Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/8 p. 18-21
  • Ang mga Trobador—Hindi Lamang mga Mang-aawit ng Kundiman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Trobador—Hindi Lamang mga Mang-aawit ng Kundiman
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Iba’t Ibang Pinagmulan
  • Isang Bagong Paggalang sa mga Kababaihan
  • Ang Epekto ng mga Ito sa Lipunan
  • Mga Tagapagbalita Noong Kanilang Kaarawan
  • Pagpuna sa Simbahan
  • Ang Pakikibaka ng Simbahan Laban sa Kalayaan
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1998
  • Ang mga Cathar—Sila Ba’y mga Kristiyanong Martir?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Pakikipagbaka ng Bibliyang Pranses Upang Makaligtas
    Gumising!—1997
  • Ang Pag-ibig ba ay Gaya ng sa mga Awit ng Pag-ibig?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/8 p. 18-21

Ang mga Trobador​—Hindi Lamang mga Mang-aawit ng Kundiman

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA

MGA trobador at naglalakbay na nga mang-aawit​—ano ang pumapasok sa isip mo hinggil sa mga salitang iyan? Marahil ay ang mga awitin ng pagliligawan at pagkamaginoo. Hindi ka nga nagkakamali, ngunit higit pa riyan ang mga trobador. Bagaman sila’y kilala marahil sa canso d’amor, o kundiman​—at sa gayo’y madalas silang inilalarawan na may hawak na lute, habang hinaharana ang isang dalaga​—hindi lamang tungkol sa pag-ibig ang nasa isip nila. Ang mga trobador ay nakibahagi rin sa maraming isyung panlipunan, pampulitika, at panrelihiyon noong kanilang kapanahunan.

Sikat na sikat ang mga trobador noong ika-12 at ika-13 siglo, sa buong lugar na ngayo’y timugang Pransiya. Sila’y mga makatang manunugtog na sumusulat noon sa pamamagitan ng pinakaelegante sa lahat ng katutubong wikang kinuha sa Latin. Tinawag itong langue d’oca​—ang karaniwang wika ng halos buong Pransiya sa gawing timog ng Loire River at ng buong hangganang rehiyon ng Italya at Espanya.

Ang pinagmulan ng salitang “trobador” ay pinagtalunan nang husto, subalit waring ito’y nanggaling sa pandiwang Occitan na trobar, na ang ibig sabihin ay “kumatha, lumikha, o tumuklas.” Samakatuwid, ang mga trobador ang nakatutuklas ng tamang salita o tunog upang umangkop sa kanilang eleganteng taludturan. Ang mga tula nila ay isinasamusika at inaawit. Sa paglalakbay sa iba’t ibang bayan, na karaniwan nang may kasamang propesyonal na mga nagsisiganap na ang tawag ay mga jongleur, ang mga trobador ay umaawit sa saliw ng alpa, biyolin, plauta, lute, o gitara. Sa mga kastilyo ng mayayaman at sa mga pamilihan o sa mga paligsahan, perya, kapistahan, o piging, ang sayaw at awit ay karaniwan nang bahagi ng alinmang pormal na palabas.

Iba’t Ibang Pinagmulan

Ang mga trobador ay may iba’t ibang pinagmulan. Ang ilan ay galing sa prominenteng pamilya; may mga hari; at ang iba nama’y ipinanganak na mahirap at sumikat lamang tungo sa pagiging trobador. Ang ilan ay umabot sa matataas na katayuan. Marami ang may mataas na pinag-aralan at nakarating na sa maraming lugar. Lahat ay tumanggap ng malawakang pagsasanay sa mga tuntunin ng katapangan, kagandahang-asal, tula, at musika. Ang isang magaling na trobador ayon sa isang ulat ay dapat na “lubusang nakaaalam ng pinakahuling mga pangyayari, nauulit ang lahat ng kapuri-puring tesis mula sa mga unibersidad, alam na alam ang mga iskandalo sa palasyo, . . . nakakakatha ng mga taludtod para sa isang panginoon o binibini sa isang tingin lamang, at nakatutugtog ng dalawa man lamang sa mga instrumentong paborito noon sa palasyo.”

Ang pag-unlad ng komersiyo noong ika-12 siglo ay nagdulot ng kariwasaan sa mga timugang rehiyon ng Pransiya. Kasabay ng pag-unlad ay ang libangan, edukasyon, at magaling na pagpili ng sining at eleganteng pamumuhay. Ang matataas na panginoon at mga binibini ng Languedoc at Provence ang pinakamasusugid na tagatangkilik ng mga trobador. Mataas ang tingin sa mga makata at ang mga ito’y naging malaking impluwensiya sa aristokratikong hilig, moda, at asal. Sila’y naging mga ama ng sayaw na ballroom sa Europa. Gayunman, sinabi ng The New Encyclopædia Britannica, na “ang pinakamalaking nagawa nila ay ang paglikha ng isang impresyon na ang mga binibini ng palasyo ay mayuyumi at kaayaaya anupat ngayon lamang nagkaroon ng ganitong pangmalas.”

Isang Bagong Paggalang sa mga Kababaihan

Kapag ipinagbubukas ng pinto ng isang lalaki ang isang babae, tinutulungan itong magsuot ng kaniyang balabal, o nagsasagawa ng maraming “mga babae muna” na anyo ng pagpipitagan na ilang siglo nang ginagawa sa Kanlurang Europa, ito’y nagsasagawa ng isang kaugaliang malamang na nagmula sa mga trobador.

Malaki ang naging impluwensiya ng mga turo ng simbahan sa pang-Edad Medyang saloobin para sa mga kababaihan, anupat minamalas ang babae bilang siyang may pananagutan sa pagkakasala ng lalaki at ng pagkapalayas sa kaniya sa Paraiso. Siya’y itinuring na isang tukso, isang instrumento ng Diyablo, isang masamang bagay na hindi maaaring mawala. Ang pag-aasawa ay madalas na ipinalalagay na isang mababang kalagayan sa buhay. Ipinahintulot ng batas ng simbahan ang pambubugbog sa asawa at pagtatakwil, na lalong naglalagay sa babae sa kahihiyan at panunupil. Sa halos lahat ng paraan, ang babae ay itinuturing na mas mababa sa lalaki. Subalit sa pagdating ng mga trobador, ang isip ng mga lalaki ay nagsimulang magbago.

Ang unang nakilala bilang trobador ay si William IX, Duke ng Aquitaine. Ang kaniyang tula ang unang naglaman ng mga elementong nagpakilala sa naiibang kuru-kuro ng trobador hinggil sa pag-ibig, na tinawag na paraan ng pagliligawan. Tinatawag ito ng mga makatang Provençal mismo na verai’amors (tunay na pag-ibig) o fin’amors (mainam na pag-ibig). Iyon ay isang malaking pagbabago, anupat ang babae ay hindi na ngayon nakalagay sa isang kahabag-habag na posisyon na mas mababa sa lalaki.

Ang tula ng trobador ay nagkakaloob sa babae ng malaking dignidad, karangalan, at paggalang. Siya’y naging sagisag ng mga dakila at magagaling na katangian. Nananaghoy ang ilang awitin dahil sa malamig na pakikitungo ng binibini sa namimintuhong makata. Kahit sa simulain man lamang, ang pag-ibig ng trobador ay dapat na manatiling dalisay. Ang kaniyang pangunahing hangarin ay hindi upang mapasakaniya ang binibini kundi, bagkus, ang makadama ng kalinisang-asal sa moral na bumubukal sa kaniyang kalooban dahil sa pag-ibig niya rito. Upang maging karapat-dapat, ang naglulunggating makata ay napilitang magpaunlad ng kababaang-loob, pagpipigil sa sarili, pagtitiis, katapatan, at lahat ng mararangal na katangiang taglay ng dalaga. Kaya nga, maging ang pinakamagaspang na lalaki ay maaaring mapagbago ng pag-ibig.

Naniniwala ang mga trobador na ang paraan ng pagliligawan ang pinagmumulan ng sosyal at moral na kagandahang-asal, na ang magalang na pagkilos at marangal na gawain ay nagmula sa pag-ibig. Nang palawakin ang ideyang ito, naging saligan ito ng tuntunin ng paggawi, na nang maglaon ay sinunod na rin ng mga karaniwang grupo ng lipunan. Kabaligtaran ng peudalismong lipunan, na magagaspang at malulupit, isang bagong paraan ng pamumuhay ang nagsimula. Inaasahan ngayon ng mga babae na ang mga lalaki sa kanilang buhay ay magiging mapagsakripisyo sa sarili, mapagbigay, at mabait​—magiging maginoo.

Di-nagtagal, isinasagawa na sa kalakhang Europa ang sining ng mga trobador. Tinanggap ng Espanya at Portugal ang kanilang istilo. Ang Hilagang Pransiya ay may mga trouvère; ang Alemanya ay may minnesingers; ang Italya ay may trovatori. Ang istilo ng mga trobador hinggil sa paraan ng pagliligawan, na hinaluan ng mga adhikain ng kagitingan, ay nagbangon ng isang istilo ng panitikan na tinatawag na romansa.b Halimbawa, sa pagsasanib ng ideya ng paraan ng pagliligawan at ng mga alamat ng Celtic Brittany, isinagisag ng Trouvère Chrétien de Troyes mula sa mga kuwento tungkol kay Haring Arthur at sa mga Kabalyero ng Bilog na Mesa ang mga kagalingan ng pagkabukas-palad at pagsasanggalang sa mahihina.

Ang Epekto ng mga Ito sa Lipunan

Samantalang pinupuri ng karamihan sa mga awit ng trobador ang kagalingan ng paraan ng pagliligawan, ang iba naman ay tumutukoy sa panlipunan at pulitikal na mga isyu noon. Ipinaliwanag ni Martin Aurell, isang Pranses na may-akda ng La vielle et l’épée (Ang Biyolin at ang Espada), na ang mga trobador ay ‘aktibong nakibahagi sa mga labanan na naging dahilan upang magkabaha-bahagi ang kanilang mga kontemporaryo at na sa pamamagitan ng kanilang mga akda, nagkaroon pa man din ang mga trobador ng bahagi sa tagumpay ng gayo’t ganitong pangkat.’

Bilang komento sa pambihirang kalagayan ng mga trobador sa lipunan noong Edad Medya, ganito ang sabi ni Robert Sabatier: “Ngayon lamang nangyari na nabigyan ng ganitong kalaking karangalan ang mga makata; ngayon lamang nangyari na ang sinuman ay nabigyan ng gayong kalayaan sa pagsasalita. Sila’y pumupuri at nakapagwiwika, ginawa nila ang kanilang sarili na siyang tinig ng bayan, inimpluwensiyahan nila ang mga patakaran sa pulitika, at sila ang naging tagapamagitan ng mga bagong ideya.”​—La Poésie du Moyen Age.

Mga Tagapagbalita Noong Kanilang Kaarawan

Tunay na masasabing bago pa man matuklasan ang imprenta, ang mga trobador at iba pang naglalakbay na mga mang-aawit ang nagsilbing tagapagbalita noong kanilang kaarawan. Ang mga mang-aawit noong Edad Medya ay internasyonal na mga manlalakbay. Sa mga palasyo ng Europa​—mula Cyprus hanggang Scotland at mula Portugal hanggang Silangang Europa, saanman sila pumunta​—kumukuha sila ng mga balita at nakikipagpalitan ng mga kuwento, tugtugin, at mga awitin. Dahil sa mabilis na pagpapalipat-lipat ng balita sa grupo ng mga jongleur, ang kaakit-akit na mga himig ng mga awitin ng mga trobador ay natutuhan ng mga tao, anupat nakaimpluwensiya nang husto sa opinyon ng publiko at nakapukaw sa taong-bayan hinggil sa iba’t ibang kilusan.

Isa sa maraming patulang paraan na ginamit ng mga trobador ay ang tinatawag na sirvente, na literal na nangangahulugang “awit ng tagapaglingkod.” Ang ilan sa mga ito ay nagsisiwalat ng kawalang-katarungan ng mga tagapamahala. Ang iba nama’y nagbubunyi ng mga gawa ng kagitingan, pagsasakripisyo sa sarili, pagkabukas-palad, at awa, habang pinipintasan naman nila ang makahayop na kalupitan, karuwagan, pagpapaimbabaw, at pagkamakasarili. Ang mga sirvente noong ika-13 siglo ang nagbukas ng daan sa mga istoryador upang mapasok ang umiiral na kalagayan sa pulitika at relihiyon sa Languedoc sa panahon ng malaking kaguluhan.

Pagpuna sa Simbahan

Dahil sa pagkabigo ng mga Krusada, maraming tao ang nagsimulang mag-alinlangan sa espirituwal at sekular na awtoridad ng Simbahang Katoliko. Inaangkin ng klero na sila ang kinatawan ng Kristo, ngunit ang kanilang mga gawa ay napakalayo sa pagiging Kristo. Ang kanilang pagpapaimbabaw, kasakiman, at katiwalian ay hindi na lingid sa kaalaman ng lahat. Palibhasa’y palaging naghahangad ng higit pang kayamanan at kapangyarihan sa pulitika, ang mga obispo at pari ng simbahan ay naging sunud-sunuran sa mayayaman. Ang kanilang pagwawalang-bahala sa espirituwal na pangangailangan ng mahihirap at ng nasa kaigihan ang buhay ay tiyak na naging dahilan ng pag-aalsa.

Sa Languedoc, marami sa mga nasa kaigihan ang buhay ay mga edukado na gaya ng mahaharlika. Napansin ng istoryador na si H. R. Trevor-Roper na nasusumpungan ng karaniwang mga taong higit na nakapag-aral na ang ika-12-siglong simbahan “ay ibang-iba sa mga sinaunang modelo na ayon sa kanila’y siyang tinutularan nila.” Idinagdag pa niya na maraming kalalakihan ang nagsisimula nang mag-isip: “Lalo pa ngang ibang-iba . . . ang di-natatag na Simbahan bago si Constantino, ang Simbahan ng mga Apostol, . . . na inusig: isang Simbahang walang papa o mga peudalismong obispo o malalaking abuloy o mga paganong doktrina o mga bagong kasunduan na dinisenyo upang pag-ibayuhin pa ang kayamanan at kapangyarihan nito!”

Ang Languedoc ay isang mapagparayang lupain. Ang mga konde ng Toulouse at iba pang tagapamahala sa gawing timog ay nagbigay sa mga tao ng kalayaan sa relihiyon. Isinalin ng mga Waldensec ang Bibliya sa wikang langue d’oc at masigasig na ipinangangaral ito, nang dala-dalawa, sa buong rehiyon. Maging ang Cathari (tinatawag ding mga Albigense) ay nagpapalaganap ng kanilang doktrina at marami silang nakukumberte mula sa mga maharlika.

Nasalamin ng maraming sirvente ng mga trobador ang pagkabigo gayundin ang kawalang-galang at pagkasuklam ng mga tao sa klero ng Katoliko. Ang isa na ginawa ni Gui de Cavaillon ay bumabatikos sa klero dahil sa “pagpapabaya sa kanilang pangunahing bokasyon” kapalit ng higit pang pakinabang sa sanlibutan. Nilibak ng mga liriko ng mga trobador ang apoy ng impiyerno, ang krus, pangungumpisal, at “agua bendita.” Kinutya nila ang mga indulhensiya at mga relikya at tinuya ang imoral na mga pari at tiwaling mga obispo bilang “mga traidor, sinungaling, at mapagpaimbabaw.”

Ang Pakikibaka ng Simbahan Laban sa Kalayaan

Gayunman, itinuring ng Simbahang Romano ang kaniyang sarili na pinakamataas sa lahat ng imperyo at kaharian. Ang digmaan ang ginawa nitong instrumento ng kapangyarihan. Ipinangako ni Papa Innocent III ang kayamanan ng buong Languedoc sa sinumang hukbo na magpapasuko sa mga prinsipe at mag-aalis sa lahat ng pag-aalsa sa lahat ng timugang lupain ng Pransiya. Ang sumunod ay isa sa pinakamadugong panahon ng pagpapahirap at pagpaslang sa kasaysayan ng Pransiya. Nakilala ito bilang ang Krusadang Albigense (1209-​29).d

Tinawag naman ito ng mga trobador na Huwad na Krusada. Ang kanilang mga awitin ay nagpahayag ng galit sa malupit na pakikitungo ng simbahan sa mga nag-aalsa at sa pagbibigay ng papa ng magkatulad na indulhensiya sa pagpatay sa mga nag-aalsang Pranses at sa pagpatay sa mga Muslim, na itinuturing na walang relihiyon. Sumagana nang husto ang simbahan sa panahon ng Krusadang Albigense at ng sumunod na Inkisisyon. Inalisan ng mana ang mga pamilya, anupat kinumpiska ang kanilang lupain at mga tahanan.

Palibhasa’y pinaratangan na mga ereheng Cathari, karamihan sa mga trobador ay tumakas tungo sa di-gaanong magulong lupain. Sa Krusadang ito nagwakas ang kabihasnan ng Occitan, ang paraan ng pamumuhay nito, ang tula nito. Ipinagbawal ng batas ng Inkisisyon ang pag-awit, o maging ang paghuni, ng awitin ng trobador. Subalit ang kanilang pamana ay nananatiling buháy. Oo, ang kanilang mga awitin laban sa klero ang nagbigay-daan sa darating na Repormasyon. Tunay, ang mga trobador ay magugunita hindi lamang dahil sa kanilang mga awit ng pag-ibig.

[Mga talababa]

a Ang Latin na minana sa mga hukbong Romano, na tinawag na Romano, ay nagkaroon noon ng dalawang katutubong wika sa Pransiya: ginagamit ng Timugang Pransiya ang wikang langue d’oc (na kilala rin bilang Occitan, o Provençal), samantalang ang sinasalita ng hilagang Pransiya ay ang langue d’oïl (isang sinaunang anyo ng wikang Pranses na kung minsan ay tinatawag na Sinaunang Pranses). Nakikita ang pagkakaiba ng dalawang wikang ito, sa pamamagitan ng salitang ginagamit nila para sa salitang oo. Sa timog ay oc (mula sa Latin na hoc); sa hilaga, oïl (mula sa Latin na hoc ille), na naging modernong Pranses na oui.

b Anumang akdang isinulat sa wika ng hilaga o timog ay tinawag na romano. Palibhasa’y marami sa mga kuwentong ito ng kagitingan ang tumutukoy sa mga ideya ng paraan ng pagliligawan, ang mga ito’y naging pamantayan para sa lahat na itinuturing na romansa o romantiko.

c Tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 1981, pahina 12-15, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

d Tingnan Ang Bantayan, Setyembre 1, 1995, pahina 27-30.

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Printer’s Ornaments/ni Carol Belanger Grafton/Dover Publications, Inc.

Bibliothèque Nationale, Paris

[Larawan sa pahina 19]

Larawang-guhit mula sa isang manuskrito noong ika-12 siglo

[Credit Line]

Bibliothèque Nationale, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share