Ang Iglesya Katolika sa Espanya—Ang Pag-abuso sa Kapangyarihan
“Mientras mas malaki ang kapangyarihan, mas mapanganib ang abuso.”—Edmund Burke.
ANG taong humawak ng pinakamalaking kapangyarihan sa ika-16 na siglong Europa ay si Philip II, hari ng Katolikong Espanya. Ang kaniyang pagkalaki-laking imperyo, “na hindi nilulubugan ng araw,” ay mula Mexico hanggang sa Pilipinas, mula sa Netherlands hanggang sa Cape of Good Hope.
Ngunit ang kaniyang mga ambisyon ay relihiyoso sa halip na pulitikal—upang ipagtanggol ang Katolisismo sa Europa at ipalaganap ang pananampalataya sa buong imperyo niya. Pinalaki ng mga pari, kumbinsido siya na ang Iglesya Katolika ang huling tanggulan ng kaniyang monarkiya at ng sibilisasyon mismo. Higit sa lahat, siya ay isang anak ng simbahan.
Upang itaguyod ang layunin ng Katolisismo, sinang-ayunan niya ang malupit na mga pamamaraan ng Inkisisyon; nakipagbaka siya laban sa mga Protestante sa Netherlands at laban sa mga Turkong “hindi naniniwala sa relihiyon” na nasa Mediteraneo; mabigat ang loob na pinakasalan niya si Mary Tudor, isang may sakit na reyna ng Inglatera, sa isang walang saysay na pagsisikap na bigyan siya ng isang tagapagmanang anak na Katoliko; nang maglaon ay sinugo niya ang “di-malulupig” ngunit kulang-palad na Armada upang agawin ang Inglatera buhat sa relihiyon ng Protestante; at sa kaniyang kamatayan iniwan niya ang kaniyang bansa na bangkarote—sa kabila ng pagkarami-raming pumapasok na ginto mula sa mga kolonya.
Ang Inkisisyon—Tatlong Dantaon ng Panunupil
Susunod sa hari, ang pinakamakapangyarihang tao sa Espanya ay ang inkisitor heneral. Ang kaniyang tungkulin ay panatilihing walang-dungis at tradisyonal ang Katolisismo sa Espanya. Sinasarili ng lang ng mga hindi umaayon ang kanilang mga opinyon o kaya’y nagiging tapon, kung hindi sila unang makikita ng mga ahente ng Inkisisyon. Ang lahat, marahil maliban sa hari, ay nasa ilalim ng kapangyarihan at pag-abuso ng Inkisisyon—kahit na ang herarkiya Katolika ay wala ring lusot sa paghihinala.
Ang arsobispo ng Toledo ay nabilanggo sa loob ng pitong taon sa pinakamahinang katibayan, sa kabila ng paulit-ulit na pagtutol ng papa. Walang sinuman sa Espanya ang nangahas na magtanggol sa kaniya. Sinasabing ‘mas mabuti pang mahatulan ang isang taong walang kasalanan kaysa mapahiya ang Inkisisyon.’
Kasa-kasama ng mga konkistadores ang Inkisisyon sa mga kolonya ng Espanya sa Amerikas. Noong 1539, mga ilang taon lamang pagkatapos masakop ang Mexico, ang pinunong Aztec na si Ometochtzin ay pinaratangan ng idolatriya, sa pagpapatunay ng kaniya mismong sampung-taóng-gulang na anak na lalaki. Sa kabila ng kaniyang pagtatanggol alang-alang sa kalayaan ng budhi, siya ay hinatulang mamatay. Sa mga kolonya, gaya sa Espanya, ang Bibliya sa sariling wika ay bawal. Si Jerónimo López ay sumulat noong 1541: “Pinakamapanganib na pagkakamali ang magturo ng siyensiya sa mga Indian at lalo na ang maglagay ng Bibliya . . . sa kanilang mga kamay. . . . Maraming tao sa Espanya ang namatay sa gayong paraan.”
Sa loob ng tatlong dantaon pinanatili ng Inkisisyon ang pagbabantay nito sa Espanya at sa mga imperyo nito hanggang sa wakas ito ay naubusan ng salapi at ng mga biktima. At dahil sa walang biktima, na inuubligang magbayad ng malalaking multa, ang buong pamamaraan ay huminto.a
Mga Hangin ng Pagbabago
Sa pagkamatay ng Inkisisyon, nasaksihan ng ika-19 na siglong Espanya ang paglago ng liberalismo at ang unti-unting paghina ng kapangyarihan ng Katoliko. Ang mga lupa ng simbahan—na hanggang noong panahong iyon ay binubuo ng ikatlong bahagi ng lahat ng sinasakang lupa—ay kinumpiska ng sunud-sunod na mga gobyerno. Noong mga taon ng 1930, ang sosyalistang punong ministro Azaña ay nagsabi: “Ang Espanya ay hindi na Katoliko,” at ang kaniyang pamahalaan ay kumilos nang alinsunod dito.
Ang simbahan ay ganap na inihiwalay sa Estado, at ang mga tulong na salapi ng pamahalaan sa mga klero ay inalis. Ang edukasyon ay hindi relihiyoso, at ipinakilala pa nga ang kasal sibíl at diborsiyo. Ipinagdalamhati ni Cardinal Segura ang ‘matinding dagok’ na ito at ikinatakot niya ang kaligtasan ng bansa. Wari bang ang Katolisismo ay nakataan na sa isang di-maiiwasang pagbagsak nang, noong 1936, isang militar na paghihimagsik ay yumanig sa bansa.
Gera Sibil—Isang Malupit na Krusada
Ang mga heneral sa hukbo na nanguna sa kudeta ay inudyukan ng pulitikal na mga kadahilanan, subalit di-nagtagal ang labanan ay nagkaroon ng relihiyosong dahilan. Sa loob ng mga ilang linggo ng himagsikan, biglang nasumpungan ng simbahan, na ang kapangyarihan ay pinahina na ng batas kamakailan, ang kaniyang sarili na tudlaan ng malaganap at masamang pagsalakay.b Libu-libong mga pari at mga monghe ang pinatay ng panatikong mga tagasalansang ng kudetang militar, na inihahambing ang simbahan sa Espanya sa diktadura. Ang mga simbahan at mga monasteryo ay dinambong at sinunog. Sa ilang bahagi ng Espanya, kahit na ang pagsusuot ng sutana ng pari ay sapat na upang patayin ang isang tao. Para bang ang halimaw ng Inkisisyon ay nagbalik mula sa libingan upang sakmalin ang mismong mga ninuno nito.
Nakakaharap ang bantang ito, ang simbahan sa Espanya ay minsan pang bumaling sa sekular na mga kapangyarihan—sa kasong ito sa militar—upang ipagtanggol ang kapakanan nito at ibalik ang bansa sa tradisyonal na Katoliko. Subalit kailangan munang pakabanalin ang gera sibil bilang isang “sagradong digmaan,” isang “krusada” sa pagtatanggol sa Kristiyanismo.
Si Cardinal Gomá, arsobispo ng Toledo at primado ng Espanya, ay sumulat: “Ang digmaan ba sa Espanya ay isang gera sibil? Hindi. Pakikipaglaban ito ng mga walang Diyos . . . laban sa tunay na Espanya, laban sa relihiyong Katoliko.” Tinawag niya si Heneral Franco, ang lider ng mga insurekto, na ang “instrumento ng mga plano ng Diyos sa lupa.” Ang iba pang obispong Kastila ay nagpahayag ng kahawig na mga damdamin.
Mangyari pa, hindi ganiyan kasimple ang katotohanan. Marami sa panig ng Republikano ay mga taimtim ng Katoliko rin, lalo na sa rehiyon ng Basque, isang tradisyonal na Katolikong muog. Kaya, ang mga Katoliko ay nakipagbaka sa mga Katoliko sa gera sibil—pawang sa kapakanan ng Katolisismo sa Espanya, sang-ayon sa pagpapakahulugan ng mga obispo sa labanan.c
Nang sa wakas ay malaganapan at mapinsala ng mga hukbo ni Franco ang mga Lalawigan sa Basque, pinatay nila ang 14 na mga pari at ipiniit ang marami pang iba. Sinabi ng pilosopong Pranses na si Jacques Maritain, sumusulat tungkol sa mga kalupitan laban sa mga Katoliko sa Basque, na “kinapopootan ng Sagradong Digmaan ang mga mananampalataya na hindi naglilingkod dito nang mas maalab kaysa mga hindi sumasampalataya.”
Pagkatapos ng tatlong taon ng kalupitan at pagdadanak ng dugo sa magkabilang panig, ang gera sibil ay huminto, na ang hukbo ni Franco ang nagtagumpay. Mula sa 600,000 hanggang 800,000 Kastila ang namatay, marami sa kanila ay dahil sa malupit na paghihiganti ng matagumpay na mga hukbo.d Walang-takot, sinabi ni Cardinal Gomá sa isang pastoral na liham: “Walang makapagkakaila na ang kapangyarihang lumutas sa digmaang ito ay ang Diyos mismo, ang kaniyang relihiyon, ang kaniyang mga utos, ang kaniyang mga batas, ang kaniyang pag-iral, at ang kaniyang nagbabalik na impluwensiya sa ating kasaysayan.”
Mula sa pagkakatatag ng Inkisisyon noong ika-15 siglo hanggang sa Gera Sibil sa Espanya (1936-39), na may ilang eksepsiyon, ang Simbahan at ang Estado ay gumawa ng iisang layunin. Walang alinlangan, ang mga kapakanan ng bawat isa ay natugunan ng masamang pagkakaisang ito. Gayumpaman, ang limang dantaon ng pansamantalang kapangyarihan—at ang kasamang mga pag-abuso—ay lubhang nagpahina sa espirituwal na autoridad ng simbahan, gaya ng ipakikita ng aming susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang kahuli-hulihang biktima ay isang kaawa-awang maestro na binitay sa Valencia noong 1826 dahil sa paggamit ng pariralang “Purihin nawa ang Diyos” sa halip na “Ave Maria” sa mga dasal sa paaralan.
b Sang-ayon sa isang report ng simbahan ni Canon Arboleya noong 1933, ang manggagawa ay itinuturing ng simbahan na isang mahalagang bahagi ng uring mayaman at natatangi na nagsasamantala sa kaniya. Sabi ni Arboleya: “Ang mga karaniwang tao ay nagsitakas mula sa Simbahan dahil naniniwala sila na ito ang kanilang pinakamatinding kaaway.”
c Ang ilang mga paring Katoliko ay aktuwal na nakipaglaban sa hukbo ni Franco. Ang kura paroko ng Zafra, Extremadura, ay lalo nang kilala sa kaniyang kalupitan. Sa kabilang dako, iilang pari ang buong giting na tumutol sa pagpatay sa pinaghihinalaang mga may simpatiya sa Republikano—at isa ang pinatay dahil dito. Si Cardinal Vidal y Barraquer, na nagsikap panatilihin ang isang walang kinikilingang katayuan sa buong labanan, ay pinilit ng pamahalaan ni Franco na manatiling isang tapon hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1943.
d Imposibleng makuha ang eksaktong bilang, at ang mga kalkulasyon ay humigit-kumulang gayon nga.
[Kahon sa pahina 8]
Ang Gera Sibil sa Espanya—Ang Proklamasyon ng mga Obispo
Pagkasimulang-pagkasimula ng digmaan (1936), inilarawan ni Cardinal Gomá ang laban na isang labanan sa pagitan ng “Espanya at laban-sa-Espanya, relihiyon at ateismo, sibilisasyong Kristiyano at barbarismo.”
La Guerra de España, 1936-1939, pahina 261.
Ang obispo ng Cartagena ay nagsabi: “Pagpalain nawa ang mga kanyon, kung lalakas ang Ebanghelyo sa kanilang mga pagbutas.”
La Guerra de España, 1936-1939, pahina 264-5.
Noong Hulyo 1, 1937, ang mga obispong Kastila ay naglabas ng isang sama-samang liham na binabalangkas ang katayuang Katoliko sa gera sibil. Kabilang sa ibang mga bagay, binanggit nito ang sumusunod:
“Ang simbahan, sa kabila ng mapayapang espiritu nito, . . . ay hindi maaaring hindi mabahala sa labanan. . . . Sa Espanya ay walang ibang paraan upang masakop-muli ang katarungan, kapayapaan, at ang mga pakinabang na mula rito kundi sa pamamagitan ng Kilusang Pambansa [Pasistang hukbo ni Franco].”
“Naniniwala kami na ang pangalang Kilusang Pambansa ay angkop, una dahil sa diwa nito, na nagpapabanaag ng paraan ng pag-iisip ng kalakhang bahagi ng mga Kastila, at ito ang tanging pag-asa para sa buong bansa.”
Enciclopedia Espasa-Calpe, suplemento 1936-1939, pahina 1553-5.
Mabilis na sinuportahan ng mga obispong Katoliko sa ibang bansa ang kanilang mga kasamahang Kastila. Inilarawan ni Cardinal Verdier, arsobispo ng Paris, ang gera sibil na “isang labanan sa pagitan ng sibilisasyong Kristiyano at ng . . . sibilisasyon ng ateismo,” samantala pinayuhan naman ni Cardinal Faulhaber ng Alemanya ang lahat ng mga Aleman na manalangin alang-alang sa mga “nagtatanggol sa banal na mga karapatan ng Diyos, upang ipagkaloob Niya ang tagumpay sa mga nagsisipagbaka sa sagradong digmaang [ito].”
Enciclopedia Espasa-Calpe, suplemento 1936-1939, pahina 1556-7.
[Larawan sa pahina 7]
Mula sa monasteryong-palasyong ito sa San Lorenzo del Escorial, namahala si Philip II sa kaniyang imperyo, “na hindi nilulubugan ng araw”