Pagmamasid sa Daigdig
Ang average na bilang ng mga taong natitingnan ng isang doktor sa Tanzania ay 64,000.—THE CITIZEN, TANZANIA.
‘Di-kukulangin sa 1 bilyong mahihirap ang dumaranas ng matinding malnutrisyon, at hindi maaabot ang tunguhing Millennium Development Goal ng United Nations na bawasan nang malaki ang bilang ng nagugutom sa daigdig pagsapit ng 2015.’—SCIENCE, E.U.A.
“Ang 100 pinakamalalaking kompanya ng armas sa daigdig” ay nag-ulat ng $385 bilyong kita para sa taóng 2008, mas mataas ng $39 na bilyon kaysa noong 2007.—STOCKHOLM INTERNATIONAL PEACE RESEARCH INSTITUTE, SWEDEN.
Walang Gaanong Germ?
“Lumilitaw sa pagsasaliksik namin na ang mga batang lumaki sa kapaligirang sobrang linis ay maaaring magkaroon ng mas mataas na antas ng inflammation kapag adulto na sila, at mas madaling tablan ng maraming uri ng sakit,” ang sabi ni Thomas McDade, associate professor sa Northwestern University, Illinois, E.U.A. Sa isang pag-aaral kung saan pinaghambing ang mga batang Pilipino at Amerikano, natuklasan na, sa pangkalahatan, ang mga Pilipino ay nagkaroon ng maraming impeksiyon noong bata pa sila. Pero di-tulad ng inaasahan, mas kaunti ang C-reactive protein sa dugo ng mga adultong Pilipino. Kapag mataas ang antas ng inflammation, dumarami rin ang C-reactive protein. Ang konklusyon ng pag-aaral? Kapag mas hantad sa karaniwang baktirya ang isang bata, mas protektado siya mula sa nakamamatay na mga sakit paglaki niya.
Nawawala Na ang Kagandahang-Asal sa Trabaho
Maraming employer sa Finland ang nababahala sa henerasyon ngayon ng mga aplikante na parang walang kaide-ideya sa kung ano ang paggawing inaasahan sa kanila sa trabaho. “Iniisip ng mga bagong empleado na puwede silang pumasok o umuwi anumang oras nila gusto,” ang sabi may-ari ng isang restawran na si Anne Mikkola sa isang interbyu na ginawa ng pambansang kompanya sa brodkasting sa Finland. Problema rin ang regulasyon sa paggawi at pananamit. Madalas na kailangang sabihin ng mga employer, lalo na sa serbisyong pampubliko, sa mga empleado nila kung anong pananamit ang di-angkop sa trabaho. Makikita rin na hindi na gaanong maihiwalay ng mga empleado ang kanilang trabaho sa kanilang pribadong buhay kapag may dumadalaw na mga kaibigan nila sa opisina.
“Naayos” ang Pag-aagawan sa Teritoryo
Ang matagal nang pag-aagawan ng Bangladesh at India sa maliit na isla sa Dagat ng Bengal ay nalutas ng pagtaas ng kapantayan ng dagat. Walang nakatira rito at tinatawag ito ng mga taga-India na New Moore Island at ng mga taga-Bangladesh na South Talpatti Island. Ang taas ng isla sa kapantayan ng dagat ay wala pang dalawang metro. At makikita sa satelayt na lumubog ito kamakailan. “Ang hindi naayos ng dalawang bansang ito sa maraming taon ng pag-uusap ay naayos ng global warming,” ang sabi ng propesor na si Sugata Hazra ng School of Oceanographic Studies ng Jadavpur University sa Calcutta.