Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 2/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Mananalakay na Mapaminsala
  • Mga Kosmetiko Para sa mga Bata
  • “Shaken Infant Syndrome”
  • Natigil na ba ang Paggamit ng Gondola?
  • Ang Dumaraming Panunulisan sa Dagat
  • Mga Batang Manginginom
  • Nakatutulong ba sa Ekonomiya ang mga Kamatayang Sanhi ng Paninigarilyo?
  • Pagtulong sa mga Bata na Maging Hindi Gaanong Materyalistiko
  • “Itim na Swan” sa mga Kanal ng Venice
    Gumising!—2007
  • Milyun-Milyong Buhay ang Naging Abó
    Gumising!—1995
  • Sigarilyo—Tinatanggihan Mo ba Ito?
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 2/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Mananalakay na Mapaminsala

“Ang sumasalakay na mga ‘tagaibang planeta’ ang dahilan ng pagkalugi sa pandaigdig na ekonomiya na malamang ay daan-daang bilyong dolyar bawat taon at gayundin ng pagkalat ng mga karamdaman at nagpangyari sa napakalaking pagkasira ng ekolohiya,” pahayag ng International Herald Tribune. Ang napakaraming halaman at hayop na di-nakasasamâ sa kapaligiran ng kanilang tahanan ay nadadala batid man nila ito o hindi sa bagong mga teritoryo. Halimbawa, ang tree snake, na likas na nabubuhay sa Australia at Indonesia, ay nilipol nang lubusan ang katutubong mga ibon ng gubat sa Guam at ito’y kumakalat patawid sa Pasipiko​—kung minsan sa pamamagitan ng pagtatago sa lugar ng gulong ng eroplano. Ang paglalagay ng caulerpa algae at water hyacinth ng Timog Amerika tungo sa ibang mga sistema ng ekolohiya ay sumisira sa katutubong buhay sa karagatan at sa katubigan sa malalawak na lugar. Ang pagluluwas ng damo mula sa Estados Unidos tungo sa Tsina para sa mga golf course ay halos hindi na mapigilan ngayon, samantalang ang mga longhorn beetle ng Tsina, na nadadala sa paleta, ay nakasisira sa kagubatan ng Hilagang Amerika. Kasama sa iba pang mga uri na napatunayang nakasisira ay ang mongoose ng India, ang tahong na sebra, ang puno ng Miconia, ang Nile perch, ang gray squirrel ng Hilagang Amerika, ang walking catfish, at ang Rosy wolf na susô, at gayundin ang mga langgam na crazy.

Mga Kosmetiko Para sa mga Bata

Ang mga gumagawa ng kosmetiko sa Hapon ay nag-aalok ng isang paninda ng kolorete na pantanging dinisenyo para sa mga bata, pag-uulat ng The Japan Times. Sa pagsunod sa daluyong ng kausuhan ng kosmetiko na lumalaganap sa bansa, ang mga kabataang babae, kasama ang mga batang hindi pa tumutuntong sa pagkatin-edyer, ay nagtutungo sa mga department store upang bumili ng mga bagay tulad ng kumikinang na lipstick at hindi nahahalatang mascara, bilang pagtulad sa kanilang mga paboritong idolo na umaawit. Noon, ang mga bata ay naglalagay ng lipstick bilang paglalaro. Sa ngayon, lumalaking bilang ng mga bata ang seryoso tungkol sa paggamit ng kolorete at nais nilang malaman kung paano ito gagamitin upang patingkarin o gawing katamtaman ang histura ng ilang bahagi ng mukha. Ang isang editor ng magasin para sa mga bata ay nagsabi: “Ang edad niyaong mga dumaranas ng pagkamahiyain ay bumaba. Sa mas murang gulang, alam ng mga bata sa ngayon ang kanilang mga kahinaan kaysa sa mga nauna sa kanila.” Gayunman, isang kompanya, na hindi sumusunod sa kausuhan, ay nagsasabi: “Sa kultura ng Hapon ang mga kosmetiko ay hindi karaniwang ginagamit ng mga batang nasa paaralang elementarya at mga estudyante sa ikatlong taon ng haiskul. Hindi kami gagawa ng kosmetiko (para sa kanila) batay sa pangmalas ng panlipunang moralidad.”

“Shaken Infant Syndrome”

Ang pag-alog sa isang sanggol sa kaniyang mga braso, paa, o mga balikat ay maaaring maging sanhi ng seryosong mga problema sa kalusugan, ulat ng El Universal na pahayagan ng Mexico City. “Naniniwala ang ilang doktor na maraming indibiduwal na may kapansanan sa pagkatuto ay mga biktima ng shaken infant syndrome.” Sang-ayon kay Juan José Ramos Suárez, isang espesyalista sa mga bata, “ang traumang ito ay nagpapangyari sa pagdurugo at pagkapinsala ng utak kahit na walang panlabas na mga palatandaan ng pang-aabuso.” Idinagdag pa niya na ito’y nagpapangyari rin sa pagkawala ng pandinig, pagkabulag, pagkapinsala ng gulugod, pagkaparalisa, kumbulsiyon, at maging kamatayan. Ito’y sapagkat ang ulo ng isang sanggol ay talaga namang mabigat, samantalang ang mga kalamnan ng leeg ay mahina at hindi kayang sumuporta sa puwersa ng pagkaalog. Totoo, ang isang umiiyak na sanggol ay maaaring nakaiinis. Ngunit upang matulungan ang mga tagapag-alaga, ang pahayagan ay nagmungkahi ng “tatlong simpleng hakbang na hindi aabot ng isang minuto: (1) Huminto, (2) umupo, at (3) magrelaks. Kontrolin ang iyong emosyon sa halip na magalit sa sanggol.” Pagkatapos ay asikasuhin ang anumang dahilan ng pag-iyak ng sanggol​—maaaring pakainin siya o palitan ang kaniyang lampin​—o kaya’y gumawa ng mga bagay na makapagpapaginhawa at makaaaliw sa kaniya.

Natigil na ba ang Paggamit ng Gondola?

“[Ang] sinaunang sining ng mga gumagawa ng gondola ay nahaharap sa isang unti-unting paglaho sa Venice,” ang sabi ng pahayagang The Independent ng London. “Maaaring gawin ng mga amatyur ang mga gondola sa hinaharap nang walang pagpapahalaga sa tradisyon, mga materyales at kabihasahan na nagpapabanaag sa kasaysayan ng isa sa pinakakaakit-akit na mga lunsod sa daigdig.” Ang sining ng paggawa sa tanyag na mga bangka, na alam nang umiral sapol pa noong ika-11 siglo, ay nanganganib na maglaho “sapagkat ang lumang pamamaraan ng paglilipat nito, mula sa ama tungo sa anak o sa dalubhasa tungo sa baguhan, ay nahinto na.” Ang malaking gastos sa paggawa at ang katotohanan na hindi handang gumugol ng 20 taon ang mga kabataang taga-Venice na matutuhan ang sining ay siyang responsable rito. Kung gayon, waring kapag umabot na sa edad ng pagreretiro ang ilang mahusay na mga tagagawa ng gondola, wala nang papalit sa kanila. Nangangailangan ito ng 500 oras na pagtatrabaho upang gawin ang isang gondola, na naiiba sa ibang mga bangka sa bagay na ang kaliwang panig ay mas malapad kaysa sa kanan, na binabalanse sa pamamagitan ng bigat ng bangkero ng gondola at ng kaniyang sagwan. Ang hindi pantay na pagkakadisenyo nito ay nagpapahintulot sa kaniya upang makapaglakbay nang may kahusayan sa pinakamakipot na mga kanal ng Venice.

Ang Dumaraming Panunulisan sa Dagat

“Ang panunulisan sa dagat ay umuunlad nang higit kailanman,” ang ulat ng magasing Valeurs Actuelles sa Pransiya. Ang bilang ng mga pagsalakay ng pirata ay mas nadoble sa nakalipas na dalawang taon. Ang kalagayan ay lalo nang malubha sa Timog-silangang Asia, kung saan ang krisis sa pinansiyal ay umakay sa mga mahihirap na bumaling sa krimen. Ngunit ang panunulisan sa dagat ay dumarami rin sa mga baybayin ng Aprika at Timog Amerika. Sang-ayon kay Edouard Berlhet, kinatawan ng Central Committee of Shipowners of France, “umaabot sa halagang 16 na bilyong dolyar [U.S] ang nawala noong 1998. Ang ilang mga barko ay tuluyan nang nawala, kasama ang mga kargamento nito. Ang mga barko ay hina-hijack at iniiba ang hitsura, at pagkatapos ang mga ito ay muling lilitaw sa mga daungan na pinaghihinalaang ginagamit ng mga hijacker sa ilalim ng watawat ng isang bansa kung saan nakarehistro ang isang barko.” Ginagamit ang mabibilis na mga lantsa, at sopistikadong mga kasangkapan sa komunikasyon, ang mga pirata ay lubhang armado at lalo nang marahas.

Mga Batang Manginginom

“Ang mga kabataan sa Europa ay naglalasing sa napakabatang edad at nagiging madalas na,” ulat ng pahayagang Süddeutsche Zeitung sa Alemanya. Ang nakababahalang kausuhang ito ay itinawag-pansin kamakailan sa mga ministro ng kalusugan ng European Union. Gaano ba kalubha ang problema? Halimbawa, ang isang pag-aaral noong 1998 ay nagpapakita, na sa ilang bansa sa pagitan ng 40 at 50 porsiyento ng 15-taóng-gulang na mga batang lalaki ay regular na umiinom ng serbesa, samantalang ang mga batang babae sa gayon ding edad sa Inglatera, Scotland, at Wales ay nahihigitan pa ang mga batang lalaki sa pagkonsumo ng alak at spirits (matatapang na inuming de-alkohol). Sa Denmark, Finland, at Britanya, higit pa sa 50% ng mga 15-taóng-gulang ang nalasing nang hindi lamang minsan. Alkohol din ang responsable sa pagkamatay ng ilang libong tao na may edad na 15 hanggang 29 sa buong European Union bawat taon. Nagrekomenda ng edukasyon sa alkohol ang Konseho ng mga Ministro upang malaman ng mga kabataan ang mga epekto ng pag-inom.

Nakatutulong ba sa Ekonomiya ang mga Kamatayang Sanhi ng Paninigarilyo?

“Ang mga opisyal ng Philip Morris Cos. sa Czech Republic ay namamahagi ng isang pagsusuri sa ekonomiya na ipinapalagay na . . . ang maagang kamatayan ng mga naninigarilyo ay nakababawas sa medikal na mga gastusin,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Ang report, na iniatas ng gumagawa ng sigarilyo . . . , ay nakaragdag sa ‘kapakipakinabang na mga epekto’ ng paninigarilyo sa pananalapi ng bansa, kalakip na ang kita mula sa mga buwis sa mga sigarilyo at sa ‘mababang gastusin para sa pangangalagang pangkalusugan dahil sa maagang pagkamatay.’” Idinagdag ng artikulo: “Tinitimbang ang mga gastos at mga pakinabang, ang ulat ay nagtatapos na noong 1999 ang gobyerno ay may pakinabang na neto na 5.82 bilyon koruna ($147.1 milyon) nang dahil sa paninigarilyo.” Mabilis ang pagtutol sa ulat. “Dati-rati’y pinasisinungalingan ng mga kompanya ng tabako na ang mga sigarilyo ay pumapatay ng tao. Ngayon kanilang ipinagmamalaki iyon,” ang isinulat ng isang kolumnista. Sabi ng ekonomistang si Kenneth Warner: “Mayroon pa bang ibang kompanya na ipagmamalaki ang tungkol sa pagkakamal ng salapi para sa kabang-yaman ng publiko sa pamamagitan ng pagpatay nito sa mga mamimili? Wala akong maisip.” Nang sumunod na linggo, ang Philip Morris ay nagpaabot ng paumanhin. “Nauunawaan namin na hindi lamang ito isang napakalaking pagkakamali, kundi na ito ay labag sa kagandahang asal,” ang sabi ng nakatataas na bise presidente na si Steven C. Parrish. “Hindi sapat na sabihing iyon ay talagang hindi tama.”

Pagtulong sa mga Bata na Maging Hindi Gaanong Materyalistiko

Ang mga bata ang “pinakamimithing mamimili ng negosyante,” kalakip ang maliliit na bata na nagiging “labis-labis na mga mamimili,” ulat ng pahayagang Globe and Mail ng Canada, “at walang mabisang paraan para mapigilan ang kausuhang ito.” Gayunman, isang grupo ng mga propesor sa Stanford University School of Medicine ay nakadama na sila’y nakagawa ng isang solusyon: isang anim-na-buwang kurikulum sa layuning tulungan ang mga bata na bawasan ang kanilang panonood ng TV at tulungan sila na maging mapamili sa kanilang pinanonood. Sa pagtatapos ng taon ng kanilang pag-aaral, ang mga bata na nasa programang ito ay hindi gaanong humiling ng bagong mga laruan mula sa kanilang mga magulang. Sang-ayon sa Globe, “ang isang karaniwang bata ay nakakakita ng 40,000 komersiyal sa isang taon, na nakahihigit sa 20,000 bawat taon noong dekada ng 1970.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share