Pagmamasid sa Daigdig
Sa 5,296 na diumano’y green product na sinurbey sa Canada at Estados Unidos, ang 95 porsiyento ay “natuklasang walang pruweba sa pag-aangking hindi nakasisira sa kapaligiran.”—TIME, E.U.A.
Ang mga opisyal ng security sa international airport ng Bangkok ay “nagsuspetsa na tila may problema” nang idaan nila sa X-ray ang mga maleta ng isang pasaherong babae. Nang buksan nila ang isang bag para inspeksiyunin, nakita nila roon ang isang buháy na batang tigre na tulóg na tulóg dahil sa tranquilizer.—WORLD WILDLIFE FUND, THAILAND.
Sari-saring Buhay sa Amazon
Ang kapaligiran ng Amazon River ang isa sa mga lugar sa daigdig na may pinakamaraming uri ng halaman at hayop. Sa nakalipas na dekada, mahigit 1,200 uri ng halaman at hayop—isda, ampibyan, reptilya, ibon, at mamalya—ang natuklasan doon at naitala, ayon sa ulat ng World Wildlife Fund (WWF). Nangangahulugan ito na halos tuwing ikatlong araw, isang bagong species ang natutuklasan sa Amazon. “Nakakagulat ang dami ng bagong species na natutuklasan, at hindi pa kasali riyan ang nadidiskubreng maraming grupo ng insekto,” ang sabi ni Sarah Hutchison, coordinator ng WWF sa Brazil.
Stress sa Trabaho
Sinasabi ng 20 porsiyento ng mga taga-Finland na ang trabaho nila ay apektado ng problema sa konsentrasyon at memorya. Ayon sa ulat ng Finnish Institute of Occupational Health, dumarami ang ganitong kaso sa mga edad 35 pababa, kung kailan dapat sana’y pinakamatalas ang utak ng tao. Kabilang sa sinasabing sanhi nito ang pagdagsa ng impormasyon at walang-katapusang pagbabago ng mga computer system. “Pakiramdam ng marami ay sobra-sobra ang dumarating na impormasyon kaya nahihirapan silang piliin kung alin ang mahalaga sa trabaho nila,” ang sabi ni Propesor Kiti Müller. Ayon sa Helsinki Times: “Kung nagtatagal ang stress, nag-a-adjust ang utak, at maaaring hindi na ito maghudyat na sobra na ang stress, hanggang sa magkasakit na lang tayo nang malubha.”
Agresibo Dahil sa Mararahas na Video Game?
Gaano katagal nananatiling agresibo ang isa pagkatapos maglaro ng marahas na video game? Pinaglaro ng mga mananaliksik ang mga estudyanteng lalaki at babae ng alinman sa marahas o di-marahas na video game sa loob ng 20 minuto. Pagkatapos, sinabihan ang kalahati ng bawat grupo na alalahanin ang laro nila. “Kinabukasan,” ang sabi ng ulat, “nakipagkompetisyon ang mga manlalarong iyon sa isang ipinapalagay na kalaban at ang parusa sa matatalo ay ang pagpaparinig ng nakaririnding ingay sa headphone.” Napansin na mas agresibo ang mga lalaki na sinabihang alalahanin ang marahas na laro. “Kadalasan nang mahigit 20 minuto kung maglaro ang mahihilig sa marahas na video game at malamang na lagi nilang iniisip-isip ang kanilang laro,” ang sabi ng mga mananaliksik, ayon sa babasahing Social Psychological and Personality Science. Walang naobserbahang malaking epekto sa mga babae, na karaniwan nang ayaw ng mararahas na video game.