Pang-uumit sa Tindahan—Pinagbabayaran Nino?
SA Hapon, isang batang lalaki ang nahuli ng may-ari ng tindahan na nagnanakaw kung kaya’t tumawag ito ng pulis. Pagdating ng mga opisyal, kumaripas ng takbo ang batang lalaki. Hinabol siya ng mga pulis. Nang patawid na ang batang lalaki sa riles, nasagasaan ito ng tren at namatay.
Dahil napabalita ito, sinisi ng ilan ang may-ari ng tindahan sa pagtawag nito ng pulis. Isinara niya ang kaniyang tindahan hanggang sa humupa ang galit ng mga tao. Nang buksan niyang muli ang kaniyang tindahan, sinalakay na naman ito ng mga mang-uumit. Gayunman, takót na siyang harapin ang mga magnanakaw dahil naaalaala niya ang kaniyang masamang karanasan noon. Napabalita na madaling mang-umit sa kaniyang tindahan. Di-nagtagal, kinailangan na niyang isara nang tuluyan ang kaniyang tindahan.
Totoo, mas kalunus-lunos ang pangyayaring iyon kaysa sa karaniwang nangyayari, subalit inilalarawan nito ang isang mahalagang katotohanan. Matinding pinsala ang idinudulot ng pang-uumit—sa maraming paraan at sa maraming tao. Suriin nating mabuti ang malaking kalugihan na idinudulot ng krimeng ito.
Kung Paano Pinagbabayaran ng mga Tindahan
Taun-taon, nalulugi nang bilyun-bilyong dolyar ang mga negosyante sa buong daigdig. Tinataya ng ilang tao na sa Estados Unidos pa lamang, mahigit $40 bilyon na ang nalulugi. Ilang negosyo ang makatatagal matapos malugi nang gayon kalaking halaga? Maraming tindahan ang hindi makatagal. Kapag sinalakay ng mga mang-uumit ang mga pasilyo ng isang tindahan, maaaring bumagsak ang negosyong buong buhay nilang pinagpagalan.
“Bukod sa kompetisyon, ang pang-uumit ay isa pang bagay na dapat ikabahala. Ewan ko kung hanggang kailan pa kami makatatagal sa negosyong ito,” ang sabi ni Luke, may-ari ng tindahan sa New York City. Hindi niya kayang bumili ng elektronikong sistemang panseguridad. Hinggil sa mga magnanakaw, ang sabi niya: “Kahit sino puwedeng gumawa nito, pati na mga suki ko.”
Iniisip ng ilan na hindi naman mabigat ang problema ni Luke. “Napakalaki naman ng kinikita ng mga tindahang ito,” ang sabi nila, “kaya, bale-wala lamang sa kanila ang ninanakaw ko.” Subalit talaga nga bang malaki ang kinikita ng mga tindahang nagtitingi?
Ang mga tindahan sa ilang lugar ay nagpapatong ng 30, 40, o 50 porsiyento sa halaga ng kanilang mga paninda, subalit hindi talaga ito ang kanilang kinikita. Ibinabayad ng mga negosyante ang karagdagang kita sa mga gastusin sa pagpapatakbo ng tindahan, gaya ng upa sa puwesto, buwis, sahod at benepisyo ng mga empleado, pagmamantini ng gusali, pagkukumpuni ng mga kasangkapan, seguro, kuryente, tubig, panggatong para sa pagpapainit, telepono, at sistemang panseguridad. Pagkatapos bayaran ang lahat ng ito, baka 2 o 3 porsiyento na lamang ang kaniyang kita. Kaya kapag ninakawan ang tindahan, tangay pati kabuhayan ng mga negosyante.
Kumusta Naman Kung Mumurahin Lamang ang Ninanakaw?
Samantalang nasa tindahan kasama ng kaniyang ina, mag-isang nagpunta sa seksiyon ng mga kendi ang isang batang lalaki. Binuksan niya roon ang isang pakete at ibinulsa ang isang kendi. May epekto ba sa tindahan ang pang-uumit ng gayong mumurahing mga bagay?
Sa kanilang brosyur na Curtailing Crime—Inside and Out, ganito ang sinabi ng Small Business Administration ng Estados Unidos: “Para sa isang taong malikot ang kamay na bigla na lamang mangungupit ng isang bolpen dito, at ng isang pambulsang calculator doon, waring hindi naman mabigat na krimen ang pang-uumit. Subalit para sa isang maliit na negosyong nagsisikap makaraos, ito’y maituturing na pagpatay.” Dahil napakaliit ng kaniyang kinikita, ang isang nagtitingi ay kailangang makabenta ng karagdagang 900 kendi o 380 lata ng sopas araw-araw upang mabawi ang $1,000 na kalugihan dahil sa pang-uumit taun-taon. Kaya napakalaking kalugihan sa negosyo kung maraming maliliit na bata ang magnanakaw ng kendi. Iyan ang nagiging problema.
Sampu-sampung milyon katao, bata at matanda, mayaman at mahirap, anuman ang lahi o pinagmulan, ang nagnanakaw sa mga pamilihan at tindahan. Ano ang resulta? Iniuulat ng National Crime Prevention Council ng Estados Unidos na halos sangkatlo ng lahat ng mga negosyo sa Estados Unidos ang napipilitang magsara dahil sa pagnanakaw. Walang alinlangan na gayundin ang nararanasan ng mga negosyo sa iba pang bansa.
Pinagbabayaran ng mga Kostumer
Tumataas ang presyo ng mga bilihin kapag ninanakawan ng mga tao ang tindahan. Kaya nga sa ilang lugar, nagbabayad ang mga mamimili ng $300 taun-taon dahil sa tumataas na presyo na resulta ng pang-uumit. Nangangahulugan ito na kapag kumikita ka ng $60 bawat araw, kailangan kang magtrabaho ng karagdagang isang linggo bawat taon upang pagbayaran ang ninakaw ng iba. Kaya ba iyan ng bulsa mo? Para sa isang retirado na umaasa lamang sa kaniyang pensiyon o sa isang nagsosolong ina na nagpapakahirap upang suportahan ang kaniyang pamilya, ang pagkawala ng isang linggong kita sa ganitong paraan ay masyadong mabigat. Hindi lamang iyan.
Apektado ang buong pamayanan kapag nagsara ang isang maliit na tindahan. Ayon sa ulat, pang-uumit ang naging dahilan kung kaya nagsara ang isang botika sa isang pamayanan sa Amerika kung saan malapít sa isa’t isa ang mga tao. Upang makabili ng gamot, maraming may-edad na at may-sakit na mga residente ang kailangan ngayong maglakbay nang dalawa’t kalahating kilometro tungo sa ibang parmasya. “Subukan mo iyon nang nakasilyang de-gulong,” ang sabi ng isang opisyal.
Ang Malaking Pinagbabayaran ng mga Magulang
Si Bruce ay isang lalaking may mataas na pamantayang moral at nagtuturo sa kaniyang mga anak na maging matapat. Isang araw, nahuling nagnanakaw ang kaniyang anak na babae. “Nanlumo ako,” ang sabi niya. “Gunigunihin na lamang na makatanggap ka ng tawag sa telepono na nagsasabing nahuling nang-uumit ang iyong anak na babae. Maraming taon ang ginugol namin para palakihin ang aming anak na babae bilang isang marangal na tao, at ngayo’y ganito pa ang nangyari. Hindi namin akalain na magrerebelde siya sa ganitong paraan.”
Labis na nabahala si Bruce sa kaniyang anak na babae at sa kinabukasan nito. Bukod diyan, nagbitiw siya sa kaniyang tungkulin bilang boluntaryong guro sa relihiyon. “Paano ako makatitingin sa kongregasyon mula sa plataporma? Paano ko sila tuturuan, taglay ang mabuting budhi, hinggil sa pagpapalaki sa mga anak? Hindi yata tama iyon.” Waring hindi naisip ng kaniyang anak na babae kung paano makaaapekto sa kaniyang ama ang ginawa niyang krimen.
Kung Paano Pinagbabayaran ng mga Mang-uumit
Noon, kapag nahuli ng mga manedyer ng tindahan ang mga mang-uumit, kadalasan nang nagbibigay lamang sila ng matinding babala at paaalisin na ang magnanakaw. Sa ngayon, malimit na ipinaaaresto ng mga may-ari ng tindahan maging yaong unang beses pa lamang nang-umit. Saka lamang natatanto ng mga magnanakaw na may malulubhang resulta pala ang ginawa nilang krimen. Napatunayan mismo ni Natalie ang bagay na ito.
“Habang dumadalas ang aking pagnanakaw, lalo akong nagkakaroon ng kumpiyansa,” ang sabi ni Natalie. “Iniisip ko na mahuli man ako, mas maliit pa rin ang ibabayad ko sa abogado at sa mga bayarin sa korte kaysa kung babayaran ko ang lahat ng napakamamahaling damit na iyon.” Nagkamali si Natalie.
Nahuli siyang nagnanakaw ng isang bestida, at nakaposas siyang dinala ng pulis. Sa istasyon ng pulisya, kinuhanan siya ng fingerprint at ikinulong kasama ng iba pang mga kriminal. Matagal siyang naghintay roon samantalang inaasikaso ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pampiyansa.
Ganito ang mensahe ni Natalie sa sinumang nag-iisip na magnakaw: “Makinig ka sa payo ko, at bilhin mo na lang ang pahamak na bestida o jeans na gusto mo.” Kapag nagnakaw ka, ang sabi niya, “pagsisisihan mo ito nang napakahabang panahon.”
Ang pagkakaroon ng kriminal na rekord ay isang bagay na pagsisisihan mo. Sa kanilang pagkapahiya, maaaring masumpungan ng mga akusadong mang-uumit na ang kanilang kasalanan ay hindi basta-basta malilimutan kundi ito’y gaya ng hindi maalis-alis na mantsa sa isang damit o kamisadentro. Baka kailangang isiwalat ng isang mang-uumit ang nagawa niyang krimen kapag gusto niyang pumasok sa unibersidad. Maaaring mahirapan siyang pumasok sa isang propesyon, gaya ng medisina, dentistri, o arkitektura. Baka magdalawang-isip ang mga kompanya na bigyan siya ng trabaho. At maaaring bumangon ang problemang ito kahit nagbayad na siya ng multang itinakda ng hukuman at hindi na muling nagnakaw kailanman.
Hindi man maakusahan ang manlalabag, may malaking disbentaha pa rin ang pang-uumit. Napatunayan ito ni Hector, na binanggit kanina sa seryeng ito. “Lagi akong nakakalusot,” ang sabi niya. “Hindi ako kailanman nahuling nagnanakaw.” Subalit kailangan niyang pagbayaran ang kaniyang ginawa. Sa pagbabalik-tanaw, ganito ang sinabi niya: “Sa palagay ko’y kailangang maunawaan ng mga kabataan ang isang bagay: Aanihin mo ang iyong itinanim. Hindi ka man mahuli ng pulisya, pagbabayaran mo pa rin ito.”
Ang pang-uumit ay hindi isang krimen na walang nabibiktima, at ang mga bagay na ninanakaw ng mga mang-uumit ay hindi libre. Sinumang nang-uumit ay dapat lubusan nang tumigil sa gawaing ito. Pero paano kaya makasusumpong ng lakas ang mga mang-uumit upang tuluyan nang tumigil sa pagnanakaw? Masusugpo pa kaya ang krimeng ito?
[Larawan sa pahina 7]
Bumabagsak ang mga negosyo dahil sa pang-uumit
[Larawan sa pahina 7]
Pinagbabayaran ng lahat ang pang-uumit
[Mga larawan sa pahina 8]
Makaaapekto sa kinabukasan mo ang pang-uumit
[Credit Line]
Fingerprints: © Morocco Flowers/ Index Stock Imagery