusugan ay bibigyan ng pantanging pagsasanay sa pagtuturo at pakikipag-usap hinggil sa sekso sa isang makasiyensiyang paraan,” sabi ng ulat. Dagdag pa niya: “Ang pagbibigay ng edukasyon sa sekso mula sa antas ng kindergarten ay hindi nilayon na pasiglahin ang seksuwal na paggawi sa mga bata mula pa sa murang edad. . . . Ang kaalamang ibinibigay sa mga bata sa murang edad ay tutulong sa kanila na maiwasan ang di-kaaya-ayang paggawi at ang mga panganib ng di-ninanais na pagdadalang-tao kapag naging tin-edyer na sila,” ulat ng pahayagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share