Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/8 p. 18-21
  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paglilitis at ang “Auto-da-fé”
  • Ang Paglilitis ng Prelado
  • Ang Pagbitay sa isang Kabataang Estudyante
  • Isa Pang Dahilan ng Malubhang Pagkakasala
  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon
    Gumising!—1986
  • Ang Inkisisyong Kastila—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1987
  • Ang Inkisisyon sa Mexico—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1994
  • Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/8 p. 18-21

Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA

NAROROON sa kabilang panig ng mapanglaw na korte ang mataas at napakalaking upuan ng mga hukom. Ang upuan ng tagapangulo sa gitna ay natatakpan ng maitim na lambong na tela, nasasabitan ng malaking kahoy na krusipiho na kitang-kita sa buong hukuman. Sa harapan nito, naroroon ang upuan ng nililitis.

Ganito ang malimit na paglalarawan sa mga korte ng malupit na Inkisisyong Katoliko. Ang nakasisindak na paratang laban sa sinamang-palad na nasasakdal ay “erehiya,” isang salita na magpapagunita ng pagpapahirap at pagbitay sa pamamagitan ng pagsunog sa tulos. Ang Inkisisyon (mula sa pandiwang Latin na inquiro, “upang magsiyasat”) ay isang pantanging eklesyastikong korte na itinatag upang buwagin ang erehiya, alalaong baga, ang mga opinyon o mga doktrina na hindi kasuwato ng ortodoksong turo ng Romano Katoliko.

Sinabi ng Katolikong pinagmulan ng impormasyon na ito’y itinatag nang yugtu-yugto. Itinatag ni Papa Lucius III ang Inkisisyon sa Konseho ng Verona noong 1184, anupat pinaghusay na mabuti ang pagkakaorganisa at mga pamamaraan nito​—kung magagamit ang gayong salita upang ilarawan ang nakatatakot na institusyong ito​—ng ibang mga papa. Noong ika-13 siglo, itinatag ni Papa Gregory IX ang mga korte ng Inkisisyon sa iba’t ibang lugar sa Europa.

Ang ubod nang samang Inkisisyong Kastila ay itinatag noong 1478 na may utos ng papa na inilabas ni Papa Sixtus IV sa kahilingan ng namumunong hari at reyna na sina Ferdinand at Isabella. Itinatag ito upang labanan ang mga Marrano, mga Judiong nagkunwang nakumberte sa Katolisismo upang makaligtas sa pag-uusig; ang mga Morisco, ang mga tagasunod ng Islam na nakumberte sa Katolisismo sa gayunding dahilan; at ang mga erehe na Kastila. Dahil sa kaniyang panatikong sigasig, ang kauna-unahang punong inkisitor sa Espanya, si Tomás de Torquemada, ay isang prayleng Dominiko na naging sagisag ng pinakabuktot na katangian ng Inkisisyon.

Noong 1542, itinatag ni Papa Paul III ang Inkisisyong Romano, na ang saklaw ay umabot sa buong Katolikong mga lupain. Hinirang niya ang anim na kardinal sa pinakasentrong hukuman, na tinawag na Congregation of the Holy Roman and Universal Inquisition, isang eklesyastikong lupon na naging “isang pamahalaan ng lagim na lumipos ng takot sa buong Roma.” (Dizionario Enciclopedico Italiano) Ang pagbitay sa mga erehe ay gumimbal sa mga bansa kung saan may lubusang pamumuno ang herarkiyang Katoliko.

Ang Paglilitis at ang “Auto-da-fé”

Pinatutunayan ng kasaysayan na pinahirapan ng mga inkisitor ang mga taong pinaratangan ng erehiya upang pigaing magtapat. Sa pagsisikap na mabawasan ang pagkakasala sa Inkisisyon, isinulat ng mga komentaristang Katoliko na noong panahong iyon, ang pagpapahirap ay karaniwan din sa sekular na mga hukuman. Subalit nagbibigay-katuwiran ba ito sa ginagawa ng mga ministrong nag-aangking mga kinatawan ni Kristo? Hindi ba sila dapat magpakita ng habag na ipinakita ni Kristo sa kaniyang mga kaaway? Upang maging makatuwiran sa bagay na ito, maaari nating pag-isipan ang isang simpleng tanong: Maaari kayang gamitin ni Kristo Jesus ang pagpapahirap sa mga taong may naiibang paniwala sa kaniyang mga turo? Ang sabi ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway, na gawan ng mabuti yaong mga napopoot sa inyo.”​—Lucas 6:27.

Ang Inkisisyon ay hindi nagbigay ng anumang katarungan sa mga inakusahan. Sa tunay na kalagayan, ang kapangyarihan ng mga inkisitor ay walang limitasyon. “Ang paghihinala, akusasyon, maging ang sabi-sabi, ay sapat na mga dahilan para ipatawag ng isang inkisitor ang isang tao upang humarap sa kaniya.” (Enciclopedia Cattolica) Tinitiyak ni Italo Mereu, isang mananalaysay sa batas, na ang herarkiyang Katoliko mismo ang bumuo at sumunod sa sistemang inkisisyon ng katarungan, anupat tinalikdan ang sinaunang sistema ng pag-aakusa na itinatag ng mga Romano. Hinihiling ng batas Romano na patunayan ng tagapag-akusa ang kaniyang alegasyon. Kung may pag-aalinlangan, mas makabubuti kung pawalang-sala kaysa hatulan ang isa na walang kasalanan. Pinalitan ng herarkiyang Katoliko ang saligang simulaing ito ng ideya na ang paghihinala ay ipinalalagay nang kasalanan, at ang nasasakdal ang nangangailangang magpatunay ng kaniyang kawalang-kasalanan. Ang mga pangalan ng nagsakdal na mga saksi (tagapagsumbong) ay inililihim, at ang tagapagtanggol na abogado, kung mayroon man, ay nanganganib na mawalan ng dangal at ng kaniyang posisyon kung matagumpay niyang naipagtanggol ang diumano’y erehe. Bilang resulta, gaya ng inaamin ng Enciclopedia Cattolica, “ang nasasakdal ay totoong walang kalaban-laban. Ang tanging magagawa lamang ng abogado ay payuhan ang nagkasala na magtapat!”

Ang paglilitis ay hahantong sa auto-da-fé, ang kasabihang Portuges na nangangahulugang “gawa ng pananampalataya.” Ano ba ito? Ipinakikita ng mga guhit sa isang yugto ng panahon na ang kaawa-awang mga nasasakdal na pinaratangan ng erehiya ay nagiging mga biktima ng kalagim-lagim na panoorin. Binigyan-kahulugan ng Dizionario Ecclesiastico ang auto-da-fé bilang isang “pangmadlang muling pakikipagkasundo na isinasagawa ng hinatulan at nagsisising mga erehe” pagkatapos na basahin ang kanilang hatol.

Ang paghatol at pagbitay sa mga erehe ay ipinagpapaliban upang ang ilan ay maisama sa isahang kalagim-lagim na panoorin makalawa sa isang taon o higit pa. Nagkakaroon ng mahabang parada ng mga erehe sa harapan ng mga miron, na pinanonood taglay ang pinaghalong damdamin ng pagkatakot at sadistang imahinasyon. Ang hinatulan ay pinaaakyat sa isang entabladong bibitayan sa gitna ng malaking plasa, at binabasa nang malakas ang kanilang mga hatol. Ang mga nagsisisi, alalaong baga, ang mga tumalikod sa mga doktrina ng erehiya, ay naipagpapaliban ang pagtitiwalag at nasisintensiyahan ng iba’t ibang parusa kasali na ang habang-buhay na pagkabilanggo. Yaong mga hindi nagsisi subalit nangumpisal sa isang pari sa huling sandali ay dinadala sa sibilyang mga awtoridad para bigtihin, bitayin, o pugutan ng ulo, kasunod ng pagsusunog dito. Ang mga hindi nagsisisi ay sinusunog nang buháy. Ang pagbitay mismo ay nagaganap sa ibang pagkakataon, kasunod ng iba pang pangmadlang panoorin.

Ang gawain ng Inkisisyong Romano ay nababalot ng sukdulang pagiging lihim. Maging sa ngayon, ang mga iskolar ay hindi pinahihintulutang sumangguni sa mga archive nito. Gayunman, naisiwalat ng matiyagang pananaliksik ang maraming dokumento tungkol sa Romanong paglilitis sa hukuman. Ano ang isinisiwalat ng mga ito?

Ang Paglilitis ng Prelado

Si Pietro Carnesecchi, isinilang sa Florence sa pagpapasimula ng ika-16 na siglo, ay mabilis na sumulong sa kaniyang eklesyastikong karera sa korte ni Papa Clement VII, na siyang humirang sa kaniya bilang kaniyang personal na kalihim. Gayunman, ang karera ni Carnesecchi ay biglang nahinto nang mamatay ang papa. Nang maglaon, nakilala niya ang mararangal na tao at mga klero na, gaya niya, ay tumanggap ng ilang doktrina na itinuro ng Repormasyong Protestante. Bilang resulta, siya’y nilitis nang tatlong ulit. Dahil hinatulan ng kamatayan, siya’y pinugutan ng ulo, at ang kaniyang katawan ay sinunog.

Inilarawan ng mga komentarista na ang buhay ni Carnesecchi sa bilangguan ay napakalungkot. Upang sirain ang kaniyang loob, siya’y pinahirapan at ginutom. Noong Setyembre 21, 1567, ang kaniyang kapita-pitagang auto-da-fé ay isinagawa sa harap ng halos lahat ng kardinal sa Roma. Ang hatol kay Carnesecchi ay binasa sa kaniya sa entabladong bitayan sa harap ng madla. Nagwakas ito sa kinaugaliang kansiyon at isang panalangin sa mga miyembro ng sibilyang hukuman, na siyang pagdadalhan sa erehe, upang ‘magpagaan sa sentensiya sa tao at hindi hahatol ng kamatayan o magpapadanak ng dugo.’ Hindi ba’t ito ang sukdulan ng kapaimbabawan? Ibig ng mga inkisitor na lipulin ang mga erehe subalit, ibig rin naman nila, na magkunwang humihingi ng awa sa sekular na mga awtoridad, sa gayo’y upang huwag silang mapahiya at maibaling sa iba ang bigat ng pagkakasala sa dugo. Pagkatapos na basahin ang hatol kay Carnesecchi, pinagsuot siya ng sanbenito​—isang dilaw na telang-sako na kasuutan na pinintahan ng pulang mga krus para sa mga nagsisisi o itim na may apoy at mga demonyo para sa hindi nagsisisi. Ang sentensiya ay isinagawa pagkalipas ng sampung araw.

Bakit inakusahan ng erehiya ang dating kalihim na ito ng papa? Isiniwalat ng paglilitis sa kaniya, na natuklasan sa pagtatapos ng nakaraang dantaon, na siya’y nasumpungang maysala sa 34 na paratang kaugnay ng mga doktrina na kaniyang hinamon. Kabilang sa mga ito ang mga turo ng purgatoryo, ang hindi pag-aasawa ng mga pari at madre, transubstansasyon, kumpil, kumpisal, pagbabawal ng mga pagkain, indulhensiya, at mga panalangin sa mga “santo.” Ang ikawalong paratang ay lalo nang nakatatawag pansin. (Tingnan ang kahon, pahina 21.) Sa pamamagitan ng paghatol ng kamatayan sa mga tumanggap sa “salita ng Diyos na ipinahayag sa Banal na Kasulatan” bilang tanging saligan ng paniniwala, maliwanag na ipinamalas ng Inkisisyon na hindi itinuturing ng Simbahang Katoliko ang Banal na Bibliya bilang ang tanging kinasihang saligan. Kaya hindi kataka-taka na marami sa doktrina ng simbahan ay nakasalig, hindi sa Kasulatan, kundi sa tradisyon ng simbahan.

Ang Pagbitay sa isang Kabataang Estudyante

Ang maikli at makabagbag-damdaming salaysay ng buhay ni Pomponio Algieri, na isinilang malapit sa Naples noong 1531, ay hindi napabalita, subalit ito’y lumitaw mula sa isang di-tiyak na panahon noon, dahil sa masikap na pagsisiyasat sa kasaysayan ng maraming iskolar. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga guro at mga estudyante mula sa iba’t ibang lugar ng Europa samantalang siya’y nag-aaral sa University of Padua, nahantad si Algieri sa diumano’y mga erehe at mga doktrina ng Repormasyong Protestante. Lumago ang kaniyang interes sa Kasulatan.

Nagsimula siyang maniwala na ang Bibliya ang tanging kinasihan, at bilang resulta, kaniyang itinakwil ang maraming doktrina ng Katoliko, gaya ng kumpisal, kumpil, purgatoryo, transubstansasyon, at pamamagitan ng “mga santo,” gayundin ang turo na ang papa ang kinatawan ni Kristo.

Si Algieri ay inaresto at nilitis ng Inkisisyon sa Padua. Ganito ang sabi niya sa mga inkisitor: “Handa akong bumalik sa bilangguan, marahil hanggang sa ako’y mamatay kung iyan ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang kaluwalhatian, higit itong pagniningningin ng Diyos. Maligaya kong babatahin ang bawat pagpapahirap dahil si Kristo, ang sakdal na Tagaaliw ng mga nasisiphayo, na aking liwanag at tunay na liwanag, ay makapapawi ng lahat ng kadiliman.” Kasunod nito, hiniling ng Inkisisyong Romano na siya’y pabalikin at hinatulan siya ng kamatayan.

Si Algieri ay 25 taóng gulang nang siya’y mamatay. Noong araw na siya’y papatayin sa Roma, tumanggi siyang mangumpisal o mangumunyon. Ang ginamit sa kaniyang pagbitay ay mas malupit kaysa karaniwan. Hindi siya sinunog sa mga talaksan ng kahoy. Sa halip, isang malaking kawa na punô ng mga bagay na madaling masunog​—langis, alkitran, at resin​—ang inilagay sa andamyo na kitang-kita ng madla. Nakataling ibinaba ang binata sa kawa, at sinindihan ang laman nito. Unti-unti siyang sinunog na buháy.

Isa Pang Dahilan ng Malubhang Pagkakasala

Sina Carnesecchi, Algieri, at ang iba pa na ipinapatay ng Inkisisyon ay may kakaunting kaunawaan sa Kasulatan. Ang kaalaman ay magiging “sagana” pa sa “panahon ng kawakasan” ng sistema ng mga bagay na ito. Gayunman, handa silang mamatay kahit sa kakaunting “tunay na kaalaman” na kanilang natamo mula sa Salita ng Diyos.​—Daniel 12:4.

Maging ang mga Protestante, kasali na ang kanilang mga Repormador, ay pumatay ng mga sumasalungat sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila sa tulos o ipinapapatay ang mga Katoliko sa tulong ng sekular na mga awtoridad. Halimbawa, bagaman pinili ni Calvin ang pagpugot ng ulo, kaniyang ipinasunog nang buháy si Michael Servetus dahil sa itinuring itong erehe na laban sa Trinidad.

Ang bagay na karaniwan ang pagpapahirap at pagbitay sa mga erehe kapuwa sa mga Katoliko at mga Protestante ay hindi mapagpapaumanhinang mga gawa. Subalit ang relihiyosong mga herarkiya ay nagkaroon ng higit na malubhang pananagutan​—dahil sa pag-aangkin ng maka-Kasulatang katuwiran sa pagpatay at sa pagkilos na para bang ang Diyos mismo ang nag-utos na gawin ang mga bagay na yaon. Hindi ba ito malaking kalapastanganan sa pangalan ng Diyos? Maraming iskolar ang nagpapatunay na si Augustine, ang kilalang Katolikong “Ama ng Simbahan,” ang kauna-unahang sumuporta sa simulaing “relihiyosong” pamumuwersa, iyon ay, ang paggamit ng puwersa upang sugpuin ang erehiya. Sa pagsisikap na gamitin ang Bibliya upang bigyang-katuwiran ang gawaing ito, binanggit niya ang mga salita sa talinghaga ni Jesus na masusumpungan sa Lucas 14:16-24: “Pilitin mo silang pumasok.” Maliwanag, ang mga salitang ito, na pinilipit ni Augustine, ay nagpapahiwatig ng labis na pagkamapagpatuloy, hindi malupit na pamimilit.

Kapansin-pansin din naman na kahit aktibo pa noon ang Inkisisyon, ang mga tagapagtaguyod ng relihiyosong pagpaparaya ay laban sa pagpapahirap sa mga erehe, anupat binabanggit ang talinghaga ng trigo at panirang-damo. (Mateo 13:24-30, 36-43) Isa sa kanila ay si Desiderius Erasmus, ng Rotterdam, na nagsabing ibig ng Diyos, ang May-ari ng bukid, na ang mga erehe, ang mga panirang-damo, ay pagparayaan. Sa kabilang panig, sinulsulan ni Martin Luther ang karahasan laban sa mga magsasakang sumasalungat, at halos 100,000 ang napatay.

Sa pagkatanto sa malubhang pananagutan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na nagtaguyod ng pag-uusig sa diumano’y mga erehe, ano ang nararapat nating gawin? Tiyak na ibig nating saliksikin ang tunay na kaalaman ng Salita ng Diyos. Sinabi ni Jesus na ang tanda ng tunay na Kristiyano ay ang pag-ibig niya sa Diyos at sa kapuwa​—isang pag-ibig na maliwanag na hindi magpapahintulot sa karahasan.​—Mateo 22:37-40; Juan 13:34, 35; 17:3.

[Kahon sa pahina 21]

Ilang Paratang Kung Saan Nasumpungang Nagkasala si Carnesecchi

8. “[Sinabi mo] na walang ibang bagay maliban sa salita ng Diyos na nakasaad sa Banal na Kasulatan ang dapat paniwalaan.”

12. “[Naniwala ka] na ang pangungumpisal ay hindi de jure Divino [ayon sa batas ng Diyos], na ito’y hindi pinasimulan ni Kristo ni pinatunayan sa Kasulatan, ni ang anumang uri ng kumpisal ay kailangan maliban sa pangungumpisal sa Diyos mismo.”

15. “Ikaw ay nag-alinlangan sa purgatoryo.”

16. “Itinuring mo ang aklat ng Macabeo, na may mga panalangin para sa patay, na hindi totoo.”

[Picture Credit Line sa pahina 18]

The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share