Pagharap sa Isang Kakila-kilabot na Trahedya
AYON SA SALAYSAY NI JAMES GIARRANO
Ang pagiging lolo’t lola ay isa sa pinakamalaking kagalakan sa buhay. Buong pananabik naming hinintay ng aking asawa, si Vicki, ang pagsilang ng aming unang apo. Ang anak namin, si Theresa, at ang kaniyang asawa, si Jonathan, ay umaasa sa pagsilang ng isang sanggol maaga noong Oktubre 2000. Hindi namin akalain na mapapaharap kami sa isang kakila-kilabot na trahedya.
KAMI ng aking asawa, kasama ang aming anak na lalaki at ang kaniyang asawa, ay umalis para magbakasyon noong Sabado, Setyembre 23. Makikipagtagpo kami sa iba pa naming kamag-anak at magpapalipas ng isang linggo sa Outer Banks ng North Carolina. Nagpasiya na sina Theresa at Jonathan na hindi na sasama sa amin sa pagbabakasyon dahil kabuwanan na ni Theresa at malayong biyahe iyon—mga 11 oras mula sa aming bahay sa Ohio.
Gusto naming ipagpaliban ang aming bakasyon, ngunit iginiit ni Theresa na ituloy namin. Tiniyak niya sa amin na magiging mabuti naman ang kaniyang kalagayan. Bukod diyan, naniniwala ang kaniyang doktor na malulubos niya ang kaniyang kabuwanan, at dalawang linggo na lamang ay manganganak na siya.
Maaliwalas na araw noon ang Miyerkules, Setyembre 27, 2000, na nagpaalaala sa akin kung bakit pinipili ng aming pamilya na magbakasyon sa lugar na ito sa loob ng nakaraang ilang taon. Wala kaming kaalam-alam na bago matapos ang araw na iyon, labis na magbabago ang aming buhay.
“Nawawala si Theresa!”
Nang gabing iyon ay nakatanggap ako ng isang tawag sa telepono mula sa aking kapatid na lalaki sa Ohio. Siya’y lubhang bantulot at kabado. Sa wakas, nasabi rin niya: “Nawawala si Theresa!” Nasangkot ang pulisya sapagkat ang mga pangyayari na bumabalot sa kaniyang pagkawala ay kahina-hinala. Nang dumating si Jonathan nang hapong iyon, natagpuan niyang bukás ang pinto sa harapan. Ang almusal ni Theresa ay nasa mesa pa rin, at ang kaniyang pitaka ay naiwan. Mayroon pang kataka-taka: Ang kaniyang sapatos—ang kaisa-isang pares na kasya sa kaniya sa panahon ng kaniyang kabuwanan—ay nasa may pintuan pa.
Tumawag si Jonathan sa bahay nila nang mga 9:30 n.u. Sinabi sa kaniya ni Theresa na tumawag ang isang babae na nagsasabing gusto nitong pumunta sa kanila upang tingnan ang kotseng ipinagbibili nila. Pagkatapos, may pupuntahan lamang daw sandali si Theresa. Tumawag si Jonathan sa bahay nila nang tanghali, pero hindi niya nakausap si Theresa. Nang hapong iyon, paulit-ulit siyang tumawag, ngunit wala pa ring sumasagot. Nang makauwi siya ng bahay nang dakong 4:15 n.h., napansin niyang nawawala ang kotse. Tinawagan niya ang ospital dahil inakala niya na baka humilab na ang tiyan ni Theresa. Wala ito roon. Tinawagan din niya ang ilang miyembro ng pamilya, ngunit walang nakakita rito. Balisang-balisa siya, kaya tumawag siya sa pulisya. Mga 6:00 n.h., natagpuan ng mga pulis ang kotse di-kalayuan sa kanilang bahay. Ngunit nawawala pa rin si Theresa.
Doon naman sa North Carolina, nagulantang kami sa balita. Kami ng aking asawa, kasama ang aming anak na lalaki at ang kaniyang asawa, ay nag-impake ng aming mga bag at umuwi na kami. Iyon ay isang mahaba at madamdaming biyahe. Naglakbay kami nang buong magdamag at nakabalik sa Ohio kinabukasan.
Isang Liwanag sa Kaso
Samantala, si Jonathan at ang ilang kamag-anak, malalapít na kaibigan, at iba pa ay nakipagtulungan sa mga pulis sa paghahanap kay Theresa, anupat nagtatrabaho sa buong magdamag. Nagpatuloy ang paghahanap sa loob ng limang mahihirap na araw. Sa wakas, noong Lunes, Oktubre 2, nagkaroon ng liwanag sa kaso. Nang mga panahong iyon, natalunton na ng mga pulis ang ginawang pagtawag sa telepono sa bahay nina Theresa noong Miyerkules ng umaga. Isang babae na nakatira mga ilang bloke lamang ang layo ang tumawag mula sa isang cellular phone.
Matapos kapanayamin ang babae, naghinala ang mga pulis. Nang malaunan sa gabing iyon, bumalik ang mga pulis sa bahay ng babae. Ngunit habang papalapit sila sa pinto, nakarinig sila ng isang putok ng baril. Nang sapilitan silang pumasok sa bahay, natagpuan nilang patay ang babae. Nagbaril siya sa sarili. Laking gulat nila nang kanilang matagpuan ang isang bagong silang na sanggol na lalaki sa isang silid sa ikalawang palapag. Hindi kapani-paniwala, tinulugan lamang nito ang lahat ng kaguluhang iyon!
Ngunit wala pa ring bakas ni Theresa. Sa loob ng sumunod na ilang oras, hinalughog ng mga pulis ang bahay para sa anumang ebidensiya na nanggaling ito roon. Natapos ang paghahalughog noong madaling-araw ng Martes sa loob ng garahe. Doon, sa isang mababaw na libingan, natagpuan nila ang bangkay ni Theresa. Nang maglaon ay natiyak ng mediko-legal na pinalo ito at nawalan ng malay, pagkatapos ay binaril sa likod. Kaagad itong namatay, at ang sanggol nito ay kinuha sa kaniyang bahay-bata. Sa pagbabalik-tanaw, nakagaan sa loob namin na malamang hindi siya nagdusa.
Dinala ang bagong silang na sanggol sa ospital, kung saan nalaman na mabuti ang kaniyang kalusugan—wala ni isang galos! Isang kinakailangang pagsusuri sa DNA ang tumiyak na siya talaga ang aming apo. Ipinangalan dito ni Jonathan ang pangalang napili nila ni Theresa—Oscar Gavin. Pagkatapos ng maikling pamamalagi sa ospital, ang aming 8-libra at 11-onsa na apo ay iniabot sa mga bisig ng kaniyang ama noong Huwebes, Oktubre 5. Tuwang-tuwa kami na tanggapin ang aming apo, ngunit di-mailarawan ang aming matinding hinagpis na wala roon si Theresa upang hawakan ito.
Ang Reaksiyon ng Komunidad
Kami ng aking pamilya ay napaluha dahil sa pagdagsa ng suporta—na karamihan ay mula sa mga taong hindi namin kakilala. Noong panahong nawawala si Theresa, daan-daan ang nagboluntaryong tumulong sa paghahanap. Marami ang nag-abuloy ng salapi. Ilang lokal na tindahan ng suplay sa opisina ang nag-imprenta ng libu-libong kopya ng anunsiyo nang walang-bayad. At ipinamahagi ng mga boluntaryo ang mga anunsiyo maraming milya ang layo mula sa bahay nina Theresa.
Isa sa aming Kristiyanong kapatid na babae ang nagtatrabaho sa isang abogado roon, at nang sabihin niya dito ang tungkol sa aming situwasyon, nag-alok ito ng tulong. Tinanggap namin ang kaniyang alok, at ito’y napatunayang isang napakalaking pagpapala. Tinulungan niya kami na harapin ang media at gayundin ang ilang legal na mga isyu na bumangon. Karagdagan pa, nagrekomenda siya ng dalawang pribadong imbestigador, na nakatulong nang malaki sa kaso. Ang kanilang tunay na pagmamalasakit sa amin ay talagang nakaantig sa aming puso.
Pagkatapos mabawi ang aming apo, lalong tumindi ang suporta. Ilang groseri ang nagpadala ng pagkain at mga suplay sa bahay. Maraming indibiduwal ang nag-abuloy ng damit para kay Oscar at gayundin ng mga disposable diaper, gatas ng sanggol, at mga laruan. Nakatanggap kami ng higit pa kaysa sa magagamit ni Oscar, kaya ibinigay namin ang labis sa maternity ward ng isang lokal na ospital. Dahil ibinalita ng media ang istorya, tumanggap kami ng libu-libong kard at liham—hindi lamang mula sa aming komunidad kundi mula sa buong daigdig.
Ang pagdagsa ng suporta ay lalo nang kapansin-pansin sa serbisyo ng libing para kay Theresa, na ginanap noong Linggo, Oktubre 8. Alam namin na maraming tao ang nais dumalo, ngunit ang pagtugon ay humigit sa aming inaasahan. Gumawa ng mga kaayusan upang magamit ang awditoryum sa isang paaralang pang-haiskul doon, at dahil sa dumalo na mahigit sa 1,400, ito ay napuno. Kabilang sa mga dumalo ang mga miyembro ng pamilya, mga kaibigan, mga opisyal ng pulisya, ang alkalde, at iba pa sa komunidad. Naroroon din ang mga miyembro ng media, at kinunan ng lokal na mga istasyon ng telebisyon ang diskurso, na isinahimpapawid din nang live sa Internet. Bukod diyan, daan-daang katao ang nakatayo sa lobby ng paaralan o magkakasukob sa mga payong sa malamig na ulan sa labas, na nakikinig sa nakakonektang mga loud speaker. Ang diskurso ay nagbigay ng malawakang patotoo hinggil sa ating salig-Bibliyang mga paniniwala.
Pagkatapos, daan-daang tao ang matiyagang pumila upang makiramay. Nanatili kami roon nang halos tatlong oras, na niyayakap ang lahat ng mga dumating at ipinahahayag ang aming pagpapahalaga sa kanilang presensiya. Pagkatapos ng serbisyo, isang otel doon ang may kabaitang naglaan ng pagkain para sa mahigit na 300 na mga miyembro ng aming pamilya, malalapít na kaibigan, at iba pa na tumulong sa pagbawi sa aming apo.
Hindi namin ganap na maipahayag kung gaano namin pinahahalagahan ang ginawa ng mga tao—na karamiha’y hindi namin kakilala—para matulungan kami. Ang karanasang ito ang nagpangyaring maging determinado kami nang higit kailanman na magkaroon ng lubusang bahagi sa ministeryong Kristiyano, sapagkat napakaraming mababait na tao ang nais naming mapaabutan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
Kung Paano Tumugon ang Kongregasyon
Mula sa pasimula ng pagsubok na ito, kami ay napalibutan ng patuloy na suporta mula sa aming mga kapatid na Kristiyano. Ang waring walang-katapusang suportang ito ay nagmula sa aming kinauugnayang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at gayundin mula sa kalapit na mga kongregasyon.
Bago pa man kami dumating sa bahay mula sa North Carolina, ang matatanda sa aming kongregasyon ay tumulong na upang organisahin ang mga pagsisikap na matagpuan si Theresa. Marami sa aming mga kapatid ang nagbakasyon sa trabaho upang makasama sa paghahanap. Ang ilan ay nagsabi sa kanilang amo na handa silang hindi sumuweldo, ngunit sa ilang kaso ay pinayagan silang magbakasyon nang may suweldo. Noong mga araw na nawawala si Theresa, si Jonathan ay sinamahan ng ilan sa aming mga espirituwal na kapatid para hindi siya nag-iisa. Ang ilang kapatid na lalaki at babae ay basta na lamang dumating at pinanatiling malinis at maayos ang aming bahay. Ang iba ay tumulong sa pagpapakain sa mga boluntaryo at pagsagot sa mga telepono.
Mga anim na linggo pagkamatay ni Theresa, napaharap ang aking asawa at si Jonathan sa napakahirap na gawain—ang pag-aayos sa mga gamit ni Theresa at pag-aalis ng mga gamit sa kanilang bahay. Sa pakiramdam ni Jonathan ay hindi na niya kayang tumira sa bahay na pareho nilang tinirhan ni Theresa, kaya nagpasiya siyang ipagbili ito. Ang pag-aayos sa mga gamit ni Theresa ay isang napakasakit na gawain—lahat ay nagpaalaala sa kanila ng tungkol sa kaniya at kung gaano nila siya hinahanap-hanap. Ngunit maging dito, tinulungan kami ng aming mga kapatid. Tumulong sila na mailagay sa kahon ang kaniyang mga gamit at gumawa pa nga ng kinakailangang pagkukumpuni sa bahay upang maihanda ito sa pagbebenta.
Higit sa lahat, naglaan ang aming mga kapatid sa aming pamilya ng espirituwal at emosyonal na suporta. Tinawagan nila kami sa telepono at dinalaw upang magbigay ng pampatibay-loob. Marami ang nagpadala ng makabagbag-damdaming mga kard at mga liham. Ang maibiging suportang ito ay nagpatuloy hindi lamang sa loob ng unang ilang araw at mga linggo kundi sa loob ng maraming buwan.
Sinabi ng ilan sa aming mga kapatid na ipaalam namin sa kanila kailanma’t kailangan namin ng isa para lamang makinig, at tinanggap namin ang kanilang may-kabaitang alok. Lubhang nakaaaliw na maibahagi ang iyong damdamin sa mga kaibigang iniibig mo at pinagtitiwalaan! Tunay na ipinamalas nila ang mga salita ng kawikaan sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”—Kawikaan 17:17; 18:24.
Ang Epekto sa Aming Pamilya
Masasabi ko na ang pagharap sa pagpaslang kay Theresa ay hindi naging madali para sa pamilya ko at sa akin. Talagang binago nito ang aming buhay. May mga pagkakataon na nagagalit ako dahil wala siya rito sa tabi ko. Hinahanap-hanap ko ang kaniyang mga yapos at mga halik.
Ang aking asawa ay labis na malapít kay Theresa. Walang araw na hindi man lamang sila nag-usap. Napakaraming oras ang ginugugol nila sa pag-uusap tungkol sa pagdadalang-tao ni Theresa. Magkasama silang nagtrabaho upang maiayos ang silid ng bata.
Inilarawan ni Vicki ang kaniyang damdamin: “Napakaraming bagay ang hinahanap-hanap ko. Hinahanap-hanap ko ang pakikibahagi sa larangan na kasama siya. Hinahanap-hanap ko ang pamimili naming magkasama. Ang pinakamasakit ay ang hindi siya makitang kasama ng kaniyang sanggol—talagang dinudurog nito ang aking puso. Alam ko kung gaano niya kamahal si Oscar kahit bago pa ito ipanganak. Alam niya na lalaki ang kaniyang isisilang. Pagkatapos kong gumawa ng kumot para sa sanggol at ibinigay ito sa kaniya, sumulat si Theresa ng kard para sa akin:
‘Mahal Kong Inay,
Maraming salamat sa napakagandang kumot ng sanggol. Talagang pinahahalagahan ko ang lahat ng pagpapagal na ginawa ninyo para rito. Nais ko lamang kayong muling pasalamatan sa lahat ng tulong at pampatibay-loob na ibinigay ninyo sa akin upang malampasan ko ang ilan sa pinakamahihirap na panahon sa aking buhay. Lagi ko kayong maaalaala at pasasalamatan dahil diyan. Narinig ko na balang araw ang isang tao ay lalaki at matatanto na ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan ay ang kaniyang ina. Buweno, pinasasalamatan ko si Jehova sa araw-araw na hindi na nagtagal bago ko matanto iyan. Lagi ko kayong mamahalin.’”
Napakasakit din para sa amin na makita ang pinagdaanan ng aming manugang na lalaki. Habang si Oscar ay nasa ospital, napaharap si Jonathan sa isa sa pinakamahirap na bagay na dapat niyang gawin. Yamang nagpasiya siyang pansamantalang pumisan sa amin, kailangan niyang ilipat ang silid ng bata na inayos nila ni Theresa sa kanilang bahay. Inimpake niya ang kaba-kabayuhan, ang kuna, at ang mga stuffed toy na hayop at inilipat ang mga ito sa aming bahay.
Kung Ano ang Nakatulong sa Amin na Makapanagumpay
Kapag namatayan ka ng isang minamahal sa buhay sa gayong kalunus-lunos na paraan, bumabangon ang maraming nakalilitong katanungan at damdamin. May mga pagkakataon na ako bilang isang Kristiyanong matanda ay nagsikap na aliwin at tulungan ang iba na nakikipagpunyagi sa gayong mga katanungan at mga damdamin. Ngunit kapag ikaw ang namimighati, maaaring palabuin ng damdamin ang malinaw na pag-iisip.
Halimbawa, palibhasa’y nalalaman ang kalagayan ni Theresa at na mawawala kami sa loob ng isang linggo, nanalangin ako kay Jehova na ipagsanggalang siya. Nang matagpuan siyang pinaslang, aaminin ko na ang una kong naisip ay kung bakit hindi sinagot ang aking mga panalangin. Sabihin pa, alam ko na hindi ginagarantiyahan ni Jehova ng makahimalang proteksiyon ang kaniyang bayan sa indibiduwal na paraan. Nagpatuloy akong nanalangin ukol sa kaunawaan. Naaliw ako sa pagkaalam na ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa espirituwal na paraan—alalaong baga, naglalaan siya ng kailangan natin upang maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Ang uring iyan ng proteksiyon ang pinakamahalaga, sapagkat maaapektuhan nito ang ating walang-hanggang kinabukasan. Sa diwang iyan, ipinagsanggalang ni Jehova si Theresa; naglilingkod siya sa kaniya nang may katapatan nang siya’y mamatay. Nakasumpong ako ng kapayapaan sa pagkaalam na ang pag-asa niya na mabuhay sa hinaharap ay nasa maibiging mga kamay ni Jehova.
Maraming teksto sa kasulatan ang pantanging nakaaaliw. Narito ang ilan na nakatulong sa akin na makapanagumpay:
“Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Matagal na akong naniniwala sa pangako ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli tungo sa isang makalupang paraiso, ngunit ngayon ang pag-asang iyan ay lalong naging totoo sa akin. Ang pagkaalam lamang na mayayakap kong muli si Theresa ay nagbibigay sa akin ng lakas upang matagumpay na mabata ang bawat araw.
“Si Jehova . . . ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Lucas 20:37, 38) Napakalaki ng kaaliwan sa pagkaalam na ang mga patay na bubuhaying-muli balang araw ay ‘buháy lahat’ kay Jehova, kahit maging sa ngayon. Kaya mula sa kaniyang pangmalas, ang aming mahal na si Theresa ay buháy na buháy.
Nais ibahagi ni Vicki ang ilan sa mga teksto sa Bibliya na partikular na nakapagpapalakas sa kaniya:
“‘Imposibleng magsinungaling ang Diyos.’ (Hebreo 6:18; Tito 1:2) Dahil hindi makapagsisinungaling si Jehova, alam kong tutuparin niya ang kaniyang pangako na bubuhaying-muli ang mga patay.
“‘Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.’ (Juan 5:28, 29) Ang mga salitang ‘mga alaalang libingan’ ay nagpapahiwatig na si Theresa ay nasa alaala ni Jehova hanggang sa utusan niya ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na buhaying-muli ito. Alam ko na wala nang mas ligtas na dako na maaari niyang kalagyan kaysa sa sakdal na alaala ni Jehova.
“‘Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ (Filipos 4:6, 7) Partikular na nananalangin ako ukol sa espiritu ni Jehova na bigyan ako ng lakas. Kapag ako’y talagang nagagalit, lumalapit ako kay Jehova at sinasabi, ‘Kailangan ko ng higit pa sa iyong espiritu,’ at tinutulungan niya ako na makayanan ang isa pang araw. Kung minsan, ni hindi ko mabigkas ang mga salita, ngunit binibigyan niya ako ng lakas upang makapagpatuloy.”
Talagang tinulungan kami ni Jehova na maharap ang kakila-kilabot na trahedyang ito. Oo, namimighati pa rin kami para sa aming mahal na si Theresa. Inaasahan namin na ang aming pamimighati ay hindi lubusang mabubura hanggang sa mayapos namin siyang muli sa bagong sanlibutan ni Jehova. Samantala, kami ay determinado nang higit kailanman na paglingkuran si Jehova nang may katapatan. Determinado si Jonathan na gawin ang kaniyang makakaya na palakihin si Oscar upang ibigin at paglingkuran si Jehova, at kami ni Vicki ay tutulong sa kaniya sa lahat ng posibleng paraan. Taos-puso naming hangarin na naroroon kami sa bagong sanlibutan ng Diyos upang salubungin si Theresa at ipakilala siya sa kaniyang anak na hindi niya nahawakan.
[Larawan sa pahina 19]
Ang aming anak na si Theresa, na nakikinig sa pintig ng puso ng kaniyang sanggol
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Nadama namin ang pagdagsa ng suporta sa serbisyo ng libing
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ang aking asawa, si Vicki, noong kasal ni Theresa
[Larawan sa pahina 23]
Ang aming apo na si Oscar