JOEL
1 Ito ang salita ni Jehova na dumating kay Joel* na anak ni Petuel:
2 “Makinig kayo, matatandang lalaki,
At magbigay-pansin kayo, kayong lahat na naninirahan sa lupain.*
May nangyari na bang katulad nito sa panahon ninyo
O ng mga ninuno ninyo?+
3 Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak,
At ilalahad ito ng mga anak ninyo sa mga anak nila,
At sasabihin naman ito ng mga anak nila sa susunod na henerasyon.
4 Ang natira ng nanlalamon na balang ay kinain ng balang na nagkukulumpon;+
Ang natira ng balang na nagkukulumpon ay kinain ng balang na walang pakpak;
At ang natira ng balang na walang pakpak ay kinain ng matakaw na balang.+
5 Gumising kayo at umiyak, mga lasenggo!+
Humagulgol kayo, kayong lahat na manginginom ng alak,
Dahil inilayo sa bibig ninyo ang matamis na alak.+
6 Dahil sinalakay ang lupain ko ng isang bansang makapangyarihan at napakalaki.*+
Ngipin ng leon ang mga ngipin nito,+ at ang mga panga nito ay gaya ng sa leon.
7 Sinira nito ang punong ubas ko at tuod lang ang itinira sa aking puno ng igos.
Binalatan nito nang buo ang mga iyon at itinapon,
Kaya walang natirang balat kahit sa maliliit na sanga.
8 Humagulgol ka, gaya ng paghagulgol ng dalagang nakasuot ng telang-sako
Dahil sa pagkawala ng mapapangasawa* niya.
9 Wala nang handog na mga butil+ at handog na inumin+ sa bahay ni Jehova;
Nagdadalamhati ang mga saserdote, ang mga lingkod ni Jehova.
10 Nasalanta ang bukid, at nagdadalamhati ang lupa;+
Dahil wala nang butil, natuyo ang bagong alak, at naubos ang langis.+
11 Nadismaya ang mga magsasaka, at humahagulgol ang mga tagapag-alaga ng ubasan,
Dahil sa trigo at sa sebada;
Dahil wala nang aanihin sa bukid.
12 Natuyo ang punong ubas,
At nalanta ang puno ng igos.
Ang granada,* palma, at mansanas
—Lahat ng puno sa parang ay natuyo;+
Ang pagsasaya ng mga tao ay napalitan ng kahihiyan.
13 Magsuot kayo ng telang-sako* at magdalamhati,* kayong mga saserdote;
Humagulgol kayo, kayong mga naglilingkod sa harap ng altar.+
Pumasok kayo at magpalipas ng gabi na nakasuot ng telang-sako, kayong mga lingkod ng aking Diyos;
Dahil wala nang nagdadala ng handog na mga butil+ at ng handog na inumin+ sa bahay ng inyong Diyos.
14 Magdeklara kayo ng* pag-aayuno; ianunsiyo ninyo na may banal na pagtitipon.+
Tipunin ninyo ang matatandang lalaki at ang lahat ng naninirahan sa lupain,
Sa bahay ng Diyos ninyong si Jehova,+ at humingi kayo ng tulong kay Jehova.
15 Nakakatakot ang araw na iyon!
Malapit na ang araw ni Jehova;+
At pagdating nito, kikilos ang Makapangyarihan-sa-Lahat para pumuksa!
16 Hindi ba kitang-kita nating inilayo sa atin ang pagkain,
At hindi ba nawala na rin ang pagsasaya at kagalakan sa bahay ng ating Diyos?
17 Nanguluntoy ang mga binhi* sa ilalim ng mga pala nila.
Wala nang laman ang mga imbakan.
Tuyot na ang mga butil, kaya giniba na ang mga imbakan nito.
18 Dumaraing kahit ang mga alagang hayop!
Hindi alam ng mga kawan ng baka kung saan sila pupunta, dahil wala silang pastulan!
At nagdurusa ang mga kawan ng tupa.
19 Tatawag ako sa iyo, O Jehova;+
Dahil nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang
At tinupok ang lahat ng puno sa parang.
20 Hinahanap ka kahit ng maiilap na hayop sa parang,
Dahil natuyo na ang mga daluyan ng tubig
At nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang.”
2 “Hipan ninyo ang tambuli sa Sion!+
Sumigaw kayo ng hiyaw para sa pakikipagdigma sa aking banal na bundok.
2 Ito ay araw ng matinding kadiliman,+
Araw ng maitim at makapal na ulap,+
Gaya ng liwanag ng bukang-liwayway na nahaharangan ng mga bundok.
May isang bayang malaki at makapangyarihan;+
Wala pang umiral na katulad nito,
At wala na itong magiging katulad
Sa lahat ng henerasyon.
Ang lupain sa unahan nito ay gaya ng hardin ng Eden,+
Pero tiwangwang na ilang ang nasa likuran nito,
At walang nakatatakas dito.
5 Ang ingay nila kapag lumulukso sa tuktok ng mga bundok ay gaya ng mga karwahe,*+
Gaya ng lumalagitik na tunog kapag nilalamon ng apoy ang pinaggapasan.
Gaya ito ng isang makapangyarihang bayan na nakahanay para sa labanan.+
6 Dahil sa kanila, ang mga bayan ay mahihirapan nang husto.
Lahat ng mukha ay mamumutla.
7 Sumasalakay silang gaya ng mga mandirigma,
Umaakyat sila sa pader na gaya ng mga sundalo,
Deretso lang ang bawat isa,
At hindi sila lumilihis sa landas nila.
8 Hindi sila nagtutulakan;
Bawat isa ay humahayo lang nang deretso.
Kahit may mga mapatumba ng sandata,*
Nagpapatuloy pa rin ang iba.
9 Lumulusob sila sa lunsod at tumatakbo sa ibabaw ng pader.
Umaakyat sila sa mga bahay at pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.
10 Kapag sumasalakay sila, nayayanig ang lupa at nauuga ang langit.
Nagdidilim ang araw at buwan,+
At nawawala ang liwanag ng mga bituin.
11 Lalakasan ni Jehova ang boses niya sa harap ng hukbo niya,+ dahil napakalaki nito.+
Dahil ang isa na tumutupad sa salita Niya ay makapangyarihan;
Dakila at talagang kamangha-mangha ang araw ni Jehova.+
Sino ang makatatagal dito?”+
12 “Gayunpaman,” ang sabi ni Jehova, “manumbalik kayo ngayon sa akin nang buong puso,+
At mag-ayuno kayo,+ tumangis, at humagulgol.
13 Punitin ninyo, hindi ang mga damit ninyo,+ kundi ang puso ninyo,+
At manumbalik kayo sa Diyos ninyong si Jehova,
Dahil siya ay mapagmalasakit* at maawain, hindi madaling magalit+ at sagana sa tapat na pag-ibig,+
At pag-iisipan niyang muli* ang pagpapasapit ng kapahamakan.
14 Sino ang nakaaalam kung magbabago siya ng isip at pag-iisipan niyang muli* ang desisyon niya+
At bigyan kayo ng pagpapala,
Para makapag-alay kayo ng handog na mga butil at handog na inumin sa Diyos ninyong si Jehova?
15 Hipan ninyo ang tambuli sa Sion!
Magdeklara kayo ng* pag-aayuno; ianunsiyo ninyo na may banal na pagtitipon.+
16 Tipunin ninyo ang bayan; pabanalin ninyo ang kongregasyon.+
Tipunin ninyo ang matatandang lalaki, pati ang mga bata at sanggol.+
Palabasin ninyo ang kasintahang lalaki at kasintahang babae mula sa kanilang silid.
17 Sa pagitan ng beranda at ng altar,+
Ang mga saserdote, ang mga lingkod ni Jehova, ay tumangis at magsabi:
‘Maawa ka sa iyong bayan, O Jehova;
Huwag mong gawing tampulan ng panlalait ang iyong bayan,*
At huwag mong hayaang pamahalaan sila ng mga bansa.
Bakit sasabihin ng mga bayan, “Nasaan ang Diyos nila?”’+
19 Sasagutin ni Jehova ang bayan niya:
‘Bibigyan ko kayo ng butil, bagong alak, at langis,
At talagang mabubusog kayo;+
Hindi ko na kayo gagawing kahiya-hiya sa gitna ng mga bansa.+
20 Itataboy ko ang mga tagahilaga mula sa inyo;
Pangangalatin ko sila sa tuyot at tiwangwang na lupain,
Ang unahang bahagi ng hukbo nila* patungo sa silanganing dagat,*
At ang hulihan ay sa kanluraning dagat.*
Paiilanlang ang mabahong amoy nila,
Patuloy na paiilanlang ang alingasaw nila;+
Dahil gagawa Siya ng dakilang mga bagay.’
21 Huwag kang matakot, O lupain.
Magalak ka at magsaya, dahil gagawa si Jehova ng dakilang mga bagay.
22 Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang,
Dahil magiging madamo ang mga pastulan sa ilang.+
At mamumunga ang mga puno;+
Mamumunga nang sagana ang puno ng igos at ubas.+
23 Kayong mga anak ng Sion, magalak kayo at magsaya dahil sa Diyos ninyong si Jehova;+
Dahil bibigyan niya kayo ng sapat na ulan sa taglagas,
At magpapaulan siya,
Ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol, gaya nang dati.+
25 At ibabalik ko sa inyo ang mga nawala sa inyo noong mga taon
Na pininsala kayo ng balang na nagkukulumpon, balang na walang pakpak, matakaw na balang, at nanlalamon na balang,
Ang aking malaking hukbo na ipinadala ko sa gitna ninyo.+
26 Kakain kayo hanggang sa mabusog,+
At pupurihin ninyo ang pangalan ng Diyos ninyong si Jehova,+
Na gumawa ng kamangha-manghang mga bagay para sa inyo;
Hinding-hindi na ulit mapapahiya ang bayan ko.+
27 At malalaman ninyo na nasa gitna ako ng Israel+
At na ako ang Diyos ninyong si Jehova+—wala nang iba pa!
Hinding-hindi na ulit mapapahiya ang bayan ko.
28 Pagkatapos, ibubuhos ko ang espiritu ko+ sa bawat uri ng tao,*
At manghuhula ang inyong mga anak na lalaki at babae,
Mananaginip ang inyong matatandang lalaki,
At makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.+
29 At sa mga araw na iyon, ibubuhos ko rin ang espiritu ko
Sa aking mga aliping lalaki at babae.
31 Ang araw ay magdidilim at ang buwan ay magkukulay-dugo+
Bago dumating ang dakila at kamangha-manghang araw ni Jehova.+
32 At ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas;+
Dahil gaya ng sinabi ni Jehova, sa Bundok Sion at sa Jerusalem pupunta ang mga nakatakas,+
Ang mga makaliligtas na tinawag ni Jehova.”
3 “Dahil sa mga araw na iyon at sa panahong iyon,
Kapag ibinalik ko ang mga nabihag sa Juda at Jerusalem,+
2 Titipunin ko rin ang lahat ng bansa
Hahatulan ko sila roon+
Alang-alang sa aking bayan at sa Israel na pag-aari ko,
Dahil pinangalat nila ang mga ito sa mga bansa,
At pinaghati-hatian nila ang lupain ko.+
3 Dahil pinagpalabunutan nila ang bayan ko;+
Ibinibigay nila ang batang lalaki kapalit ng babaeng bayaran,
At ang batang babae kapalit ng alak.
4 At ano ang problema ninyo sa akin,
O Tiro at Sidon at lahat ng rehiyon sa Filistia?
May nagawa ba akong masama sa inyo at ginagantihan ninyo ako?
Kung ginagantihan ninyo ako,
Agad-agad ko kayong gagantihan ayon sa mga ginawa ninyo.+
5 Dahil kinuha ninyo ang aking pilak at ginto,+
At dinala ninyo sa inyong mga templo ang pinakamahahalaga kong kayamanan;
6 At ibinenta ninyo sa mga Griego ang mga nasa Juda at Jerusalem,+
Para ilayo sila sa teritoryo nila;
7 Pero ibabalik ko sila mula sa lugar na pinagbentahan ninyo sa kanila,+
At gagantihan ko kayo ayon sa mga ginawa ninyo.
8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak na lalaki at babae sa mga taga-Juda,+
At ipagbibili nila ang mga ito sa mga taga-Sheba, sa isang malayong bansa;
Dahil si Jehova mismo ang nagsabi nito.
9 Ihayag ninyo ito sa gitna ng mga bansa:+
‘Maghanda kayo para sa* digmaan! Pakilusin ninyo ang malalakas na lalaki!
Palapitin ang lahat ng sundalo, at palusubin sila!+
10 Pukpukin ninyo ang inyong araro* para gawing espada at ang inyong karit para gawing sibat.
Sabihin ng mahina: “Malakas ako.”
11 Lahat kayong mga bansa sa palibot, magtipon kayo at tumulong!’”+
Sa lugar na iyon, O Jehova, pababain mo ang iyong mga mandirigma.*
12 “Magtipon ang mga bansa at pumunta sa Lambak* ni Jehosapat;
Dahil doon ako uupo para hatulan ang lahat ng bansa sa palibot.+
13 Gumapas kayo gamit ang karit, dahil hinog na ang aanihin.
Bumaba kayo at magpisa ng ubas, dahil punô na ang pisaan.+
Umaapaw na ang mga tangke, dahil napakarami nilang ginagawang masama.
14 Napakaraming tao sa lambak ng paghatol,*
Dahil ang araw ni Jehova ay malapit nang dumating sa lambak ng paghatol.*+
15 Magdidilim ang araw at buwan,
At mawawala ang liwanag ng mga bituin.
16 At uungal si Jehova mula sa Sion,
Mula sa Jerusalem ay ilalakas niya ang boses niya.
At uuga ang langit at lupa;
Pero si Jehova ay magiging isang kanlungan para sa bayan niya,+
Isang tanggulan para sa bayang Israel.
17 At malalaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova, na naninirahan sa Sion, ang aking banal na bundok.+
18 Sa araw na iyon, tutulo mula sa mga bundok ang matamis na alak,+
Sa mga burol ay aagos ang gatas,
At sa lahat ng batis ng Juda ay aagos ang tubig.
Isang bukal ang aagos mula sa bahay ni Jehova,+
At madidiligan nito ang Lambak* ng mga Punong Akasya.
19 Pero ang Ehipto ay magiging tiwangwang,+
At ang Edom ay magiging tiwangwang na ilang,+
Dahil sa karahasang ginawa sa bayan ng Juda,+
Kung saan sila nagpadanak ng dugong walang-sala.+
21 Ituturing kong walang-sala ang dugo nila na hindi ko itinuring na walang-sala noon;+
At maninirahan si Jehova sa Sion.”+
Ibig sabihin, “Si Jehova ang Diyos.”
O “lupa.”
O “di-mabilang sa dami.”
O “asawa.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “Bigkisan ninyo ang inyong sarili.”
O “at suntukin ninyo ang dibdib ninyo.”
O “Maglaan kayo ng panahon sa.”
O posibleng “pinatuyong igos.”
O “lupa.”
O “karo.”
O “sibat; diyabelin.”
O “magandang-loob.”
O “ikalulungkot niya.”
O “at ikalulungkot niya.”
Lit., “Maglaan kayo ng panahon sa.”
O “mana.”
O “At magiging masigasig si Jehova para sa.”
Lit., “Ang mukha niya.”
Dagat na Patay.
Dagat Mediteraneo.
Lit., “sa lahat ng laman.”
O “himala.”
O “Mababang Kapatagan.”
Ibig sabihin, “Si Jehova ay Hukom.”
Lit., “Magpabanal kayo ng.”
O “ang talim ng inyong araro.”
O “makapangyarihan.”
O “Mababang Kapatagan.”
O “mababang kapatagan ng pasiya.”
O “mababang kapatagan ng pasiya.”
O “banyaga.”
O “Wadi.”