Ang Iglesya Katolika sa Espanya—Ang Kapangyarihan at ang Pribilehiyo
“Iniwan ng Panginoon kay Pedro ang pamamahala hindi lamang sa Iglesya kundi sa buong daigdig.”—Papa Innocent III.
NANG isinulat ni Innocent III ang mga salitang iyon noong maagang ika-13 siglo, naabot na ng Iglesya Katolika noong Edad Medya ang tugatog ng kapangyarihan nito. Ngunit ang daan tungo sa pansamantalang kapangyarihan ay inihanda ng pulitikal sa halip ng espirituwal na mga alyansa. Totoo ito lalo na sa Espanya.
Sinunggaban ng iglesya sa Espanya ang kapangyarihan at pribilehiyo sa pakikiisang puwersa sa Estado.
Relihiyosong Pagkakaisa Isang Pulitikal na Kagamitan
Noong 1479, pagkaraan ng mga dantaon ng pamumuno ng nababahagi at magulong mga kaharian, halos ang buong Espanya ay nagkaisa sa ilalim ng pamamahala nina Ferdinand at Isabella. Subalit paano ba nagkaisa sa diwa at layunin ang bagong tatag na bansa? Si Ferdinand ay humingi ng tulong sa simbahan. Noong 1478 ang Inkisisyon ay itinatag na may pagsuporta ng papa. Ngayon, pinangangasiwaan ng hari at pinatatakbo ng simbahan, isa ito sa pinakamalakas na sandatang kailanman’y naisip upang sugpuin ang relihiyoso at pulitikal na pagtutol. Dahil sa mabilis na pagpapasakop ng lahat ng binyagang mga Katolikong Kastila sa pamatok nito, ang tanging natitirang hadlang sa pagkakaisa ay ang ilang milyong di-binyagan—ang mga Judio at mga Moor.
Noong 1492, sa ilalim ng panggigipit ng Inkisitor-Heneral Torquemada, ipinag-utos nina Ferdinand at Isabella ang pagpapalayas mula sa Espanya ng lahat ng di-binyagang Judio. Pagkaraan ng sampung taon, lahat ng Moor na tumangging maging Katoliko ay pinalayas din. Inilarawan ng prayleng si Bleda ang sapilitang pag-alis ng mga Muslim bilang “ang pinakamaluwalhating pangyayari sa Espanya sapol noong panahon ng mga Apostol.” Sabi pa niya: “Ngayon ay natamo na ang relihiyosong pagkakaisa, at isang panahon ng kasaganaan ang tiyak na magsisimula na.” Ang La España Católica (Espanya, ang Katoliko) ay naging totoo, at bilang pagkilala sina Isabella at Ferdinand ay pinangalang “mga Soberanong Katoliko” ni Papa Alexander VI.
Palibhasa’y natamo ang pagkakaisa ng relihiyon sa bansa, pinalawak ng simbahan sa Espanya ang sakop nito. Sa ilalim ng maharlikang pagtaguyod ng Espanya, kadidiskubre pa lamang ni Columbus ng bagong mga lupain at mga bayan sa Amerikas. Kasama ng mga konkistadores, ang mga prayleng Dominicano at Franciscano ay naglayag patungo sa New World, disididong mapalapit ang mga pagano sa puso ng simbahan.
Si Cortés, ang konkistador ng Mexico, ay sinabihang ang pangunahing layunin ng kaniyang ekspedisyon ay maglingkod sa Diyos at ipalaganap ang pananampalatayang Kristiyano. Gayunman, tahasang inamin niya: “Pumarito ako dahil sa ginto.” Marahil ang karamihan ng mga konkistadores ay may halong mga motibo, kahawig niyaong ipinahayag ng isa sa kanila: “Naparito kami upang maglingkod sa Diyos at gayundin upang magpayaman.”
Bago simulan ang pananakop ng isang rehiyon, babasahing malakas ng mga konkistadores ang isang dokumentong pinamagatang Los requisitos—sa pakinig o wala sa pakinig ng mga katutubo—kung saan ang mga katutubo ay hinihiling na kilalanin na pinamamahalaan ng simbahan ang daigdig at na ang hari ng Espanya ang kinatawan nito. Ang hindi pagkilala rito ay sapat na upang ipalagay na ang militar na nananakop ay isang “makatarungang digmaan.”
Angaw-angaw na mga katutubo ang nabinyagan, ang marami ay karakaraka pagkatapos masakop. Mula noon, ang mga pari at mga prayle ay nakipagtulungan sa mga haring Kastila sa pamamahala sa mga kolonya. Ganito ang sabi ng mananalaysay ng simbahan na si Paul Johnson: “Ang Iglesya Katolika ay isang kagawaran ng gobyerno ng Espanya, lalo na sa Amerikas. . . . Bilang kapalit, ang Simbahan ay humiling ng proteksiyon, pribilehiyo, at ng hindi nagbabagong debosyon ng hari sa orthodoxong pananampalataya.”
Kaya, sa pagtatapos ng ika-16 na siglo, ang simbahan sa Espanya ang naging pinakamakapangyarihang pambansang relihiyon sa Sangkakristiyanuhan. Mayroon itong walang takdang pamamahala sa relihiyon sa buong Espanya at sa malaking bahagi ng New World. Subalit ang isahang kapangyarihan at pribilehiyo na tinamasa nito ay walang salang humantong sa mga pag-abuso na mas matindi kaysa ibang lupain.
[Blurb sa pahina 5]
“Naparito kami upang maglingkod sa Diyos at gayundin upang magpayaman”