Pagmamasid sa Daigdig
◼ “Mula noong 1970 hanggang sa dekada ng 1990, triple ang itinaas ng bilang ng kalamidad na nauugnay sa pagbabago ng klima, na maaaring dulot ng pag-init ng globo o ng iba pang sanhi.”—THE ECONOMIST, BRITANYA.
◼ Sa estado ng Illinois, E.U.A., isang sampung-buwang gulang na sanggol ang nabigyan ng permit na magmay-ari ng baril. Sa permit na hiniling ng kaniyang ama, nakasaad ang taas ng bata na dalawang piye at tatlong pulgada, at ang timbang nito na mga siyam na kilo. Sa lugar na iyon, nabibigyan ng permit ang mga aplikante anuman ang kanilang edad.—CABLE NEWS NETWORK, E.U.A.
◼ Nakagawa ang mga siyentipiko ng yelo na “mas mainit pa kaysa sa kumukulong tubig” mula sa tubig na isinailalim sa matinding presyon. Bukod sa “ordinaryong” yelo, mayroon pang “di-kukulangin sa 11 kilalang uri ng yelo na nabubuo sa iba’t ibang temperatura at tindi ng presyon.”—SANDIA NATIONAL LABORATORIES, E.U.A.
Muling Pinagtibay ang Kalayaan sa Relihiyon sa Georgia
Nagbaba ng desisyon ang Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa laban sa pamahalaan ng bansang Georgia dahil sa pagkunsinti nito sa ginagawang karahasan sa mga Saksi ni Jehova. Muling pinagtibay ng korte ang karapatan ng mga Saksi, bilang isang kinikilalang relihiyong Kristiyano, na magtipon para sumamba at mag-aral ng Bibliya. Ipinag-utos din ng korte na bayaran ang mga biktima ng kaukulang danyos at ibalik sa kanila ang halaga ng nagastos nila sa kaso. Mula Oktubre 1999 hanggang Nobyembre 2002, may 138 insidente ng karahasan laban sa mga Saksi ni Jehova, at 784 na reklamo ang isinampa sa mga awtoridad ng Georgia. Pero hindi sila gumawa ng masusing imbestigasyon sa kaso. Hindi rin kaagad namagitan ang pulisya para protektahan ang mga biktima. Humupa lamang ang karahasan laban sa mga Saksi simula noong Nobyembre 2003.
Sinaunang Obserbatoryong Solar sa Peru
Sinasabi ng mga arkeologo na isang bahagi ng misteryosong 2,300-taóng kaguhuan sa Peru ay dating obserbatoryong solar. Sa lugar na iyon, na tinatawag na Chankillo, ay may 13 tore sa taluktok ng burol at magkakahilera ang mga ito na parang mga ngipin. Mula sa espesipikong mga lokasyon sa obserbatoryo, makikitang “sumisikat at lumulubog ang araw sa tapat ng magkabilang dulong tore kapag solstice ng tag-araw at solstice ng taglamig, na siyang palatandaan ng pagsisimula at kalagitnaan ng taóng solar,” ang paliwanag ng magasing Science. Ang pagsikat at paglubog naman ng araw sa tapat ng mga toreng nasa pagitan ng magkabilang dulong ito ay nagsisilbing palatandaan ng iba pang panahon ng taon. Sa tigang na lugar na ito, napakahalagang malaman kung kailan dapat magtanim, kaya kailangang “wasto ang pagtantiya ng mga tao sa panahon.”
[Dayagram/Larawan sa pahina 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Solstice tuwing Hunyo
Equinox
Solstice tuwing Disyembre
Obserbatoryo
[Credit Line]
REUTERS/Ivan Ghezzi/Handout
Mga Larawang Dahilan ng Pagkadismaya ng mga Babae sa Kanilang Sarili
“Ang pagkapapayat at pagkagagandang mga babae na nakikita sa pabalat ng mga magasin ay nagiging dahilan kung bakit hindi nakokontento ang lahat ng babae sa kanilang katawan, gaanuman sila kalaki, kataas, anuman ang kanilang edad at hubog ng katawan.” Iyan ang iniulat ng University of Missouri-Columbia, sa Estados Unidos. Ayon kay Laurie Mintz, isang propesor ng edukasyon at sikolohiya, “inaakala noon na mas nadidismaya sa kanilang sarili ang mga babaing matataba kaysa sa mga payat kapag nakakakita sila ng larawan ng balingkinitang mga modelo [sa TV at mga magasin].” Gayunman, “natuklasan namin na wala palang kinalaman ang timbang. Talagang madidismaya sa kanilang sarili ang sinumang makakita sa ganitong mga larawan,” ang sabi ni Mintz.