Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/09 p. 3
  • Ang Buháy na Planeta

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Buháy na Planeta
  • Gumising!—2009
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Buháy na Planeta
    Saan Nagmula ang Buhay?
  • Tuluyan Na Bang Sisirain ng Tao ang Lupa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Ang Masalimuot na Kawing ng Buhay
    Gumising!—2001
  • Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—2009
g 2/09 p. 3

Ang Buháy na Planeta

SA PLANETANG Lupa, pagkarami-rami at pagkasari-sari ang nabubuhay na mga organismo​—marahil ay may milyun-milyong uri. Ang karamihan sa mga ito na nabubuhay sa lupa, hangin, at tubig ay napakaliit kaya hindi natin nakikita. Halimbawa, sa isang gramo (0.04 onsa) lamang ng lupa, makasusumpong na ng 10,000 uri ng baktirya, hindi pa kasama ang kabuuang bilang ng mga mikrobyo! Ang ilang uri ay nasumpungan pa nga tatlong kilometro sa ilalim ng lupa!

Napakarami ring nabubuhay sa atmospera​—at hindi lamang mga ibon, paniki, at mga insekto. Depende sa panahon ng santaon, marami rin ditong polen at iba pang espora, pati na mga binhi at​—sa ilang lugar​—libu-libong uri ng mikrobyo. “Kaya kung gaano karami ang uri ng mikrobyo sa hangin, gayundin karami sa lupa,” ang sabi ng magasing Scientific American.

Samantala, marami pa rin tayong hindi alam tungkol sa karagatan dahil karaniwan nang malaki ang gastos sa teknolohiyang ginagamit ng mga siyentipiko sa pag-aaral sa malalim na karagatan. Maging sa mga bahura ng korales, na nasa mas mababaw na bahagi ng karagatan at madalas mapag-aralan, may milyun-milyong uri ng organismong hindi pa nakikilala.

Gayunman, ang alam natin ay napakaraming nabubuhay sa planetang Lupa anupat binabago nito ang mismong kemikal na komposisyon ng planeta, lalo na ang biosphere nito​—ang bahagi ng lupa kung saan may buhay. Halimbawa, sa karagatan, ang calcium carbonate sa mga kabibi at korales ay nakatutulong para maging balanse ang kemistri ng tubig “gaya ng epekto ng antacid sa sikmura,” ang sabi ng ulat ng National Oceanic and Atmospheric Administration ng Estados Unidos. Ang mga halaman at phytoplankton​—isang-selulang alga na masusumpungan sa gawing ibabaw ng mga lawa at karagatan​—ay nakatutulong para maging balanse ang antas ng carbon dioxide at oksiheno sa tubig at hangin. At sa lupa, binubulok ng baktirya at fungus ang mga substansiya para maging pagkain ng mga halaman. Oo, tama lamang na tawaging buháy na planeta ang lupa.

Pero walang mabubuhay sa lupa kung hindi dahil sa eksaktong pagkakaayos ng mga bagay-bagay sa kalikasan, na ang ilan sa mga ito ay naunawaan lamang nang husto pagsapit ng ika-20 siglo. Kasama rito ang mga sumusunod:

1. Lokasyon ng lupa sa galaksing Milky Way at sa sistema solar, pati na ang buwan, orbit, pagkakahilig, at bilis ng pag-inog ng planeta

2. Magnetic field at atmospera na nagsisilbing dobleng pananggalang

3. Saganang tubig

4. Likas na mga siklo na nagsusustini at naglilinis sa biosphere

Habang isinasaalang-alang mo ang mga paksang ito sa sumusunod na mga artikulo, tanungin ang iyong sarili: ‘Nagkataon lamang kaya ang mga katangian ng lupa o talagang may ebidensiya na gawa ito ng isang matalinong Disenyador? Kung ang sagot ay ang huling nabanggit, ano ang layunin ng Maylalang sa paglikha sa lupa?’ Ang tanong na ito ang tatalakayin sa huling artikulo ng seryeng ito.

[Kahon sa pahina 3]

“HINDI NAMIN MATATANGGAP NA MAY DIYOS”

Ipinakikita ng katibayan na napakahusay ng disenyo sa kalikasan kaya mahirap sabihing nagkataon lamang ito. Sa kabila nito, marami pa ring siyentipiko ang ayaw maniwala sa isang Maylalang. Hindi naman dahil sa waring inoobliga ng siyensiya ang mga ateista na tanggaping umiral ang uniberso at ang buhay dito nang walang Maylalang, ang sabi ng ebolusyonistang si Richard C. Lewontin. Sa halip, sinabi niyang ‘naipasiya na kasi nilang maniwala sa materyalismo,’a at determinado silang bumuo ng “mga konsepto na susuporta sa materyalismo.” “Ang materyalismong iyon,” ang sabi pa niya, bilang pagpapahayag sa opinyon ng karamihan sa mga siyentipiko, “ang tanging posibleng paliwanag, sapagkat hindi namin matatanggap na may Diyos.”

Makatuwiran ba ang dogmatikong pananaw na iyon, lalo na kung napakaraming ebidensiya na nagpapatunay na umiiral ang Maylalang? Ano sa palagay mo?​—Roma 1:20.

[Talababa]

a Ang materyalismo, sa diwang ito, ay tumutukoy sa teoriya na ang pisikal na bagay ang tangi o saligang katotohanan, na lahat ng nasa uniberso, pati na ang lahat ng buhay, ay umiral nang walang anumang tulong mula sa sinumang nakahihigit sa tao.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share