Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 3/22 p. 17-19
  • Pananakot—Anong Masama Rito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pananakot—Anong Masama Rito?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Isang Maton?
  • Kung Bakit Nagiging Maton
  • Habang-Buhay na mga Resulta
  • Kung Paano Magbabago
  • Paninindak—Ilang Sanhi at Epekto
    Gumising!—2003
  • Paglaya Mula sa Paninindak
    Gumising!—2003
  • Ano ang Gagawin Ko Kapag Binu-bully Ako?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Paninindak—Isang Pangglobong Problema
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 3/22 p. 17-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Pananakot​—Anong Masama Rito?

‘Hoy! Nagsasaya lang naman ako. Anong masama roon? Isa pa, dapat lang kay Ron iyon.’

MAAARING ikaw ay mas malaki at mas malakas kaysa karamihan ng iyong mga kasamahan. O marahil ay mabilis ang iyong isip, matalas ang dila, at mapusok. Sa anumang kalagayan, waring mas madali mong gawin ang pananakot, panunukso at pagtatawa sa ikapipinsala naman ng iba.

Bagaman maaaring nakatatawa para sa iyong mga kaibigan ang iyong pananakot, hindi ito isang maliit na bagay. Sa katunayan, sinasabi ng mga mananaliksik na ang pananakot ay higit na nakapipinsala sa mga biktima nito kaysa sa inaakala nila. Natuklasan ng isang surbey sa mga kabataang nag-aaral sa Estados Unidos na “90 porsiyento ng mga tinakot ang nagsasabing sila’y nakaranas ng masasamang epekto nito​—pagbaba ng grado, pagtindi ng kabalisahan, pagkawala ng mga kaibigan o ng gana sa pakikitungo sa iba.” Sa Hapon isang 13-taóng-gulang ang “nagbigti pagkatapos na mag-iwan ng mahabang sulat na nagdedetalye sa tatlong taóng pananakot sa kaniya.”a

Paano nga ba nagiging maton ang isang tao? At kung ikaw mismo ay gumagawi ng gayon, paano ka makapagbabago?

Ano ba ang Isang Maton?

Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa mga taong mapanupil na nabuhay bago ang Baha ni Noe. Sila’y tinatawag na Nefilim​—isang salita na nangangahulugang “ang mga nagpapabagsak sa iba.” Noong panahon ng paghahasik nila ng lagim, “ang lupa ay napuno ng karahasan.”​—Genesis 6:4, 11.

Gayunman, hindi mo kailangang manuntok o manlait ng mga tao para maging isang maton. Ang sinuman na nakikitungo sa ibang tao​—lalo na sa mga mahihina o walang kalaban-laban​—sa paraang malupit o mapang-abuso ay isang maton. (Ihambing ang Eclesiastes 4:1.) Ang mga maton ay nagbabanta, nananakot, at nanunupil. Subalit karamihan sa kanila’y bibig ang ginagamit, hindi ang kanilang kamao. Sa katunayan, ang emosyonal na pananakot ang pinakamalimit na anyo ng pang-aabusong ito. Kaya maaaring kabilang dito ang pang-iinsulto, panunuya, panlilibak, at pagbabansag.

Subalit, kung minsan ang pananakot ay mapandaya. Kuning halimbawa ang nangyari Kay Lisa.b Lumaki siyang kasama ang isang grupo ng mga kabataang babae. Subalit nang siya’y 15 taóng gulang na, nagbago na ang mga bagay-bagay. Si Lisa ay gumanda at nagsimulang makaakit ng pansin ng iba. Ganito ang paliwanag niya: “Iniiwan na ako ng aking mga kaibigan at pinagsasalitaan ako ng masasakit na bagay sa talikuran​—o sa harapan pa nga.” Sila’y nagkalat din ng mga kasinungalingan tungkol sa kaniya, anupat sinisikap na sirain ang kaniyang reputasyon. Oo, dahil sa pagseselos, inapi-api nila siya sa walang-awa at malupit na paraan.

Kung Bakit Nagiging Maton

Ang mapusok na pag-uugali ay malimit na may kaugnayan sa kalagayan ng tahanan ng isang tao. “Si itay ay mapusok,” sabi ng kabataang nagngangalang Scott, “kaya mapusok din ako.” Si Aaron ay may problema rin sa kanilang tahanan. Ganito ang nagugunita niya: “Batid kong alam ng mga tao ang tungkol sa kalagayan ng aming pamilya​—na ito’y naiiba​—at ayaw kong kaawaan ako ng mga tao.” Kaya kapag naglalaro si Aaron, kailangan niyang manalo. Subalit hindi sapat ang manalo. Kailangan niyang hiyain ang kaniyang mga kalaban​—ipinamumukha sa kanila ang pagkatalo nila.

Sa kabilang dako naman, si Brent ay pinalaki ng mga magulang na may takot sa Diyos. Subalit ganito ang kaniyang inamin: “Napatatawa ko ang mga tao subalit kung minsa’y hindi ko alam kung kailan ako hihinto, at nakasasakit na ako ng damdamin ng iba.” Ang pagnanais ni Brent na magsaya at mapunta ang atensiyon sa kaniyang sarili ang nagpangyari sa kaniya na ipagwalang-bahala ang damdamin ng ibang tao.​—Kawikaan 12:18.

Ang ibang kabataan naman ay waring naiimpluwensiyahan ng telebisyon. Pinararangalan ng mga dulang krimen ang ‘tigasing mga lalaki’ at waring ipinakikita nito na hindi para sa isang tunay na lalaki ang maging mabait. Ang kilalang mga katatawanan ay puno ng panunuya. Malimit na itinatampok ng mga balita ang mga awayan at magagaspang na usapan na nagaganap sa panahon ng isport. Ang ating mga kaibigan ay nakaiimpluwensiya rin sa paraan ng ating pakikitungo sa iba. Kapag ang ating mga kasama ay mga maton, madali tayong makisama sa kanila upang maiwasang tayo mismo ang pagbalingan.

Anuman ang iyong kalagayan, kung ginagamit mo ang mga paraan sa pananakot, kung gayon ay hindi lamang ang iyong mga biktima ang napipinsala.

Habang-Buhay na mga Resulta

Ganito ang ulat ng magasing Psychology Today: “Ang pananakot ay maaaring magsimula sa pagkabata, subalit ito’y nagpapatuloy hanggang sa paglaki.” Natuklasan ng isang pananaliksik na iniulat sa The Dallas Morning News na “65 porsiyento ng mga kabataang lalaki na nakilalang mga maton noong nasa ikalawang baitang ang nahatulan dahil sa malubhang krimen pagsapit ng edad na 24.”

Totoo, hindi naman lahat ng maton ay nagiging mga kriminal. Subalit sa bandang huli ay makalilikha ng tunay na mga problema para sa iyo ang kinaugaliang pagsagasa sa damdamin ng iba. Kapag ito’y nadala hanggang sa pag-aasawa, ito’y magbubunga ng matinding kapighatian sa iyong kabiyak at sa iyong mga anak. Yamang mas gusto ng mga maypatrabaho ang mga taong marunong makisama sa iba, baka mapagkaitan ka tuloy ng mga pagkakataon sa trabaho. Baka rin naman mapigilan ang pagbibigay ng mga pribilehiyo sa hinaharap sa kongregasyong Kristiyano. “Balang araw, gusto ko ring maglingkod bilang isang matanda,” ang sabi ni Brent, “pero tinulungan ako ni itay na maunawaan na hindi lalapit sa akin ang mga taong may problema kung iniisip nila na baka makapagsalita ako nang may panunuya.”​—Tito 1:7.

Kung Paano Magbabago

Hindi natin laging nakikita nang maliwanag ang ating sariling mga pagkakamali. Nagbababala ang Kasulatan sa atin na maaari pa ngang ang taong iyon ay “kumilos nang may kadulasan sa kaniyang sarili ayon sa kaniyang sariling mga mata para alamin ang kaniyang pagkakamali upang kapootan iyon.” (Awit 36:2) Kaya maaari mong tanungin ang isang magulang, isang pinagkakatiwalaang kaibigan, o isang maygulang na Kristiyano hinggil sa napupuna sa iyo. Maaaring masakit ang katotohanan, subalit makatutulong ito sa iyo upang maunawaan kung anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin. (Kawikaan 20:30) “Sa palagay ko ang pakikinig sa payo ang pinakamalaking bagay na nakatulong sa akin,” ang sabi ni Aaron. “Sinabi sa akin ng mga taong matapat kung saan ako nagkakamali. Iyon ay hindi laging ang mga bagay na ibig kong marinig, pero iyon talaga ang kailangan ko.”

Ito ba’y nangangahulugan na kailangan mo talagang gumawa ng napakalaking pagbabago sa iyong buong katauhan? Hindi, malamang na ito’y isang bagay lamang na pagbabalik-ayos ng iyong kaisipan at ng iyong paggawi. (2 Corinto 13:11) Halimbawa, marahil hanggang sa ngayon ay iniisip mong mas nakahihigit ka dahil sa iyong taas, lakas, o bilis ng isip. Subalit tayo’y hinihimok ng Bibliya na kumilos “nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas.” (Filipos 2:3) Isipin mo na ang iba​—anuman ang laki o lakas​—ay may kahanga-hanga rin namang mga katangian na wala ka.

Baka kailangan mo ring alisin ang iyong hilig na maging mapusok o dominante. Sikaping “itinutuon ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.” (Filipos 2:4) Kung kailangan mong magsalita, gawin mo iyon nang hindi nakasasakit, nanunuya, o nakaiinsulto.​—Efeso 4:31.

Kung natutukso kang bumaling sa pananakot, tandaan na pinuksa ng Diyos ang mapang-aping mga Nefilim. (Genesis 6:4-7; 7:11, 12, 22) Paglipas ng mga dantaon, noong mga kaarawan ng propetang si Ezekiel, ipinahayag ng Diyos ang matinding pagkamuhi sa mga nagkakasala ng ‘panunulak’ at ‘panunuwag’ sa mga api-apihan. (Ezekiel 34:21) Ang pagkaalam sa bagay na kinapopootan ni Jehova ang pananakot ay maaaring maging malakas na pangganyak sa isa upang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago!

Makatutulong din na magbulay-bulay sa mga simulain ng Bibliya na may pananalangin. Ganito ang sabi ng Gintong Alituntunin: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapag natutukso na manakot sa isa, tanungin ang iyong sarili: ‘Ibig ko bang ako’y api-apihin, takutin, o hiyain? Kung gayon bakit ko pinakikitunguhan ng ganiyan ang iba?’ Ang Bibliya ay nag-uutos sa atin na ‘maging mabait sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan.’ (Efeso 4:32) Si Jesus ay nagpakita ng isang sakdal na halimbawa sa bagay na ito. Bagaman siya’y nakahihigit sa lahat ng iba pang mga tao, pinakitunguhan niya ang lahat nang may kabaitan, empatiya, at paggalang. (Mateo 11:28-30) Sikapin mo ring gawin ito kung may makaharap kang tao na mas mahina kaysa sa iyo​—o maging yaong mga taong umiinis sa iyo.

Subalit, paano kung ang iyong mapusok na paggawi ay lumitaw dahil sa galit mo sa paraan ng pakikitungo sa iyo sa tahanan? Sa ilang kalagayan, mabibigyang katuwiran naman ang galit na iyon. (Ihambing ang Eclesiastes 7:7.) Subalit, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang matuwid na taong si Job ay binabalaan: “Mag-ingat ka na huwag kang mahikayat ng iyong poot sa galit [na mga gawa] . . . Ingatan mo na huwag kang bumaling sa masama.” (Job 36:18, 21) Kahit na pinakikitunguhan ka nang masama, wala kang karapatang pagpakitaan ng masama ang iba. Ang mas mabuting gawin ay sikaping ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa iyong mga magulang. Kung ikaw ay isang biktima ng napakasamang pagtrato, maaaring kailanganin ang tulong ng iba upang maingatan ka sa higit pang pinsala.

Ang pagbabago ay maaaring hindi madali, subalit ito’y posible. Ang sabi ni Brent: “Ipinananalangin ko ito halos araw-araw, at tinulungan ako ni Jehova na magkaroon ng mabubuting pagbabago.” Habang ikaw rin nama’y gumagawa ng mabubuting pagbabago sa pakikitungo mo sa mga tao, tiyak na masusumpungan mo na mas maiibigan ka ng mga tao. Tandaan, maaaring katakutan ng mga tao ang mga maton, subalit walang sinuman ang talagang makagugusto sa kanila.

[Mga talababa]

a Para sa pagtalakay kung paano maiiwasan ng mga biktima ng pananakot ang panliligalig, tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Magagawa Ko sa mga Maton sa Paaralan?,” sa aming labas ng Agosto 8, 1989.

b Binago ang ilang pangalan.

[Blurb sa pahina 19]

“Ang pananakot ay maaaring magsimula sa pagkabata, subalit ito’y nagpapatuloy hanggang sa paglaki”

[Larawan sa pahina 18]

Ang pang-aabuso sa salita ay isang anyo ng pananakot

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share