Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 9/22 p. 24-25
  • Ginagawa ang Lahat Upang Tulungan ang Iba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ginagawa ang Lahat Upang Tulungan ang Iba
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Layunin sa Buhay
  • Pagiging Kuwalipikado Bilang Isang Guro
  • Ako ay ‘Aakyat na Gaya ng Lalaking Usa’
    Gumising!—2006
  • Kung Paano Ako Nakinabang Mula sa Pangangalaga ng Diyos
    Gumising!—1995
  • Binigyan Ako ni Jehova ng Lakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 9/22 p. 24-25

Ginagawa ang Lahat Upang Tulungan ang Iba

NOONG 1973, nang mangyari itong lahat, ako ay isang malusog na 22-anyos. Ang aking buhay ay punô ng kasiyahan. Nakikibahagi ako sa isports at mahilig ako sa pisikal na gawain. Kung bakasyon ako ay nagsa-surfing. Nasisiyahan akong mamasyal nang nakakotse. Subalit isang hangal, mapusok na silakbo ng galit ang nagwakas sa lahat ng ito.

Kami ng asawa ko, si Gemma, ay dumadalaw sa mga kamag-anak nang ilang kabataang lalaki ang nakatawag ng aming pansin. Nakita naming sinisira nila ang bakod habang naglalakad sila sa kalye. Nang makita nila kami, pinagbabato nila ng mga piraso ng kahoy ang hardin at pagkatapos ay sa balkon ng bahay, kung saan kami nakatayo. Ang isang piraso ay tumama kay Pippa, ang aking apat-na-taóng-gulang na anak na babae. Sa matinding galit ko, pumihit ako at inihagis ang basong hawak ko sa mga kabataang maninira. Ang balkon ay 3.7 metro mula sa lupa, at nawalan ako ng panimbang. Ako’y nahulog, una ang ulo, nalansag at nabali ang ilang buto ng gulugod ko sa leeg.

Nakaratay sa ospital sa loob halos ng isang taon, may panahon akong pag-isipan ang aking kalagayan. Ang lalaking katabi ko ay nagpatiwakal, at ang iba pa na nakikilala ko ay gayundin ang ginawa. Ang kawalang-pag-asa at kabiguan ay hindi mailarawan. Ang pabigat na ipinapapasan ko sa iba at ang kaalaman na baka wala nang pagsulong ay lubhang nakabalisa sa akin. Oo, maraming beses na naisip ko ring wakasan ang aking buhay. Sa katunayan, hiniling ko ang aking asawa na tulungan ako sa paggawa nito sa pagbili ng ilang tableta para sa akin. Subalit sinabi niya sa akin na hangal ako at hindi siya sumunod. Anong laki ng pasasalamat namin kapuwa ngayon na tumanggi siya!

Ang mga bagay ay nagbago nang ang tiyahin ni Gemma, na isang Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon, ay nagkipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Naunawaan ito ni Gemma, subalit kailanman ay hindi ako naging interesado sa relihiyon. Ang mga bagay na narinig kong sinasabi ng mga klerigo sa telebisyon ay nakainis sa akin. Sa anu’t ano man, hindi ako palaaral. Subalit nang magsimulang magsalita sa akin si Gemma tungkol sa kaniyang bagong tuklas na relihiyon, dalawang bagay ang agad na nakaakit sa akin.

Una, nalaman ko na ang Bibliya ay kasuwato ng isa sa mga asignaturang gustung-gusto ko sa paaralan, ang kasaysayan. Pinagtakhan ko iyan. Hindi pumasok sa aking isip na umiiral ang gayong kaugnayan. Ikalawa, ang katarungan ng Diyos ay nagpalapit sa akin sa kaniya. Sa tuwina’y naiisip ko na ang mga kawalang-katarungan ay hindi na maitutuwid pa. Subalit habang natututuhan ko ang layunin ni Jehova at ng kaniyang Kaharian, nakikita ko na ang katarungan ay iiral.​—Deuteronomio 32:​4; Lucas 18:​7, 8.

Layunin sa Buhay

Pagkatapos niyan ay gumawa ako ng mabilis na pagsulong sa aking pag-aaral ng Bibliya. Nakasumpong ako ng layunin sa buhay, bagaman wala akong kaya sa pisikal at mananatiling gayon. Mayroon ako ng lahat ng dahilan upang maging mapagpasalamat. Subalit ang aking pangmalas ay lalo pang lumawak sapagkat natalos kong marami ang magagawa ko upang tulungan ang iba sa kaalaman na natatamo ko.

Paano ako susulong? Iyan ay nakababahalang tanong. Kami ni Gemma ay magkasamang nabautismuhan, at ako’y nag-aaral nang puspusan, sa tulong ng maraming mahuhusay na tagapagturo, upang sumulong sa espirituwal. Gayunman, ang malaking pagbabago ay dumating nang mabasa ko ang tungkol sa isang Saksi sa Lebanon.a Siya’y 46 anyos at ganap na nakaratay sa loob ng 18 taon. Gayunman, para bang imposible sa akin, siya ay isang hinirang na matanda sa kongregasyong Kristiyano! Hanggang noong panahong iyon, siya ay nakatulong sa 16 katao na maging nag-alay na mga lingkod ni Jehova at nagdaraos ng pitong pag-aaral sa Bibliya buwan-buwan. Ang kaniyang karanasan ay isang inspirasyon sa akin.

Ang lokal na autoridad sa pabahay ay naglaan ng isang-palapag na bahay para sa aking pamilya, ganap na nasasangkapan ng mekanikal na mga kagamitan na tutulong sa akin. Ako’y pinagpala ng lahat ng pisikal na tulong na kailangan ko. Ang aming pamilya ay nagtulung-tulong at bumili ng isang van upang ang aking silyang de gulong ay madaling maipapasok dito. Ito ang nagpangyari sa amin bilang isang pamilya na makadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Maibigin, ang lokal na kongregasyon ay agad nagsaayos na isang Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon ay idaos sa aking tahanan.

Ang aking pagnanais na magpatotoo sa bahay-bahay ay nasapatan nang ang mga kapatid na lalaki at babae sa kongregasyon ay nag-alok na itulak ang aking silyang de gulong. Maaari akong makipag-usap sa mga maybahay subalit, palibhasa’y hindi ko magamit ang aking mga bisig at kamay, ang paggamit ng Bibliya ay imposible. Kaya binabanggit ko ang kasulatan, at ipakikita naman ng aking kasama ang mga talata mula sa kaniyang Bibliya at nag-aalok ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na binabanggit ko.

Mangyari pa, maraming tao ang dumadalaw sa akin sa bahay, at sa ganitong paraan nakapagdaraos ako ng mga pag-aaral sa Bibliya. Naging dalubhasa rin ako sa sining ng pagsulat ng mga liham sa pamamagitan ng paghawak ng isang pluma sa aking bibig, upang ako’y maging aktibo sa pangangaral anumang oras sa araw. At ako’y regular na nakapag-aauxiliary payunir sa loob ng tatlong taon.

Pagiging Kuwalipikado Bilang Isang Guro

Di-nagtagal ako’y naging kuwalipikado bilang isang ministeryal na lingkod, subalit paano kaya ako makapagtuturo sa plataporma? Sa panahon ng aking mga pag-aaral, natutuhan kong buklatin ang mga pahina ng Bibliya sa paggamit ng isang patpat na tangan ko sa pagitan ng aking mga ngipin. Bagaman nakatutulong ang gawaing ito, natural na nangangahulugan ito na kailangan kong huminto sa pagsasalita habang dinadampot ko ang patpat at saka isinasauli ito. Ngayon natanto ko na ang lunas ay nasa paggamit ng aking dila​—upang buklatin ang mga pahina ng Bibliya! At ito ang ginagawa ko ngayon.

Ang pambihirang pamamaraang ito ang nagpangyari sa akin na mapasulong ang aking kakayahan sa pagsasalita, at malaki ang natutuhan ko mula sa aking mga atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Isip-isipin na lamang ang aking damdamin nang ako’y mahirang na maglingkod bilang isang matanda sa kongregasyon noong 1984!

Ang susunod na hakbang ay ang pagbibigay ng pahayag pangmadla, na tatagal ng 45 minuto. Ito’y nangangailangan ng maingat na paghahanda, at bagaman sa tuwina’y nasusumpungan ko itong nakapapagod, ako’y nagpupumilit. Ngayon ako’y may karagdagang pribilehiyo na dumalaw sa kalapit na mga kongregasyon sa pana-panahon upang magpahayag sa kanila. Ang mga bata ay nagtataka na makitang binubuklat ko ang mga pahina ng Bibliya sa pamamagitan ng aking dila, at kung minsan ginagaya nila ako. Subalit di nagtatagal ay sumusuko sila. Nangangailangan ng maraming pag-eensayo upang magawa ito nang mahusay.

Nililingon ang nakaraan, tandang-tanda ko pa ang pait na nadama ko nang lumabas ako ng ospital. Alam ko na maraming lalaking nasalantang gaya ko ay iniwan ng kani-kanilang asawa. Kung iniwan ako ni Gemma, mauunawaan ko. Sa halip, bilang isang maibiging kasama, nanatili siya sa akin, itinaguyod si Pippa, ang aming anak na babae. Sa tulong nila at sa tulong ng kongregasyon, nagawa kong ‘palawakin’ ang magagawa ko at tulungan ang iba. (2 Corinto 6:13)​—Gaya ng isinaysay ni Tony Wood.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong inilathala sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1981, “Kagalakan ang Humalili sa Kawalan ng Pag-asa,” gaya ng isinaysay ni Estefan Kalajian.

[Mga larawan sa pahina 25]

Kasama ni Gemma at Pippa, ang aking asawa at anak

Pagbuklat ng mga pahina sa pamamagitan ng aking dila

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share