Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 3/22 p. 10-13
  • Paghahanap ng Kalutasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahanap ng Kalutasan
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bigong “Green Revolution”
  • Tatlong Hakbang Pasulong
  • Pamumuhunan
  • Ang Kagubatan Para sa mga Punungkahoy
  • Pangalawang Buhay Para sa Naaksayang Lupa
  • Kung Paano Maitutuwid ang Baluktot
  • Magliliwanag Na
  • Dilim sa Ibabaw ng Maulang Gubat
    Gumising!—1997
  • Ang Pagwasak sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Pagpapalago sa Kagubatan ng Amazon
    Gumising!—2000
  • Buhay sa Kahanga-hangang Upper Amazon
    Gumising!—2010
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 3/22 p. 10-13

Paghahanap ng Kalutasan

“SAMANTALANG pinagtatalunan ang tungkol sa mga nakikitang epekto,” isinulat ng awtor na Ingles na si John Lyly, “ipinagwawalang-bahala natin ang mga tunay na dahilan.” Upang maiwasan ang bitag na iyan, tunay na dapat nating laging tandaan na ang mga dilim sa ngayon sa ibabaw ng maulang gubat ay mga anino lamang ng mas malalalim na suliranin at na ang pagkawasak ng kagubatan ay magpapatuloy maliban lamang kung mahaharap ang nasa ilalim na mga dahilan. Anu-ano ang dahilang iyan? Ang “pangunahing puwersa na sumasalakay sa preserbasyon ng Amason,” sabi ng isang pagsasaliksik na itinaguyod ng UN, ay “karukhaan at pagkadi-makatarungan ng tao.”

Ang Bigong “Green Revolution”

Ang pagwasak sa kagubatan, katuwiran ng ilang mananaliksik, sa isang bahagi ay masamang epekto ng diumano’y green revolution na nagsimula mga ilang dekada na ang nakalilipas sa katimugan at sentral Brazil. Bago iyan, libu-libong pamilya na may maliit na bukirin doon ang nagtatanim ng palay, balatong, at patatas at nag-aalaga pa rin ng mga hayop. Pagkatapos, sa malawakang antas, nakontrol ng mga de-makinang pagpapatubo ng balatong at mga proyektong hydroelectric ang kanilang lupain at pinalitan ang mga baka at ang lokal na ani ng mga agrikultural na produkto na nakareserba para ipakain sa industriyalisadong mga bansa. Sa pagitan ng 1966 at 1979 lamang, ang mga bukiring ibinukod para sa pagluluwas ng mga ani ay tumaas nang 182 porsiyento. Bilang resulta, 11 sa 12 tradisyunal na mga magsasaka ang nawalan ng kanilang lupain at ikinabubuhay. Para sa kanila, ang green revolution ay naging isang mapanglaw na rebolusyon.

Saan patutungo ang mga walang-lupang magsasakang ito? Ang mga pulitiko, palibhasa’y ayaw harapin ang walang-katarungang paghahati ng lupa sa kanilang sariling lugar, ay nag-alok ng kalutasan sa pamamagitan ng pagtataguyod sa dako ng Amason bilang “isang lupang walang tao para sa taong walang lupa.” Sa loob ng isang dekada matapos buksan ang unang Amason na haywey, mahigit na dalawang milyong kawawang magsasaka mula sa gawing timog ng Brazil at sa hilagang-silangang Brazil na giniyagis ng tagtuyot at karukhaan ang nanirahan sa libu-libong barungbarong sa tabi ng haywey. Nang gumawa pa ng mga kalsada, higit pang mga magiging magsasaka ang naglakbay patungong Amason, na handang gawing bukirin ang mga kagubatan. Sa kanilang paglingon sa mga programang ito ng kolonisasyon, sinabi ng mga mananaliksik na ang resulta ng pagkukuwenta sa halos 50 taon ng kolonisasyon ay negatibo.” Ang karukhaan at kawalang-katarungan ay “ipinasok sa Amason,” at “lumitaw [na naman] ang panibagong mga suliranin sa dako ng Amason.”

Tatlong Hakbang Pasulong

Upang makatulong na harapin ang mga dahilan ng pagkalbo sa kagubatan at mapasulong ang kalagayan ng buhay ng tao sa maulang gubat ng Amason, ang Commission on Development and Environment for Amazonia ay naglathala ng isang dokumento na nagrerekomenda, bukod sa iba pang bagay, na ang mga pamahalaan sa libis-agusan ng Amason ay gumawa ng tatlong unang hakbang. (1) Pagtuunan ng pansin ang pang-ekonomiya at panlipunang mga suliranin sa mga lugar na ginigiyagis ng karukhaan na nasa labas ng maulang gubat ng Amason. (2) Pakinabangan ang nananatiling kagubatan at muling-pakinabangan ang mga lugar na nakalbo na. (3) Harapin ang malubhang kawalan ng katarungan sa lipunan​—ang tunay na dahilan ng paghihirap ng tao at ng pagsira sa kagubatan. Tingnan nating mabuti ang tatlong-hakbang na pamamaraang ito.

Pamumuhunan

Pagtuunan ng pansin ang panlipunan-pang-ekonomiyang mga suliranin. “Isa sa mas mahusay na opsiyon upang mabawasan ang pagkalbo sa kagubatan,” sabi ng komisyon, “ay ang pamumuhunan sa ilang mahihirap na lugar sa mga bansang saklaw ng Amason, doon sa mga lugar na ang mga mamamayan ay napipilitang mandayuhan sa Amason upang humanap ng mas magandang kinabukasan.” Gayunman, sinabi pa ng mga komisyonado na, “ang opsiyong ito ay madalang na isaalang-alang sa pambansa at panrehiyong pagpaplano sa kaunlaran o niyaong mga nasa industriyalisadong mga bansa na tagapagtaguyod ng mahigpit na pagbabawas sa antas ng pagkalbo sa kagubatan.” Gayunpaman, paliwanag ng mga awtoridad, kung itutuon ng mga opisyal ng pamahalaan at nagmamalasakit na mga banyagang pamahalaan ang kanilang kahusayan at pinansiyal na suporta sa paglutas ng mga suliranin gaya ng di-sapat na paghahati ng lupa o panlunsod na karukhaan sa nakapaligid na mga lugar sa Amason, mapababagal nila ang paghugos ng mga magsasakang patungo sa Amason at tutulong ito upang maingatan ang kagubatan.

Gayunman, ano naman ang magagawa sa maliliit na magsasakang naninirahan na sa Amason? Ang kanilang pang-araw-araw na ikabubuhay ay depende sa pagtatanim sa lupang hindi naman angkop sa pagsasaka.

Ang Kagubatan Para sa mga Punungkahoy

Pakinabangan at muling-pakinabangan ang kagubatan. “Ang mga tropikal na kagubatan ay labis na napagsasamantalahan ngunit di-gaanong napakikinabangan. Nakasalalay sa kabalintunaang ito ang kanilang kaligtasan,” sabi ng The Disappearing Forests, isang lathalain ng UN. Sa halip na pagsamantalahan ang kagubatan sa pamamagitan ng pagputol dito, sabi ng mga dalubhasa, dapat na pakinabangan ng tao ang kagubatan sa pamamagitan ng pagkuha, o pag-ani, sa mga bunga nito, gaya ng mga prutas, mani, langis, goma, pampabango, medisinal na halaman, at iba pang likas na mga produkto. Ang gayong mga produkto, diumano, ay kumakatawan sa “tinatantiyang 90 porsiyento ng pang-ekonomiyang halaga ng kagubatan.”

Ipinaliliwanag ni Doug Daly, ng New York Botanical Garden, kung bakit naniniwala siyang may katuwiran ang pagpapalit mula sa pagsira ng kagubatan tungo sa pangunguha sa kagubatan: “Mapapayapa nito ang pamahalaan​—hindi nila makikitang inaalis sa pangkalakalan ang malalaking bahagi ng Amason. . . . Makapaglalaan ito ng ikabubuhay sa mga tao, at naiingatan nito ang kagubatan. Wala nang masasabi pang anumang bagay na negatibo tungkol dito.”​—Wildlife Conservation.

Ang pag-iingat sa kagubatan para sa mga punungkahoy ay tunay na nagpapaunlad sa kalagayan ng buhay ng mga nakatira sa kagubatan. Tinatantiya ng mga mananaliksik sa Belém, hilagang Brazil, halimbawa, na sa isang ektarya ng ginawang pastulan ay kumikita ng $25 lamang taun-taon. Kaya upang kitain ang pinakamababang suweldo buwan-buwan sa Brazil, kailangan ng isang tao na magkaroon ng 48 ektarya ng pastulan at 16 na ulo ng baka. Gayunman, iniuulat ng Veja na ang isang magiging rantsero ay mas malaki pa ang kaniyang kikitain sa pangunguha ng mga likas na produkto ng kagubatan. At ang lawak ng mga produktong naghihintay na mapanguha ay nakagigitla, sabi ng biyolohistang si Charles Clement. “May dose-dosenang gulay, daan-daang prutas, resina, langis na maaaring pangasiwaan at anihin,” dagdag pa ni Dr. Clement. “Ngunit ang problema ay na dapat malaman ng tao na ang kagubatan ang pinagmumulan ng kayamanan sa halip na isang balakid sa pagiging mayaman.”

Pangalawang Buhay Para sa Naaksayang Lupa

Ang pangkabuhayang kaunlaran at pangkapaligirang pangangalaga ay maaaring pagsamahin, sabi ni João Ferraz, isang mananaliksik na taga-Brazil. “Tingnan ang lawak ng kagubatan na nasira na. Hindi na kailangang magputol na naman ng bagong kagubatan. Sa halip, maaari nating kuning muli at pakinabangan-muli ang mga lugar na nakalbo na at napinsala.” At sa lugar ng Amason, napakarami nang napinsalang lupa na makukuha.

Simula noong pagtatapos ng mga taóng 1960, nagbigay ang pamahalaan ng napakalalaking tulong upang himukin ang mayayamang kapitalista na gawing pastulan ang kagubatan. Ginawa nila iyon, ngunit gaya ng paliwanag ni Dr. Ferraz, “humina ang pastulan pagkalipas ng anim na taon. Nang maglaon, nang makita ng bawat isa na iyon ay isang napakalaking pagkakamali, ang maiimpluwensiyang may-ari ng lupa ay nagsabi: ‘Buweno, nakatanggap na tayo ng sapat na salapi mula sa pamahalaan,’ at sila’y umalis.” Ang resulta? “Mga 200,000 kilometro kudrado ng pinabayaang pastulan ang naaksaya.”

Gayunman, sa ngayon, ang mga mananaliksik na gaya ni Ferraz ay tumutuklas ng panibagong gamit para sa mga napinsalang lupang ito. Sa anong paraan? Mga ilang taon na ang nakalipas ay nagtanim sila ng 320,000 punla ng puno ng mani mula sa Amason sa isang pinabayaang bakahan. Sa ngayon, ang mga punlang iyon ay mga punong namumunga na. Yamang mabilis lumaki ang mga puno at naglalaan din ng mamahaling kahoy, ang mga punla ng mani mula sa Amason ay itinatanim na ngayon sa iba’t ibang bahagi ng libis-agusan ng Amason. Ang pangunguha ng mga produkto, pagtuturo sa mga magsasaka na magtanim ng pangmatagalang pananim, pagsunod sa paraan ng pangangahoy nang hindi pinipinsala ang kagubatan, at pagbuhay-muli sa napinsalang lupa ay, sa pangmalas ng mga dalubhasa, matatalinong alternatibo na makatutulong upang mapanatili ang kagubatan.​—Tingnan ang kahon na “Paggawa Para sa Preserbasyon.”

Gayunman, sabi ng mga opisyal, ang pag-iingat sa mga kagubatan ay nangangailangan ng higit pa sa basta pagbabagong-anyo sa mga napinsalang lupa. Nangangailangan din ito ng pagbabagong-anyo sa kalikasan ng tao.

Kung Paano Maitutuwid ang Baluktot

Harapin ang pagkawalang-katarungan. Ang walang-katarungang paggawi ng tao na lumalapastangan sa karapatan ng iba ay karaniwan nang dahil sa kasakiman. At, gaya ng sinabi ng sinaunang pilosopong si Seneca, “para sa sakim ang lahat ng kalikasan ay napakaliit”​—kasali na ang napakalawak na maulang gubat ng Amason.

Kabaligtaran ng kawawang masisikap na magsasaka ng Amason, hinuhubaran naman ng mga industriyalista at ng mga may-ari ng malalaking lagay ng lupa ang kagubatan upang patabain ang kanilang bulsa. Tinukoy ng mga awtoridad na masisisi rin ang Kanluraning mga bansa dahil sa pagpapahiram ng mga lagaring pamutol na ginagamit sa Amason. “Ang mayayamang industriyalisadong bansa,” pagtatapos ng isang grupo ng mananaliksik na Aleman, ang “may malaking bahagi na naging dahilan ng kasalukuyang umiiral na pinsala sa kapaligiran.” Sinabi ng Commission on Development and Environment for Amazonia na ang pangangalaga sa Amason ay tiyak na nangangailangan ng “isang bagong pandaigdig na etika, isang etikang magdudulot ng mas mabuting istilo ng kaunlaran, batay sa pagkakaisa at katarungan ng tao.”

Gayunman, ang patuloy na pagkapal ng usok sa ibabaw ng Amason ay nagpapagunita sa isa na sa kabila ng pagsisikap ng mga lalaki at babae sa buong daigdig na nababahala sa kapaligiran, ang pagsasakatuparan ng matatalinong ideya ay napatutunayang kasing hirap ng paghawak sa usok. Bakit?

Ang mga ugat ng kasamaan na gaya ng kasakiman ay nakabaon na sa pundasyon ng lipunan ng tao, anupat mas malalim pa sa pagkakabaon ng ugat ng mga punungkahoy ng Amason sa lupa ng kagubatan. Bagaman dapat na personal nating gawin ang ating magagawa upang makatulong sa pangangalaga ng kagubatan, hindi makatotohanan na asahang ang mga tao, gaano man kataimtim, ay magtatagumpay sa pagbunot sa malalim at buhul-buhol na mga dahilan ng pagkawasak ng kagubatan. Totoo pa rin ang sinabi ni Haring Solomon noon, isang marunong na tagamasid ng kalikasan ng tao, mga tatlong libong taon na ang nakalilipas. Kung sa pagsisikap lamang ng tao, “ang baluktot ay hindi maitutuwid.” (Eclesiastes 1:15) Ang kagaya niyan ay ang kasabihan sa Portuges, “O pau que nasce torto, morre torto” (Ang punungkahoy na sumibol nang baluktot, namamatay nang baluktot). Gayunpaman, ang mga maulang gubat sa buong daigdig ay may kinabukasan pa. Bakit?

Magliliwanag Na

Mga isang daang taon na ang nakalilipas, gayon na lamang ang paghanga ng taga-Brazil na awtor na si Euclides da Cunha sa nakagigilalas na pagkarami-raming anyo ng buhay sa Amason anupat inilarawan niya ang kagubatan bilang “isang di-nalathala at kasabay na pahina ng Genesis.” At bagaman ang tao’y abalang-abala sa pagpaparumi at pagpilas sa “pahina[ng]” iyan, ang nananatiling Amason, gaya ng sinabi ng ulat ng Amazonia Without Myths, ay masasabi pa ring “isang sentimental na sagisag ng hitsura ng lupa noong panahon ng Paglalang.” Ngunit hanggang kailan?

Isaalang-alang ito: Ang maulang gubat ng Amason at ang iba pang maulang gubat ng daigdig ay nagpapatunay ng, gaya ng sabi ni Da Cunha, “nag-iisang talino.” Mula sa mga ugat hanggang sa mga dahon nito, ang mga punungkahoy sa kagubatan ay nagsasabi na sila’y gawang-kamay ng isang dalubhasang arkitekto. Dahil diyan, pahihintulutan kaya ng Dakilang Arkitektong ito na wasakin ng sakim na mga tao ang mga maulang gubat at sirain ang lupa? Isang hula sa Bibliya ang sumasagot sa tanong na ito nang malakas na hindi! Sabi roon: “Ang mga bansa ay napoot, at ang iyong sariling poot [ng Diyos] ay dumating, at ang itinakdang panahon . . . upang dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

Gayunman, pansinin na hindi lamang sinasabi ng hulang ito sa atin na maaalis ng Maylalang ang ugat ng suliranin sa pamamagitan ng paglipol sa sakim na mga tao kundi na gagawin niya ito sa ating panahon. Bakit natin nasabi iyan? Buweno, sinasabi ng hula na kikilos ang Diyos sa panahong ‘sinisira’ ng tao ang lupa. Nang isulat ang pangungusap na iyan halos dalawang libong taon na ang nakalilipas, kulang pa ang tao kapuwa sa bilang at sa kakayahan upang gawin iyan. Ngunit nabago na ang kalagayan. “Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan nito,” sabi ng aklat na Protecting the Tropical Forests​—A High-Priority International Task, “nasa kalagayan na ngayon ang tao upang sirain ang pundasyon ng sariling kaligtasan nito hindi lamang sa indibiduwal na mga rehiyon o sektor, kundi sa pangglobong lawak.”

“Ang itinakdang panahon” na doo’y kikilos ang Maylalang laban sa “mga sumisira ng lupa” ay malapit na. Ang maulang gubat ng Amason at ang iba pang nanganganib na kapaligiran sa lupa ay may kinabukasan pa. Titiyakin ito ng Maylalang​—at iyan ay, hindi isang alamat, kundi isang katotohanan.

[Kahon sa pahina 13]

Paggawa Para sa Preserbasyon

Isang lugar na halos 400,000 metro kudrado ng mayabong na pangalawahing kagubatan sa lunsod ng Manaus sa sentral Amason ang kumakanlong sa iba’t ibang opisina ng National Institute for Research in the Amazon ng Brazil, o INPA. Ang 42-taóng-gulang na institusyong ito, na may 13 iba’t ibang departamento na sumasaklaw sa lahat mula ekolohiya hanggang panggugubat hanggang sa kalusugan ng tao, ay ang pinakamalaking organisasyon ng rehiyon sa pananaliksik. Naroroon din ang isa sa pinakamayamang koleksiyon sa buong daigdig ng mga halaman, isda, reptilya, ampibyan, mamal, ibon, at kulisap mula sa Amason. Ang gawain ng 280 mananaliksik ng institusyon ay tumutulong sa pagkakaroon ng tao ng higit na unawa sa masalimuot na ugnayan ng ekosistema ng Amason. Ang mga dumadalaw sa institusyon ay umuuwing taglay ang pag-asa. Sa kabila ng burukratiko at pulitikal na mga restriksiyon, inililis na ng mga taga-Brazil at banyagang siyentipiko ang kanilang mga manggas upang gumawa para sa preserbasyon ng koronang hiyas ng mga maulang gubat ng daigdig​—ang Amason.

[Larawan sa pahina 10]

Ginawang kalsada sa kagubatan para sa pagtotroso

[Mga larawan sa pahina 11]

Mga produkto mula sa isang maulang gubat: mga prutas, mani, langis, goma, at marami pa

[Credit Line]

J. van Leeuwen, INPA-CPCA, Manaus, Brazil

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share