Pang-uumit sa Tindahan—Di-nakapipinsalang Katuwaan o Malubhang Krimen?
GUNIGUNIHIN ang situwasyong ito. Bumukas ang harapang pintuan ng department store, at pumasok ang dalawang babaing tin-edyer na nakausong damit. Dumaan sila sa isang pasilyo patungo sa seksiyon ng mga kosmetik. Sinundan sila ng nakaunipormeng guwardiya na huminto mga sampung metro mula sa kanila, tumayu-tayo ito roon samantalang nasa likod ang mga kamay. Pinagmamasdan niya ang mga tin-edyer habang hinahawak-hawakan ng mga ito ang mga lipstik at mascara.
Pasulyap-sulyap sila sa guwardiya, na nakabantay pa rin sa kanila. Lumakas ang kabog ng kanilang dibdib. Lumipat ang isa sa mga tin-edyer sa kinalalagyan ng mga kiyuteks at dumampot ito ng dalawang botelya. Kumunot ang kaniyang noo na kunwari’y pinagpipilian niya ang dalawang magkahawig na timplada ng kulay pula. Ibinaba niya ang isang botelya at dumampot ng isa pa na medyo mas matingkad ang kulay.
Ibinaba ng guwardiya ang kaniyang tingin at humarap naman sa kabilang direksiyon. Kasabay nito, dali-daling ipinasok ng dalawang tin-edyer ang mga lipstik at kiyuteks sa kanilang handbag. Mukha naman silang kalmado, subalit kabadung-kabado na sila ngayon. Nanatili sila sa pasilyong iyon nang ilang minuto pa, ang isa ay nakatingin sa mga pangkikil sa kuko, samantalang nakatitig naman ang isa sa mga pangguhit sa kilay.
Nagtinginan ang dalawa, tumango sa isa’t isa, at nagsimulang lumakad patungo sa harapan ng tindahan. Tumabi sa gilid ang guwardiya, at nginitian nila ito sa kanilang pagdaan. Habang papalapit sa seksiyon ng mga aksesorya ng cellphone na nasa tapat lamang ng kahera, tiningnan nila ang displey. Nagbulungan sila hinggil sa mga lagayan ng cellphone na gawa sa katad. Pagkatapos ay nagsimula na silang lumakad palabas.
Sa bawat hakbang, lalong lumalakas ang kabog ng dibdib nila at lalong tumitindi ang kanilang kaba at pananabik. Habang papalabas ang mga tin-edyer, parang gusto nilang sumigaw, subalit nakatikom pa rin ang kanilang mga labi. Nang makalabas na sila, namula nang husto ang kanilang mukha dahil sa matinding emosyon. Humupa ang nadarama nilang tensiyon, at nakahinga sila nang maluwag. Mabilis na naglakad palayo ang dalawang tin-edyer, subalit hindi nila mapigilang magbungisngisan. Iisa lamang ang iniisip nila: ‘Nakalusot tayo!’
Kathang-isip lamang ang dalawang tin-edyer na ito, subalit nakalulungkot sabihin na totoong nangyayari ang situwasyong inilarawan namin dito. Tinatayang isang milyong pang-uumit araw-araw ang nagaganap sa Estados Unidos pa lamang, subalit isa itong pangglobong problema. Gaya ng makikita natin, matinding pinsala ang idinudulot nito. Gayunman, ipinagwawalang-bahala ng maraming mang-uumit ang matinding pinsalang nililikha nila. Mas gusto pa nga ng marami na magnakaw kahit may pambayad naman sila. Bakit kaya?