Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 3/22 p. 14-16
  • Napawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Napawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kalayaan sa Relihiyon, at mga Karapatang Pantao
  • Hindi Maaaring Patigilin ang mga Saksi ni Jehova
  • Itinaguyod ang Relihiyosong Kalayaan
  • Hindi Ito Biro Lamang
  • Bakit Nagtatag ng Internasyonal na Hukuman sa Europa?
    Gumising!—1996
  • Tagumpay sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ipinagsasanggalang ang Mabuting Balita sa Legal na Paraan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Itinuwid ng Isang Europeong Korte ang Isang Pagkakamali
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 3/22 p. 14-16

Napawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova sa Gresya

NG KABALITAAN NG GUMISING!

SINABI ng paring Ortodokso sa bayan ng Creta sa Gazi ang ganito sa isa sa kaniyang mga sermon: “Ang mga Saksi ni Jehova ay may bulwagan dito mismo sa ating bayan. Kailangan ko ang inyong tulong upang mapaalis sila.” Isang gabi pagkalipas ng ilang araw, pinagbabasag ang mga bintana ng Kingdom Hall at pinaputukan ito ng baril ng hindi kilalang mga tao. Kaya ang usapin tungkol sa relihiyosong kalayaan ay bumangon muli sa Gresya.

Ang mga pangyayaring ito ang nag-udyok sa apat na lokal na mga Saksi, sina Kyriakos Baxevanis, Vassilis Hatzakis, Kostas Makridakis, at Titos Manoussakis, na magharap ng petisyon sa Ministro ng Edukasyon at Panrelihiyong Gawain upang mapahintulutang makapagdaos ng relihiyosong mga pulong. Inaasahan nila na ang pagkuha ng permiso sa dakong huli ang titiyak na sila’y poproteksiyunan ng pulisya. Gayunman, hindi gayong kadali iyon.

Ang pari ay nagpadala ng sulat sa punong-tanggapan ng pulisya sa Heraklion, anupat itinatawag-pansin sa mga awtoridad ang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova na nasa kaniyang parokya at humihiling na ipatupad ang mga restriksiyon at ipagbawal ang kanilang mga pulong. Nagbunga ito ng pag-iimbestiga at pagtatanong ng pulisya. Nang maglaon, ang tagausig ay nag-utos ng kriminal na paglilitis laban sa mga Saksi, at isinampa ang kaso sa hukuman.

Noong Oktubre 6, 1987, pinawalang-sala ng Criminal Court ng Heraklion ang apat na nasasakdal, na nagsasabing “hindi sila nakagawa ng bagay na ipinagsakdal sa kanila, sapagkat ang mga miyembro ng relihiyon ay malayang makapagdaraos ng mga pulong . . . , nang hindi nangangailangan ng permiso.” Gayunman, inapela ng tagausig ang pasiya pagkalipas ng dalawang araw, at ang kaso ay dinala sa mas mataas na hukuman. Noong Pebrero 15, 1990, sinentensiyahan ng korteng ito ang mga Saksi nang dalawang buwang pagkabilanggo at pinagmulta nang halos $100. Kasunod nito, ang mga nasasakdal ay nag-apela naman sa Kataas-taasang Hukuman ng Gresya.

Noong Marso 19, 1991, pinawalang-saysay ng Kataas-taasang Hukuman ang apela at pinanindigan ang hatol. Pagkalipas ng mahigit na dalawang taon, noong Setyembre 20, 1993, nang ibaba ng Kataas-taasang Hukuman ang pasiya, isinara ng mga pulisya ang Kingdom Hall. Gaya ng isiniwalat ng isang dokumento ng pulis, ang Simbahang Ortodokso sa Creta ang nasa likod nito.

Lumitaw ang ganitong kalagayan dahil ang ilang batas, na nilagdaan noong 1938 na may layuning higpitan ang relihiyosong kalayaan, ay ipinatutupad pa rin sa Gresya. Binabanggit nito na kung ibig ng isang tao na magbukas ng isang lugar ng pagsamba, kailangang kumuha ng permiso sa Ministro ng Edukasyon at Panrelihiyong Gawain at mula rin sa lokal na obispo ng Simbahang Ortodokso. Sa loob ng ilang dekada, ang mga batas na ito na lipas na sa panahon ay nagdulot ng maraming paghihirap sa mga Saksi ni Jehova.

Kalayaan sa Relihiyon, at mga Karapatang Pantao

Nang kanilang malaman na ang hatol sa kanila’y pinanindigan ng Kataas-taasang Hukuman, nagsampa ng kahilingan ang apat na Saksi sa Europeong Komisyon ng Karapatang Pantao, sa Strasbourg, Pransiya, noong Agosto 7, 1991. Sinabi ng mga nagsampa na ang hatol sa kanila’y lumabag sa Artikulo 9 ng Europeong Kombensiyon, na nag-iingat sa kalayaan sa isip, budhi, at relihiyon, gayundin sa karapatan ng pagsasagawa ng relihiyon nang mag-isa o sa komunidad kasama ng iba at sa publiko o sa pribado.

Noong Mayo 25, 1995, ang 25 miyembro ng Komisyon ay nagkaroon ng nagkakaisang pasiya na sa kasong ito’y lumabag nga ang Gresya sa Artikulo 9 ng Europeong Kombensiyon. Ipinasiya nila na ang pinagtatalunang hatol ay hindi kasang-ayon ng diwa ng relihiyosong kalayaan at hindi ito kailangan sa isang demokratikong lipunan. Ang pasiyang ito may kinalaman sa kung karapat-dapat ngang dinggin ang kaso ay nagsasabi pa ng ganito: “Ang mga nagsampa . . . ay mga miyembro ng isang kilusan na ang relihiyosong mga ritwal at mga gawa ay kilalang-kilala at pinahihintulutan sa maraming bansa sa Europa.” Sa wakas, ipinasa ng Komisyon ang kaso sa Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao.

Hindi Maaaring Patigilin ang mga Saksi ni Jehova

Ang pagdinig ay itinakda noong Mayo 20, 1996. Naroon sa hukuman ang mahigit na 200 katao, kasama na ang mga estudyante at mga propesor mula sa lokal na pamantasan, mga peryodista, at marami-raming Saksi ni Jehova mula sa Gresya, Alemanya, Belgium, at Pransiya.

Si G. Phédon Vegleris, isang kinikilalang retiradong propesor sa University of Athens at abogado ng mga Saksi, ay naninindigan na ang patakarang ginamit at ang hatol na iginawad ng mga awtoridad ng bansa ay lumabag hindi lamang sa Europeong Kombensiyon kundi maging sa Konstitusyon ng Gresya. “Kaya ang pambansang batas at ang pinagkakapitan nito ang binibigyang pansin ng Hukuman.”

Ang abogado ng pamahalaan ng Gresya ay isang hukom mula sa Konseho ng Estado, na, sa halip na tumalakay sa mga totoong pangyayari, ay bumaling sa kalagayang taglay ng Simbahang Ortodokso sa Gresya, sa malapit na kaugnayan nito sa Pamahalaan at sa taong-bayan, at sa diumano’y pangangailangan na masuri ang ibang mga relihiyon. Isa pa, sinabi niya na mula noong 1960 patuloy, ang mga Saksi ni Jehova ay naging matagumpay sa pagpaparami ng kanilang bilang. Sa ibang salita, ang kontrol ng Ortodokso ay totoong hinamon!

Itinaguyod ang Relihiyosong Kalayaan

Ang hatol ay ibababa sa Setyembre 26. Gayon na lamang ang pananabik, lalo na ng mga Saksi ni Jehova. Ang Pangulo ng Kapulungan, si G. Rudolf Bernhardt, ang bumasa ng pasiya: Ang Korte, na binubuo ng siyam na mga hukom, ay nagkakaisang nagpasiya na lumabag ang Gresya sa Artikulo 9 ng Europeong Kombensiyon. Nagkaloob din ito sa mga nagsampa ng halagang halos $17,000 upang mapagtakpan ang mga gastusin. Ang pinakamahalaga, inilakip sa pasiya ang maraming mahahalagang argumento na pabor sa relihiyosong kalayaan.

Sinabi ng Korte na pinahihintulutan ng batas ng Gresya ang “malawakang pakikialam ng mga awtoridad ng pulitika, administrasyon at iglesya sa pagsasagawa ng relihiyosong kalayaan.” Sinabi pa nito na ang hinihiling na pamamaraan sa pagkuha ng permiso ay ginamit ng Estado “upang magpatupad ng mahigpit, o sa totoo’y humahadlang, na mga kondisyon sa pagsasagawa ng relihiyosong mga paniwala ng ilang di-ortodoksong kilusan, lalo na ng mga Saksi ni Jehova.” Ang malupit na mga taktikang ginamit ng Simbahang Ortodokso sa loob ng maraming dekada ay ibinunyag ng internasyonal na korteng ito.

Idiniin ng Korte na “ang karapatan sa kalayaan ng relihiyon gaya ng tiniyak ng Kombensiyon ay hindi naglalakip ng anumang karapatan sa bahagi ng Estado na tumiyak kung ang relihiyosong mga paniwala o ang mga pamamaraang ginagamit upang ipahayag ang gayong paniniwala ay ayon sa batas.” Sinabi rin nito na “ang mga Saksi ni Jehova ay umaangkop sa kahulugan ng ‘kilalang relihiyon’ gaya ng isinasaad sa ilalim ng batas ng Gresya . . . Kaya naman ito ay kinilala ng Pamahalaan.”

Hindi Ito Biro Lamang

Nang sumunod na mga araw, inilathala ng karamihan ng pangunahing mga pahayagan sa Gresya ang kasong ito. Noong Setyembre 29, 1996, ganito ang komento sa edisyon ng Kathimerini noong Linggo: “Bagaman pinilit na mabuti ng Estado ng Gresya na ituring ito na ‘isang biro lamang,’ ang ‘sampal sa mukha’ na tinanggap nito mula sa Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao sa Strasbourg ay isang tunay na pangyayari, isang katotohanan na talagang naiulat sa buong mundo. Ipinaalaala ng Korte sa Gresya ang Artikulo 9 ng Kombensiyon sa Karapatang Pantao, at nagkakaisang hinatulan nito ang batas ng Gresya.”

Isinulat ng pahayagang Ethnos sa Athens noong Setyembre 28, 1996, na “hinatulan [ng Europeong Kombensiyon] ang Gresya, anupat iniutos dito na bayaran ang mga mamamayan nito na sinamang-palad na magdusa dahil sa pagiging mga Saksi ni Jehova.”

Ang isa sa mga abogado ng nagsampa, si G. Panos Bitsaxis, ay kinapanayam sa isang programa sa radyo at ganito ang sabi: “Tayo’y nabubuhay sa taóng 1996, sa nalalapit na ng ika-21 siglo, at maliwanag na dapat ay wala nang pagtatangi, panliligalig, o pakikialam sa bahagi ng administrasyon may kaugnayan sa pagsasagawa ng pangunahing karapatan ukol sa relihiyosong kalayaan. . . . Ito’y isang mabuting pagkakataon para sa pamahalaan na suriing muli ang patakaran nito at tigilan na ang walang-katuturang mga pagtatanging ito, na walang anumang kabuluhan sa panahong ito.”

Ang pasiya sa kasong Manoussakis at Iba Pa v. Gresya ay nagbibigay-pag-asa na iaayon ng Estado ng Gresya ang mga batas nito sa hatol ng Europeong Hukuman, upang matamasa ng mga Saksi ni Jehova sa Gresya ang relihiyosong kalayaan nang walang pakikialam ng administrasyon, pulisya, o simbahan. Bukod pa rito, ito ang ikalawang hatol na iginawad ng Europeong Hukuman laban sa hukuman ng Gresya hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa relihiyosong kalayaan.a

Alam ng marami na ang mga Saksi ni Jehova ay sumusunod sa “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan sa lahat ng bagay na hindi sumasalungat sa Salita ng Diyos. (Roma 13:1, 7) Hindi sila kailanman panganib sa katiwasayan ng publiko. Sa kabaligtaran, ang kanilang mga publikasyon at pangmadlang ministeryo ay humihimok sa lahat na maging mamamayang masunurin sa batas at magkaroon ng mapayapang buhay. Ang kanilang relihiyon ay matuwid at matatag, at malaki ang nagawa ng kanilang mga miyembro sa kapakanan ng kanilang purok. Ang kanilang katatagan sa pagtataguyod ng mataas na mga pamantayang moral ng Bibliya at ang kanilang pag-ibig sa kapuwa, gaya ng ipinakikita lalo na sa kanilang gawaing pagtuturo sa Bibliya, ay may mabuting epekto sa mahigit na 200 bansa kung saan sila nakatira.

Inaasahan na ang mga pasiya na ginawa ng Europeong Hukuman ay magbibigay ng higit na relihiyosong kalayaan sa mga Saksi ni Jehova at sa lahat ng iba pang minoryang relihiyon sa Gresya.

[Talababa]

a Ang unang hatol, na ibinaba noong 1993, ay ang kasong Kokkinakis v. Gresya.​—Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1993, pahina 27.

[Larawan sa pahina 15]

Ang orihinal na Kingdom Hall na ipinasara ng pulisya noong Setyembre 20, 1993

[Larawan sa pahina 15]

Ang Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao, Strasbourg

[Larawan sa pahina 16]

Ang mga Saksing nasangkot: T. Manoussakis, V. Hatzakis, K. Makridakis, K. Baxevanis

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share