Isang Siglo’t Kalahati na mga Subwey
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HUNGARY
HINDI makapaniwala ang mga naghuhukay ng tunel sa kanilang natuklasan. Ang taon ay 1912. Sa kaila-ilaliman ng mga lansangan sa New York City, habang hinuhukay ang karugtong ng bagong gawang subwey, nahukay nila ang isang malaking nakatagong silid. Napakaganda ng pagkakaayos ng silid—tulad ng isang palasyo! Sa kahabaan nito’y naroon ang mga salamin, aranya, at mga larawang-guhit na fresco. Ang panel na kahoy, na gumuho na dahil sa tagal, ay nagsisilbi pa ring palamuti sa mga dingding. Nakatayo sa gitna ng silid ang isang maadornong likhang-bukal, na matagal nang hindi bumubukal.
Ang silid ay humantong sa isang tunel. Sa pagkabigla ng mga trabahador, naroon ang isang kotse ng subwey na kaakit-akit ang pagkapalamuti na para sa 22 pasahero na nasa riles pa nito. Nagkaroon ba ng ibang subwey sa ilalim ng New York bago ang isa na kanilang hinuhukay? Sino kaya ang gumawa nito?
Mga Tunel at mga Daang-Bakal sa Ilalim ng Lupa
Ang mga lagusan sa ilalim ng lupa ay ginamit sa paghuhukay ng mina, pagtustos ng tubig, at gawaing militar sa loob ng libu-libong taon. Gayunman, ang de-makinang sasakyan ng mga pasahero sa ilalim ng lupa ay dumami kamakailan. Noong unang mga taon ng dekada ng 1800, ang mga daan sa London, Inglatera, ay nagsisikip sa lahat ng maiisip mong uri ng sasakyan noon, bukod pa sa pagkarami-raming taong naglalakad. Libu-libo ang tumatawid sa ilog Thames araw-araw, alinman sa pamamagitan ng ferry, o ng London Bridge. Kung minsan, napakabagal ng takbo anupat pinanonood na lamang ng mga negosyante na wala namang magawa habang nalalanta sa init ng araw ang kanilang ani na sinisikap nilang madala sa palengke.
Si Marc Isambard Brunel, isang Pranses na inhinyero na nakatira sa Inglatera, ay nagkaroon ng ideya na sa wakas ay makatutulong sa pagbawas ng mga problema sa transportasyon sa London. Minsa’y napagmasdan ni Brunel ang isang shipworm (isang uri ng kabibi na tulad bulati) na nagpupumilit makapasok sa isang piraso ng matigas na kahoy ng oak. Napansin niya na ang ulo lamang ng maliit na kabibi ang natatakpan ng balat. Ginagamit ng shipworm ang mga tulis sa tagiliran ng balat nito upang butasin ang kahoy. Habang ito’y nagpapatuloy, nag-iiwan ito sa lungga nito ng makinis na pananggalang na pahid ng apog. Dahil sa pagkakapit sa simulaing ito, pinapatente ni Brunel ang isang malaking moldeng bakal na pananggalang sa tunel, na ibabaon sa lupa sa pamamagitan ng jack. Habang inaalis ng mga trabahador ang lupa mula sa loob ng pananggalang, naiingatan naman ng pananggalang ang pagguho. Habang patuloy na pumapasok ang pananggalang, maglalagay naman ng ladrilyo ang ibang trabahador sa loob ng bagong tunel upang suportahan ito.
Sa paggamit sa kaniyang pananggalang, matagumpay na nakumpleto ni Brunel ang kauna-unahang tunel sa daigdig sa ilalim ng tubig sa malambot na lupa, sa ilalim ng Thames, noong 1843. Sa paggawa ng gayon, ipinakita niya ang posibilidad ng paggawa ng tunel at inihanda niya ang daan para sa pagsulong ng modernong subwey. Noong 1862, nabuksan ang kauna-unahang sistema ng subwey sa daigdig sa pagitan ng pangunahing mga terminal ng tren sa London, at noong 1865, binili ang tunel ni Brunel upang madugtungan ang subwey. Ang tunel na iyan ay bahagi pa rin ng London Underground.
Pagkatakot—Ang Guniguni at ang Totoo
Hindi kailanman mawawalan ng mga taong salungat sa mga sasakyan sa ilalim ng lupa. Noong dekada ng 1800 maraming tao, na naniniwala na ang maapoy na impiyerno ay naroon sa isang dako sa ilalim ng lupa, ang natatakot na magpunta sa ilalim ng lupa. Isa pa, iniuugnay ng mga tao ang madilim na madilim, maumidong tunel sa pagkahawa sa sakit at nakalalasong atmospera.
Sa kabilang panig naman ng isyu, naging matindi ang pagnanais ng mga tagaplano sa lunsod na lutasin ang mga lansangang nagsisikip sa trapiko sa siyudad. Ang subwey ay naging pangunahing paksa ng debate sa pulitika. May dahilan para mabahala sa kalidad ng hangin sa subwey. Iba’t ibang paraan sa bentilasyon ang sinubukan, hindi naging matagumpay ang lahat. Ginamit ng ilan ang pag-ikot ng hangin na nalilikha ng tren; ang ibang paraan naman ay ginamitan ng nakatayong pilote na nasasalitan ng barandilyang bakal na kapantay ng lansangan, malalakas na bentilador, o mga paraan mula sa pinagsama-samang sistema. Upang malutas ang sikolohikal na mga problema sa pagpasok sa mga lagusang madilim at nasa ilalim ng lupa, nilagyan ng de-gas na mga ilaw ang mga istasyon. Sa gayong kalagayan, ang subwey sa New York na naibaon na sa limot na natuklasan naman ng mga trabahador noong 1912 ay lumitaw.
Ang Kauna-unahang Subwey ng New York
Sa ibayo ng Atlantiko mula sa London, isa pang matalinong imbentor, si Alfred Ely Beach, ay nagtaka sa gayunding malubhang kalagayan ng trapiko sa New York. Dahil siya’y isang tagapaglathala ng babasahing Scientific American, si Beach ay isang tagapagtaguyod ng makabagong mga solusyon sa dati nang mga problema, gaya ng nagsisikip na mga lansangan. Noong 1849 ay iminungkahi niya ang isang lubhang kakaibang plano: “Tunnel Broadway,” isa sa pinakamasikip na lansangan, “na may lagusan at hagdan sa bawat kanto. Ang lagusang ito sa ilalim ng lupa ay lalagyan ng dobleng riles, na may daanan sa magkabilang tabi para sa mga pasaherong naglalakad.”
Nang sumunod na dalawang dekada, ang iba pang gumagawa ng transportasyon ay nagharap din ng mga plano para sa mabilis na transportasyon sa New York. Ang lahat ng ito ay tinanggihan. Ayaw ng tiwaling pulitikal na lider na si Boss Tweed na magkaroon ng anumang kakompetensiya ang mga kompanya ng transportasyon na nasa ibabaw ng lupa, na siyang pinagmumulan ng malaking kita niya na ilegal. Subalit natalo ng talino ni G. Beach, na kailanma’y hindi nagsaisantabi ng kaniyang ideya, ang hambog na si Boss.
Kumuha ng legal na karapatan si Beach upang magtayo ng dalawang magkatabing tunel, na napakaliit para sa naglalakbay na mga pasahero, sa ilalim ng Broadway. Ito’y nilayon “para sa paghahatid ng mga sulat, parsela at kalakal” sa punong tanggapan ng koreo. Pagkatapos ay iniharap niya ang isang pagbabago na magpapahintulot sa kaniya na magtayo ng isa lamang malaking tunel, na may layuning makatipid. Sa paano man ay hindi napansin ang kaniyang panlalansi, anupat inaprubahan ang pagbabagong ito. Agad na nagsimula si Beach sa trabaho subalit walang nakakakita. Naghukay siya sa ilalim ng isang tindahan ng damit, na hinahakot ang dumi sa gabi sa pamamagitan ng karwahe na may gulong na binalutan para tahimik. Sa loob lamang ng 58 gabi, natapos ang 95-metrong tunel.
Isang “Lubid ng Hangin”
Lubos na ikinababahala ni Beach ang nakasasakal na polusyon sa mga subwey sa London, na bunga ng paggamit ng steam engine na ginagatungan ng uling. Pinatakbo niya ang kaniyang kotse sa pamamagitan ng “lubid ng hangin”—ang presyon na mula sa isang malaking bentilador na ikinabit sa isang sulok sa dulo ng tunel. Banayad na itinulak ng hangin ang kotse sa habang sampung kilometro bawat oras, bagaman maaari itong tumakbo ng sampung ulit na mas mabilis. Nang makarating ang kotse sa kabilang dulo ng linya, binaligtad ang bentilador upang higuping pabalik ang kotse! Upang madaig ang namamalaging pag-aatubili ng mga tao na sumubok sa ilalim ng lupa, tiniyak ni Beach na ang maluwang na silid hintayan ay saganang naiilawan ng zircon, ang pinakamaliwanag at pinakamalinaw na ilaw noong panahong iyon. At pinaganda niya ito nang husto sa pamamagitan ng magagarang silya, istatuwa, kunwang mga bintana na kinurtinahan, at may piyano pa nga at isang tangke ng gold fish! Ang maikling linya ng subwey ay binuksan sa walang kamalay-malay na mga tao noong Pebrero 1870 at ito’y naging kagyat at nakagugulat na tagumpay. Sa loob ng isang taon, 400,000 katao ang namasyal sa subwey.
Galit na galit naman si Boss Tweed! Sumunod ang pulitikal na pagmamaniobra, at hinikayat ni Tweed ang gobernador na aprubahan ang kalabang plano para sa nakataas na tren na 16 na ulit ang laki ng halaga kaysa transportasyon sa ilalim ng lupa na pinatatakbo ng presyon ng hangin na dinisenyo ni Beach. Hindi pa natatagalan pagkatapos nito, si Tweed ay inihabla, na humantong sa kaniyang habang-buhay na pagkabilanggo. Subalit ang kaguluhan sa stock market noong 1873 ang naglayo ng pansin ng mga kapitalista at mga opisyal sa mga subwey, at sa wakas ay isinara ni Beach ang tunel. Kaya ito’y nabaon sa limot hanggang sa di-sinasadya’y matuklasan ito noong 1912, mahigit na pitong taon pagkatapos buksan ang kasalukuyang subwey ng New York noong 1904. Ang bahagi ng dating tunel na ginawa ni Beach ay naging bahagi ng kasalukuyang City Hall Station, sa kabayanan ng Manhattan.
Ang Daang-Bakal sa Ilalim ng Lupa sa Loob ng Milenyo
Mahigit-higit sa isang siglong nakalipas, nagkaroon ng diwa ng pananabik sa Hungary. Sa 1896, ipagdiriwang noon ng Hungary ang ika-1,000 anibersaryo ng pagkatatag nito. Sa pagtatapos ng ika-19 na dantaon, ang kabisera ng bansa, ang Budapest, ay ibinibilang na isa sa pinakamalalaking lunsod sa Europa. Ang mga lansangan nito’y punung-puno ng tao. Iminungkahi ang de-kuryenteng riles sa ibabaw ng lupa para sa pagdiriwang ng milenyo, upang mabawasan ang pagsisiksikan. Subalit hindi iyon ang ideya na hinihintay ng mga awtoridad ng munisipyo, kaya tinanggihan ang plano. Samantala, ang London Underground ay nagpasigla sa mga imahinasyon ng mga tagaplano ng transportasyon sa ibang mga bansa. Isa sa dalubhasang ito sa Hungary, si G. Mór Balázs, ang nagharap ng ideya ng de-kuryenteng subwey. Ito’y inaprubahan, at nagpasimula ang pagtatayo noong Agosto 1894.
Ang subwey ay ginawa sa pamamagitan ng putol-at-takip na paraan—ang dati nang naroroon na daan ay hinukay, at inilagay ang mga riles sa ilalim ng lansangan. Ginawa ang isang patag na bubong sa ibabaw ng trinsera, at saka hinalinhan ang daan. Noong Mayo 2, 1896, pinasinayaan ang 3.7 kilometrong subwey. Ang pagsakay sa bawat kotse nito na pinatatakbo ng kuryente ay isang napakalaking pagsulong kaysa sa tiniis na init ng mga sumasakay noon sa kauna-unahang London Underground! Ilang araw pagkatapos na mabuksan ito, dinalaw ni Haring Francis Joseph I ang bagong sistema ng subwey at pumayag na ito’y ipangalan sa kaniya. Gayunman, dahil sa sumunod na magulong panahon sa pulitika, ang subwey ay pinanganlan namang Millennium Underground Railway. Ito ang kauna-unahang subwey sa kontinente ng Europa. Hindi nagtagal, nagsunuran na ang iba pa. Noong 1900 nagbukas ang Paris Métro, at nagpatakbo ng subwey ang Berlin noong 1902.
Ang Daang-Bakal sa Ilalim ng Lupa Pagkalipas ng 100 Taon
Sa ika-1,100 anibersaryo ng Hungary noong 1996, ang daan sa ilalim ng lupa ay ibinalik sa orihinal na kagandahan at istilo nito. Napalalamutian ng maliliit na kulay puting tisa at kulay pulang-alak na adornong panggilid ang mga dingding ng istasyon. Ang mga pangalan ng istasyon ay kitang-kita—ikinuwadro sa dingding mula sa mga tisa. Ang bakal na poste ay muling ginawa at pinintahan ng berde upang buhayin ang kapaligiran noong nakalipas na siglo. Kasali sa sentral na istasyon ng Budapest ang isang museo ng riles ng tren, kung saan makikita mo ang isa sa orihinal na kotse ng subwey—mahigit na 100 taóng-gulang na! Ang mga eksibit na nauugnay sa pagtatayo ng Millennium Underground Railway gayundin ang mas makabagong Budapest Metro ay nakatanghal din.
Kapag dumadalaw sa museo, hindi maiwasang gunitain ng mga Saksi ni Jehova na hindi pa natatagalan ang daan sa ilalim ng lupa ay nagkaroon ng ibang gamit para sa mga Kristiyanong nakatira roon. Sa buong panahon na ipinagbawal ang kanilang gawain sa Hungary, maingat na ginamit ng mga Saksi ang kilalang istasyong ito upang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sapol noong 1989, tinamasa ng mga Saksi ang kalayaan ng pangangaral sa Hungary. Ngunit makikita mo pa rin sila sa Millennium Underground Railway, na ibinabahagi ang kanilang paniniwala na ang Milenyo na inilarawan sa Bibliya—ang 1,000 taóng pamamahala ni Kristo—ay malapit nang dumating.
Ang Pamana ng Unang mga Subwey
Sa ngayon inihahatid ng mga subwey sa ilalim ng lupa ang mga pasahero sa malalaking lunsod sa palibot ng daigdig. Sa ilang bansa ang dati nang mga problema ng polusyon sa ingay at hangin ay sinamahan pa ng mga problema sa graffiti at krimen. Subalit maraming sistema ang nagpapabanaag ng kaakit-akit, maganda, at praktikal na ideya ng sinaunang mga nagdisenyo ng subwey. Ang pagnanais na palawakin at pasulungin ang transportasyon ng madla ay nananatiling malakas. Kamakailan ang mga subwey ay nakumpleto o ginagawa sa mga lunsod gaya ng Bangkok, Medellin, Seoul, Shanghai, Taipei, at Warsaw. Magulat kaya ang sinaunang mga nagdisenyo ng subwey sa lahat ng ito? Marahil ay hindi na—ang gayong malawakang gamit nito ang mismong nakini-kinita nila sa nakalipas na isang siglo’t kalahati.
[Mga larawan sa pahina 23]
1. Ang itinayo-muling istasyon ng Millennium Underground Railway Museum sa Budapest
2-4. Ang isa sa orihinal na de-kuryenteng mga kotse ng subwey ng 1896 Millennium Underground Railway