Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 7/22 p. 6-9
  • Mga Boluntaryong Nasa Gawain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Boluntaryong Nasa Gawain
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mula sa Pagkadama ng Kahihiyan Tungo sa Pamumuhay Nang may Dignidad
  • Isang Programang Nagtamo ng Parangal
  • Tulong na “Praktikal sa Halip na Pormalidad Lamang”
  • Nagbibigay ng Tulong sa Lahat ng Dako
    Gumising!—2001
  • Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Espiritu ng Pagboboluntaryo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2006
  • Pagpapakita ng Pag-ibig—Isang Matagalang Pagtulong
    Gumising!—2002
  • “Gumawa Tayo ng Mabuti sa Lahat”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 7/22 p. 6-9

Mga Boluntaryong Nasa Gawain

TUWING Biyernes ng hapon, nagiging silid-aralan ang salas ni Sirley, isang gurong nasa kalagitnaang gulang sa Brazil. Pagsapit ng mga alas dos, dumarating ang isa sa mga estudyante, si Amélia. Hindi siya kailanman lumiliban ng kahit isang aralin at mas mahusay na siyang bumasa kaysa sa karamihan sa mga kabataan sa haiskul. Si Amélia ay 82 taóng gulang.

Sinusunod ni Amélia ang halimbawa ng mahigit sa 60 matatanda na nagtapos sa libreng mga klase sa pagbasa’t pagsulat na pinangangasiwaan ni Sirley sa kaniyang sariling bayan. Kamakailan, ang gawaing pagboboluntaryo ni Sirley ay itinampok sa pahayagan ng Brazil na Jornal do Sudoeste. Pagkatapos banggitin na siya’y may “malaking naitulong sa buhay ng mga tao sa komunidad na iyon,” sinabi ng artikulo sa pahayagan na ang pamamaraan ni Sirley ng pagtuturo sa mga may-edad ay napakaepektibo anupat “pagkatapos lamang ng 120 oras ng pagtuturo sa klase, nakapagsusulat na sila ng mga liham, nakapagbabasa na ng mga pahayagan, at nakapagkukuwenta na ng mga numero at nakagaganap na ng iba pang pang-araw-araw na gawain.” Sinabi pa ng artikulo na ang ginagamit na aklat-aralin ni Sirley ay ang buklet na Learn to Read and Write, na ginawa ng mga Saksi ni Jehova.a

Mula sa Pagkadama ng Kahihiyan Tungo sa Pamumuhay Nang may Dignidad

Inilahad ng isa pa sa mga estudyante ni Sirley, si Dona Luzia na 68 taóng gulang, na bago siya natutong bumasa at sumulat, nahihiya siyang makipag-usap sa iba. Maging ang pamimili ay isang hamon. “Ngayon ay nakasusulat na ako sa aking mga kamag-anak sa ibang bayan, at ako na ang nangangasiwa sa sarili kong pera. Wala nang nagbibigay sa akin ng kulang na sukli,” sabi niya nang may ngiti. Nagugunita ni Maria, 68 taóng gulang din, kung paano niya nadama noon ang kahihiyan kapag pinipirmahan niya ang kaniyang tseke sa pensiyon sa pamamagitan ng tatak ng kaniyang hinlalaki. “Parang baldado ako,” sabi niya. Ngunit salamat sa mga klase sa pagbasa’t pagsulat, maligaya na ngayong isinusulat ni Maria ang kaniyang sariling pirma.

Ang papuri mula sa mga estudyante at sa mga nagtapos ang nagpangyari na maging popular ang walang-bayad na programa ni Sirley anupat nagiging masikip na ang kaniyang salas. Di-magtatagal at ililipat ang klase sa isang mas malaking lugar.

Isang Programang Nagtamo ng Parangal

Si Sirley ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Walang alinlangan na pamilyar kayo sa gawaing pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova na ginagawa nila bilang boluntaryong paglilingkod. Gayunman, hindi kakaiba ang tagumpay ni Sirley. Ang mga klase sa pagbasa’t pagsulat na idinaraos sa daan-daang Kingdom Hall sa buong Brazil ay nakatulong na sa mahigit na 22,000 tao sa bansang iyon upang matutong bumasa at sumulat.

Ang nakakatulad na mga programa ng mga Saksi ni Jehova ay nagtagumpay sa iba pang bahagi ng daigdig. Halimbawa, sa bansang Burundi sa Aprika, ang National Office for Adult Literacy (isang kagawaran ng Ministry of Education) ay lubhang nalugod sa resulta ng programa ng mga Saksi sa pagbasa’t pagsulat anupat ito ay nagbigay ng parangal sa apat sa mga guro ng programa dahil sa “pagpapagal sa pagtuturo sa iba na makabasa.” Lalo nang humanga ang mga opisyal ng pamahalaan nang malamang 75 porsiyento ng mga natutong bumasa at sumulat ay mga babaing adulto​—isang grupo na karaniwan nang tumatangging dumalo sa gayong mga programa.

Sa Mozambique, 4,000 estudyante ang nakatala sa mga klase ng mga Saksi sa pagbasa’t pagsulat, at mahigit sa 5,000 estudyante ang natutong bumasa at sumulat sa loob ng nakalipas na apat na taon. Isang dating estudyante ang sumulat: “Nais kong ipahayag ang aking taimtim na pagpapahalaga. Salamat sa paaralan, nakapagbabasa na ako at nakapagsusulat.”

Tulong na “Praktikal sa Halip na Pormalidad Lamang”

Ang gawaing pagtulong ay isa pang anyo ng boluntaryong paglilingkod na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova. Kamakailan lamang, abalang-abala ang mga tao sa isang bodega malapit sa Paris, Pransiya. Mga 400 boluntaryo ang gumugol ng kanilang panahon sa dulo ng sanlinggo sa pag-iimpake ng pagkain, pananamit, at gamot sa mga karton. Sa katapusan ng dulo ng sanlinggo, siyam na malalaking container na punó ng panustos na nagkakahalaga ng halos $1 milyon (U.S.) ay handa nang ipadala. Di-nagtagal pagkatapos nito, dumating ang kargamento sa Sentral Aprika na ginigiyagis ng digmaan, kung saan mabilis na ipinamahagi ng mga boluntaryong Saksi sa lugar na iyon ang mga suplay. Ang karamihan sa mga suplay ay iniabuloy din ng mga Saksi.

Isang pahayagan sa Congo (Kinshasa) ang pumuri sa pagkakawanggawa ng mga Saksi ni Jehova bilang “praktikal sa halip na pormalidad lamang.” Ang mga opisyal ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) ay nagpahayag din ng kanilang suporta. Isang opisyal ng UNHCR sa Democratic Republic of Congo ang lubhang nalugod sa pagiging maayos ng pagbibigay ng tulong ng mga Saksi anupat ipinagamit niya ang kaniyang sasakyan sa mga boluntaryo. Humanga rin ang mga tagaroon. Nang mapansin ng mga nagmamasid kung gaano kabilis makaabot ang mga panustos sa lahat ng mga nangangailangan, ang ilan ay nagtanong nang may pagtataka: “Paano kayo inorganisa upang mapaabutan ang lahat?”

Ang pagbibigay ng tulong ng mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga programa sa pagbasa’t pagsulat ay dalawang halimbawa lamang sa mga paglilingkod na isinasagawa ng mga Saksi sa buong daigdig sa loob ng maraming dekada. Gayunman, nasasangkot din ang mga Saksi sa isa pang anyo ng gawaing pagboboluntaryo​—isang paglilingkod na tunay na magdudulot ng nagtatagal na kapakinabangan. Tatalakayin ito ng susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang buklet na Learn to Read and Write (makukuha sa 6 na wika) at ang mas bagong buklet na Apply Yourself to Reading and Writing (makukuha sa 29 na wika) ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Para sa isang libreng kopya, makipag-ugnayan sa Kingdom Hall sa inyong lugar o sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 6, 7]

Ang Nagbabagong Daigdig ng Pagboboluntaryo

Habang paroo’t parito si Julie sa iba’t ibang panig ng daigdig dahil sa mga paglalakbay hinggil sa negosyo, nakapaglalaan siya ng panahon upang makapagboluntaryo​—pailan-ilang oras sa pana-panahon. Kamakailan habang nasa Timog Amerika, ginugol niya ang isang buong hapon upang tumulong sa isang bahay-ampunan malapit sa Santiago, Chile. Sinasabi niya na ang paglalakbay ay nagbubukas ng “malalaking pagkakataon” sa pagboboluntaryo.

Kagaya ni Julie, dumarami ang mga boluntaryo na nagbibigay ng panahon​—ngunit ng mas kaunting panahon. “Bagong kalakaran ito,” sabi ni Sara Meléndez, presidente ng isang grupo ng mananaliksik na nag-iipon ng mga estadistika hinggil sa gawaing pagboboluntaryo. “Nagboboluntaryo ang mga tao, ngunit kapag ginawa nila ito, ito’y kadalasan nang panandalian lamang.” Bunga nito, ang mga tagapag-organisa ay nababahala sa kakulangan ng mga boluntaryo, at nagpupunyagi sila na mapunan ng tao ang kanilang mga programa.

“Kombinyenteng Pagboboluntaryo”

Nadarama ng ilang tagapag-organisa na ang bagong kalakarang ito​—pagbibigay ng mas kaunting panahon sa pagboboluntaryo​—ay sanhi ng pagbabago sa saloobin ng mga boluntaryo. “Ang uring ‘narito ako hangga’t kailangan ninyo ako’ ay wala na,” sabi ni Susan Ellis, isang kasangguni para sa mga grupo ng mga boluntaryo. “Hindi nangangako ang mga tao.” Sumasang-ayon ang peryodistang si Eileen Daspin. Pagkatapos kapanayamin ang ilang direktor ng mga grupo ng mga boluntaryo hinggil sa kakulangan ng mga boluntaryo, ang naging konklusyon niya ay na ang “pagboboluntaryo ay nakararanas ng isang malubhang suliranin ng pagkatakot sa pangmatagalang pananagutan.”

Gayunman, ang direktor ng New York Cares, si Kathleen Behrens, na binanggit kanina sa seryeng ito, ay nakadarama na yaong nagboboluntaryo nang panandalian ay gumagawa nito, hindi dahil sa ayaw nilang mangako, kundi dahil sa kakulangan ng panahon. Ang mga taong pinagsasabay-sabay ang mahigit 50 oras na sanlinggong pagtatrabaho kalakip pa ang pag-aalaga sa mga anak o sa mga may-edad nang mga magulang ay hindi talaga makapagboboluntaryo nang palagian. “Ngunit, ang mismong katotohanan na ginagawa pa rin ng abalang mga taong ito na bahagi ng kanilang buhay ang paglilingkod sa komunidad,” sabi niya, “ay nagpapakita na ang kanilang pagkadama ng pananagutan ay talagang napakasidhi.”

Para sa gayong mga boluntaryo na kulang sa panahon, sabi ni Behrens, “ang kombinyenteng pagboboluntaryo” ang sagot. Maraming organisasyon ng mga boluntaryo ang nag-aalok pa nga ngayon ng mga proyektong pang-isang-araw-lamang. “Pinahihintulutan nito ang mga tao na makapagboluntaryo sa makabuluhang mga paraan subalit kombinyente naman sa kanilang panahon upang magawa ito nang halos regular.”

Gayundin, ang lumalaking bilang ng mga tao ay nagboboluntaryo mula sa kanilang computer sa tahanan, na nagpapasok ng impormasyon at nagsasaliksik sa computer. “Ang on-line volunteering,” sabi ng The Wall Street Journal, “ay marahil ang pinakakakaiba, at sinasabi ng ilan na malamang na maging pinakamatagumpay na uri ng tinatawag ngayon na ‘kombinyenteng pagboboluntaryo.’ ”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Pagbibigay ng Tulong sa Kobe!

Nang lumindol sa maunlad na daungang-lunsod ng Kobe, Hapon, noong Enero 1995, napakalaki ng nalikhang pagkawasak. Palibhasa’y mahigit sa 5,000 ang namatay, iyon ang may pinakamaraming napatay na lindol na yumanig sa Hapon sapol noong 1923. Ang mga Saksi ni Jehova sa Hapon at sa palibot ng daigdig ay agad na nagsimulang magbigay ng tulong sa mga biktima. Nang mabuo ang pondo sa pagtulong, mahigit sa isang milyong dolyar ang naiabuloy sa loob ng tatlong simpleng araw. Ang lahat ng uring tulong na panustos ay dumagsa sa Kobe.

Isang Kristiyanong matanda na kasangkot sa gawaing pagtulong ang nakapansin na di-nagtagal ay nakaimbak na sa kanilang Kingdom Hall ang mga panustos na sobra pa sa maaaring magamit. Ano ang gagawin sa lahat ng ito? Iminungkahi niyang iabuloy ang ilang panustos sa isang karatig na ospital. Pinunô ng mga Saksi ang isang van at nagbiyahe nang pasikut-sikot sa gitna ng mga kagibaan. Ang biyahe ay tumagal nang ilang oras sa halip na ilang minuto lamang gaya ng karaniwan. Sa ospital, ibinigay nila sa punong doktor ang kanilang mga dalang panustos​—kalakip dito ang mga kumot, mga kutson, diaper, sariwang prutas, at mga gamot na hindi na nangangailangan ng reseta. Palibhasa’y natuwa, sinabi ng doktor na malugod na tatanggapin ng ospital ang anumang ibibigay ng mga Saksi. Partikular na nagustuhan ang prutas, yamang walang sapat na sariwang pagkain para sa lahat ng pasyente.

Habang ibinababa ng mga Saksi ang mga panustos, tahimik na nakatayo lamang doon ang doktor habang nagmamasid​—sa kabila ng pagkaapurahan ng kaniyang trabaho. Pagkatapos ay mapagpakumbaba siyang yumukod at nagpasalamat sa kanila. Habang papaalis sila, nanatili siyang nakatayo roon upang ipakita ang kaniyang labis na pasasalamat. Napansin ng matanda na kasangkot sa pagtulong na ang mismong ospital na iyon nang maglaon ay naging napakamatulungin sa mga pasyenteng Saksi ni Jehova.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Gawaing Pagboboluntaryo​—Isang Pagsisikap Para sa Ikabubuti

Nang ang isang grupo ng mga boluntaryo sa Kabezi, isang maliit na komunidad sa Burundi, ay nagnais na magtayo ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, ang administrador sa lugar na iyon ay may kakaibang hiniling. Itinanong niya kung kaya ng mga Saksi na ayusin ang daan na bumabagtas sa ipinanukalang lugar na pagtatayuan. Maligayang pumayag ang mga Saksi na ayusin ang nasirang daan, anupat gagawin ang lahat ng trabaho nang manu-mano. Napakaganda ng ginawa ng mga boluntaryo anupat nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal sa lugar na iyon sa kanilang masikap na pagpapagal at espiritu ng pagkukusa. Pagkatapos nito, ipinagpatuloy ng mga boluntaryo ang pagtatayo ng kanilang Kingdom Hall, na nakalarawan sa itaas. Ngayon ay mayroon na silang isang magandang gusali na tutulong sa pagtataguyod ng edukasyon sa Bibliya sa loob ng maraming taon. Tunay na ang gawaing pagboboluntaryo sa maraming anyo nito ay may malalaking kapakinabangan.

[Mga larawan sa pahina 6, 7]

Nakadarama si Sirley ng kasiyahan sa pagtuturo sa iba na bumasa

[Credit Line]

Nelson P. Duarte-Jornal do Sudoeste

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share