Ang Nakaaaliw na Mumunting Mangangasong Iyon
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
MAKIKITA siyang nakatayo sa kaniyang mga paa sa hulihan sa ilalim ng nakapapasong araw, mahigpit na nangungunyapit sa marurupok na sanga samantalang naninimbang na parang tripod sa pamamagitan ng kaniyang buntot. Taglay ang matinding pagtutuon ng pansin, tumingin siya sa kalangitan at sa lupa upang mamataan ang anumang tanda ng panganib. Tinitiyak ng kaniyang pana-panahong paghuni at pagsiyap sa kaniyang mga kasamahan na maayos naman ang lahat habang naghahanap sila ng makakain sa malapit. Mananatili siyang nagbabantay hanggang sa palitan siya ng isa sa kaniyang mga kaibigan—kahit na maantala pa ito ng isang oras!
Sino ang nilalang na ito? Ang meerkat. Sumusukat lamang ng mga 40 sentimetro mula sa ilong nito hanggang sa dulo ng buntot nito, ang munting hayop na ito na kumakain ng karne ay lubhang palakaibigan at nakatira na malapit sa isa’t isa sa mga pangkat na nasa pagitan ng 10 at 30.
Tuwing umaga habang lumalabas sa kanilang lungga ang mga meerkat, ang grupo ay pipila na nakatayo sa pamamagitan ng kanilang mga paa sa hulihan at haharap sa sumisikat na araw upang magpainit ng kanilang sarili pagkatapos ng lamig sa magdamag. Magiliw nilang inaayos ang isa’t isa, habang humuhuni at sumisiyap sa palakaibigang paraan. Ang magigiliw na paggawing ito ay maaaring tumagal nang kalahating oras o mahigit pa. Gayunman, di-magtatagal at sama-sama silang aalis para mangaso sa araw na iyon.
Tinitiyak ng organisadong paraan ng pangangaso ng mga meerkat ang patuloy na suplay ng mga insekto at maliliit na reptilya. At napakagana nilang kumain! Kailangan ang labis na pagsisikap upang masapatan ito anupat sa katanghalian ang karamihan sa kanila ay iidlip sa lilim ng isang palumpong o punungkahoy, ang ilan ay naghuhukay sa isang bunton ng malamig na buhangin upang doon humilata.
Ngunit bakit kailangan ang isang tanod? Sapagkat ang mga mangangasong ito ay paborito ring hayop na sinisila. Habang puspusang naghuhukay ang meerkat sa matigas na lupa—na kung minsan ay nakahuhukay ng lupa na ilang ulit ang timbang kaysa kaniyang sariling timbang para makakuha ng isang uod lamang—isa itong nakatutuksong puntirya para sa mapagbantay na mga chakal o mga ibong maninila.
Kumusta naman kung makaramdam ang tanod ng panganib? Ang kaniyang biglang paimpit na siyap ay agad na nagpapakilos sa iba pa—na kumaripas ng takbo sa pinakamalapit na lungga. Gayunman, kung ang nagbababalang siyap ng tanod ay naghuhudyat ng papalapit na isang karibal na grupo ng mga meerkat, ang grupo na nakatira sa lugar na iyon ay hindi tatakas. Sa halip, sama-sama silang tatayo, nakabaluktot ang likod at nangangalisag ang balahibo, nakatayo nang tuwid ang buntot na parang antena. Ang grupo ay sisiyap habang lumulusob sila sa mga nanghihimasok, ang ilan sa kanila ay luluksu-lukso na naninigas ang mga binti na parang nagsasagawa ng isang sayaw na pandigma. Ang nagkakaisang prontera na ito ay kadalasang sapat na upang maitaboy ang mga karibal.
Isang Tulung-tulong na Pagsisikap
Karaniwang nagtutulungan sa isa’t isa ang mga meerkat. Totoo ito lalo na sa paraan ng pag-aalaga nila ng kanilang mga kuting. Sa unang mga ilang linggo ng kanilang pagsilang, nagiging tampulan ng pansin ang mga bagong silang na ito. Ang iba pa sa angkan ay palaging dumadalaw sa ina at sa mga kuting. At gayon na lamang ang kanilang pagtanggap kapag inilabas na ng ina ang mga ito mula sa lungga sa unang pagkakataon! Ang buong angkan ay lumalapit upang mapagmahal na kagat-kagatin ang leeg nito, anupat napapasiyap sa tuwa, at magiliw na idinadaiti ang kanilang katawan sa mga bagong silang.
Sa loob ng ilang linggo, tutulong ang buong grupo sa pangangalaga sa mga kuting. Buong pananabik na maghahalinhinan ang karamihan sa pag-aalaga sa mga kuting samantalang ang iba pa ay mangangaso. Ang ilang babae na walang mga kuting ay kusang maglalabas ng sariling gatas upang makibahagi sa pagpapasuso—sa gayo’y binabawasan ang kaigtingan ng ina. Kaunting-kaunting panahon na lamang ang natitira para sa nag-aalaga ng kuting na maghanap ng pagkain dahil sa lahat ng pagtitiyaga sa mga gawaing ito. Bunga nito, ang ilan ay nababawasan nang 10 porsiyento ang timbang samantalang tumutulong sa pag-aalaga ng isang kuting!
Kapag medyo malaki-laki na ang mga kuting para lumabas sa lungga at sumama sa araw-araw na pangangaso, matiyagang maghahalinhinan ang handang mga adulto sa pagtuturo sa bawat batang meerkat ng sining ng pangangaso. Kadalasan, ibinibigay ang pinakamagandang huli sa mga batang meerkat, kahit mangahulugan ito na medyo magugutom ang mga adulto sa araw na iyon. Kung ang nagbababalang siyap ng tanod ay naghuhudyat sa mga meerkat na kumaripas ng takbo sa kanilang mga lungga, titiyakin ng isa man lamang sa kanila na ang mga kuting ay ligtas na makararating din doon.
Sulit Pagmasdan
Madaling paamuin at mapagmahal ang mga meerkat. “Lahat-lahat,” ang sabi ng Maberly’s Mammals of Southern Africa, “ang kawili-wiling mumunting hayop na ito ay tiyak na kabilang sa lubhang kaakit-akit, maganda at mapagmahal na mga mamal sa timugang Aprika at laging sulit na gumugol ng ilang panahon upang pagmasdan ang mga ito.”
Sumasang-ayon si Alain, na nakapagsapelikula ng mga meerkat sa loob ng mga taon. Nagugunita niya ang pagkakataon nang lumabas sa lungga ang isang babaing meerkat na bitbit sa kaniyang bibig ang kaniyang apat-na-araw na kuting at, umuungut-ungot sa kaniya, inilapag ito sa kaniyang paa. Akala niya’y patay na ito. “Subalit nang dahan-dahan kong damputin ito,” aniya, “natanto ko na ito’y buháy, at gusto lamang niyang ipakilala muna ito sa akin, bago sumugod ang iba pang meerkat upang batiin siya. Tuwang-tuwa ako anupat hindi ko man lamang naisip na kumuha ng mga litrato.”
May kasiyahang naaalaala ni Sylvie, na nakapagmasid din sa mga meerkat sa iláng sa loob ng mga taon, ang umaga na nakadapa siya sa lupa na malapit sa lungga nang maglabasan ang mga meerkat. Pumila sila sa kanilang karaniwang paraan mga ilang sentimetro mula sa kaniya at sinimulan ang kanilang ritwal ng pag-aayos at pagyapos. Nang kausapin niya ang mga ito, sumiyap sila bilang tugon. Marahang hinipo ni Sylvie ng kaniyang daliri ang una, isang babae, at sinimulang haplusin ito—hanggang sa tainga nito. Pumihit-pihit ito sa tuwa at nagsimulang ayusan ang kasunod sa linya. “Tinanggap nila ako sa kanilang seremonya ng pagyapos,” ang bulalas ni Sylvie. “Kay laking pribilehiyo!”
Maraming maiikli at nakatutuwang kuwento yaong gumugol ng panahon na kasama ng mga meerkat. Tunay, nakaaaliw nga ang mga mumunting mangangasong ito!
[Mga larawan sa pahina 26]
Pagtataboy sa kaaway
Ang tanod na nagbabantay
Nagpapainit bago ang pangangaso sa araw na iyon
[Credit Line]
Lahat ng larawan: © Nigel J. Dennis