PAANO KAPAG NAGTAASAN ANG MGA BILIHIN?
Maging Kontento
Masaya sa buhay ang mga taong kontento. At kapag nagbago ang kalagayan nila, ina-adjust nila ang paraan ng paggamit nila ng pera.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Sinabi ng isang psychologist na si Jessica Koehler na ang mga taong kontento ay mas positibo sa buhay. Napansin din niya na hindi sila masyadong mainggitin. Kaya hindi tayo nagtataka na mas masaya at hindi masyadong nai-stress ang mga taong kontento. Ang totoo, ang ilan sa pinakamasasayang tao, hindi naman maalwan ang buhay. Totoo rin iyan sa mga taong mas pinapahalagahan ang mga bagay na hindi nabibili ng pera. Kasama diyan ang kagalakang nararamdaman kapag nakakasama ang kapamilya at mga kaibigan.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Iwasang magkumpara. Kung ikukumpara mo ang simpleng pamumuhay mo sa taong mayaman, posibleng mainggit ka at hindi na maging kontento. Ang totoo, may mga tao na mukhang mayaman, pero baka hindi naman talaga; baka nga baón sila sa utang. Sinabi ni Nicole na taga-Senegal: “Hindi ko kailangan ng maraming bagay para maging masaya. Dahil kontento ako, masaya ako kahit mas maalwan ang iba kaysa sa akin.”
Subukan ito: Iwasan ang mga advertisement. Iwasan ding tingnan ang mga post sa social media tungkol sa mayamang pamumuhay ng iba.
Maging mapagpasalamat. Madalas na nagiging kontento ang mga mapagpasalamat. Hindi rin nila naiisip na kailangan pa nila ng mas maraming bagay. Sinabi ni Roberton na taga-Haiti: “Pinag-iisipan ko y’ong kabaitan na ipinakita ng iba sa akin at sa pamilya ko. ’Tapos nagpapasalamat ako sa ginawa nila. Itinuro ko rin sa eight-year-old kong anak na magsabi lagi ng thank you kapag may natatanggap siya.”
Subukan ito: Araw-araw, gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Halimbawa, ang pagkakaroon ng magandang kalusugan, na masaya ang pamilya mo, na mayroon kang tunay na mga kaibigan, o kahit ang maliliit na bagay gaya ng magandang sunset.
Hindi laging madali na maging kontento. Pero kung magsisikap tayo, sulit iyon! Kapag pinili nating maging kontento, pinili din nating maging masaya—isang katangian na hindi mabibili ng pera.