“Insekto sa Dagat” na Masarap Kainin
Isang grupo ng gutóm na mga kostumer ang nakaupo sa isang restawran sa New York. Gamit ang mga kasangkapang metal, maingat nilang inaalis ang matigas na shell ng kinakain nilang seafood, na parang malalaking insekto. Hindi nila pansin ang nakausling mga mata ng mga ito na parang nakatitig sa kanila habang ninanamnam nila ang malambot at manamis-namis na laman ng mga ito. Ano ba ang kinakain nila? Mga “insekto sa dagat”—mas kilalá sa tawag na lobster.
BAKIT tinatawag na mga insekto sa dagat ang mga lobster? Dahil sa tingin ng mga nanghuhuli ng lobster, ang mga ito ay parang mga insekto kapag naggagapangan sa sahig ng kanilang bangka.
Pero may isa pang pagkakahawig. Noong 1700’s, parang nagkukulupong insekto sa dami ang mga lobster sa hilagang-silangang baybayin ng Estados Unidos. Ang mga krustasyong ito ay hinuhuli at ginagawang pataba sa bukid, ginagamit na pain sa isda, o kaya’y ipinakakain sa mga bilanggo. Noong panahong iyon, pangkaraniwan lang ang lobster anupat isang grupo ng galít na mga trabahador sa lugar na iyon ang nagsampa ng kaso dahil ito ang laging ipinakakain sa kanila. Nanalo sila at pinangakuang hindi pakakainin ng lobster nang higit sa tatlong beses sa isang linggo!
Kabaligtaran nito, bihirang makakain ng lobster ang mga nakatira sa malalayong lunsod. Bakit? Dahil kapag namatay ang lobster, mabilis itong mabulok at hindi nagtatagal kahit asnan o patuyuin. Pero noong kalagitnaan ng 1800’s, sinimulan itong gawing de-lata kaya mas dumami ang nakakakain nito. Bukod diyan, dahil nagkaroon na ng mga tren, naging posibleng magpadala ng lobster sa buong Estados Unidos. Dahil dito, naging mabenta ang lobster. Pero magastos pa rin ang pagpapadala ng sariwang lobster kaya mayayaman lang ang nakakakain nito.
Sa ngayon, may iba’t ibang uri ng lobster na nahuhuli sa mga baybayin sa buong mundo. Ang American lobster ay nahuhuli sa Karagatang Atlantiko mula Newfoundland hanggang North Carolina. Ang isang pangunahing mapagkukunan ng lobster ay ang Maine, sa hilagang-silangan ng Estados Unidos. Nag-e-export sila ng buháy o lutong lobster sa buong mundo. Mga 36,287 kilo ng lobster ang naikakarga sa isang eroplano.
Kadalasan na, kapag mabenta ang produktong pagkain, maramihan itong ipinagbibili ng mga korporasyon sa buong daigdig. Pero hindi ganiyan ang ginagawa sa lobster. Karaniwan na, sariling negosyo ito ng lokal na mga residenteng nanghuhuli nito. Hindi sila nagpaparami ng lobster sa mga hatchery kundi hinuhuli pa nila ito sa mismong tirahan ng mga lobster—ang Karagatang Atlantiko.
Kung Paano Manghuli ng Lobster
Paano ba manghuli ng lobster? Para masagot iyan, ininterbyu ng Gumising! si Jack, na mula sa angkan ng mga nanghuhuli ng lobster sa Bar Harbor, Maine. Nagsimula si Jack sa trabahong ito sa edad na 17, at nanghuhuli siya ng lobster sa mismong baybayin kung saan nanghuhuli noon ang kaniyang lolo-sa-tuhod. Ito rin ang trabaho ng asawa ni Jack na si Annette. “Panghuhuli ng lobster ang trabaho ng napangasawa ko,” ang sabi niya. “Dalawang taon akong nag-aprentis sa bangka ni Jack, at nang bandang huli ay nagpundar na rin ako ng sarili kong bangka.”
Paano nanghuhuli ng lobster sina Jack at Annette? “Gumagamit kami ng trap ng lobster, isang parihabang metal na parang hawla at may maliit na bukasan,” ang paliwanag ni Annette, “at naglalagay kami sa loob nito ng isang net na punô ng pain, kadalasa’y tamban.” Ang bawat trap ay itinatali sa isang boya. “Ang mga boya ay may kani-kaniyang kulay para makilala kung kanino ito,” ang sabi ni Annette.
Kapag naihagis na sa tubig ang trap, lulubog ito hanggang sa pinakasahig ng dagat, samantalang nakalutang naman ang boya na may palatandaang kulay para madali itong makilala ng may-ari. “Iniiwan namin nang ilang araw ang mga trap,” ang sabi ni Annette, “saka namin binabalikan para iahon. Kapag may nahuling lobster, kinukuha namin iyon at sinusukat.” Ang maliliit na lobster ay ibinabalik sa tubig ng responsableng mga nanghuhuli ng lobster na gaya nina Jack at Annette; ang ilang babaing lobster ay ibinabalik din para makapangitlog pa ang mga ito.
Pagkatapos, ang mga buháy na lobster ay dinadala sa malalapit na daungan para ibenta. Maliban sa ilang grupo na magkakasosyo, walang pinipirmahang kontrata ang mga nanghuhuli ng lobster—basta ibinebenta lang nila ang kanilang nahuli sa lokal na mga ahente. Gaya ng nabanggit na, karaniwan nang hindi pinararami ang lobster sa artipisyal na paraan. “May mga nanghuhuli ng lobster na binibigyan ng permisong kumuha ng mga babaing lobster na may mga itlog para dalhin sa hatchery,” ang sabi ni Jack. “Hihintayin nila hanggang sa mapisa ang mga itlog, palalakihin nang kaunti, at saka ibabalik sa dagat. Sa ganitong paraan, mas malaki ang tsansa ng mga lobster na lumaki.”
Ang panghuhuli ng lobster ay hindi madaling hanapbuhay ni madali mang pagkakitaan. Pero kung tatanungin mo ang mga nanghuhuli ng lobster, sasabihin nila ang gusto nila sa negosyong ito—ang magkaroon ng sariling maliit na negosyo o ang maipagpatuloy ang tradisyon ng pamilya at komunidad o ang kasiyahang manirahan at maghanapbuhay sa tabing-dagat. Higit sa lahat, natutuwa sila na ang kanilang nahuling mga “insekto sa dagat” ay magpapasaya sa mga kakain nito.
[Kahon/Larawan sa pahina 12]
MGA PANGANIB SA PANGHUHULI NG LOBSTER
Sa tingin ng marami, ang panghuhuli ng lobster ay isang ligtas na hanapbuhay. Pero ang totoo, delikadong trabaho ito. Sinabi ng National Institute for Occupational Safety and Health (NIOSH) na “mula 1993 hanggang 1997, ang bilang ng namamatay sa panghuhuli ng lobster sa Maine ay 14 sa bawat 100,000 lisensiyado na manghuli ng lobster, na mahigit 2.5 beses ng pambansang average (4.8 sa bawat 100,000 manggagawa) para sa lahat ng industriya.”
Ayon sa NIOSH, ipinakikita ng isang pagsusuri ng U.S. Coast Guard na “ang mga nanghuhuli ng lobster ay madalas na nasasalabid ng lubid sa loob ng bangka, nahihila ng trap papunta sa tubig, at nalulunod kapag hindi sila makawala sa lubid o makasampa uli sa bangka.” Sa surbey sa 103 nanghuhuli ng lobster, na ginawa mula 1999 hanggang 2000, halos 3 sa bawat 4 ang nagsabi na naranasan na nilang masalabid ng lubid ng trap, bagaman hindi naman lahat ay nahila sa tubig. May iminungkahing mga hakbang pangkaligtasan na makatutulong sa mga nanghuhuli ng lobster para hindi sila masalabid o para may maipamputol sila sa lubid sakaling masalabid sila.
[Mga larawan sa pahina 10, 11]
1. Iniaahon ni Jack ang trap ng lobster
2. Kinukuha nina Annette at Jack ang mga lobster sa metal na trap
3. Sinusukat ang bawat lobster