Mga Doktor sa Nagbabagong Daigdig
Noong 1174, si Maimonides ang itinalagang doktor ng pamilya at mga alalay ng mga pinuno ng Ehipto, at halos maghapon siya roon sa palasyo. Hinggil sa araw-araw na pag-uwi niya, sumulat siya: “Kumakain ako nang kaunti, ang una’t huling pagkain ko sa loob ng dalawampu’t apat na oras. Saka ko tinitingnan ang aking mga pasyente at nireresetahan at tinatagubilinan ko sila ayon sa kani-kanilang sakit. Labas-pasok ang mga pasyente hanggang gabi, at kung minsan . . . dahil sa sobrang pagod, hindi na ako halos makapagsalita.”
KAAKIBAT na ng doktor ang pagsasakripisyo sa sarili. Subalit ang daigdig na pinaglilingkuran ngayon ng mga doktor ay mabilis na nagbabago. Maaaring nakapapagod pa rin ang iskedyul ng trabaho nila na katulad ng kay Maimonides. Subalit iginagalang pa ba sila tulad ng paggalang sa mga doktor noon? Paano naaapektuhan ng bagong mga kalagayan ang paraan ng pamumuhay ng mga doktor? At paano binago ng kasalukuyang mga pangyayari ang ugnayang doktor at pasyente?
Nagbagong Ugnayan
Natatandaan pa ng ilan noong panahong bitbit pa ng doktor ang lahat ng kaniyang gamit sa panggagamot na nasa itim na estutse. Nagkaroon noon ng magkahalong damdamin tungkol sa mga doktor na gaya rin ngayon. Ang karamihan ay pinagpipitaganan dahil sa kanilang kakayahan, iginagalang dahil sa kanilang kalagayan sa lipunan, at hinahangaan dahil sa kanilang malinis na moral. Pero kasabay nito, pinipintasan sila dahil sa sobrang pagpapabayad, tinutuligsa dahil sa kanilang mga pagkukulang, at binabatikos dahil sa kanilang tila kawalan ng habag.
Magkagayunman, gustung-gusto pa rin ng maraming doktor na tulungan ang sunud-sunod na henerasyon ng pamilya ring iyon. Sila pa mismo ang pumupunta sa mga bahay ng pasyente, at sa mga probinsiya doon na sila kung minsan kumakain o natutulog pa nga kapag may pinaaanak. Maraming doktor ang personal na naghahanda ng mga iniresetang gamot para sa kanilang mga pasyente. Ang mapagkawanggawang mga doktor ay hindi nagpapabayad sa mahihirap at puwede silang tawagin sa loob ng 24 na oras sa isang araw, 7 araw sa isang linggo.
Mangyari pa, ganito pa rin namang maglingkod ang ilang doktor, pero sa maraming lugar, malamang na mas nagbago na ang ugnayang doktor at pasyente nitong nakalipas na ilang dekada kaysa sa nakalipas na maraming siglo. Paano ba nangyari ang mga pagbabagong ito? Tingnan muna natin ang panggagamot sa bahay ng pasyente.
Ano ang Nangyari sa Panggagamot sa Bahay ng Pasyente?
Noon, ang mga doktor mismo ang karaniwang pumupunta sa bahay ng mga pasyente, at ganito pa rin ang ginagawa sa ibang lupain. Pero sa buong daigdig, madalang na ang kostumbreng ito. Sinabi ng The Times of India: “Ang doktor ng pamilya na mabait na nakikipag-usap sa kaniyang pasyente, lubusang nakakakilala sa pamilya nito at handang pumunta sa bahay nito kung kinakailangan, ay unti-unti nang nawawala sa panahong ito ng dalubhasa at ubod-dalubhasang mga doktor.”
Dahil sa paglawak ng kaalaman sa medisina, maraming doktor ang nagpakadalubhasa at nanggagamot bilang bahagi ng isang grupo, anupat maaari nang magpatingin ang mga pasyente sa ibang doktor sa tuwing magkakasakit sila. Dahil dito, nawala na ang dating pangmatagalang pakikipag-ugnayan ng maraming doktor sa mga pamilya.
Nagsimulang dumalang ang pagpunta ng mga doktor sa bahay ng pasyente sa nakalipas na isang siglo, nang magsimulang gumamit ang mga doktor ng mga instrumento sa laboratoryo para suriin at pag-aralan ang mga sakit. Sa maraming lugar, itinuturing ng mga ahensiyang pangkalusugan na nasasayang ang panahon ng mga doktor sa pagpunta sa bahay ng pasyente. Sa ngayon, ang karamihan sa mga pasyente ay nakapagbibiyahe upang makapunta sa klinika ng doktor. Gayundin, ang mga auxiliary at emergency medical services na ngayon ang nag-aasikaso ng trabaho na dati’y mga doktor ang gumagawa.
Nagbagong Kalagayan
Iilang doktor na lamang ang independiyente sa daigdig ngayon. Ang panggagamot ay mas madalas na inilalaan sa pamamagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan o mga kompanyang pinagtatrabahuhan ng mga doktor. Gayunman, ayaw ng maraming doktor na magkaroon pa ng ikatlong panig sa ugnayang doktor at pasyente. Ang mga ahensiyang iyon ay karaniwan nang umoobliga sa mga doktor na makapanggamot ng mas maraming pasyente sa mas kaunting panahon. “Kailangan kong matingnan ang isang pasyente tuwing pito hanggang sampung minuto,” ang sabi ni Dr. Sheila Perkins, isang doktor sa Britanya. “At kailangan kong gamitin ang malaking bahagi ng oras na iyon sa pagpapasok ng impormasyon sa computer. Kaunting panahon na lamang ang natitira para maitatag ang ugnayan sa pasyente. Nakalulungkot talaga.”
Ang nagbabagong daigdig na pinaglilingkuran ng mga doktor ay mas kontrolado ngayon ng mga pasyente. Noon, ang “utos ng doktor” ang nasusunod. Pero sa maraming lupain ngayon, obligado ang mga doktor na ipaalam sa pasyente ang mga mapagpipiliang paggamot at ang posibleng kalalabasan nito upang makapagbigay ang pasyente ng may-kabatirang pagsang-ayon sa gagawing paggamot. Nagbago na nga ang ugnayang doktor at pasyente. Para sa ilan, nagmukhang teknisyan na lamang ang doktor.
Sa ating mabilis na nagbabagong lipunan, ang karamihan sa mga doktor ay mga babae. Karaniwan nang mas popular ang mga babaing doktor dahil nakikitang mas mahusay silang makinig. Kaya nga sa wari’y nagiging mas madamayin ang propesyon ng panggagamot dahil sa impluwensiya nila.
Pinahahalagahan ng mas nakararami ang isang doktor na nakauunawa sa damdamin ng mga pasyente at sa kaigtingang kinakaharap nila. Pero makatuwiran din namang itanong, Ilang pasyente kaya ang nakauunawa sa damdamin ng kanilang doktor at sa kaigtingang kinakaharap niya? Ang pagkaunawa rito ay tiyak na magpapaganda sa ugnayang doktor at pasyente. Makatutulong ang susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Maimonides
[Credit Line]
Brown Brothers
[Mga larawan sa pahina 4]
Noon, karaniwan nang pumupunta ang mga doktor sa bahay ng pasyente