Ang Pangmalas ng Bibliya
Kailanma’y Mabibigyan-matuwid Ba ang Pagsuway ng Mamamayan?
“KAPAG nakikita mo ang iyong mga kababayan na dinadahas at pinapatay,” sabi ng isang misyonerong Katoliko sa loob ng 30 taon, “kapag nakikita mo ang buong mga bayan na pinaaalis ng mga sundalo, at ang mga bata ay pilit na kinukuha mula sa kanilang mga tahanan upang magsundalo, at kapag natatalos mo na kontrolado na ng 2 porsiyento ng mamamayan ang tatlong-kapat ng kayamanan, hindi mo maaaring isubsob ang iyong ulo sa Bibliya at hindi pansinin ang mga katotohanang ito.”—Amin ang italiko.
Kung ikaw ang nasa kalagayan ng misyonero, ano ang gagawin mo? Makisama sa isang mapayapang demonstrasyon o sa isang welga? Ano kung ang mga ito ay hindi magdulot ng kinakailangang pagbabago? Mabibigyan-matuwid ba ang karahasan sa panahong iyon? Ang isang rebolusyon o isang kudeta? Ano ang iminumungkahi ng “espirituwal na mga lider” sa ngayon? Isaalang-alang ang mga ulat na ito:
◻ Isang klerigo sa Nicaragua ang nagsabi na siya ay naglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga tao at sa rebolusyon.
◻ Sa Pilipinas isang ministro ang pinaalis ng bansa dahilan sa pagsusulsol ng pulitikal na kaguluhan at paglalarawan kay Jesus bilang isang rebelde.
◻ Ang mga pari at mga madre ay pumanig sa mga gerilya sa isang pagsisikap na ibagsak ang isang pamahalaan sa Sentral Amerika.
Ang kanilang mga pagkilos ay naghahatid ng isang malakas at malinaw na mensahe: Ang pagsuway ng mamamayan ay binibigyan-matuwid o inaakala pa ngang isang tungkuling Kristiyano. Subalit totoo ba ito, kahit na kung ang mga motibo at mga tunguhin ay taimtim at makatao? Ano ang pangmalas ng Bibliya?
‘Sumasalansang sa Diyos’?
Ang Diyos ay may malinaw na patakaran may kaugnayan sa mga pamahalaan ng tao o mga awtoridad. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang awtoridad na hindi dahil sa Diyos; ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay sa kani-kanilang kinauukulang dako ng Diyos.” Oo, ang Diyos na Jehova ay may mahalagang kapangyarihan na makialam o alisin ang alinmang awtoridad sa anumang panahon. Kung sila ay kumikilos, ito ay dahil sa ipinahihintulot niya ito.—Roma 13:1.
Pagkatapos itatag ang katotohanang ito, ang kasulatan ay nagsasabi pa: “Kaya nga ang sumasalansang sa awtoridad ay sa kaayusan ng Diyos sumasalansang; at ang mga sumasalansang ay tatanggap ng hatol sa kanilang sarili.” (Roma 13:2) Dahilan sa mga salitang ito, may katapatang masasabi ba ng isang Kristiyano na siya ay ‘naglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa isang rebolusyon’? Ang isa ba ay ‘sumasalansang sa Diyos’ sa pakikibahagi, o kahit na sa pagtataguyod, sa mga gawain na tuwirang humahamon sa umiiral na awtoridad ng pamahalaan?
Tingnan natin ang kasaysayan ng Bibliya para sa isang kasagutan. Sa pagtatapos ng ikapitong siglo B.C.E., pinahintulutan ng Diyos na Jehova na sakupin ng Imperyo ng Babilonya ang Israel, ginagawa si Zedekias ng Jerusalem na isang basalyong hari. Gayunman, pagkaraan ng walong taon ng pagpapasakop si Zedekias ay nagpumilit na tanggihan ang gayong kaayusan. Humingi siya ng tulong sa Ehipto. Hindi na niya pahihintulutan ang isang banyagang kapangyarihan—pagano pa nga—na mangibabaw sa bayan ng Diyos. Ang kaniyang mga motibo ay waring dalisay. Gayunman, paano minalas ito ng Diyos? Si Zedekias ba ay magiging isang sinang-ayunan ng Diyos na “tagapaglaban ng kalayaan”? Hindi! Sapagkat sa paghihimagsik laban sa Babilonya, siya rin naman ay naghihimagsik laban sa Diyos. Dahilan sa paghihimagsik na ito, sinabi ni Jehova na si Zedekias ay mamamatay bilang isang bihag sa Babilonya.—2 Hari 24:17-20; Ezekiel 17:15, 16.
Ang kaso ni Zedekias ay hindi natatanging kaso. Paulit-ulit na ipinakikita ng kasaysayan na ang pagsuway ng mamamayan, kahit na may mabuting intensiyon o layon, ay hindi maaaring magdala ng namamalaging lunas sa mga suliranin ng tao. Ang totoo ay na ang mga paghihimagsik at mga rebolusyon ay kadalasang waring nagpapalubha sa kalagayan. Sa maraming kaso, pagkatapos ng isang animo’y tagumpay ng isang rebolusyon, ang “mga tagapagpalaya” mismo ay sa wakas nagkakasala ng kalupitan at pang-aapi. Sa madaling panahon, isang bagong salinlahi ng mga taong api ang magsisikap na maghimagsik. Ang gayong masamang siklo ay naranasan na sa maraming bansa. Halimbawa, isang bansa sa Timog Amerika ay dumanas kamakailan ng kaniyang ika-189 kudeta sa loob ng 154 na mga taon!
Kabiguan ng Tao—Bakit?
Bakit kaya hindi mapalaya ng taimtim na mga tao ang sangkatauhan mula sa pagsasamantala at pang-aapi? Dahilan sa kulang sila ng dalawang bagay—ang karunungan at ang kapangyarihan. Hindi kataka-taka na ang Bibliya ay nagbababala sa atin: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.”—Awit 146:3.
Upang ipaghalimbawa, ilarawan ang iyong sarili na nasa isang ospital at naghihintay ng isang operasyon. Ikaw ay umiiyak sa sakit at hirap. Walang anu-ano, isang dyanitor ang sa-daraan at narinig ka, sinunggaban ang isang panghiwang gamit sa pagtitistis, at inalok ang kaniyang tulong upang bigyan ka ng kinakailangang ginhawa. Hahayaan mo ba siyang mag-opera sa iyo? Mangyari pa ay hindi! Bakit? Sapagkat ang kaniyang pag-ibig at pagkahabag lamang ay hindi gumagawa sa kaniya na karapat-dapat para sa gayong mahirap na gawain. Ang kaniyang pagkilos ay magpapalala lamang sa iyong paghihirap, inilalagay ka pa nga sa nakamamatay na panganib. Ang gayong paggawi ay magiging isang kapangahasan at lubhang iresponsable at winawalang-bahala ang bagay na isang panahon ang itinakda na para sa pag-oopera ng isang kuwalipikadong seruhano. Mas mabuti pa para sa kaniya na basta bigyan ka ng katiyakan na darating na ang tulong.
Sa gayunding paraan, ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay hindi nakikibahagi sa pagsuway ng mamamayan. Hinihintay nila ang araw at oras kapag ang karapat-dapat na pakikialam ng Diyos ay darating. Siya lamang ang may karunungan at kapangyarihan na magdala ng namamalaging mga lunas sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng kanilang gawaing pangangaral, binibigyan-katiyakan ng mga Saksi ni Jehova yaong mga nagdurusa dahil sa mga kawalang katarungan na ang gayong ginhawa ay malapit nang dumating.—Isaias 9:6, 7; 11:3-5.
Samantala, maaari nating itaguyod ang anumang legal at mapayapang paraan na makukuha upang itatag at ipagtanggol ang ating mga karapatan at humanap ng ginhawa mula sa pang-aapi. Gayunman, sakaling mabigo ang mga ito magiging mali na bumaling sa pagsuway ng mamamayan. Kaya, ang apostol Pablo ay nagpapayo: “Ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’” Isinasapuso ng tunay at masunuring mga Kristiyano ang matalinong payo na ito.—Roma 12:18, 19.
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Reuters/Bettmann Newsphotos