Ang Nagbabagong Daigdig ng mga Elektronikong Laro
“Ang pinakamabiling ‘videogame’ noong nakaraang taon,” ayon sa magasing “Newsweek,” “ay ang ‘Grand Theft Auto 3.’” Ang layunin ng laro ay makapasok sa isang organisasyon ng mga kriminal sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang krimen, gaya ng prostitusyon at pagpaslang. “May mga kahihinatnan ang bawat ginagawa mo,” ang sabi ng “Newsweek.” Kung mapatay ng ninakaw mong kotse ang mga taong naglalakad, hahabulin ka ng mga pulis. Kapag binaril mo ang isa sa kanila, makikialam ang FBI. Kung makapatay ka ng isang alagad ng FBI, tutugisin ka ng militar para patayin. Bagaman nilayon ang laro para sa mga nasa edad 17 at pataas, napag-alaman na may mga tindahang nagbebenta ng laro sa mga mas bata pa rito. Iniulat na maging ang mga batang 12 taóng gulang ay nahihilig sa paglalaro nito.
ANG unang makabagong laro sa computer, ang Spacewar, ay naimbento noong 1962. Ang layunin ng laro: itaboy ang mga asteroid at mga kalabang sasakyang-pangkalawakan. Nang maglaon ay nagsunuran na ang napakarami at katulad na mga laro. Nang lumaganap ang mas mahuhusay na personal computer noong mga dekada ng 1970 at 1980, naging higit na pangkaraniwan ang mga laro sa computer. May mapagsapalarang mga laro, mga larong nasa anyo ng pagsusulit, mga laro ng estratehiya, at mga larong maaksiyon. Halimbawa, kinakailangan para sa isang uri ng laro ng estratehiya na ang naglalaro ay magplano at mamanihala sa pag-unlad ng mga lunsod o mga lipunan. Tinutularan ng maraming laro ang mga isport, gaya ng ice hockey at golf.
May mga laro na pinapupurihan dahil sa pagiging nakapagtuturo at nakalilibang nito. May mga laro na maaari kang makapagpalapag ng isang jumbo jet, makapagpatakbo ng isang pangarerang kotse o isang lokomotora, makasakay sa isang snowboard, o makapaglakbay sa buong mundo. Gayunman, ang ilang larong maaksiyon, gaya ng tawag sa mga larong shoot-em-up, ay malimit na batikusin dahil sa pagiging marahas nito. Ang karaniwang layunin ng naglalaro ay piliin ang isang sandata at pagkatapos ay barilin at patayin ang iba’t ibang kalaban tao man o hindi.
Mga Laro sa Internet—Isang Bagong Kausuhan
Ang guniguning lupain ng Britannia ay may halos 230,000 mamamayan. Iba’t iba ang mamamayan nito—mga sundalo, mananahi, panday, at musikero. Sila ay nakikipagdigma, nagpapalawak ng mga lunsod, nagtatayo ng mga negosyo, nagsisipag-asawa, at namamatay. Subalit hindi talaga umiiral ang partikular na lupaing ito ng Britannia. Ito’y parang isang tunay na tunay na daigdig na nasa computer noong edad medya, isang lugar kung saan sabay-sabay na nagpapaligsahan at may interaksiyon sa isa’t isa ang mga naglalaro sa network—isang uri ng laro sa computer, na tinaguriang mga on-line game (mga laro sa Internet), na nagiging popular at inaasahang “kahuhumalingan” sa mga laro sa computer. Ang Ultima Online na inilunsad noong 1997—na kasali rito ang guniguning lupain ng Britannia—ay ang kauna-unahang laro na nasa Internet. Sapol noon, naglitawan na ang maraming iba pang laro sa Internet, at marami pa ang naiimbento.
Ano ang kakaiba sa uri ng larong ito? Ang iba’t ibang tauhan na makikita mo sa laro ay kinokontrol, hindi ng isang computer, kundi ng iba pang tao na sabay-sabay na naglalaro sa Internet. Libu-libong tao ang makakasali sa iisang laro. Halimbawa, sinasabing ang Ultima Online ay sinalihan ng sabay-sabay na mga naglalaro mula sa 114 na bansa. Ang popularidad ng mga larong ito ay nakadepende nang malaki sa mga manlalaro. Maaaring mag-chat sa isa’t isa ang mga naglalaro at para bang nadarama nila na bahagi sila ng pangglobong komunidad.
Malaking Negosyo
Napakapositibo ng industriya ng elektronikong laro hinggil sa hinaharap nito. Pagsapit ng taóng 1997, ang taunang kita ng industriya ng laro sa computer at video sa Amerika ay umabot nang $5.3 bilyon, at ang benta sa buong daigdig ay humigit-kumulang $10 bilyon. Hindi man lamang nakikitang humihina ang nauusong larong ito. Inaasahang darami nang 50 hanggang 75 porsiyento ang negosyo sa mga elektronikong laro sa darating na limang taon.
Araw-araw, ayon sa Forrester Research, mahigit na isang milyon katao ang sumasali sa iba’t ibang laro na nasa Internet, at sinasabing titindi ang interes sa mga larong nasa computer dahil sa paglaganap ng mga broadband, isang uri ng napakabilis na pagkonekta sa Internet. Walang palatandaan sa mga batang lumaki sa paglalaro sa computer na sila ay hihinto kapag nagkaedad-edad na sila. Ganito ang sabi ng isang matagal nang naglalaro: “Naging isang paraan ng pakikisama sa mga kaibigan sa buong panig ng daigdig ang pagsali sa mga laro sa computer.”
Hindi nga ba nakasasamang libangan ang gayong mga laro, o may mga panganib ba na nasasangkot dito? Suriin natin.