Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 10/22 p. 16-17
  • Paano Ito Nangyari?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ito Nangyari?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Makabagong-Panahong Pamana
  • Ang Inkisisyong Kastila—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1987
  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon
    Gumising!—1986
  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”
    Gumising!—1997
  • Ang Inkisisyon sa Mexico—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 10/22 p. 16-17

Paano Ito Nangyari?

ISA sa mga kabalintunaan sa kasaysayan ay na ang ilan sa pinakamalubhang krimen laban sa sangkatauhan​—natumbasan lamang ng ika-20 siglong mga kampong piitan​—ay ginawa ng mga paring Dominicano o Franciscano na kabilang sa dalawang mga ordeng nangangaral na sinasabing natatalaga sa pangangaral ng mensahe ni Kristo na pag-ibig.

Mahirap maunawaan kung paanong ang isang simbahan na naniniwala sa kinasihang pananalitang, “Lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin,” ay naging tagausig mismo. (2 Timoteo 3:12, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko) Paano ito nangyari?

Una, ginawa itong posible ng turong Katoliko. Papaano? Maaari itong buurin ng bantog na pananalita ng Katolikong si “San” Agustin: “Salus extra ecclesiam non est” (Walang kaligtasang umiiral sa labas ng simbahan o iglesya). Kamakailan, ganito ang sabi ng A History of Christianity ni Paul Johnson tungkol kay Agustin: “Hindi lamang niya tinanggap, kundi siya rin ang nagpanukala ng, pag-uusig; at ang kaniyang mga pagtatanggol ang nang dakong huli ay pinagbatayan ng lahat niyaong pagtatanggol sa Inkisisyon.”

Noong ika-13 siglo, inirekomenda ni “Santo” Tomas Aquinas, tinatawag na “Angelic Doctor,” ang hatol na kamatayan para sa erehiya. Ipinaliwanag ito ng The Catholic Encyclopedia sa pagsasabing: “Ibinatay ng mga teologo at mga hurado ang kanilang saloobin sa ilang lawak sa pagkakahawig sa pagitan ng erehiya at kataksilan.” Ang aklat ding iyon ay nagsasabi: “Walang alinlangan, samakatuwid, na inaangkin ng Simbahan ang karapatan na gumamit ng pisikal na pamumuwersa laban sa pormal na mga apostata.”

Sa katunayan, ang “karapatan” ng simbahan na pahirapan at sunugin ang mga erehes ay isang kakila-kilabot na resulta ng hindi maka-kasulatang mga doktrina ng impierno at purgatoryo. Ang simbahan ay nagpahirap sa ngalan ng isang Diyos na may kalapastanganang sinasabi niya na isang tagapagpahirap.​—Ihambing ang Jeremias 7:31; Roma 6:23.

Ang isa pang dahilan kung bakit nangyari ang Inkisisyon ay ang matinding pagkasangkot ng simbahan sa pulitika. Sa katunayan, ang Europa noong Edad Medya ay isang totalitaryong lipunan kung saan ang Simbahan at ang Estado, bagaman madalas na nagpapaligsahan sa isa’t isa, ay pinagkaisa ang kanilang mga puwersa laban sa sinumang tao na mangahas pintasan ang pari o ang prinsipe. Mula sa mapangalunyang kaugnayang ito ay lumitaw ang Inkisisyon. Sa Pranses na Encyclopædia Universalis ay ating mababasa: “Hinding-hindi sana naisagawa ng Inkisisyon ang atas nito kung wala ang pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng bayan na naglaan dito ng mga kayamanan nito at isinagawa ang mga hatol nito.”

Hindi ibig sabihin niyan na ang Protestante ay walang kasalanan. Ipinakikita ng walang kinikilingang mga rekord ng kasaysayan na kung minsan sila ay kasimpanatiko rin ng mga Katoliko. Sila man, ay nagsagawa ng kakila-kilabot na mga kalupitan sa ngalan ni Kristo, sinusunog pa nga sa tulos ang mga tumututol, kadalasan sa tulong ng sekular na mga awtoridad. At ang mga kalupitang Protestante ay nangyari sa gayunding mga kadahilanan: Ang mga Protestante ay bahagi rin ng isang sistemang relihiyoso na nagtuturo ng hindi maka-kasulatang doktrina na ang Diyos ay naggagawad ng walang hanggang pagpapahirap at na pinapanatili nito sa buong dantaon ang isang maruming espirituwal na kaugnayan sa sekular na mga kapangyarihan.

Isang Makabagong-Panahong Pamana

Maaari kayang mangyaring muli ang Inkisisyon? Tiyak na hindi, sa isang secular-oriented na lipunan ngayon. Gayunman, ganito ang kawili-wiling komento ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pamana ng Kristiyanong pagkapanatiko at ang mga pamamaraan na nagawa nito (halimbawa, ang inkisisyon, o brainwashing) ay gumagana sa pagkapanatiko ng ideolohiya at mga pamamaraan ng modernong mga rebolusyong pulitikal.”

Oo, “ang pamana ng [apostatang] Kristiyanong pagkapanatiko at ang mga pamamaraan na nagawa nito” ay makikita sa kasalukuyang-panahong pagkapanatiko na walang kaugnayan sa relihiyon. Sa ilang mga bansa, ang mga pamamaraang katulad ng Inkisisyon ay ginamit na ng mga kapangyarihang pulitikal laban sa mga kinatawan ng Iglesya Katolika. Isa lamang itong patikim ng kung ano ang mangyayari.

Ipinakikita ng Bibliya na “ang mga hari sa lupa,” o ang mga pinuno ng daigdig, kung saan ang gayong mga relihiyong makasanlibutan ay nagkasala ng espirituwal na “pakikiapid,” ay babaling laban sa buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na isinasagisag ng “patutot,” ang “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:1-6) Magsasawa sila sa kaniyang pakikialam sa kanilang mga gawaing pulitikal. Gagamitin ng Diyos ang gayong pulitikal na mga elemento na laban sa relihiyon upang igawad ang hatol sa napakasamang sistemang ito ng relihiyon. Kanilang “huhubaran siya; at kakanin ang kaniyang laman at siya’y lubos na susupukin ng apoy.” (Apocalipsis 17:12, 16-18, The Jerusalem Bible) Ang dugo na ibinubo niya sa pamamagitan ng mga digmaang relihiyoso, mga krusada, at mga inkisisyon ay ipaghihiganti.​—Apocalipsis 18:24; 19:2.

Kinakailangan kung gayong sundin ng lahat ng taimtim na mga Katoliko at mga Protestante na ikinahihiyang maging bahagi ng isang relihiyosong sistema na nagbubo ng napakaraming walang-malay na dugo ang panawagan ng Diyos: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”​—Apocalipsis 18:4.

[Blurb sa pahina 17]

Ang “karapatan” ng simbahan na pahirapan at sunugin ang mga erehes ay, sa katunayan, isang kakila-kilabot na resulta ng hindi maka-kasulatang mga doktrina ng impierno at purgatoryo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share