Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/22 p. 4-7
  • Mga Kredit Kard—Maglilingkod o Aalipin ba sa Iyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kredit Kard—Maglilingkod o Aalipin ba sa Iyo?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Uri ng Kard
  • Mga Singil sa Pautang​—Gaano Kalaki?
  • Isang Bitag na Maaaring Alipinin Ka
  • Dapat Ka Bang Magkaroon ng mga Kard?
  • Perang Plastik—Para sa Iyo ba Ito?
    Gumising!—1993
  • Dapat ba Akong Magkaroon ng Credit Card?
    Gumising!—1999
  • Ginagamit Mo Bang Mabuti ang JW.ORG Contact Card?
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2016
  • Mga “Credit Card” at mga Tseke ng Peyrol—Tunay o Huwad?
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/22 p. 4-7

Mga Kredit Kard​—Maglilingkod o Aalipin ba sa Iyo?

“SA TUWING bubuksan ko ang aking mga kuwenta sa kredit kard buwan-buwan ay parang nakatatawang kasawian,” sabi ng isang guro ng Ingles sa Estados Unidos. “Hindi ako makapaniwalang nakatitig sa halaga na dapat bayaran, para bang ibang tao, isang di-kilalang Mr. Hyde, ang walang-taros sa pamimili sa mga tindahan ng mga laruan, tindahan ng mga kagamitan, mga supermarket at mga gasolinahan.”

Nasumpungan din ni Dolores na napakadaling magpatung-patong ang utang. Aniya: “Ang paggamit ng mga kredit kard ay walang kahirap-hirap. Hindi ako gagastos nang ganiyan sa tunay na salapi. Pero iba naman ang pamimili sa pamamagitan ng mga kredit kard. Hindi mo kailanman nakikita ang perang ginagastos mo. Ang gagawin mo lamang ay ibigay ang iyong kard, at ang kard ay ibabalik sa iyo.”

Hindi kataka-taka na ang pagkakautang sa kredit kard sa Estados Unidos noong Hunyo 1995 ay umabot ng $195.2 bilyon​—isang katamtamang halaga na mahigit $1,000 para sa bawat may kredit kard! Gayunman, patuloy na sinusuyo ng mga kompanya ng kredit kard ang bagong mga parokyano ng mga pangganyak na gaya ng mababang panimulang interes at walang taunang bayad. Ilang mga panghikayat para sa kredit kard ang tinanggap mo nitong nakalipas na mga buwan? Ang isang karaniwang pamilya sa E.U. ay tumatanggap ng halos 24 sa bawat taon! Isang karaniwang may kredit kard sa Estados Unidos ang gumamit ng sampung kredit kard noong 1994 upang mangutang ng 25 porsiyento na higit pa kaysa ginawa niya noong nakaraang taon.

Sa Hapon, mas marami pang kredit kard kaysa sa mga telepono; may katamtamang dalawang kard sa bawat Hapones na mahigit sa edad na 20. Sa iba pa sa Asia, mahigit na 120 milyong kredit kard ang ibinigay, halos 1 sa bawat 12 mamamayan. Ganito ang sabi ni James Cassin, ng MasterCard International: “Ang Asia sa paano man ang pinakamabilis umuunlad na dako para sa mga transaksiyon ng kredit kard.” Ganito naman ang hula ng presidente ng Visa International, si Edmund P. Jensen: “Tayo’y magiging isang lipunang nakasentro sa mga kard sa loob ng mahabang panahon.”

Maliwanag na ang mga kredit kard ay patuloy na makaaapekto sa buhay ng mga tao. Kung gagamitin nang wasto, ang mga ito ay maaaring maging isang bagay na mahalaga. Subalit, kung hindi gagamitin nang wasto, masakit ang tibo nito. Ang pagkakaroon ng pangunahing kaalaman tungkol sa mga kredit kard ay maaaring makatulong sa iyo na gamitin ang kagamitang ito sa pananalapi sa iyong pakinabang.

Mga Uri ng Kard

Ang pinakakinikilala sa mga kard ay ang mga kard ng bangko na gaya ng Visa at MasterCard. Ang mga kard na ito ay ibinibigay ng mga institusyon sa pananalapi at may taunang bayad, karaniwan nang $15 hanggang $25 sa isang taon. Kung minsan, ang bayad na ito ay iniuurong, depende sa kung ang parokyano ay may mabuting rekord sa pagbabayad at sa kaniyang paggamit ng kard. Ang pagbabayad ay maaaring gawin nang buo sa bawat buwan, karaniwang walang anumang sinisingil na interes, o ang kabayaran ay maaaring hulug-hulugan nang buwanan na may mataas na singil na interes. Isang limitadong halagang gagastahin ang itinatakda, batay sa rekord ng aplikante sa pagbabayad ng utang. Ang itinakdang halaga ay kadalasang itinataas ayon sa ipinakikitang kakayahang magbayad.

Ang mga kard ng bangko ay may mga kaayusan din para sa pagkuha ng mga cash advance na ginagamit ang mga automatic teller machine o mga tseke na inilalaan ng bangko. Subalit, ang pagkuha ng cash sa ganitong paraan ay magastos. Ang isa ay karaniwang sinisingil sa pagitan ng $2 at $5 sa bawat $100 na inutang. At ang interes sa gayong mga cash advance ay gumagana mula sa araw na ilabas ang pera.

Bukod pa sa mga bangko, maraming tindahan at pambansang magkakaugnay na mga tindahan ang nagbibigay ng mga kredit kard na kinikilala sa kanila mismong mga bahay-kalakal. Karaniwang walang taunang bayad sa gayong mga kard. Gayunman, kung ang halagang dapat bayaran ay hindi mabayaran nang buo, ang interes ay maaaring mas mataas kaysa roon sa mga kard ng bangko.

Ang mga kompanya ng langis ay nagbibigay rin ng mga kredit kard na walang taunang bayad. Ang mga kard na ito ay karaniwang tinatanggap lamang sa mga gasolinahan ng mismong mga kompanya at kung minsan sa ilang otel. Katulad ng mga kard na ibinibigay ng mga tindahan, ang mga ito ay maaaring bayaran nang buo nang walang interes o bayaran sa isang yugto ng panahon na may interes.

May mga kard din sa paglalakbay at libangan, gaya ng Diners Club at American Express. Ang uri ng kard na ito ay may taunang bayad subalit walang sinisingil na interes, yamang ang buong kabayaran ay natatanggap sa pagtanggap ng buwanang kuwenta. Subalit, malabo ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga kard na ito at ng mga kard ng bangko. Halimbawa, ang American Express ay nag-aalok din ng kard na Optima, na sumisingil ng interes at katulad ng kard ng bangko.

Isa pang uri ng kard na pumapasok sa pamilihan ng Estados Unidos ay ang smart card, gayon ang tawag dito dahil sa isang memory chip na nakalagay rito. Maaari itong gamitin bilang isang cash card, yamang maaaring iprograma ng gumagamit ang chip para sa isang itinakdang halaga ng salapi. Ang presyo ng isang binili ay maaaring ibawas mula rito ng miyembrong tindahan. Noong nakaraang taon ang mga Pranses ay gumagamit na ng 23 milyong smart card at ang mga Hapones ay 11 milyon. Hinuhulaang ang bilang ng gayong mga kard ay tataas pa tungo sa mahigit na isang bilyon sa taóng 2000.

Bago kumuha ng isang kard, makabubuting bigyang pansin ng isang tao ang mga kondisyon sa pag-utang. “Ang mahalagang mga kondisyon sa pag-utang na dapat isaalang-alang,” ayon sa isang brosyur na inilathala ng Federal Reserve System ng Pamahalaan ng Estados Unidos, ay ang “annual percentage rate (APR) o taunang porsiyento, taunang bayad, at palugit na panahon.” Kabilang sa ibang mga salik na dapat isaalang-alang ay ang cash-advance at mga bayad sa paglampas sa itinakdang halagang gagastahin gayundin ang singil para sa nahuling pagbabayad.

Mga Singil sa Pautang​—Gaano Kalaki?

Ang mga singil sa pautang na nararanasan ng mga tao kapag sila ay hindi nagbabayad ng kanilang buwanang mga kuwenta nang buo ay maaaring mas malaki kaysa inaakala ng marami sa kanila. Halimbawa, isaalang-alang ang APR, na siyang sukat ng tunay na halaga ng pautang. Ang kaugnayan ng taunang porsiyento ng interes sa APR ay mailalarawan sa ganitong paraan. Sabihin nating ikaw ay nagpahiram ng $100 sa isang kaibigan at binabayaran ka niya ng $108 sa katapusan ng taon. Sa gayong kaso, ang kaibigan mo ay nagbabayad sa iyo ng 8-porsiyentong taunang interes. Subalit, ipagpalagay nang binabayaran niya nang hulugan ang $100 na utang sa loob ng 12 buwan ng $9 bawat buwan. Ang kabuuan sa katapusan ng taon ay $108 pa rin, subalit ikaw, na nagpautang, ay nagamit mo ang pera habang ang mga kabayaran ay ibinibigay sa bawat buwan. Ang APR sa gayong pag-utang ay tinatayang 14.5 porsiyento!

Ayon sa isang surbey na isinagawa ng U.S. Federal Reserve System noong nakaraang taon, ang mga APR sa mga kredit kard ng bangko ay nagsisimula sa 9.94 porsiyento at tumataas tungo sa 19.80 porsiyento, na karaniwan nang nasa pagitan ng 17 at 19 na porsiyento. Bagaman ang ilang institusyon ay nagbibigay ng mas mababang panimulang porsiyento, karaniwang 5.9 porsiyento, maaari nilang itaas ito minsang tapos na ang panimulang panahon. Itinataas din ang porsiyento kung nakikita ng nagbibigay ng kard ang dumaraming panganib. Pinarurusahan ng ilang nagbibigay ng kard ang mga nagbabayad nang huli sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang porsiyento ng interes. Ipinapataw rin ang parusa dahil sa paglampas sa itinakdang paggasta.

Sa mga bansa sa Asia, ang taunang porsiyento ng interes sa mga kard ay maaaring napakataas. Halimbawa, ang mga kard ng bangko ay sumisingil ng 24 na porsiyento sa Hong Kong, 30 porsiyento sa India, 36 na porsiyento sa Indonesia, 45 porsiyento sa Pilipinas, 24 na porsiyento sa Singapore, at 20 porsiyento sa Taiwan.

Maliwanag, ang mga kredit kard ay naglalaan ng madali subalit magastos na pautang. Ang pagtungo sa isang tindahan at pangungutang nang labis sa pamamagitan ng kredit kard na mababayaran mo lamang nang hulugan ay katulad ng pagtungo sa bangko at panghihiram ng pera na may napakalaking interes. Subalit, halos 3 sa 4 na mga may kredit kard sa Estados Unidos ay ganiyan ang ginagawa! Sila’y nagdadala ng di-nababayarang kuwenta na binabayaran nila ng mataas na interes. Sa Estados Unidos, ang katamtamang buwanang kuwenta kapuwa sa Visa at MasterCard noong nakaraang taon ay $1,825, at maraming tao ang nagkakautang ng ganiyang kalaki sa ilang kredit kard.

Isang Bitag na Maaaring Alipinin Ka

Si Ruth Susswein, ehekutibong direktor ng Bank Cardholders of America, ay nagsasabing hindi natatalos ng mga gumagamit ng kard ang mga suliranin sa pananalapi na kanilang pinapasok. Binabanggit niya na ang isang gumagamit ng kard ay gumagawa ng pinakamaliit na bayad​—na $36 isang buwan​—sa isang $1,825 na kuwenta sa kredit kard na mangangailangan ng 22 taon upang mabayaran ang pagkakautang.a Dahil sa karagdagang babayarang interes, sa panahong iyan ang nangutang ay makababayad ng halos $10,000 para sa $1,825 na pagkakautang! At iyan ay kung wala pa siyang idaragdag na anumang utang sa kard na ito! Kaya, kung mahilig kang gumasta nang labis, ang mga kredit kard sa iyong pitaka ay maaaring maging isang bitag.

Paano nabibitag ang mga tao? Si Robert, na nabanggit sa pasimulang artikulo, ay nagsasabi: “Bumili kami ng mga bagay na hindi namin kailangan. Sumali kami sa isang health club na hindi namin kailanman nagamit. Bumili kami ng isang mobile home, at gumastos kami ng libu-libong dolyar sa pag-aayos nito nang hindi isinasaalang-alang kung ito ba’y sulit. Hindi namin kailanman isinaalang-alang ang mga kahihinatnan ng aming mga pagkakautang.”

Si Reena, na nabanggit din sa naunang artikulo, ay nagpapaliwanag kung ano ang nangyari sa kaniya at sa kaniyang asawa, si Michael: “Nabaon kami sa utang. Pagkatapos ng kasal ay bumili kami ng lahat ng bagay na kailangan namin, na ginagamit ang mga kredit kard. Para sa mga premium ng segurong-pangkalusugan at pamimili na hindi namin magagamit ang mga kard, ginagamit namin ang mapagpipiliang cash-advance ng aming mga kredit kard. Sa loob ng isang taon ang aming utang ay umabot ng $14,000. Ang kabatiran na ang karamihan ng aming buwanang mga babayaran sa kredit kard ay napupunta lamang sa interes na aming binabayaran ang nagmulat sa aming mga mata.”

Dapat Ka Bang Magkaroon ng mga Kard?

Pagkatapos isaalang-alang ang mga kredit kard na naglubog sa milyun-milyong katao sa pusali ng pananalapi, ang ilan ay maaaring sumagot ng hindi. Si Daphne, edad 32, ay nagsabi: “Ang aking mga magulang ay hindi kailanman nagkaroon ng isang kredit kard, at ayaw nila nito.” Sa katunayan, 1 sa 4 na mga may kard sa Estados Unidos ay may katalinuhang gumagamit ng kaniyang mga kredit kard. Nakukuha niya ang mga pakinabang nang hindi nahihirapan sa pagbabayad ng napakataas na interes. Si Maria ay isa rito. “Kombinyente ito,” aniya. “Hindi ko na kailangang magdala ng maraming pera. Kung may makita akong baratilyo na kailangan ko, nakukuha ko ito.”

Ganito pa ang sabi ni Maria: “Lagi kong tinitiyak na mayroon akong sapat na pondo upang bayaran ang aking pinamili. Hindi ko kailanman ginamit ang mapagpipiliang cash-advance. At hindi ako kailanman nagbayad ng anumang singil sa pananalapi.” Kombinyenteng gumamit ng kredit kard kapag gumagawa ng isang tiyak na pagrereserba sa otel, at sa Estados Unidos, kailangan ang isang kredit kard kapag nag-aarkila ng isang kotse.

Subalit, ang ilang tao ay mas mapusok pagdating sa pamimili. Maaaring maging mas palaisip sila sa kanilang binibili kung gagamit lamang sila ng cash. Ayaw nina Michael at Reena na gawing isang paraan ng pamumuhay ang pangungutang. Kaya nagpasiya silang huwag gumamit ng anumang kard sa loob ng limang taon​—maliban na lamang sa isang biglang pangangailangan.

Kung pipiliin mong gumamit ng mga kredit kard ay isang personal na pasiya. Subalit kung gagamit ka, gamitin ito nang maingat. Gamitin ito bilang isang gamit para sa ikagiginhawa. Hangga’t maaari ay iwasan ang pagkakaroon ng maraming utang. Ang pagsupil sa paggasta na ginagamit ang kredit kard ay isang mahalagang hakbang sa pagsasaayos ng iyong pananalapi nang matagumpay. Isaalang-alang kung ano pa ang magagawa mo.

[Talababa]

a Ang pinakamababang kabayaran ay maaaring $10 o isang halaga na katumbas ng maliit na porsiyento ng bagong kuwenta, alinman ang mas malaki.

[Larawan sa pahina 7]

Ang paggamit ng mga kredit kard ay walang kahirap-hirap​—hanggang sa dumating ang mga kuwenta

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share