Ang Iglesya Katolika sa Espanya—Bakit ang Krisis?
“Sila’y naghahasik ng hangin, at sila’y mag-aani ng ipuipo.”—Oseas 8:7, “The Jerusalem Bible.”
NOONG Mayo 20, 1939, sa simbahan ng Santa Bárbara, Madrid, iniharap ni Heneral Franco ang kaniyang matagumpay na tabak kay Arsobispo Gomá, primado ng Espanya. Magkasamang ipinagdiwang ng hukbo at ng simbahan ang tagumpay na inilarawan ng papa bilang ang “kanais-nais na tagumpay ng Katoliko.” Natapos na ang gera sibil, at maliwanag na nagsisimula na ang isang bagong Katolisismo sa Espanya.
Ang matagumpay na iglesya ay tumanggap ng malaking tulong na salapi mula sa Estado, pangangasiwa sa edukasyon, at malawak na kapangyarihan sa pagsensura sa lahat ng bagay na hindi nakatutulong sa pambansang Katolisismo. Subalit ang matagumpay na militar-relihiyosong krusada ay naghasik din ng mga binhi ng paghina ng simbahan.
Sa paningin ng maraming Kastila, ang simbahan ay kasangkot sa mga kalupitan ng matagumpay ng mga hukbo. Totoo, agad-agad pagkatapos ng mga taon ng digmaan, ang karamihan ng mga mamamayan ay nagtungo sa Misa. Upang makapasok sa trabaho o umasenso, makabubuting maging isang mabuting Katoliko. Ngunit napaunlad ba ng armadong lakas at pulitikal na panggigipit ang tunay na pananampalataya?
Pagkalipas ng apatnapung taon, sasagutin ng sunud-sunod na krisis ang tanong na iyan.
Krisis sa Pananampalataya: Noong 1988 3 lamang sa 10 katao sa Espanya ang regular na aktibo sa relihiyong Katoliko, at ang karamihan ay itinuturing ang kanilang mga sarili na “hindi gaanong relihiyoso kaysa noong mga sampung taon ang nakalipas.” Ipinakita ng isang surbey, isinagawa para sa El Globo, isang lingguhang babasahing Kastila, na bagaman ang karamihan ng mga Kastila ay naniniwala sa Diyos, wala pa sa kalahati sa kanila ang kumbinsido na mayroong kabilang buhay. Kataka-taka sa lahat ay ang tuklas na kasindami ng 10 porsiyento niyaong ipinalalagay ang kanilang mga sarili na aktibong mga Katoliko ang nagsabi na hindi sila naniniwala sa isang personal na Diyos.
Krisis sa mga Bokasyón: Ang Espanya ay dati-rating nagpapadala ng mga pari sa apat na sulok ng globo. Tatlumpung taon ang nakalipas, 9,000 ang inoordina taun-taon. Ngayon, ang bilang na iyan ay bumaba sa isang libo, at maraming malalaking seminaryo ang hindi ginagamit. Bunga nito, ang katamtamang edad ng mga paring Kastila ay tumataas—16 na porsiyento ngayon ay mahigit na 70 anyos ang edad, samantalang 3 porsiyento lamang ang wala pang 30.
Krisis sa Paglalaan ng Salapi: Ibinubukod ng bagong konstitusyon ng Espanya ang Simbahan at ang Estado. Dati, malaking tulong na pananalapi ang automatikong ibinibigay ng Estado sa Iglesya Katolika. Ipinakilala ng kasalukuyang gobyerno ang isang bagong sistema kung saan isang maliit na porsiyento ng buwis ng bawat tao ay inilalaan alin sa simbahan o sa isang mahalagang kapakanang panlipunan, depende sa kagustuhan ng nagbabayad ng buwis. Kataka-taka, 1 lamang sa bawat 3 Kastilang nagbabayad ng buwis ang may gustong ang simbahan ang tumanggap ng kaniyang salapi. Ito ay isang dagok sa mga autoridad na Katoliko, na tumatayang halos doble ng bilang na iyan ang magbibigay ng “relihiyosong buwis” na ito sa simbahan. Ito’y nangangahulugan na malayo pang mangyari ang simbahan na sariling-sikap.
Samantala, wari bang mabigat ang loob ng gobyerno na patuloy na bigyan ng tulong na salapi ang simbahan ng halagang $120 milyon isang taon. Hindi lahat ng Katoliko ay maligaya tungkol sa kalagayang ito. Binanggit ng isang teologong Kastila, si Casiano Floristán, na “ang isang simbahan na hindi tumatanggap ng sapat na abuloy buhat sa mga tapat ay alin sa walang mga tapat o hindi isang simbahan.”
Krisis sa Pagsunod: Apektado ng krisis na ito kapuwa ang mga pari at mga tao sa parokya. Ang nakababatang mga pari at mga teologo ay karaniwang nababahala sa mga usaping panlipunan sa halip na sa mga usaping relihiyoso. Ang kanilang “progresibong” mga hilig ay salungat sa konserbatibong herarkiya ng Espanya at gayundin ng Vaticano. Halimbawa ay si José Sánchez Luque, isang pari mula sa Málaga, na may akala na “ang Simbahan ay walang monopolyo sa katotohanan” at na dapat nitong “turuan ang mga mamamayan, nang hindi sila dinudumina.”
Maraming Katoliko sa Espanya ang may gayon ding palagay—sangkatlo lamang ng mga Katoliko sa Espanya ang pangkalahatang sumasang-ayon sa sinasabi ng papa. At hindi pa nga gaanong sinasang-ayunan ang episkopado sa Espanya. Sa mga Katolikong nakapanayam sa isang surbey kamakailan, sangkapat lamang ang nagsabi na “wala silang pakialam” sa mga obispo, samantalang 18 porsiyento naman ang nagsabi na sa anu’t ano man ay hindi nila nauunawaan ito.
“Isang Ikalawang Ebanghelisasyon”
Sa harap ng nakatatakot na kalagayang ito, inilathala ng mga obispong Kastila noong 1985 ang isang di-karaniwang serye ng mga pag-amin. Kabilang sa ibang mga bagay, inamin nila:
“Ating nilambungan sa halip na ihayag
ang tunay na mukha ng Diyos.”
“Marahil itinanikala natin
ang Salita ng Diyos.”
“Hindi lahat sa atin ay nagpaliwanag
sa walang-bantóng mensahe ni Jesus.”
“Hindi kami gaanong nagtiwala sa Diyos at nagtiwala ng labis
sa kapangyarihan ng sanlibutang ito.” a
Kinilala rin ng mga obispo na ang bansa ay nagiging higit at higit na sekular, o walang interes sa relihiyon. Iminungkahi nila ang isang “ikalawang ebanghelisasyon” sa Espanya. Gayunman, iilan ang sumunod sa kanilang panawagan. Dalawang babaing Katoliko na nagtungo sa bahay-bahay ang nagulat. Mas maraming panahon silang ginugol sa pagpapaliwanag sa mga maybahay na sila’y hindi mga Saksi ni Jehova kaysa panahong ginugol nila sa pagbibigay ng kanilang mensaheng Katoliko.
Hindi ito dapat ipagtaka, sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit 18 milyong oras noong nakaraang taon sa pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao sa Espanya sa isang tunay na pambansang ebanghelisasyon. Lahat ng mga Saksi—gaya ng unang-siglong mga Kristiyano—ay nakadarama ng obligasyon na “gawin ang gawain ng isang ebanghelista.” (2 Timoteo 4:5, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko) At bagaman nakasusumpong sila ng malaganap na kawalang-interes sa relihiyon, ang ebanghelyo, o ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, na kanilang ibinabahagi ay nakasusumpong ng maraming tagapakinig.
Isang may edad nang lalaki na kanilang nakilala ay si Benito. Nang sumiklab ang gera sibil, nasumpungan niya ang kaniyang sarili sa isang lugar na kontrolado ng militar na mga insurekto. Siya ay sapilitang kinalap bilang isang sundalo, subalit sa kaniyang puso nadarama niyang mali ang makipagdigma. Hindi niya tinanggap na iyon ay isang “sagradong digmaan.” Sa halip na patayin ang kaniyang kapuwa, sadya niyang binaril ang kamay niya upang hindi niya makalabit ang gatilyo.
Pagkalipas ng apatnapung taon, siya at ang kaniyang asawa ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa si Benito na malaman na hinihimok mismo ng Diyos ang kaniyang bayan upang “pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod,” gaya ng udyok sa kaniya ng kaniyang budhi noon pa man. (Isaias 2:4) Sa kabila ng humihinang kalusugan, hindi nagtagal ginagawa na rin niya ang gawain ng isang ebanghelista.
“Isang Magandang Bulâ”
Si Gloria ay isang Katoliko na itinalaga sa sarili na sambahin ang Diyos sa kaniyang sariling paraan. Sa loob ng mga ilang taon itinalaga niya ang kaniyang buhay sa simbahan bilang isang misyonerang madre sa Venezuela. Subalit siya’y nawalan ng tiwala nang hindi niya masumpungan ang mga kasagutan sa kaniyang mga tanong tungkol sa mga doktrina ng simbahan, gaya ng pagiging Imaculada Concepcion ni Maria, purgatoryo, at Trinidad.
Tuwing susubukin niyang matamo ang mga paliwanag, siya’y laging sinasabihan na ito ay isang misteryo. ‘Bakit ba ginagawa ng Diyos na napakahirap unawain ang mga bagay?’ tanong niya sa sarili. Noong minsan siya’y binabalaan na kung siya’y nabuhay noong panahon ng Inkisisyon, siya marahil ay sinunog na. ‘At malamang na totoo iyan,’ aniya.
Dahil sa gayong tahasang mga pagtanggi, duda siya nang dalawin siya ng mga Saksi ni Jehova. Subalit nang matanto niya na ang lahat ng itinuturo nila ay pinatutunayan ng Kasulatan, na sa wakas ay nauunawaan niya ang mensahe ng Diyos para sa sangkatauhan, tuwang-tuwa siya. Ngayon itinatalaga niya ang marami sa kaniyang panahon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
“Ngayon, kapag naiisip ko ang tungkol sa lahat ng relihiyosong mga seremonya ng Iglesya Katolika,” sabi ni Gloria, “inihahambing ko ito sa isang magandang bulâ, kumikinang na may maraming kulay, subalit walang laman—kung susuriin mo pang mabuti, ito’y basta naglalaho.”
Sina Benito, Gloria, at libu-libo pang mga Saksi ni Jehovang gaya nila sa Espanya, ay nakasumpong ng tunay na espirituwal na kaginhawahan sa pamamagitan ng pagbaling sa walang-halong mga tubig ng katotohanan na nasa Banal na Kasulatan. Ang gayong kaginhawahan ay wala sa kapita-pitagang institusyong iyon sa Iberia, ang iglesya sa Espanya—napakayaman sa tradisyon datapuwat napakadukha sa nilalamang espirituwal, napakamakapangyarihan sa loob ng mga dantaon subalit ngayo’y lubhang walang-kaya upang masugpo ang kawalang-interes ng kaniyang umuunting kawan.
Minsa’y sinabi ni Jesu-Kristo, tinutukoy ang pangangailangan na kilalanin at iwasan ang relihiyosong pagkakamali: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa datapuwat sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay inyong makikilala sila. . . . Inuulit ko, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.”—Mateo 7:15-20, JB.
Iniiwan namin sa mambabasa na hatulan para sa kaniyang sarili ang mga bunga ng Katolisismo sa Espanya.
[Talababa]
a Isa pang pag-amin ang ginawa sa isang pinagsamang asamblea ng mga pari at mga obispo noong 1971. Bagaman hindi ipinasa ng hinihiling na dalawang-katlo ng karamihang boto, pinagtibay ng mahigit na kalahati ang pangungusap na ito: “Mapakumbaba naming kinikilala at inihihingi ng tawad na hindi namin alam kung paano, noong kinakailangan, na maging tunay na ‘mga ministro ng muling pagkakasundo’ sa gitna ng ating bayan na giniyagis ng isang digmaan na pumapatay ng sariling kapatid.”
[Blurb sa pahina 12]
Ang mga obispong Katoliko ay nanawagan para sa isang ikalawang ebanghelisasyon sa Espanya. Iilan lamang ang sumunod sa kanilang panawagan
[Larawan sa pahina 9]
Mga 3 lamang sa 10 Kastila ang regular na nagsisimba
[Larawan sa pahina 10]
Ang Simbahan ng Sagrada Familia sa Barcelona ay hindi pa rin tapos pagkalipas ng isang daang taon ng pagtatayo at pangingilak ng mga abuloy
[Credit Line]
Photo: Godo-Foto