Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 p. 13-16
  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mas Malupit na mga Hakbang
  • Ang Pamamaraang Inkisitoryal
  • Mga Parusa
  • Sinang-ayunan-ng-Papa na Pagpapahirap
  • Anim na Siglo ng Kilabot
  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”
    Gumising!—1997
  • Ang Inkisisyong Kastila—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1987
  • Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1986
  • Mga Instrumento sa Di-Maubos-Maisip na Pagpapahirap
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 10/22 p. 13-16

Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon

IKA-13 siglo noon. Ang buong timog ng Pransiya ay pinamumugaran daw ng mga erehes. Ang obispo roon ay nabigo sa kaniyang mga pagsisikap na alisin ang mga dawag na ito na tumutubo sa kaniyang diyosesis, isang bukirin na ipinalalagay na puro Katoliko. Waring kinakailangan ang mas marahas na pagkilos. Pumasok ang pantanging mga kinatawan ng papa “may kaugnayan sa erehiya o maling pananampalataya.” Dumating na sa bayan ang Inkisisyon.

Ang mga pinagmulan ng Inkisisyon ay noon pang ika-11 at ika-12 mga siglo, nang magsimulang maglitawan ang iba’t ibang mga pangkat na disidente sa Katolikong Europa. Subalit ang ganap na Inkisisyon ay pinasinayahan ni Papa Lucius III sa Sinodo ng Verona, Italya, noong 1184. Sa pakikipagtulungan ng Banal na Romanong Emperador Frederick I Barbarossa, pinagtibay niya na ang sinuman na magsalita o mag-isip man lamang na laban o salungat sa doktrinang Katoliko ay magiging iskomulgado ng simbahan at na nararapat na parusahan ng sekular na mga awtoridad. Ang mga obispo ay pinagbilinan na hanapin (Latin, inquirere) ang mga erehes. Ito ang pasimula ng tinatawag na Inkisisyong Episcopal, yaon ay, inilagay sa ilalim ng awtoridad ng mga obispong Katoliko.

Mas Malupit na mga Hakbang

Gayunman, gaya ng nangyari, sa mga paningin ng Roma ang mga obispo ay hindi gaanong masigasig sa paghahanap sa mga disidente. Kaya ang ilang sunud-sunod na mga papa ay nagpadala ng kinatawan o sugò na, sa tulong ng mga mongheng Cistercian, ay binigyang-kapangyarihan na isagawa ang kanilang sariling “pagsisiyasat” sa erehiya. Kaya, sa loob ng isang panahon may dalawang magkaagapay na mga Inkisisyon, tinatawag na mga Inkisisyong Episcopal at Legatine, ang huling banggit ay mas masahol kaysa nauna.

Kahit na ang mas malupit na Inkisisyong ito ay hindi sapat kay Papa Innocent III. Noong 1209 inilunsad niya ang isang krusadang militar laban sa mga erehes sa gawing timog ng Pransiya. Ang mga ito ay karaniwan ng mga Cathar, isang grupo na pinaghalo ang Manichaeismo sa apostatang Kristiyanong Gnostisismo.a Yamang ang Albi ay isa sa mga bayan kung saan lalong marami ang mga Cathar, sila ay nakilala bilang mga Albigenses.

Ang “sagradong digmaan” laban sa mga Albigenses ay nagtapos noong 1229, subalit hindi nalipol ang lahat ng mga tumututol. Kaya nang taon ding iyon, sa Sinodo ng Toulouse sa gawing timog ng Pransiya, si Papa Gregory IX ay nagbigay ng isang bagong pampasigla sa Inkisisyon. Nagsaayos siya para sa permanenteng mga inkisitor, kasama ang isang pari, sa bawat parokya. Noong 1231 gumawa siya ng isang batas kung saan ang hindi nagsisising mga erehes ay hahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy at ang mga nagsisisi ay sa habang-buhay na pagkabilanggo.

Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1233, inalis ni Gregory IX sa mga obispo ang pananagutan na hanapin ang mga erehes. Itinatag niya ang Inkisisyong Monastiko, tinatawag na gayon sapagkat hinirang niya ang mga monghe bilang opisyal na mga inkisitor. Ang karamihan sa mga ito ay pinili mula sa mga membro ng katatatag na Ordeng Dominicano, at gayundin sa gitna ng mga Franciscano.

Ang Pamamaraang Inkisitoryal

Titipunin ng mga inkisitor, mga paring Dominicano o Franciscano, ang lokal na mga mamamayan sa mga simbahan. Sila’y ipinatatawag doon upang ipagtapat o ikumpisal ang erehiya o maling pananampalataya kung nagkasala sila nito o upang isumbong ang sinumang erehes na kilala nila. Kahit na kung pinaghihinalaan lamang ang isa ng erehiya, dapat nilang isumbong ang taong iyon.

Maaaring paratangan ng sinuman​—lalaki, babae, bata, o alipin​—ang isang tao ng erehiya, nang hindi natatakot na siya ay haharapin ng pinaratangan ni sa dakong huli ay malalaman man kung sino ang nagsumbong. Bihirang may magtanggol sa pinaratangan, yamang ang sinumang abugado o saksi alang-alang sa kaniyang kapakanan ay pararatangan din ng pagtulong at pagsulsol sa isang erehe. Kaya ang pinararatangan ay karaniwang nag-iisa sa harap ng mga inkisitor, na siya ring mga tagapag-usig at mga hukom.

Yaong mga pinaratangan ay binibigyan ng sa pinakamahaba ay isang buwan upang magtapat. Kung baga sila ay magtatapat o hindi, sisimulan na ang “pagtatanong” (Latin, inquisitio). Ang pinararatangan ay ikinukulong, ang marami ay sa isang makipot na selda na nag-iisa at kaunting pagkain. Kapag punô ang bilangguan ng obispo, ang bilangguang pambayan ang ginagamit. Kapag ito ay lumabis, ang mga lumang gusali ay ginagawang mga bilangguan.

Yamang ang pinaratangan ay ipinalalagay na maysala kahit na bago pa man litisin, ang mga inkisitor ay gumagamit ng apat na mga pamamaraan upang himukin silang ipagtapat ang erehiya. Una, ang banta ng kamatayan sa tulos. Ikalawa, nakaposas na pagkabilanggo sa isang madilim, mamasa-masa, at maliit na selda. Ikatlo, sikolohikal na panggigipit ng mga dumadalaw sa bilangguan. At, ang huli, pagpapahirap, na kinabibilangan ng panghatak, ng kalo, o strappado, at pagpapahirap sa pamamagitan ng apoy. Ang mga monghe ay naroroon upang itala ang anumang pagtatapat. Ang pagpapawalang-sala ay totoong imposible.

Mga Parusa

Ang mga hatol ay ipinahahayag kung Linggo, sa simbahan o sa plasa, na presente ang klero. Ang isang magaang na hatol o sentensiya ay maaaring mga penitensiya. Gayunman, kasali rito ang sapilitang pagsusuot ng isang dilaw na krus na itinahi sa mga damit, na nagpapangyaring lubhang imposibleng makasumpong ng trabaho. O ang sentensiya ay maaaring paghagupit sa publiko, pagkabilanggo, o ikaw ay ipasa sa sekular na mga awtoridad para sa kamatayan sa pamamagitan ng apoy.

Kasama sa mas mabigat na mga parusa ang pag-ilit ng ari-arian ng taong nahatulan, na pinaghahatian ng Simbahan at ng Estado. Sa gayon ang natitirang mga membro ng pamilya ng erehe ay lubhang naghihirap. Ang mga bahay ng mga erehes at niyaong mga nagpatuloy sa mga erehes ay ginigiba.

Gayundin, ang mga patay na sinasabing mga erehes ay lilitisin kahit na pagkamatay. Kapag sila ay nasumpungang maysala, ang kanilang mga bangkay ay huhukayin at susunugin, at ang kanilang mga ari-arian ay iilitin. Minsan pa ito ay nagdala ng labis-labis na pagpapahirap sa walang-malay na natitirang mga membro ng pamilya.

Gayon ang pangkalahatang pamamaraan na sinunod ng Inkisisyong medieval, na may pagkakaiba-iba ayon sa panahon at lugar.

Sinang-ayunan-ng-Papa na Pagpapahirap

Noong 1252 inilathala ni Papa Innocent IV ang kaniyang bula o utos na Ad exstirpanda, na opisyal na nag-aawtorisa sa paggamit ng pagpapahirap sa mga hukumang eclesiastical ng Inkisisyon. Higit pang mga regulasyon tungkol sa paraan ng pagpapahirap na gagamitin ay prinoklama nina Papa Alexander IV, Urban IV, at Clement IV.

Sa simula ang eclesiastical na mga inkisitor ay hindi pinapayagan na presente o naroroon kapag isinasagawa ang pagpapahirap, subalit inalis nina Papa Alexander IV at Urban IV ang restriksiyong ito. Pinangyari nito ang “pagtatanong” na magpatuloy sa silid na pahirapan. Gayundin naman, gaya ng dating awtorisado, ang pagpapahirap ay minsan lamang isasagawa, subalit nilulusutan ito ng mga inkisitor ng papa sa pagsasabing ang inulit na mga sesyon ng pagpapahirap ay “isang pagpapatuloy” lamang ng unang sesyon.

Di-nagtagal pati ang mga saksi ay pinahihirapan upang tiyakin na isinusumbong nila ang lahat ng mga erehes na nakikilala nila. Kung minsan ang isang taong pinaratangan na nagtapat ng erehiya ay pinahihirapan kahit na pagkatapos magtapat o mangumpisal. Gaya ng paliwanag ng The Catholic Encyclopedia, ito ay “upang pilitin siyang sumaksi laban sa kaniyang mga kaibigan at mga kapuwa-salarin.”​—Tomo VIII, pahina 32.

Anim na Siglo ng Kilabot

Sa gayon, ang makinaryang inkisitoryal ay kumilos sa unang kalahati ng ika-13 siglo C.E. at ginamit sa loob ng mga ilang siglo upang lupigin ang sinuman na nagsalita o nag-isip man ng kakaiba sa Iglesya Katolika. Ipinalaganap nito ang kilabot sa buong Katolikong Europa. Nang sa pagtatapos ng ika-15 siglo, ang Inkisisyon ay nagsimulang huminahon sa Pransiya at sa iba pang mga bansa sa Kanluran at Gitnang Europa, ito ay nag-alab sa Espanya.

Ang Inkisisyong Kastila, na inawtorisa ni Papa Sixtus IV noong 1478, ay unang pinatungkol laban sa mga Marranos, o mga Judiong Kastila, at sa mga Moriscos, o mga Muslim na Kastila. Marami sa mga ito, na tinanggap ang pananampalatayang Katoliko dahil sa takot, ay pinaghinalaan na patuloy na isinasagawa nang lihim ang kanilang dating relihiyon. Gayunman, nang maglaon ang Inkisisyon ay ginamit bilang isang kakila-kilabot na sandata laban sa mga Protestante at sa iba pang mga tumututol.

Mula sa Espanya at Portugal ang Inkisisyon ay kumalat sa mga kolonya ng dalawang Katolikong mga monarkiyang ito sa Gitna at Timog Amerika at sa iba pang lugar. Nagwakas lamang ito nang sakupin ni Napoleon ang Espanya sa pagsisimula ng ika-19 na siglo. Ito ay pansamantalang naibalik pagkatapos bumagsak ni Napoleon subalit sa wakas ay nasawata noong 1834, isang daan at limampung taon lamang ang nakalipas.

[Talababa]

a Kalimitang maling binabansagan ng mga mananalaysay na Katoliko ang medieval na mga erehes na “sektang Manichaean.” Si Mani, o Manes, ang nagtatag ng isang relihiyon ng pinagsamang Persianong Zoroastrianismo at Buddhismo sa apostatang Kristiyanong Gnostisismo noong ikatlong siglo C.E. At bagaman ang gayong disidenteng mga grupo na gaya ng mga Cathar ay maaaring nag-uugat sa mga turo ni Mani, tiyak na hindi ito totoo sa nasasalig-Bibliyang mga pangkat ng disidente na gaya ng mga Waldenses.

[Larawan sa pahina 14]

Sari-saring pamamaraan ng pagpapahirap ang ginagawa ng mga inkisitor

[Pinagmulan]

Photo Bibliothéque Nationale, Paris

[Larawan sa pahina 15]

Binigyan-karapatan ni Papa Innocent IV ang paggamit ng pagpapahirap

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share