Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 10/8 p. 23-27
  • Ang Inkisisyong Kastila—Paano Ito Nangyari?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Inkisisyong Kastila—Paano Ito Nangyari?
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Sa Higit na Kaluwalhatian ng Diyos”
  • Ang Inkisisyon​—Ang Paraan sa Pagkakaisa?
  • Si Torquemada​—Ang Kilalá sa Kasamaan na Inkisitor
  • Ang Inkisisyon at ang Bibliya
  • Ang Tunay na Mukha ng Inkisisyon
  • Hindi Napagtagumpayan ang mga Puso at Isipan
  • Binibigyang-matuwid ba ng Resulta ang Pamamaraan?
  • Kristiyanong Pakikipagbaka​—Sa Isipan ng Iba
  • Ang Kakila-kilabot na Inkisisyon
    Gumising!—1986
  • Ang Paglitis at Pagbitay sa Isang “Erehe”
    Gumising!—1997
  • Ang Iglesya Katolika sa Espanya—Ang Pag-abuso sa Kapangyarihan
    Gumising!—1990
  • Ang Inkisisyon sa Mexico—Paano Ito Nangyari?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 10/8 p. 23-27

Ang Inkisisyong Kastila​—Paano Ito Nangyari?

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Espanya

NOON ay Hunyo 5, 1635, nang ipagbigay-alam kay Alonso de Alarcón na isang mandamyento para sa pag-aresto sa kaniya ang inilabas. Ang kaniyang mga pagprotesta na siya ay walang sala ay hindi pinansin. Siya ay ibinilanggo sa bartolina. Tatlong beses na siya ay “inanyayahang” ipagtapat ang kaniyang mga kasalanan, subalit ipinahayag niya ang kaniyang pagiging walang sala.

Noong Abril 10, 1636, siya ay labis na pinahirapan sa baskagan hanggang sa siya’y nawalan ng malay. Noong Oktubre 12, siya ay hinatulan ng 100 hagupit at ipinatapon sa loob ng anim na taon.

“Sa Higit na Kaluwalhatian ng Diyos”

Si Alonso ay isang manghahabi sa Toledo, Espanya, (nasa itaas) ama ng tatlong mga anak na babae, at paralisado ang kalahating katawan. Ipinagbigay-alam ng kaniya mismong doktor sa mga nagtatanong na ang labis na pagpapahirap ay maaaring ipatupad nang walang anumang panganib​—sa paano man sa panig na hindi paralisado. Si Alonso ay biktima ng Inkisisyong Kastila.

Ang kaniyang kasalanan? Siya ay pinaratangan ng pagkain ng karne kung Biyernes (ipinalalagay na siya ay may pagkiling sa Judio) at ng pamumusong laban kay Birheng Maria (iniulat na sinabi niyang ang isa sa kaniyang mga anak na babae ay mas birhen pa kaysa kay Maria). Ang nagsasakdal sa kaniya ay ang lokal na pari.

Pinag-aralan ng mga teologo ang kaso at ipinasiya na ang mga bintang laban sa kaniya ay maliwanag na katunayan ng erehiya. Ang buong pamamaraan ay sinasabing ad majorem Dei gloriam (sa higit na kaluwalhatian ng Diyos), bagaman hindi nakita ni Alonso at ng 100,000 o iba pa na hinatulan ng Inkisisyon ang bagay na ito sa gayong liwanag.

Hindi kataka-taka, ang Inkisisyong Kastila ay naging isang bansag para sa relihiyosong paniniil at panatisismo. Kahit na ang salitang “inkisisyon,” na sa simula’y nangangahulugan lamang ng “pagtatanong,” ay nagkaroon ngayon ng kahulugan na labis na pagpapahirap, kawalang katarungan, at malupit na waling-bahala ang mga karapatan ng tao. Paano naitatag ang gayong mapaniil na makinarya? Ano ang mga tunguhin nito? Mabibigyan-katuwiran ba ito bilang isang “kinakailangang kasamaan”?

Ang Inkisisyon​—Ang Paraan sa Pagkakaisa?

Noong ika-13 siglo itinatag ng Iglesya Katolika ang Inkisisyon sa Pransiya, Alemanya, Italya, at Espanya. Ang pangunahing layunin nito ay lipulin ang naiibang mga pangkat ng relihiyon na ipinalalagay ng klero na mapanganib sa simbahan. Pagkamatay ng mga pangkat na ito, ang Inkisisyong ito na itinaguyod ng simbahan ay humina ang impluwensiya, subalit ang pámarisán ay nagkaroon ng katakut-takot na mga resulta para sa maraming Kastila mga dalawang siglo pagkatapos.

Noong ika-15 siglo sinakop ng mga monarkang Katoliko na sina Isabella at Ferdinand ang kahuli-hulihan sa Muslim Moors na sumakop sa kalakhang bahagi ng Espanya sa loob ng walong dantaon. Ang mga monarkang ito ay humanap ng mga paraan upang magkaroon ng pagkakaisang pambansa. Ang relihiyon ay ipinalagay na isang kombinyenteng kasangkapan upang matamo ang layuning iyan.

Noong Setyembre 1480 ang Inkisisyon ay muling lumitaw sa Espanya, subalit ang kapangyarihan nito ay hawak ng Estado. Ang layunin nito ay ang “pagdalisay sa bansa at ang pagkakaisa ng pananampalataya.” Hinimok ng mga pinunong Katoliko ng Espanya si Papa Sixtus IV na maglabas ng isang utos na mag-aawtorisa sa kanila na panganlan ang mga inkisitor sa layunin na siyasatin at parusahan ang erehiya. Mula noon, ang Estado ang namuhunan sa Inkisisyon at itinatag ang mga pamamaraan sa pagkilos nito. Nagsimula na ang isang krusada upang ipatupad ang mahigpit na relihiyosong pagkakapare-pareho sa bansa. Ang institusyon ay pinatatakbo pangunahin na ng mga prayleng Dominicano at Fransiscano subalit pinamamahalaan ng monarkiya.

Ito’y isang pagsasama ng Simbahan at Estado. Nais lipulin ng simbahan ang panganib na nakikita nito sa libu-libong mga Kastilang Judio at Moors na sapilitang nakomberte sa Katolisismo subalit pinaghihinalaang isinasagawa pa rin ang kanilang dating mga paniniwala. Sa dakong huli ay gagamitin nito ang gayunding kasangkapan sa paglipol sa mga pangkat na Protestante na lumitaw nang sumunod na siglo.

Ang Inkisisyon ay napatunayan ding isang makapangyarihang sandata ng Estado. Sinawatâ nito ang pagtutol, lumikha ito ng malaking kita na kinumpiska mula sa biktima nito, at itinuon ang kapangyarihan sa mga kamay ng monarkiya. Sa loob ng mahigit na tatlong dantaon ipinatupad ng nakatatakot na institusyong ito ang kalooban nito sa mamamayang Kastila.

Si Torquemada​—Ang Kilalá sa Kasamaan na Inkisitor

Noong 1483, tatlong taon pagkatapos na muling lumitaw ang Inkisisyon sa Espanya, si Tomás de Torquemada, isang prayleng Dominicano at balintunang may Judiong pinagmulan mismo, ay nahirang na inkisitor-heneral. Ang kaniyang kalupitan sa pinaghihinalaang mga erehes ay walang katulad. Siya ay pinuri ni Papa Sixtus IV sa “pagtutuon ng [kaniyang] sigasig sa mga bagay na yaon na nagbibigay ng kapurihan sa Diyos.”

Gayunman, nang maglaon sinikap ni Papa Alexander VI, na nababahala sa mga pagmamalabis ni Torquemada, na bawasan ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng paghirang ng dalawa pang mga inkisitor-heneral. Wala rin itong saysay. Si Torquemada ay patuloy na nagsagawa ng panlahat na awtoridad, at noong panahon ng panunungkulan niya, sinunog niya ang di-kukulanging 2,000 katao sa tulos​—“isang kakila-kilabot na paglipol dahil sa simulain ng di pagpaparaya o pagkapanatiko,” sang-ayon sa The Encyclopædia Britannica. Libu-libo ang nagsitakas sa ibang bansa, at ang di mabilang pang iba ay dumanas ng pagkabilanggo at labis na pagpapahirap at kinumpiska ang kanilang pag-aari. Maliwanag, si Torquemada ay kumbinsido na ang kaniyang gawain ay isinasagawa sa paglilingkod kay Kristo. Oo, binigyang-matuwid ng doktrina ng simbahan ang kaniyang mga pagkilos.a

Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala na ang relihiyosong sigasig ay maaaring maging mali o nailigaw. Noong unang siglo, inilarawan ni Pablo ang mga Judio na umusig sa mga Kristiyano bilang mga tao na mayroong “sigasig sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Inihula ni Jesus na ang maling sigasig ay maaari pa ngang magpangyari sa kanila na patayin ang walang salang mga tao, inaakalang sila ay ‘naghahandog ng banal na paglilingkod sa Diyos.’​—Juan 16:2.

Inilalarawang mainam ng mga patakaran ni Torquemada ang malungkot na mga resulta ng isang sigasig na pinatigas ng pagkapanatiko sa halip na pahinahunin ng pag-ibig at tumpak na kaalaman. Ang kaniyang paraan upang kamtin ang pagkakaisa ng pananampalataya ay hindi paraang Kristiyano.

Ang Inkisisyon at ang Bibliya

Dahilan sa mga inkisitor, sa loob ng mga dantaon halos imposible para sa mga Kastila na bumasa ng Bibliya sa kanilang karaniwang wika. Ang pagtataglay lamang ng isa nito sa katutubong wika ay ipinalalagay ng mga inkisitor na erehiya. Noong 1557 opisyal na ipinagbawal ng Inkisisyon ang Bibliya sa anumang katutubong wikang Kastila. Di mabilang na mga Bibliya ang sinunog.

Hindi kundi noong 1791 na ang Bibliyang Katoliko sa Kastila ay nailimbag sa wakas sa Espanya, batay sa Latin Vulgate. Ang unang kompletong salin ng simbahang Kastila mula sa orihinal na mga wika, ang Bibliyang Nacar-Colunga, ay hindi dumating kundi noong 1944.

Ang lawak ng kapangyarihan ng Inkisisyon tungkol sa bagay na ito ay makikita rin sa bagay na kahit na ang sulat-kamay na mga Bibliyang Romance (sinaunang Kastila) sa personal na aklatan ng hari, sa El Escorial, ay sinuring muli ng inkisitor-heneral. Ang babalang “ipinagbabawal” ay makikita pa rin sa panimulang dahon o pahina (flyleaf) ng ilan sa mga aklat na ito.

Marahil ang pagbabawal sa Bibliya sa loob ng maraming dantaon sa Espanya ang naging isang salik na nakatulong sa mga mamamayang Kastila na magkaroon ng interes sa Banal na Kasulatan ngayon. Marami ngayon ang nagtataglay ng isang Bibliya at may taimtim na pagnanais na malaman kung ano nga ang itinuturo nito.

Ang Tunay na Mukha ng Inkisisyon

Ang di-maiiwasang resulta ng Inkisisyon ay ang pagpapaunlad ng kasakiman at paghihinala. Si Papa Sixtus IV ay nagreklamo na ang mga inkisitor ay nagpapakita ng higit na kasakiman sa ginto kaysa sigasig sa relihiyon. Ang sinumang taong mayaman ay nanganganib na isuplong, at bagaman maaari siyang “makipagkasundo sa simbahan” sa panahon ng inkisitoryal na pamamaraan, kukumpiskahin din ang kaniyang mga ari-arian.

Ang iba ay hinatulan pagkamatay nila, at ang kanilang mga tagapagmana ay naiwang walang salapi, kung minsan salig lamang sa hindi nagpapakilalang mga tagapagsumbong na tatanggap ng isang porsiyento ng kayamanang nailit. Ang malaganap na paggamit ng mga espiya at mga tagapagsumbong ay lumikha ng isang kapaligiran ng takot at paghihinala. Kadalasan nang ginagamit ang labis na pagpapahirap upang makuha ang mga pangalan ng “kapuwa mga erehes,” na nagbubunga ng pag-aresto sa maraming walang kasalanang mga tao sa napakahinang katibayan.

Ang matinding mga paghihinalang anti-Semitiko ay humantong sa iba pang mga pang-aabuso. Halimbawa, si Elvira del Campo ng Toledo ay pinaratangan noong 1568 dahil sa pagsusuot ng malinis na damit kung Sabado at hindi pagkain ng karne ng baboy, na kapuwa ipinalalagay na mga katunayan ng lihim na pagsasagawa ng Judaismo. Walang awang labis na pinahirapan sa baskagan, siya’y nagtanong: “Mga ginoo, bakit hindi ninyo sabihin sa akin kung ano ang nais ninyong sabihin ko?” Sa ikalawang sesyon ng pagpapahirap ipinagtapat niya na hindi dahilan sa maselang na sikmura kung kaya ayaw niyang kumain ng karne ng baboy kundi, bagkus, dahil sa kaniyang mga paniniwalang Judio.

Hindi Napagtagumpayan ang mga Puso at Isipan

Gayunman, ang matatapang na tinig ng protesta ay narinig, kahit na sa sukdulang kapangyarihan ng Inkisisyon. Si Elio Antonio de Nebrija, isa sa kilalang iskolar noong kaniyang kaarawan, ay isinuplong sa Inkisisyon dahil sa kaniyang pagnanais na pagbutihin ang teksto ng Bibliyang Latin Vulgate. Siya’y tumutol: “Dapat ba akong obligahin na ipahayag na hindi ko nalalaman ang nalalaman ko? Ano ngang pagkaalipin o kapangyarihan ang lubhang mapaniil na gaya nito?” Si Luis Vives, isa pang iskolar na ang buong pamilya ay nilipol ng Inkisisyon, ay sumulat: “Tayo’y nabubuhay sa mapanganib na mga panahon kung saan tayo ay hindi maaaring magsalita o manatiling walang imik nang hindi nanganganib.”

Noong maagang ika-19 na siglo, si Antonio Puigblanch, isang Kastilang manunulat at pulitiko na nangampaniya para sa pag-aalis ng Inkisisyon, ay nangatuwiran: “[Yamang ang] Inkisisyon ay isang eklesiastikong hukuman, ang kalupitan nito ay hindi kasuwato ng espiritu ng kaamuan na dapat sana ay pagkakakilanlan sa mga ministro ng Ebanghelyo.” Kahit na sa ngayon, maraming taimtim na mga Katoliko ang nagsisikap pa rin na unawain at sang-ayunan ang bahagi ng simbahan sa Inkisisyon.

Kaya, isang angkop na katanungan ay: Talaga bang napagtagumpayan ang mga puso at isipan ng mga tao sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito? Ganito ang sabi ng isang mananalaysay: “Ang Inkisisyon, bagaman ipinatupad nito ang pagkakapare-pareho ng doktrina at panlabas na mga seremonya, ay hindi nito nagawa na magbigay ng inspirasyon sa isang tunay na paggalang sa relihiyon.”

Halimbawa, si Julián, isang binata na nag-aaral na maging pari, ay nagitla nang una niyang mabasa ang tungkol sa bahagi na ginampanan ng simbahan sa Inkisisyon. Ang kaniyang guro ay nangatuwiran na kung paanong ang Diyos ay nag-imbento ng impierno upang parusahan ang mga balakyot magpakailanman, gagamitin din ng simbahan ang pagpapahirap kung ito’y kinakailangan. Subalit ang tugon na ito ay walang nagawa upang bawasan ang kaniyang mga pag-aalinlangan, at siya’y umalis sa seminaryo. Sa katulad ding paraan, si Julio, isang batang abugadong Kastila na may mga pag-aalinlangan na tungkol sa Katolisismo, ay kumbinsido na ang simbahan ay hindi maaaring maging tunay na Kristiyano pagkatapos na mabasa niya nang lubusan ang tungkol sa Inkisisyon.

Ang paggamit ng mga pagbabanta, pagbilanggo, pagpapahirap, at pati na ng kamatayan upang makamit ang pulitikal at relihiyosong mga layunin ay napatunayang hindi mabisa. Ang simbahang Kastila, na ang kasaysayan nito ay nabahiran ng paniniil, ay umaani pa rin ng mga resulta ng inihasik nitong karahasan, pagkapoot, at paghihinala.

Binibigyang-matuwid ba ng Resulta ang Pamamaraan?

Ang ideya tungkol sa ‘relihiyosong pagkakaisa sa anumang halaga’ ay isang mapanganib na ideya. Ang relihiyosong sigasig ay maaaring madaling maging panatisismo. Ang malaking sakunang ito ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng matapat na panghahawakan sa mga simulain ng Bibliya. Ang halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyano ay nagpapatunay na gayon nga.

Tungkol sa mga pamamaraang ginamit ng sinaunang mga Kristiyano upang mapanatili ang pagkakasuwato ng mga doktrina, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagpapaliwanag: “Noong unang tatlong dantaon ng Kristiyanismo, ang mga parusa laban sa mga erehes ay pantanging espirituwal, karaniwan nang ekskomunikasyon o pagtitiwalag.” Ito’y kasuwato ng maka-Kasulatang mga tagubilin: “Ang taong may maling pananampalataya, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway, ay iwasan mo.”​—Tito 3:10, Douay.

Kristiyanong Pakikipagbaka​—Sa Isipan ng Iba

Inilalarawan ng Bibliya ang pangangaral ng mabuting balita bilang isang espirituwal na pakikipagbaka. Ang layunin ay upang dalhing ‘bihag ang bawat kaisipan upang gawing masunurin sa Kristo.’ Upang kamtin ang namamalaging pagkakaisa, kakailanganin ang mga sandata subalit hindi para sa pagpapahirap. Bagkus, ang espirituwal na mga sandata, na “pinaging makapangyarihan ng Diyos,” ang gagamiting pamamaraan, laging isinasagawa na may “kahinahunan at malaking paggalang.”​—2 Corinto 10:3-5; 1 Pedro 3:15.

Nakatutuwa naman, makaaasa tayo sa hinaharap kapag ang relihiyosong pag-uusig ay mawawala na. Ang pangako ng Diyos ay na sa malapit na panahon darating ang isang panahon kapag sila ay “hindi na mananakit o lilikha ng anumang pinsala.” Ang tunay na relihiyosong pagkakaisa ay matutupad, at ang buong “lupa ay mapupunô nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”​—Isaias 11:9; Apocalipsis 21:1-4.

[Talababa]

a Ang kilalang “mga santong” Katoliko ay nagpahayag na sila ay sang-ayon sa pagpatay sa mga erehes. Iginiit ni Augustine na “kailangang gamitin ang lakas kapag ang mga salita ng katuwiran ay winawalang bahala.” Gayundin, sinabi ni Thomas Aquinas na “ang erehiya . . . ay isang kasalanan na karapat-dapat hindi lamang sa ekskomunikasyon kundi pati na sa kamatayan.”

[Mga larawan sa pahina 24]

Ang kabaong kung saan ang iginapos na biktima ay ikinukulong sa loob ng mga ilang araw

[Credit Line]

Exposición de Antiguos Instrumentos de Tortura, Toledo, Espanya

Hagdan na ginamit upang banatin ang mga bisig ng biktima

[Credit Line]

Exposición de Antiguos Instrumentos de Tortura, Toledo, Espanya

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang palawít​—ang biktima ay ibinibitin na ang mga pulsuhan ay itinatali sa kaniyang likuran

[Credit Line]

Exposición de Antiguos Instrumentos de Tortura, Toledo, Espanya

Ang piitan sa ilalim ng lupa para sa mga bilanggo, gaya ni Alonso de Alarcón

[Credit Line]

Exposición de Antiguos Instrumentos de Tortura, Toledo, Espanya

[Larawan sa pahina 26]

Piitan ng Banal na Kapatiran, kung saan itinira ang mga biktima sa Toledo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share