Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 9/1 p. 27-30
  • Ang mga Cathar—Sila Ba’y mga Kristiyanong Martir?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Cathar—Sila Ba’y mga Kristiyanong Martir?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Relihiyosong Pagtutol sa Europa Noong Edad Medya
  • Naglilibot na mga Mángangarál
  • Sino ang mga Cathar?
  • Saloobin Tungkol sa Bibliya
  • Hindi mga Kristiyano
  • Isang Di-banal na Krusada
  • Nagdulot ng Kamatayan ang Inkisisyon
  • Ang mga Waldenses—Mula sa Erehiya Tungo sa Protestantismo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon
    Gumising!—1986
  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”
    Gumising!—1997
  • Apostasya—Nahadlangan ang Daan Tungo sa Diyos
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 9/1 p. 27-30

Ang mga Cathar​—Sila Ba’y mga Kristiyanong Martir?

“PATAYIN silang lahat; kilala ng Diyos ang sa Kaniya.” Sa araw na iyon ng tag-init ng 1209, lansakang pinaslang ang populasyon ng Béziers, sa gawing kanluran ng Pransiya. Hindi nagpakita ng awa ang mongheng si Arnold Amalric, na inatasan bilang sugo ng papado na mangunguna sa mga Katolikong krusado. Nang itanong ng kaniyang mga tauhan kung papaano nila makikilala ang mga Katoliko at mga erehe, ang sinipi sa itaas ang naiulat na kaniyang ubod-samáng tugon. Pinagaang pa nga ito ng mga Katolikong istoryador: “Huwag kayong mabahala. Naniniwala ako na kakaunti lamang ang makukumberte.” Anuman ang eksaktong sinabi niya, ang resulta ay ang kamatayan ng di-kukulangin sa 20,000 kalalakihan, kababaihan, at mga bata sa kamay ng humigit-kumulang 300,000 krusado, na pinangunahan ng mga obispo ng Simbahang Katoliko.

Ano ang sanhi ng lansakang pamamaslang na ito? Iyon ay simula pa lamang ng Krusadang Albigense na inilunsad ni Pope Innocent III laban sa umano’y mga erehe sa lalawigan ng Languedoc, sa timog-gitnang Pransiya. Bago iyon matapos mga 20 taon pagkaraan, malamang na isang milyon katao​—mga Cathar, mga Waldense, at maging maraming Katoliko​—ang nawalan ng kanilang buhay.

Relihiyosong Pagtutol sa Europa Noong Edad Medya

Ang mabilis na pag-unlad ng kalakalan noong ika-11 siglo C.E. ay nagdulot ng malalaking pagbabago sa lipunan at ekonomiya ng Europa noong Edad Medya. Nagsulputan ang mga bayan upang matirahan ng lumalaking bilang ng mga manggagawa at mangangalakal. Ito’y naglaan ng pagkakataon para sa mga bagong idea. Nag-ugat ang relihiyosong pagtutol sa Languedoc, kung saan umunlad ang isang sibilisasyon na kapansin-pansin sa pagpaparaya at pagsulong higit kaysa alinmang lugar sa Europa. Ang lunsod ng Toulouse sa Languedoc ang siyang ikatlong pinakamayamang kabisera sa Europa. Iyon ang daigdig na kung saan umunlad ang mga makata, na ang ilan ay lumikha ng mga liriko na may mga paksang pulitikal at relihiyoso.

Sa paglalarawan sa relihiyosong kalagayan noong ika-11 at ika-12 siglo, ganito ang sabi ng Revue d’histoire et de philosophie religieuses: “Noong ika-12 siglo, gaya ng nakaraang siglo, ang asal ng klero, ang kanilang karangyaan, ang kanilang pagiging mukhang-salapi, at ang kanilang imoralidad, ay patuloy na tinutulan, subalit pangunahin nang ang kanilang kayamanan at kapangyarihan, ang kanilang pakikipagsabuwatan sa sekular na mga awtoridad, at ang kanilang pagiging sunud-sunuran ang siyang pinuna.”

Naglilibot na mga Mángangarál

Kahit na si Pope Innocent III ay kumilala na ang palasak na katiwalian sa loob ng simbahan ang siyang dahilan sa pagdami ng mga tumututol, naglilibot na mga mángangarál sa Europa, lalo na sa timugang Pransiya at hilagang Italya. Ang karamihan sa mga ito ay alinman sa mga Cathar o sa mga Waldense. Binatikos niya ang mga pari dahil sa hindi pagtuturo sa mga tao, anupat sinabi: “Ang mga anak ay naghihikahos sa tinapay na ayaw ninyong ibahagi sa kanila.” Subalit, sa halip na itaguyod ang pagtuturo ng Bibliya sa mga tao, inangkin ni Innocent na “gayon na lamang kalalim ang banal na Kasulatan, anupat hindi lamang ang mga pangkaraniwan at mangmang, kundi maging ang masisiyasip at marurunong, ay di-sapat ang kakayahan upang pagsikapang maunawaan ito.” Ipinagbawal ang pagbabasa ng Bibliya sa lahat maliban sa klero at saka pinahihintulutan sa Latin lamang.

Upang masugpo ang naglilibot na pangangaral ng mga tumututol, sinang-ayunan ng papa ang pagtatatag ng Orden ng mga Prayleng Mángangarál, o mga Dominicano. Kabaligtaran ng marangyang Katolikong klero, ang mga prayleng ito ay magiging naglalakbay na mga mángangarál na inatasan upang ipagtanggol ang Katolikong ortodoksiya laban sa mga “erehe” sa timugang Pransiya. Nagpadala rin ang papa ng mga sugo ng papado upang makipagkatuwiranan sa mga Cathar at sikaping ibalik sila sa Katolikong kawan. Yamang nabigo ang mga pagsisikap na ito, at napatay ang isa sa kaniyang mga sugo, ipinagpapalagay na gawa ng isang erehe, iniutos ni Innocent III ang Krusadang Albigense noong 1209. Isa ang Albi sa mga bayan na doo’y maraming Cathar, kaya tinukoy ng mga tagapagtalâ ng simbahan ang mga Cathar bilang mga Albigense (Pranses, Albigeois) at ginamit ang termino upang ipakilala ang lahat ng “erehe” sa rehiyong iyon, kasali na ang mga Waldense. (Tingnan ang kahon sa ibaba.)

Sino ang mga Cathar?

Ang salitang “cathar” ay galing sa Griegong salita na ka·tha·rosʹ, na ang kahulugan ay “dalisay.” Mula noong ika-11 hanggang ika-14 na siglo, lumaganap ang Catharismo partikular na sa Lombardy, sa hilagang Italya, at sa Languedoc. Ang mga paniniwalang Cathar ay pinaghalong Silanganing dualismo at Gnostisismo, marahil inangkat ng mga banyagang mangangalakal at mga misyonero. Binigyang-katuturan ng The Encyclopedia of Religion ang Cathar na dualismo bilang paniniwala sa “dalawang simulain: isang mabuti, na umuugit sa lahat ng espirituwal, ang isa naman ay masama, na may pananagutan sa materyal na sanlibutan, kasali na ang katawan ng tao.” Naniniwala ang mga Cathar na nilalang ni Satanas ang materyal na sanlibutan, na permanenteng hinatulan ukol sa pagkapuksa. Ang kanilang pag-asa ay ang makatakas buhat sa masama at materyal na sanlibutan.

Ang mga Cathar ay hinati sa dalawang uri, ang mga sakdal at ang mga nananampalataya. Ang mga sakdal ay tinatanggap sa pamamagitan ng isang seremonya ng espirituwal na bautismo, na tinatawag na consolamentum. Ito ay ginaganap sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay, pagkatapos ng pagsubok sa loob ng isang taon. Inaakalang palalayain ng seremonya ang bagong kaanib buhat sa pamamahala ni Satanas, lilinisin siya buhat sa lahat ng kasalanan, at pagkakalooban ng banal na espiritu. Ito ang pinagmulan ng katawagang “sakdal,” na ikinapit sa medyo maliit na grupo ng mga piling tao na nagsisilbing mga ministro sa mga nananampalataya. Ang mga sakdal ay gumawa ng panata ng pagkakait-sa-sarili, kalinisan, at karalitaan. Kung may-asawa, kailangang iwan ng isang sakdal ang kaniyang kabiyak, yamang naniniwala ang mga Cathar na ang pagtatalik ang siyang orihinal na kasalanan.

Ang mga nananampalataya ay mga tao na, bagaman hindi namumuhay na tulad sa mga taong nagkakait sa sarili, gayunma’y tumatanggap sa mga turong Cathar. Sa pamamagitan ng pagluhod ukol sa karangalan ng sakdal sa isang ritwal na tinatawag na melioramentum, ang nananampalataya ay humihiling ng kapatawaran at pagpapala. Upang makapamuhay nang normal, nakikipagkontrata ang mga nananampalataya sa mga sakdal ng isang convenenza, o kasunduan, ukol sa consolamentum, o espirituwal na bautismo kapag sila’y nasa banig na ng kamatayan.

Saloobin Tungkol sa Bibliya

Bagaman ang mga Cathar ay madalas sumipi mula sa Bibliya, minalas nila ito pangunahin na bilang pinagmumulan ng mga talinghaga at alamat. Itinuturing nila na ang malaking bahagi ng Hebreong Kasulatan ay nanggaling sa Diyablo. Ginagamit nila ang mga bahagi ng Griegong Kasulatan, tulad ng mga teksto na nagpapakita ng kaibahan ng laman sa espiritu, upang suhayan ang kanilang dualistikong pilosopiya. Sa Panalangin ng Panginoon, nananalangin sila ukol sa “aming nakahihigit pa sa totoong tinapay” (na ang ibig sabihin ay “espirituwal na tinapay”) sa halip na “aming pang-araw-araw na tinapay,” yamang ang literal na tinapay ay masama sa kanilang paningin bagaman ito’y kinakailangan.

Marami sa mga turong Cathar ay tuwirang salungat sa Bibliya. Halimbawa, naniniwala sila sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa at sa reinkarnasyon. (Ihambing ang Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4, 20.) Ibinabatay rin nila ang kanilang mga paniniwala sa mga tekstong apokripa. Gayunpaman, hinggil sa mga bahagi ng Kasulatan na isinalin ng mga Cathar sa katutubong wika, sa papaano man, ginawa nito ang Bibliya bilang isang mas-kilalang aklat noong mga Edad Medya.

Hindi mga Kristiyano

Itinuring ng mga sakdal ang kanilang sarili bilang ang nararapat na kahalili ng mga apostol at, dahil dito, tinawag ang kanilang sarili na “mga Kristiyano,” anupat idiniriin ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng salitang “totoo” o “mabuti.” Subalit ang totoo, marami sa mga paniniwalang Cathar ay walang kaugnayan sa Kristiyanismo. Samantalang kinikilala ng mga Cathar na si Jesus ang Anak ng Diyos, tinatanggihan naman nila ang kaniyang pagparito sa laman at ang kaniyang pantubos na hain. Palibhasa’y mali ang pagkaunawa sa paghatol ng Bibliya sa laman at sa sanlibutan, itinuturing nila na lahat ng pisikal na bagay ay nanggagaling sa masama. Sa gayo’y iginigiit nila na si Jesus ay maaari lamang magkaroon ng espirituwal na katawan at na siya’y waring nagtataglay lamang ng katawang laman nang siya ay nasa lupa. Tulad ng unang-siglong mga apostata, ang mga Cathar ay “mga taong hindi ipinahahayag si Jesu-Kristo na dumarating sa laman.”​—2 Juan 7.

Sa kaniyang aklat na Medieval Heresy, isinulat ni M. D. Lambert na “hinalinhan [ng Catharismo] ang Kristiyanong moralidad sa pamamagitan ng sapilitang pagkakait-sa-sarili, . . . ipinagwalang-bahala ang katubusan sa pamamagitan ng pagtanggi sa nagliligtas na bisa ng [kamatayan ni Kristo].” Ipinagpapalagay niya na “ang tunay na kahawig ng mga sakdal ay ang mapagkait-sa-sariling mga guro sa Silangan, ang mga bonze (Budistang monghe) at fakir (naglalakbay na asetikong Hindu) ng Tsina o ng India, ang mga dalubhasa ng mga misteryong Orfiko, o ang mga guro ng Gnostisismo.” Sa paniniwalang Cathar, ang kaligtasan ay nakasalalay, hindi sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, kundi sa halip sa consolamentum, o bautismo sa banal na espiritu. Sa gayon para sa mga nilinis na, ang kamatayan ay magpapangyari ng paglaya buhat sa pisikal na bagay.

Isang Di-banal na Krusada

Ang mga pangkaraniwang tao, palibhasa’y nagsasawa na sa labis-labis na kahilingan ng klero at malaganap na pagsamâ, ay naakit sa paraan ng pamumuhay ng mga Cathar. Ipinakilala ng mga sakdal ang Simbahang Katoliko at ang herarkiya nito bilang “ang sinagoga ni Satanas” at “ang ina ng mga patutot” sa Apocalipsis 3:9 at 17:5. Umuunlad at pinapalitan ng Catharismo ang simbahan sa timugang Pransiya. Ang tugon ni Pope Innocent III ay ang ilunsad at tustusan ang tinaguriang Krusadang Albigense, ang unang krusada na binuo sa loob ng Sangkakristiyanuhan na laban sa mga taong nag-aangking mga Kristiyano.

Sa pamamagitan ng mga liham at mga sugo, tinakot ng papa ang mga Katolikong hari, konde, duke, at mga kabalyero ng Europa. Ipinangako niya ang mga indulhensiya at mga kayamanan ng Languedoc sa lahat ng makikipaglaban upang pawiin ang hidwang paniniwala “sa anumang paraan.” Tinugon ang kaniyang panawagan. Pinangungunahan ng mga Katolikong obispo at mga monghe, isang haluang hukbo ng mga krusado buhat sa hilaga ng Pransiya, Flanders, at Alemanya ang naglakbay patungong timog sa pamamagitan ng Rhône Valley.

Ang pagkawasak ng Béziers ang hudyat ng simula ng digmaan ng pananakop na tumupok sa Languedoc sa pamamagitan ng walang-habas na panununog at pagbububo ng dugo. Ang Albi, Carcassonne, Castres, Foix, Narbonne, Termes, at Toulouse ay pawang nagapi ng uhaw-sa-dugong mga krusado. Sa mga balwarte ng mga Cathar gaya ng Cassès, Minerve, at Lavaur, daan-daan sa mga sakdal ang sinunog sa tulos. Ayon sa mongheng tagapagtalâ na si Pierre des Vaux-de-Cernay, ‘sinunog nang buháy [ng mga krusado] ang mga sakdal, taglay ang kagalakan sa kanilang puso.’ Noong 1229, pagkatapos ng 20 taon ng alitan at pagkawasak, ang Languedoc ay napailalim sa pamahalaang Pranses. Subalit hindi pa tapos ang pamamaslang.

Nagdulot ng Kamatayan ang Inkisisyon

Noong 1231, itinatag ni Pope Gregory IX ang papadong Inkisisyon upang suportahan ang sandatahang pakikipaglaban.a Ang sistema ng Inkisisyon sa pasimula ay batay sa mga pagtuligsa at pagbabanta at, nang maglaon, sa sistematikong pagpapahirap. Ang layunin nito ay upang pawiin ang hindi nagawang lipulin ng tabak. Ang mga hukom ng Inkisisyon​—karamihan ay mga prayleng Dominicano at Franciscano​—​ay nananagot lamang sa papa. Ang kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog ang siyang opisyal na parusa para sa hidwang paniniwala. Gayon na lamang ang pagkapanatiko at kalupitan ng mga inkisista kung kaya sumiklab ang paghihimagsik, sa Albi at Toulouse, bukod pa sa ibang mga lugar. Sa Avignonet, lahat ng miyembro ng hukumang pang-Inkisisyon ay pinaslang.

Noong 1244 ang pagsuko ng kuta sa bundok na Montségur, ang huling kanlungan ng maraming sakdal, ang siyang hudyat ng kamatayan para sa Catharismo. Humigit-kumulang 200 lalaki at babae ang pumanaw sa isang lansakang pagsunog sa tulos. Sa paglakad ng mga taon, hinanap at inilantad ng Inkisisyon ang nalalabing mga Cathar. Ang huling Cathar ay iniulat na sinunog sa tulos sa Languedoc noong 1330. Ganito ang sabi ng aklat na Medieval Heresy: “Ang pagbagsak ng Catharismo ang pangunahing tagumpay ng Inkisisyon.”

Ang mga Cathar ay malayung-malayo sa pagiging tunay na mga Kristiyano. Subalit ang kanila bang pagbatikos sa Simbahang Katoliko ay nagbigay-matuwid sa malupit na paglipol sa kanila ng tinaguriang mga Kristiyano? Ang mga Katolikong umusig at pumatay sa kanila ay lumapastangan sa Diyos at kay Kristo at ipinakilala nang may kamalian ang Kristiyanismo yamang kanilang pinahirapan at pinaslang ang sampu-sampung libong tumututol.

[Talababa]

a Para sa higit pang detalye tungkol sa Inkisisyon noong edad medya, tingnan “Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon” sa Gumising! ng Oktubre 22, 1986, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 20-3.

[Kahon sa pahina 28]

ANG MGA WALDENSE

Sa pagtatapos ng ika-12 siglo C.E., tinustusan ni Pierre Valdès, o Peter Waldo, isang mayamang mangangalakal sa Lyons, ang mga unang salin ng mga bahagi ng Bibliya sa iba’t ibang lokal na mga diyalekto ng Provençal, ang katutubong wika sa timog at timog-silangang Pransiya. Bilang isang taimtim na Katoliko, binitiwan niya ang kaniyang negosyo at inialay ang kaniyang sarili sa pangangaral ng Ebanghelyo. Palibhasa’y namumuhi sa tiwaling klero, maraming Katoliko ang sumunod sa kaniya at naging naglilibot na mga mángangarál.

Di-nagtagal at napaharap si Waldo sa galit ng lokal na klero, na humimok sa papa na ipagbawal ang kaniyang pangmadlang pangangaral. Ganito ang naiulat na tugon niya: “Dapat nating sundin ang Diyos sa halip na ang mga tao.” (Ihambing ang Gawa 5:29.) Dahil sa kaniyang pagpupumilit, si Waldo ay itiniwalag. Ang kaniyang mga tagasunod, na tinatawag na mga Waldense, o mga Dukhang Lalaki ng Lyons, ay masigasig na nagpunyaging tumulad sa kaniyang halimbawa, anupat nangangaral nang dala-dalawa sa tahanan ng mga tao. Ito’y nagbunga ng mabilis na paglaganap ng kanilang mga turo sa buong timog, silangan, at mga bahagi ng hilagang Pransiya, gayundin sa hilagang Italya.

Sa kalakhang bahagi, sinuportahan nila ang pagbabalik sa mga paniniwala at mga gawain ng sinaunang Kristiyanismo. Tinutulan nila, bukod pa sa ibang mga turo, ang purgatoryo, panalangin para sa mga patay, pagsamba kay Maria, pananalangin sa “mga santo,” pagsamba sa krus, indulhensiya, ang Komunyón, at pagbibinyag sa sanggol.b

Ang mga turo ng mga Waldense ay ibang-iba sa di-maka-Kristiyano at dualistikong turo ng mga Cathar, na madalas na mapagkamalang sila. Ang kalituhang ito ay pangunahin nang dahil sa umaatakeng mga Katoliko na kusang nagtatangkang iugnay ang pangangaral ng mga Waldense sa mga turo ng mga Albigense, o mga Cathar.

[Talababa]

b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga Waldense, tingnan ang artikulong “Ang mga Waldense​—mga Erehes ba o mga Naghahanap ng Katotohanan?” sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 1982, pahina 12-17.

[Larawan sa pahina 29]

Pitong libo ang nasawi sa Church of St. Mary Magdalene sa Béziers, kung saan pinaslang ng mga krusado ang 20,000 lalaki,babae, at mga bata

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share