Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/8 p. 16-17
  • Mga Bundok ng Buwan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Bundok ng Buwan
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kamangha-manghang Tanawin
  • Bundok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • ‘Ikaw ay Mas Maringal Kaysa sa mga Bundok’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Mga Bundok—Kung Bakit Natin Kailangan ang mga Ito
    Gumising!—2005
  • Kung Saan Nakalatag ang mga Glacier sa Ekwador
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/8 p. 16-17

Mga Bundok ng Buwan

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA

ILANG siglo nang nauulinigan ang bulung-bulungan na: Sa isang lugar daw sa Sentral Aprika, may mga bundok na nababalot ng yelo​—ang tunay na pinagmulan ng Nilo. Ngunit ang pala-palagay tungkol sa pagkakaroon ng yelo malapit sa ekwador sa Aprika ay waring hindi maaaring magkatotoo. Gayunman, sa pagsisimula ng ikalawang siglo C.E., ipinahiwatig ng Griegong heograpo na si Ptolemy ang pag-iral ng mga bundok na ito, anupat tinawag ang mga ito na Lunae Montes​—Mga Bundok ng Buwan.a

Sa loob ng ilang siglo, nabigo ang pagsisikap na makita ang mga bundok na ito. Ngunit, isang araw sa pagtatapos ng dekada 1800, ang manggagalugad na si Henry Stanley​—sinasabing nakasumpong kay Dr. David Livingstone​—ay nakasaksi ng isang di-sinasadyang pangyayari. Ang ulap na tumatakip upang maikubli ang mga bundok mula sa nakaraang mga manggagalugad ay saglit na napawi, anupat nasilayan ni Stanley ang napakagandang grupo ng mga taluktok na nababalot ng yelo. Nasumpungan niya ang mga Bundok ng Buwan. Datapwat tinawag niya ang mga ito sa pangalang ginagamit noon ng mga tagaroon: Ruwenzori, na ang ibig sabihin ay “Tagapagpaulan.”

Sa ngayon, marami ang sumasang-ayon na maliit lamang ang bahaging ginagampanan ng Ruwenzori sa paglalaan ng tubig sa Nilo. Magkagayunman, kilala pa rin ang mga ito sa tawag na mga Bundok ng Buwan. At sa kabila ng napakaraming ekspedisyon ng panggagalugad, nababalot pa rin ng hiwaga ang kahanga-hangang hanay ng mga bundok na ito. Sa kinaroroonan nito na nasa kahilagaan lamang ng ekwador, ang Ruwenzori ay nagsisilbing isang likas na hangganan sa pagitan ng Uganda at ng Democratic Republic of Congo, na umaabot hanggang mga 130 kilometro ang haba at 50 kilometro ang luwang.

Di-gaya ng karamihan sa mga bundok sa Silangang Aprika, na sa simula’y bulkan, ang hanay ng Ruwenzori ay isang napakalaking tipak ng matigas na pang-ibabaw ng lupa na humagis paitaas dahil sa napakalakas na puwersang heolohiko libu-libong taon na ang nakalilipas. Bagaman ang Ruwenzori ay umaabot hanggang sa taas na 5,109 metro, ang mga ito’y bihirang-bihira pa ring makita. Kadalasan, ang mga hanay na ito ay nababalot ng singaw at mga ulap.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ang Ruwenzori ay saganang-sagana sa ulan at yelo, palibhasa’y wala namang gaanong pagkakaiba ang panahon ng “tagtuyot” at panahon ng “tag-ulan.” Kaya naman mapanganib ang paglalakad; sa ilang lugar ay hanggang baywang ang putik! Ang malalakas na ulan ay gumawa ng ilang pagkagagandang maliliit na lawa, na siyang dahilan kung bakit mamasa-masa ang mga pananim na ubod ng kapal na nakalatag sa mga dalisdis ng bundok. Sa katunayan, ang Ruwenzori ang tahanan ng ilang di-pangkaraniwang halaman, na ang ilan sa mga ito ay tumutubo nang napakalalaki.

Halimbawa, ang mga higanteng animo’y mabalahibong mga daliri na tinatawag na lobelia ay karaniwan nang wala pang tatlumpung centimetro ang haba sa ibang lugar, ngunit sa Ruwenzori ay maaaring umabot ang mga ito nang hanggang 6 na metro. Ang mga senecio, o mga higanteng groundsel, ay mistulang malalaking repolyo na nakapatong sa ibabaw ng sanga-sangang puno. May mga puno ng heath na nababalot ng lumot na 12 metro ang taas. Lalong nakapagpaganda sa tanawin ang mga bulaklak na may iba’t ibang kulay at halimuyak. Mayroon ding sari-sari at magagandang ibong naninirahan doon, na ang ilan sa kanila’y doon lamang makikita sa Ruwenzori. Sa gawing ibaba naman ng dalisdis naninirahan ang mga elepante, chimpanzee, bushbuck, leopardo, at mga unggoy na colobus.

Isang Kamangha-manghang Tanawin

Yaong bumabagtas sa landas paakyat sa bundok ay daraan sa isang maulang gubat ng tropiko at ilang ulit na tatawid sa Bujuku River. Pagsapit nila sa taas na 3,000 metro, makalilingon sila at makikita nila ang kaiba-ibabaan ng Rift Valley​—pagkaganda-gandang tanawin!

Sa dako pa roon ay ang pababang Bigo Bog, isang dako ng makakapal na damo at mga puno ng heath. Ang putik dito ay madalas na hanggang tuhod. Sa matarik na pag-akyat sa pataas na Bigo Bog at Lake Bujuku, sa taluktok ng Bujuku Valley, na mga 4,000 metro ang taas, ay makikita ang isang kahanga-hangang tanawin ng Mount Baker, Mount Luigi di Savoia, Mount Stanley, at ng Mount Speke, na siyang pinakapopular na taluktok sa mga hanay na iyon.

Sa dako pa roon paitaas ay ang permanenteng Elena Glacier. Kailangan dito na magsakbat ng mga kagamitan, mga kadenang gamit sa pag-akyat, at gumamit ng mga lubid at mga pampalakol ng yelo upang makaakyat sa glacier. Sumunod dito ay ang paglalakad patawid sa talampas ng Stanley paakyat sa taluktok ng Margherita sa tuktok ng Mount Stanley, ang pinakamataas na taluktok sa grupo ng mga bundok na Ruwenzori. Tunay na masisindak ka sa ganda kung tatanawin mo mula sa itaas ang malawak na tanawin ng mga taluktok, libis, kagubatan, batis, at mga lawa.

Gayunman, talagang hindi pa nararating ang hanay na ito ng mga bundok. Nagsisimula pa lamang isiwalat ng Ruwenzori ang mga lihim nito. Napakarami pang hindi alam kung tungkol sa heolohiya, buhay-hayop, at buhay-halaman sa mga bundok na ito. Kaya naman ang Ruwenzori ay patuloy pa ring nababalot ng hiwaga​—mga lihim na ang tanging nakaaalam lamang ay ang matalino at lubos na makapangyarihang Maylalang sa mga ito. Oo, talagang siya ang Isa na “may pag-aari ng mga taluktok ng mga bundok.”​—Awit 95:4.

[Talababa]

a Ayon sa aklat na The Nile ni Emil Ludwig, hindi maipaliwanag ng mga taal na tagaroon ang pagkakaroon ng yelo sa mga bundok. Kaya naniniwala silang “hinigop ng mga bundok pababa sa mga ito ang liwanag ng buwan.”

[Mga larawan sa pahina 17]

1. Ang nakatakip na makapal na ulap ang humahalang sa Ruwenzori

2. Ang malalakas na ulan ng “Tagapagpaulan” ang dahilan kung kaya mamasa-masa ang mga dalisdis nito na balot ng lumot

3. Sa kahabaan ng landas, sagana ang mga bulaklak at mga halimuyak nito

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share