EHIPTO, AGUSANG LIBIS NG
Isang mahabang wadi (o bangin) na nagsilbing palatandaan ng itinakda ng Diyos na TK hangganan ng Lupang Pangako, samakatuwid nga, ng “lupain ng Canaan.” (Bil 34:2, 5; 1Ha 8:65; Isa 27:12) Bagaman ang agusang libis na ito ay wala naman sa loob ng Ehipto, lumilitaw na may panahon na ang nasasakupan ng bansang iyon ay umabot hanggang sa dakong ito. (2Ha 24:7) Lumilitaw na ang pinaikling termino na “agusang libis,” na ginamit sa pagtukoy sa mga hanggahan ng lupain ng Israel sa pangitain ni Ezekiel, ay tumutukoy sa bangin ding ito.—Eze 47:19; 48:28.
Ang agusang libis ng Ehipto ay ipinapalagay na ang Wadi el-ʽArish, na nagsisimula mahigit na 200 km (125 mi) papaloob mula sa baybayin ng Peninsula ng Sinai, malapit sa Jebel et-Tih. Bumabagtas ito patungong H hanggang umabot sa Dagat Mediteraneo sa may bayan ng el-ʽArish (Rhinocolura), mga 150 km (90 mi) sa S ng Port Said. Tuyung-tuyo ito kapag tag-araw. Ngunit kapag tag-ulan, kapag bumuhos na roon ang maraming sangang-ilog, ang Wadi el-ʽArish ay nagiging isang malaking ilog na sumisira sa mga pampang nito, anupat binubunot nito ang mga punungkahoy at tinatangay sa napakalakas na agos nito. Maaaring ito ang dahilan kung bakit tinatawag itong “ilog ng Ehipto” sa talaan ng mga hangganan ng Lupang Pangako sa Genesis 15:18.—Ngunit tingnan din ang SIHOR.