Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 2/8 p. 18-20
  • Kea—Payaso ng Kabundukan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kea—Payaso ng Kabundukan
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahilig Silang Maglaro
  • Mga Kea at mga Nagkakamping
  • Mga Kea at mga Nag-iiski
  • Sa mga Lugar ng Konstruksiyon
  • Payaso ng Kabundukan
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2002
  • Kung Bakit Ito Tinatawag na Big Island
    Gumising!—2008
  • Pagtanaw sa Sansinukob
    Gumising!—1991
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 2/8 p. 18-20

Kea​—Payaso ng Kabundukan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NEW ZEALAND

YAMANG naninirahan sa mataas na bansa ng New Zealand, ang kea ay isang parrot sa alpino. Taglay ang di-mapipigilang hilig sa kasiyahan, nakalilibang at nakalulugod ito​—o nakaiinis​—sa pamamagitan ng nakatatawang panloloko nito.

Gunigunihin na ginugol mo ang buong maghapon sa pag-akyat sa kabundukan. Dumating ka sa isang tuluyan sa alpino nang pagod na pagod. Pagkatapos makakain ng masarap na pagkain, ang gusto mo lamang gawin ay tumungo sa kama at matulog nang mahimbing. Ngunit ang isang pamilya ng mga kea ay may ibang mga ideya. Dadapo sila sa tuluyan at magpapasiya na lubhang magiging kasiya-siya ang magpadulas sa bubong na yero. Waring musika sa kanila ang kumakaskas na ingay ng kanilang mga kuko sa yero. Upang ipakita kung gaano sila galak na galak dito, masaya silang sumisiyap nang matinis habang nagpapadulas sila. Tapos, habang pinapagaspas ang kanilang mga pakpak, umaakyat uli sila at inuulit ang pag-iingay.

Gayunman, para sa mga kea na mahilig sa kasiyahan, kahit ang larong iyon ay maaaring maging nakababagot, kaya nag-isip sila ng ibang paraan upang libangin ang kanilang sarili. Ngayon naman ay nagpapagulong sila ng mga bato sa bubong, kung saan sila naman ay nagpapadulas kasunod nito, habang sila ay nagsisiyapan nang matinis. Upang makita kung ano ang reaksiyon ng mga nanunuluyan, bumibitin sila nang pabaligtad at tumitingin sa loob ng bintana. Waring ang ideya ay na ang pagod na pagod na mga umakyat sa bundok ay masisiyahan sa palabas na ito sa “bubong.” Ngunit bago ka magpasiya kung ang mga parrot na ito sa alpino ay karapat-dapat na tawaging mga payaso, ating alamin ang ilang bagay hinggil sa kanila.

Pinanganlang kea ang ibon dahil sa maingay na siyap nito na kee-a habang ito’y lumilipad. Likas na naninirahan ang mga ito sa New Zealand at matatagpuan lamang ang mga ito sa bulubunduking rehiyon ng South Island. Palibhasa’y naninirahan sa itaas na bahagi ng kagubatan kung saan halos walang pananim, pangunahin nilang kinakain ang mga beri at mga supang.

Ang mga kea ay solido at malakas na mga ibon​—ang lalaki ay tumitimbang ng hanggang 1.2 kilo at may sukat na hanggang 50 sentimetro ang haba. Ang pinakakaraniwang kulay nila ay berde. Sa kabila ng pagiging halos kakulay ng tirahan nila sa kagubatan, lubhang kapansin-pansin pa rin ang mga ibong ito. Ang kanilang walang-takot na personalidad, pagkakakilanlang mga huni, malalaking katawan, at iskarlatang mga balahibo sa ilalim ng kanilang pakpak ay nagpapangyari na maging kakaiba sila sa ibang mga ibon.

Madalas silang naglalaro sa himpapawid, na lubos na sinasamantala ang lubhang pabagu-bagong lakas ng ihip ng hangin sa kanilang tahanan sa bundok. Sila’y isang maringal na tanawin habang lumilipad sila sa makikipot na libis, samantalang nagkokompetensiya sa pamamagitan ng paghabol at pag-iwas sa isa’t isa. Sila ay itinuturing na isa sa pinakamatatalinong ibon sa daigdig. Ang talinong ito marahil ang siyang nagpapangyari sa kanila na maging mahilig sa kasiyahan.

Mahilig Silang Maglaro

Ang kanilang kapilyuhan ay isang likas na katangian nila. Yamang may pagkamausisa na hindi kailanman mabibigyang kasiyahan, sinusuri nila ang bawat bagay sa kanilang teritoryo, lalo na ang isang bagay na bago o kakaiba. Ang pagsusuring ito ay hindi ginagawa sa pamamagitan ng pagtingin lamang kundi nangangailangan din naman ito ng pagsubok at pagtuka nila sa bagay sa pamamagitan ng kanilang malalakas na tuka hanggang sa mabagot sila sa bagay o sirain nila ito.

Sa isang istasyon ng tren sa isang daanan sa bundok, ang isang kea ay nakita na nagsusuri ng dalawang lata na punô ng gatas na inilagay sa isang plataporma ng istasyon. Inalis ng mapangahas na kea ang takip ng isa sa mga lata at uminom dito. Itinaboy ang ibon, at isang metal na baras ang inilagay sa pagitan ng dalawang hawakan ng lata upang hindi mabuksan ang takip. Palibhasa’y hindi nanghina ang loob, nagbalik ang kea, sinuri ang “seguridad” ng lata sa loob ng isa o dalawang minuto, at pagkatapos, sa pamamagitan ng dulo ng tuka nito, may-kahusayang itinulak ng kea ang baras palabas sa mga hawakan. Pagkatapos ay may-kapangahasang inalis ang takip at muling uminom. Talagang mga pilyo sila ngunit kaibig-ibig!

Mga Kea at mga Nagkakamping

Ang mga nagkakamping na malapit lamang sa kanilang mga ari-arian upang protektahan ito ay maaakit sa mga nakatatawang pagkilos ng kagila-gilalas na mga ibong ito. Pero kapag hindi mo binantayan ang lugar kung saan kayo nagkakamping, ang pinsalang maidudulot dito ay halos hindi mo sukat akalain. Sa pamamagitan ng kanilang malalakas na tuka, kaya nilang punit-punitin ang isang tolda. Ang dati mong sleeping bag ay maaaring maging isang bunton ng balahibo sa isang iglap.

Anumang bagay na bilog ay nagiging isang angkop na bagay upang pagulungin sa pinakamalapit na burol. Anumang bagay na makintab ay nagiging isang mahalagang pag-aari sa kanila. Ang mga sintas ng sapatos ay lalo nang kasiya-siyang paglaruan. Ang isa pang laro na nasisiyahan sila ay ang pagkuha ng mga bagay at pagbabagsak nito mula sa isang mataas na dako, tila dahil sa natutuwa silang makita ang mga ito na bumagsak.

Ang mga kea, na may abilidad na magpatawa at maglibang nang di-sinasadya, ay napapamahal sa lahat na may pagkakataong makita ang kanilang daigdig. Dahil sa mga pagpapatawa nito, hindi kataka-taka na tawagin silang mga lumilipad na unggoy ng New Zealand.

Mga Kea at mga Nag-iiski

Gustung-gusto ng mga kea na magtipun-tipon kung saan may manonood sa kanila, kagaya sa mga lugar ng pag-iiski. Ang tinatawag na payaso ng kabundukan ay nakikita ngayon na isang karagdagang atraksiyon sa mga nag-iiski. Waring nais nilang sumali sa kasiyahan. Susundan nila ang mga nag-iiski sa pamamagitan ng kanilang pagtalon at pagsayaw. Itinuturing nila na lalong higit na kasiya-siya ang pagpapadulas sa mga dalisdis kung saan nag-iiski. Habang ginagawa nila ito, pinababagal nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagbubuka ng kanilang mga paa kagaya ng ginagawa ng mga nag-iiski sa kanilang mga iski. Para bang may-pangangantiyaw na ipinaaalaala sa atin ng kea na ang niyebe ay hindi lamang para sa kasiyahan ng mga tao.

Ang kanilang hilig sa panloloko at nakalilibang na kasiyahan ay umaabot mula sa pagkayamot hanggang sa maliliit na pagsira. Pinatototohanan ng mga nagpapatakbo ng mga lugar ng pag-iiski na kailangan nilang tiyakin na ang lahat ng kanilang kagamitan ay ‘di-tinatablan ng kea.’ Kailangang natatakpan o nasisilungan ang mahalagang aparato. Kahit ang mga lubid ay kinakailangang palitan ng mga kawad. Ang isang basurahan na ‘di-tinatablan ng kea’ ay kailangan pang maimbento. Kailangang sundin ng mga nag-iiski ang ilang simpleng pag-iingat upang maingatan ang kanilang mga pag-aari mula sa kaibig-ibig na mga pilyong ito. Halimbawa, kung iiwanan mo ang iyong kamera nang hindi nababantayan, ito ay magiging isang bagong laruan ng kea.

Kailangang protektahan ng mga nag-iiski ang kanilang mga kotse sa pamamagitan ng pagtatakip sa mga ito ng naaangkop na net. Bakit? Tila kailangang-kailangan ng kea na subukin ang kalidad at tibay ng lahat ng sasakyan. Natutuwa silang sirain ang mga windshield-wiper blade at mga goma sa gilid ng mga salamin at basagin ang mga plastik na ilaw sa likod ng sasakyan. Kung ang bintana ng kotse ay naiwang nakabukas, papasok ang gang ng mga maninirang kea. Uupo sila sa kotse at masayang magsisisiyap nang matinis habang sistematiko nilang sinisira ang anumang bagay na hindi nakatago. Kaya naman, naaangkop na tawagin ang mga kea bilang ang tanging protektadong gang sa kalye ng New Zealand.

Sa mga Lugar ng Konstruksiyon

Ang mga lugar ng konstruksiyon sa kabundukan ay isa pang paboritong lugar ng kea upang manloko. Nang itinatayo ang isang bagong pasilidad ng mga tuluyan para sa Milford, isang kilaláng daanan na nilalakaran sa New Zealand, ang mga kea roon ay nagkaroon ng masidhing interes. Ang isa ay nagsimulang magnakaw ng mga pako. Habang hinahabol ng galít na manggagawa ang magnanakaw, kinuha naman ng isa pang kea ang kaniyang mga sigarilyo. Habang pinagpupupunit ng mapangahas na kea ang tabako at ang papel nito, lahat ng kaniyang kasamahan ay malakas na nagsiyapan nang may pagsang-ayon. Sa pagkamausisa at kapangahasan, panalo ang kea sa lahat ng ibon. Sa sandaling makita ng mga kea na patungo ang mga tao sa kanilang pinamumugaran, pinalilibutan at sinusundan nila ang mga ito na para bang nangangamba sila na nanakawin ng mga tao ang kanilang ari-arian.

Talagang kailangan nilang subukin at suriin ang lahat ng bagay na nasa palibot nila. Ang mga panloloko na kaibig-ibig sa paminsan-minsang nagmamasid ay hindi mabata ng mga naninirahang kasama nila sa araw-araw. Patuloy na umiiral ang isang ugnayan ng pag-ibig at pagkapoot sa kea. Gayunman, walang sinuman ang makapagkakaila na sila ay mga ibon na malakas ang loob at palakaibigan. Yamang lubos na protektado, tinatawag silang mga unang mamamayan ng kabundukan.

Payaso ng Kabundukan

Kung makakita ka ng matatalinong ibong ito na mahilig sa kasiyahan, sasang-ayon ka na sila ay tunay na mga payaso. Natutuwa sila sa pakikipagsamahan sa lahat ng nagpupunta sa kanilang daigdig sa kabundukan, at pinatutunayan nila ito sa pamamagitan ng pagpapatawa. Ang kanilang pag-ibig sa buhay at ang kanilang kakayahan na maglaro ay isang panoorin na talagang nakatutuwa.

Tunay nga, ang kanilang likas at masayang paggawi na madalas na nakakatawá ay nagpapaalaala sa atin na sila ay bahagi ng nilalang ni Jehova, ang maligayang Diyos.​—1 Timoteo 1:11.

[Larawan sa pahina 19]

Sinasalakay ng isang kea ang isang payong

[Larawan sa pahina 20]

Sinisira ng mga kea ang isang kotse

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Sa kagandahang-loob ng Willowbank Wildlife Reserve, Christchurch, New Zealand

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share