Mga Sakit na Nakahahawa—Mapanganib Ngunit Maiiwasan
SAMANTALANG ang mapangwasak na mga lindol at mapaminsalang mga baha ay nagiging mga ulong-balita, ang tahimik na paglaganap ng mga sakit na nakahahawa ay bihirang mapansin ng media. Magkagayunman, “ang bilang ng namamatay sa mga sakit na nakahahawa (gaya ng AIDS, malarya, mga sakit sa palahingahan at pagtatae) ay mas malaki nang 160 ulit kaysa sa bilang ng namatay sa mga likas na sakuna nitong nakaraang taon,” ang sabi sa isang pahayag na inilabas noong Hunyo 2000 ng Red Cross/Red Crescent. “At ang situwasyon ay lumalala.”
Dalawang pangunahing salik ang sinasabing dahilan ng nakagigitlang bilang na ito. Ang isa ay ang walang-tigil na paglaganap ng AIDS, na pumapatay ng 300 katao bawat oras. Ang AIDS “ay hindi na isang sakit, ito’y isa nang kasakunaan,” ang sabi ni Peter Walker, direktor ng pangasiwaang pangkasakunaan para sa International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies. “Ang gayong laganap na sakit ay pumapatay sa mga manggagawa at sumisira sa ekonomiya.” Ang isa pang salik ay ang pagguho ng mga pampublikong sistemang pangkalusugan, na nagbubunga ng kapansin-pansing pagbalik ng dating mga sakit na gaya ng tuberkulosis, syphilis, at malarya. Halimbawa, sa kasalukuyan ay nag-uulat ang isang bansa sa Asia ng 40,000 bagong kaso ng tuberkulosis taun-taon. Sa isang bansa sa Silangang Europa, ang nahahawa ng syphilis ay dumami nang 40 ulit sa nakaraang dekada.
Ngunit ito ang kabalintunaan, na bagaman ang mga sakit na nakahahawa ay naging mga kasakunaan na, ang totoo ay kabilang ang mga ito sa mga kasakunaan na pinakamadaling maiwasan. Sa katunayan, sinasabi ng ulat na ang karamihan sa 13 milyong pagkamatay sa nakahahawang sakit na naganap noong 1999 “ay maaari sanang naiwasan sa halagang US$5 bawat tao.” Kung ang mga pamahalaan sa daigdig ay handang gumugol ng $5 bawat tao sa pangangalaga sa kalusugan—$30 bilyon ang kabuuan—gunigunihin kung ilang di-kinakailangang kamatayan ang maiiwasan!
Bagaman ito’y isang malaking halaga, maliit lamang ito kung ihahambing sa ginugugol ng daigdig sa iba pang mga serbisyo. Halimbawa, sa loob ng isang taon kamakailan, ang ginugol sa militar sa buong daigdig ay umabot sa $864 na bilyon—$144 bawat tao. Isip-isipin kung gaano kalaki ang ginugugol sa paghahanda para sa digmaan kung ihahambing sa paghadlang sa paglaganap ng mga sakit! Marahil ang pagsugpo sa mga sakit na nakahahawa ay talagang hindi kaya ng sangkatauhan—hindi dahil sa kakulangan ng pondo, kundi dahil sa mas malalalim na kadahilanan. Tutal, hindi man lamang maisaayos ng mga pamahalaan ng tao maging ang mga tamang priyoridad.
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
X ray: New Jersey Medical School—National Tuberculosis Center
Larawan ng lalaking inuubo: WHO/Thierry Falise