Pagmamasid sa Daigdig
KAKULANGAN NG KUWALIPIKADONG KLERIGO
“Ikinababahala ng mga lider ng Protestante, Romano Katoliko at Hudiyo ang hamon ng pagpapanatili sa bilang at uri ng kanilang mga klerigo,” ulat ng The New York Times. “Ang kalagayan ay pinalala pa ng posibleng di-pagkakasuwato na nakikita ng maraming lider relihiyoso sa pagitan ng mga pangangailangan ng simbahan at ng pinagmulan at mga tunguhin ng marami sa mga nagmimithing maging klerigo.” Ang mga seminarista sa ngayon ay sinasabing “kapansin-pansing kakaiba” kaysa roon sa mga seminarista 25 taon lamang nakaraan. Sa mga seminaryong Protestante, isang mas malaking porsiyento niyaong naghahangad ng ordinasyon ay mga babae. At dahil sa kakaunti ang mga aplikante, nasa ilalim ng panggigipit ang mga seminaryo na ibaba ang mga pamantayan ng katalinuhan at tumanggap ng mas maraming mag-aaral na hindi nakaabot sa mardyin. Ikinabahala ng mga opisyal na Katoliko ang mga saloobin sa sekso ng mga seminarista at ang “pagka-akit ng kakaibang mataas na bilang ng mga kandidatong bakla” sa pagpapari. Dagdag pa ng ulat: “Isang pagkakaiba sa mga seminarista ngayon at ng mga nauna sa kanila ay totoo anuman ang pananampalataya o denominasyon, kasarian o edad: Sila’y hindi gaanong naninindigan sa kanilang sariling relihiyosong tradisyon.”
PAGDAMI NG MGA SAKSI IKINABABAHALA NG MGA KATOLIKO SA ITALYA
“Ang mga babala tungkol sa mga Saksi ni Jehova ay naging madalas na paksa sa pulpito ng ilang mga Romanong parokya,” sabi ng The Catholic Standard and Times. “Ikinababahala ng Simbahan ang bilis ng pagdami at ang buong-sigla at maliwanag na matagumpay na mga pamamaraan ng pangangalap ng mga Saksi ng mga bagong tagasunod.” Maaga sa taóng ito, sinabi ng propesor ng seminaryo na si Monsignor Lorenzo Minuti kay Papa Juan Paulo II “na ang mga Saksi ni Jehova ay ‘mga nunal’ na sumisira sa Simbahan at inihalintulad sila sa isang ‘epidemya.’” Nanawagan siya sa simbahan na gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ito, gaya ng pagpigil sa isang salot. Ayon kay Minuti, ang bilang ng mga Kingdom Hall sa Roma ay sumulong mula 10 noong 1982 hanggang 66 sa 1989, samantalang mayroon lamang 44 mga templo at mga simbahan para sa lahat ng ibang hindi mga Katoliko sa lunsod. “Ang sekreto sa tagumpay ng mga Saksi sa lupain ng mga papa at mga simbahan ay ang kanilang sigasig ebangheliko,” sabi ng pahayagan, at nanawagan para sa “isang bagong ebanghelisasyon ng Katoliko sa Italya.”
ANG NAGLALAHONG HIGANTE
Hindi pa nakaaalpas ang blue whale sa suliranin. Mas kakaunti na lamang sa kanila ang natitira kaysa inaasahan ng mga siyentipiko. Lahat ng pangangaso para sa blue whale ay ipinagbawal noong 1966, subalit hindi ito nakabawi mula sa bingit ng pagkaubos. Bago ang mga araw ng komersiyal na panghuhuli ng balyena, mayroong sing-dami ng 225,000 sa kanila. Umasa ang mga siyentipiko na mayroon pang mula 11,000 hanggang 14,000 na natitira. Subalit ang mga panimulang resulta mula sa tuwirang pagbibilang ay nagpapakita na maaaring mayroon na lamang mas kakaunti sa 1,200 o 1,500. Ang mga giant whales, na lumalaki hanggang 30-metro kahaba at tumitimbang hanggang 150 tonelada—halos sing-bigat ng isang kawan ng 30 elepante—ay marahil ang pinakamalalaking kinapal na kailanma’y nanirahan sa lupa. Nagpapasuso sila ng mga anak sa loob ng isang taon, inaabot ng anim na taon ang pagiging may-gulang, at nanganganak minsan lamang sa dalawang taon. Kaya, sila’y mabagal na nakababawi sa pagkaubos. Subalit ang mga ilegal na mangangaso ay maaaring isang dahilan sa pagliit ng kanilang bilang.
PANGANGAILANGAN NG BIBLIYA
Ang pangangailangan ng Bibliya sa Unyong Sobyet ay lumalaki, at sa kabila ng pagpapadala ng dalawang milyong sipi sa loob ng isang yugto ng 18 na buwan, ang pangangailangan ay patuloy na walang-hupa. Gaya ng ulat sa Church Times ng London, “higit na bibliya ang inangkat sa Unyong Sobyet noong 1988 kaysa buong yugto mula ng Rebolusyon ng 1917.” Sa kabaligtaran ng naunang mga taon, inaprubahan ang mga pahintulot sa pagpasok ng karagdagang mga pagpapadala mula sa United Bible Societies.
MAS MADALING PANGANGANAK
Mas madaling makapanganganak ang mga babae kung sila ay nasa isang posisyong nakatingkayad, sabi ng mga obstetrisyan sa Inglatiyera. Isang pag-aaral ng mga 400 panganganak ang nagpakita na ang karamihan sa mga babaeng nanganganak nang mas mabuti ay nasa isang patindig na posisyon kaysa sa isang nakasandal na posisyon. Nasumpungan ng pag-aaral na ang isang may-suportang posisyong nakatingkayad ay nagpapahintulot ng mas malakas at mas epektibong pagtulak, sa gayo’y binabawasan nang malaki ang haba ng ikalawang baitang ng panganganak at ang pangangailangan sa paggamit ng forceps. Dalawang suporta ang ginagamit na ngayon, mga birth chairs at mga birth cushions. Inirerekomenda ni Dr. Jason Gardosi ng Milton Keynes General Hospital sa Buckinghamshire, Inglatiyera, na namuno sa pag-aaral, ang paggamit ng kutson, dahil maaari itong tuwirang ilagay sa kama at nagpapangyari sa mas madaling panganganak dahil sa pagpapahintulot ng isang mas malawak na pagbuka ng mga buto ng balakang. Sa mga babaeng gumamit sa kasangkapan, 95 porsiyento ang nagsabi na muli nilang gagamitin ang posisyong nakatingkayad sa kanilang susunod na panganganak. Kawili-wili, ito ang posisyong tinukoy sa Bibliya sa Exodo 1:16.
MGA BAGONG SERBISYO SA TELEPONO
Mga teleponong may memory, automatic dialing, hands-free operation, at digital display, lakip ng iba pang bagay, ay naging pangkaraniwan. Subalit sila ay nagri-ring lamang kung may pumapasok na tawag. Iyan ay nagbabago na. Habang ang mga kompanya ng mga telepono sa Estados Unidos ay nagkakabit ng bagong mga kasangkapang senyales, nag-aalok sila ng ilang mga bagong serbisyo na gagawin ng telepono kung pipindutin mo ang ilang mga buton. Lakip dito ay: call trace—itinatala nito ang numero ng tumawag sa kompaniya ng telepono kahit na ang tawag ay napakaigsi at ang tumawag ay nagbaba na ng telepono; call block—ang mga numero na naka-programmed sa telepono ay makaririnig ng isang mensahe na ikaw ay hindi tumatanggap ng mga tawag sa kasalukuyan; repeat call—sinusubukang tawagan hanggang sa 30 minuto ang isang numerong busy habang ikaw ay gumagawa o tumatanggap ng iba pang tawag; return call—kapag tumigil ng pagri-ring ang telepono sa iyong pagdating, ang serbisyong ito ay tatawag sa numero ng huling tao na nagsikap tumawag sa iyo; priority call—nagbibigay ng kakaibang tunog kapag ang isang tawag ay tinatanggap mula sa ilang numero; caller ID—ipinakikita sa isang kasangkapang screen-equipped ang numero ng taong tumatawag.
MALING HALIMBAWA
Samantalang ang mga bata ay tumutulad sa daigdig ng mga adulto sa pamamagitan ng paglalaro ng bahay-bahayan o pagkukunwaring doktor, nabigla ang mga pulis sa Lebanon, Pennsylvania, nang makatuklas ng isang istante sa palaruan kung saan ang mga bata ay nagpapatakbo ng isang kunwa-kunwariang sindikato ng droga, na ginagamit ang mga bag ng asukal at mga pinutol na damo. Kasama ng palsipikadong mga droga, sinasabing mula sa isang batang lalaki na pitong taon at isang batang babae na siyam na taon, ay isang listahan ng inimbentong mga transaksiyon sa droga at isang IOU. Isang sulat ang kababasahan: “Cocaine, maliit na kalahating bag, 55 cents, maliiit na mga bag, $1.” Ginagaya ng mga bata ang halimbawa ng kanilang mga magulang, sabi ni detektib Robert Bowman, Jr. “Ibig nilang magkamal ng maraming salapi at hindi magtrabaho.”
REBELDENG BUHOK
Lumikha na naman ang New York at Los Angeles ng isa pang kausuhan sa mga istilo ng buhok: maigsing-maigsing mga gupit ng buhok na may iba’t ibang uri ng disenyo na nakaahit. Lakip sa mga disenyo ang himpapawid ng lunsod ng New York, ang Golden Gate Bridge, at ang prestihiyosong mga logo ng mga kompaniya. Ayon sa The Wall Street Journal, isang pelikula ang nagpatanyag sa istilo sapagkat isang pangunahing tauhan ay may disenyo ng mga kidlat na nakaahit sa kaniyang buhok. Kung bakit pinili ang istilong iyon ng buhok, sinisipi ng Journal ang direktor ng pelikula sa pagsasabing: “Sinisikap naming maghanap ng isang bagay na magpapakita ng isang rebelyosong espiritu.”
PAGPIGIL SA PAGKATAPON NG LANGIS
Isang mungkahi upang pigilan ang mga pagkatapon ng langis ay ang paggawa ng mga tangkeng may dobleng takip. Subalit binabawasan nito ang lugar para sa mga kargada at, kung mabutas ang takip, hindi mapipigil ang paglabas ng langis. Isang mas mabuting paraan, mungkahi ng pamahalaang Sweko, ay ang “vacuum method” ng disenyo ng tangke. Gaya ng ipinaliwanag sa The Economist, gumagamit ito ng simulain ng hydrostatic underpressure upang panatilihin ang langis sa lugar nito. Isang payak na halimbawa: Sumipsip ng likido pataas ng isang straw, at pagkatapos ay ipitin ang dulo sa taas. Ang likido ay hindi aagos malibang bitiwan mo. Nangatuwiran ang mga inhinyerong Sweko na kung ang espasyong walang laman sa itaas ng isang hold ay magagawang hindi mapapasukan o malalabasan ng hangin, walang langis ang matatapon kahit magkaroon ng butas sa ibaba. Iminungkahi nila ang pagsasara sa hold subalit iniiwang bukas ang ilang balbula. Pagkatapos, kung magkaroon ng aksidente, maaaring bombahin ang hangin sa mga balbulang ito upang ibaba ang presyon at gawing airtight ang hold. Sa kasalukuyan, sabi ng The Economist, ang mungkahi ay hindi binigyang-pansin at ang pamamaraan ay hindi pa nasusubok.
PAMBIHIRANG NAGAWA NG POTOGRAPIYA
Nang ang sasakyang-pangkalawakan na Voyager 2 ay magpadala ng malilinaw at detalyadong mga larawan ng Neptune, ang sa kasalukuya’y pinakamalayong planeta mula sa araw, ang mga lumikha nito ay tuwang-tuwa. Sa 12-taon, 4.4-libong-milyong-milyang paglalakbay, sinamantala ng maliit na isang toneladang sasakyang-pangkalawakang ito ang pagkakahanay-hanay ng mga planeta na nagaganap lamang minsan sa bawat 176 taon. Una nitong dinalaw, sa pagkakasunod-sunod, ang Jupiter, Saturn, at Uranus, nagpadala ng impormasyon mula sa 11 siyentipikong mga instrumento nito, kasama ang dalawang kamera ng telebisyon. Sa halos 2.8 libong milyong milyang layo sa lupa, ang pagpapadala ng mataas na uring mga larawan ng Neptune at ng mga buwan nito ay hindi isang madaling gawain. Sa sikat ng araw ay mayroong lamang isang bahagi ng isang libo ang liwanag na umaabot sa lupa, at nangangailangan ng mas mahabang time-exposures at panning ng mga kamera upang maiwasan ang paglabo. Sa panahong ang senyales mula sa 20-watt na transmitter ng Voyager ay makaabot sa mga istasyon ng tracking dito sa lupa, ito ay lumiit na sa isang bahagi ng isang libong-milyon ng isang watt at humalo na sa elektromagnetikong ingay ng kalawakan.