Isaias
2 Ang bagay na nakita ni Isaias na anak ni Amoz sa pangitain may kinalaman sa Juda at Jerusalem:+ 2 At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw+ na ang bundok ng bahay+ ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok,+ at iyon ay mátataás pa nga sa mga burol;+ at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa.+ 3 At maraming bayan ang yayaon nga at magsasabi: “Halikayo,+ at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.”+ Sapagkat mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem.+ 4 At siya ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng mga bansa+ at magtutuwid ng mga bagay-bagay+ may kinalaman sa maraming bayan.+ At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.+ Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.+
5 O mga tao ng sambahayan ni Jacob, pumarito kayo at lumakad tayo sa liwanag ni Jehova.+
6 Sapagkat pinabayaan mo ang iyong bayan, ang sambahayan ni Jacob.+ Sapagkat sila ay napuno ng bagay na mula sa Silangan,+ at sila ay mga mahikong+ gaya ng mga Filisteo, at marami silang mga anak ng mga banyaga.+ 7 At ang kanilang lupain ay punô ng pilak at ginto, at walang takda ang dami ng kanilang mga kayamanan.+ At ang kanilang lupain ay punô ng mga kabayo, at walang takda ang dami ng kanilang mga karo.+ 8 At ang kanilang lupain ay punô ng walang-silbing mga diyos.+ Ang gawa ng mga kamay ng isa ay niyuyukuran nila, yaong ginawa ng kaniyang mga daliri.+ 9 At ang makalupang tao ay yumuyukod, at ang tao ay nabababa, at talagang hindi mo sila mapagpapaumanhinan.+
10 Pumasok ka sa malaking bato at magtago ka sa alabok dahil sa panghihilakbot kay Jehova, at mula sa kaniyang marilag na kadakilaan.+ 11 Ang palalong mga mata ng makalupang tao ay mábababâ, at ang pagmamataas ng mga tao ay yuyukod;+ at si Jehova lamang ang matatanyag sa araw na iyon.+ 12 Sapagkat iyon ang araw na nauukol kay Jehova ng mga hukbo.+ Iyon ay nasa lahat ng palalo at matayog at nasa lahat ng nakataas o mababa;+ 13 at nasa lahat ng sedro ng Lebanon+ na matatayog at nakataas at nasa lahat ng dambuhalang punungkahoy ng Basan;+ 14 at nasa lahat ng matatayog na bundok at nasa lahat ng mga burol na nakataas;+ 15 at nasa bawat mataas na tore at nasa bawat nakukutaang pader;+ 16 at nasa lahat ng mga barko ng Tarsis+ at nasa lahat ng mga kanais-nais na bangka. 17 At ang kapalaluan ng makalupang tao ay yuyukod, at ang pagmamataas ng mga tao ay mábababâ;+ at si Jehova lamang ang matatanyag sa araw na iyon.+
18 At ang walang-silbing mga diyos ay lilipas nang lubusan.+ 19 At ang bayan ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato at sa mga butas sa alabok dahil sa panghihilakbot kay Jehova at mula sa kaniyang marilag na kadakilaan,+ kapag tumindig siya upang ang lupa ay mayanig.+ 20 Sa araw na iyon ay itatapon ng makalupang tao ang kaniyang walang-kabuluhang mga diyos na pilak at ang kaniyang walang-silbing mga diyos na ginto, na ginawa nila upang yukuran niya, sa mga musaranya at sa mga paniki,+ 21 upang pumasok sa mga butas ng mga bato at sa mga awang ng malalaking bato, dahil sa panghihilakbot kay Jehova at mula sa kaniyang marilag na kadakilaan,+ kapag tumindig siya upang ang lupa ay mayanig. 22 Para sa inyong sariling kapakanan, layuan ninyo ang makalupang tao, na ang hininga ay nasa mga butas ng kaniyang ilong,+ sapagkat ano ang saligan upang siya ay pahalagahan?+